Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 1/1 p. 22-27
  • Ang Kasakiman ay Nakamamatay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Kasakiman ay Nakamamatay
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sino ang Maaaring Tablan?
  • Guniguning Kapanatagan sa Buhay
  • Mga Koneksiyon sa Kapuwa Kristiyano
  • Mag-ingat Laban sa Panukala ng Dagling-Pagyaman
  • Isang Nakapipinsalang Hilig
  • Patuloy na Iwasan ang Silo ng Kasakiman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Ano ang Magiging Kapalit ng Negosyo Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Magtagumpay ng Pag-iwas sa Silo ng Kasakiman
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Pananatiling may Pagkakaisang Kristiyano sa Relasyong Pangnegosyo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 1/1 p. 22-27

Ang Kasakiman ay Nakamamatay

“ANG motibo ay kasakiman,” ang paratang ng assistant district attorney. Ang krimen ay pagpatay. Isang lalaking 29-anyos ang nasa harapan ng hukom at ang paratang sa kaniya ay pagbaril at pagpatay sa ama, ina ng kaniyang asawa at 16-anyos na kapatid na lalaki. Sa anong dahilan? Upang makamana ng isang ari-ariang nagkakahalaga ng $200,000!

Bagaman ang lubhang karamihan ay hindi magbibigay-daan sa kasakiman upang mahila sila na pumatay ng kapuwa, kalimitan na ang kasakiman ang sanhi ng pagkasira ng mabuting relasyon. Pagka ang kasakiman ay nakasingit sa kongregasyong Kristiyano, espirituwal na kapinsalaan at kamatayan pati ang maaaring ibunga dahil sa pagbabangon ng kapatid laban sa kapatid at pagkakapootan hanggang sa umabot iyon sa sukdulang espirituwal na ‘pagpatay.’​—1 Juan 3:15; Marcos 7:21, 22.

Sino ang Maaaring Tablan?

Lahat tayo ay may angking kasakiman. Dahilan sa minanang di-kasakdalan, ang kasakiman ang resulta ng normal na hangaring magkamal ng kayamanan at magkaroon ng siguradong kabuhayan. (Roma 5:12) Nanggagaling ito sa labis-labis na hangarin na magkaroon ng mga ari-arian, ng katanyagan o kapangyarihan. Nababago nito ang isang taong makonsiderasyon at nagagawa siyang marahas at walang pakundangan. Di pa nalalaunan, may isang grupo na kung ihahambing sa iba ay mas madaling madala ng tusong mga pakana ng masasakim na opereytor.

Ang mga taong relihiyoso ang lalo nang pinupuntirya ng mga manggagantso. Bakit? Karaniwan nang ang mga taong relihiyoso ay madaling magtiwala at gusto nilang makatulong sa iba. Nakikita ng masasakim na ito’y isang tanda ng kahinaan​—pagka madaling maniwala. Pagkatapos na imbestigahan ng U.S. attorney Brent Ward ang isang kaso sa Utah na kung saan ang mga miyembro ng isang grupong relihiyoso ay nagantso ng $200 milyon sa loob ng dalawang taon humigit-kumulang, sinabi niya: “Kailanma’t pumasok ang relihiyon sa ano mang pagbebentahan para bang may pagkakasundo na ang di-paniniwala at paniniwala.” Ang mga biktimang ito ay nagantso at napapaniwala na sila’y agad-agad, na madaling yayaman kahit wala silang gawin kundi ang mamuhunan ng salapi. Kasakiman kaya ang motibo na nag-udyok sa iba sa kanila na magbitiw ng kanilang pinagpagurang naimpok?

Guniguning Kapanatagan sa Buhay

Papaano ba umuunlad ang kasakiman​—at ang hangaring magkamal ng ari-arian at kayamanan? Papaano nangyayari na dahil sa kasakiman ay nagiging mapaniwalain ang isang taong tuso naman na mamuhunan? Sa Eclesiastes 4:4 ay tinutukoy ang isang sagot dito: “Napag-alaman ko rin kung bakit ang mga tao’y puspusang nagpapagal upang magtagumpay; ito’y dahilan sa kinaiinggitan nila ang mga bagay na mayroon ang kanilang kapuwa. Nguni’t ito’y walang kabuluhan. Katulad ito ng paghahabol sa hangin.”​—Today’s English Version.

Para sa mapagsamantalang mga negosyante, malimit na ang kanilang pagnenegosyo’y kaugnay ng mga bagay na para sa mayayaman​—isang kotseng de-luho, mamahaling mga alahas​—at ginagamit nila ito na patibong na pumupukaw ng kasakiman upang makahuli ng biktima. Ibig nilang mainggit ka sa kanilang mga luho. Anupa’t mahihila ka nilang maniwala na kung mamumuhunan ka sa kanilang negosyo, magkakaroon ka rin ng ganoong mga ari-arian at yayaman ka kahit hindi ka gaanong magtrabaho. Ang totoo, kung hindi man tuwirang maglaho ang iyong puhunan, ang kaduduluhan mo’y ang pagtatrabaho nang mas mahahabang oras at nang lalong puspusan.

Ang kasakiman ay lumilikha ng guniguni na salapi lamang ang tanging kailangan ng mga tao. Totoo, ang salapi ay nagagawang isang pananggalang, nguni’t hindi mabibili ng salapi ang kaligayahan o ang buhay na walang hanggan. “Ang karunungan ay sanggalang na gaya ng salapi na sanggalang; nguni’t ang kahigitan ng kaalaman ay na iniingatan ng karunungan ang buhay niya na nagtataglay niyaon,” ang sabi ng Eclesiastes 7:12. Ang pagkilos na salig sa tumpak na kaalaman sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ang nagdadala ng tunay na kaligayahan at humahantong sa buhay na walang hanggan. Kung gayon, hindi ba kapantasan ang mamuhunan ka upang magkaroon ka ng kayamanang espirituwal buhat sa Diyos, imbis na ang pagsumikapan mo’y materyal na kayamanan ng tao? ​—Mateo 5:3; Lucas 12:20, 21; Juan 17:3.

Gayunman, hindi ang salapi mismo ang suliranin. Ang talagang suliranin ay, Papaano natin nakukuha ang salapi, at ano ang ginagawa natin doon?​—Mateo 6:24.

Mga Koneksiyon sa Kapuwa Kristiyano

Mayroong mga kompanyang tagapagbenta na nagpapayo sa kanilang mga kinatawan na lahat ng kanilang kakilala’y ituring nila na isang baka mahimok nila na maging parokyano​—pati na yaong mga nasa kanilang simbahan. Ang mga kapananampalataya ang ginagawang parokyano para sa ano mang kalakal na ipinagbibili. Isang pamamaraan ito na ginagamit ng mga negosyante upang dumami ang kanilang parokyano. Subali’t nanaisin kaya ng isang tunay na Kristiyano na samantalahin ang kaniyang koneksiyon sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano para may mapakinabang siya sa kanila?​—1 Corinto 10:23, 24, 31-33.

Pagkatapos na gumugol nang tatlong taon si apostol Pablo sa pakikisama sa kongregasyon sa Efeso, nasabi niya na taglay ang malinis na budhi: “Hindi ko inimbot ang pilak ninuman, o ang ginto, o ang pananamit.” (Gawa 20:33) Si Pablo ay hindi nag-imbot sa kayamanan ng iba at hindi rin niya ginamit ang katotohanan para sa kaniyang sariling kapakinabangan.

May mga negosyo na gumagamit ng pangalan ng Diyos sa kanilang mga pag-aanunsiyo at ang kanilang kampanya sa pagbebenta ay nakatuon sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng Kingdom Hall. Masasabi bang ang kanilang ginagawang ito ay kasuwato ng simulain sa Gawa 20:33? Hindi! Ang mga Kingdom Hall o mga grupo para sa pag-aaral ng Bibliya o yaong mga asamblea ng mga Saksi ni Jehova ay hindi mga dako na para pasukan ng anuman na tungkol sa negosyo o para doon mangalap ng mga trabahador, kundi, bagkus, nagsisilbi itong mga sentro para sa espirituwal na pag-uusap-usap at pagsasamahan bago ganapin ang pulong, sa panahon ng pulong at pagkatapos. (Hebreo 10:23-25) Kaya, kung ang espirituwal na kagandahan ng pagsasamahang Kristiyano ay hahaluan ng komersiyalismo, ito’y lubusang pagpapawalang-halaga sa espirituwal na mga bagay.

Nariyan din ang tungkol sa pagsasamantala sa iyong koneksiyon sa mga kapuwa Kristiyano sa labas ng Kingdom Hall. Ibig bang sabihin ay na ang mga magkakapuwa Kristiyano ay hindi maaaring makipagkalakalan sa isa’t isa o magbákas sa isang negosyo? Hindi, sapagka’t iyan ay nasa sariling pagpapasiya. Datapuwa’t, may mga Kristiyano na nagtatayo ng mga negosyong humihila tungo sa kasakiman at inaakit nila na maging kasama nila o mga tagapagbentang ahente ang kanilang mga kapananampalataya. Marami sa mga negosyong ito ang bumagsak, at napapariwara ang pinuhunang kaylaki-laking salapi ng napaglalangang mga namumuhunan.

Totoo, may mga pagkakataon na ang hangarin ng mga namuhunan mismo ay ang dagling kumita ng salapi. Subali’t hindi ba dapat na ang gayong organisador ay dapat makadama ng pananagutan sa iba tungkol sa maaaring kalabasan ng gayong negosyo? Hindi ba dapat niyang patiunang pag-isipan kung ano ang posibleng magiging resulta sa espirituwalidad ng iba sakaling bumagsak ang negosyo? Kung gayon, hindi ba kung mas malaki ang iyong pananagutan ay karaniwan nang mas malaki rin ang iyong sagutin?

May mga ilang tagapangasiwang Kristiyano na nagpundar ng mga negosyong kapinsa-pinsala sa kanilang mga kapananampalataya. Dapat nilang alamin na baka ito makaapekto sa kanilang mga pribilehiyo sa kongregasyon. Walang sinuman na dapat pagsabihan kung paano patatakbuhin ang kaniyang pamumuhay. Gayunman, hindi dapat samantalahin ng isang Kristiyano ang kaniyang koneksiyon sa mga kapuwa Kristiyano para malamangan sila sa negosyo.​—2 Corinto 6:3, 4; 7:2; Tito 1:7.

Mag-ingat Laban sa Panukala ng Dagling-Pagyaman

Ang Kristiyano na nakakakita sa panganib na siya’y mapasangkot sa makasanlibutang panukala ng dagling-pagyaman ay maaaring mawalan ng ingat pagka mga kapananampalataya ang kasangkot sa panukalang iyon at malinlang siya ng ganitong pangangatuwiran: ‘Siempre, ang negosyong ito ay naiiba; ang kasangkot dito’y mga kapuwa Kristiyano, at magagamit ko ang ekstrang kuwarta. Siguradong hindi sila mapapasangkot sa ano mang mapanganib na negosyo at isapanganib ang puhunan ng kanilang mga kapananampalataya. Isa pa, bibigyan ako nito ng sapat na panahon para sa espirituwal na mga bagay. Baka makapagpayunir pa ako.’ Pakaingat! “Ang puso ay higit na magdaraya kaysa anupaman at mapanganib,” ang babala ng Bibliya. Kasali na rito ang puso mo. Baka tayo’y bulagin ng kasakiman, na anupa’t ang sundin natin ay yaong mapanganib na daan at pagsamantalahan ang ating mga kapatid ukol sa mapag-imbot na mga hangarin. Taimtim na suriin natin ang ating mga hangarin sa liwanag ng Salita ng Diyos.​—Jeremias 17:9, 10.

Hindi isang katalinuhan ang may kabulagang makisama ka sa isang negosyo sa kaninuman, maging sa mga kapananampalataya man. Isang katalinuhan na ‘tayahin muna ang magagastos.’ (Lucas 14:28, 29) Alamin ang mga katotohanan​—ang iyong limitasyon, ang limitasyon ng negosyo.

Narito ang isang ilustrasyon: Alam ng isang maingat na drayber ang limitasyon ng kaniyang kotse at ang pasikut-sikot ng daan. Alam niya na mas madaling magmaneho ng mga ibang kotse sa mga kurba at mga rotonda upang maiwasan ang mga balakid sa mas higit na kabilisan kaysa kaniyang kotse. Alam din niya na mientras mabilis tumakbo ang isang kotse ay mas malaki ang peligro na magkabisala at lalong malaki ang panganib na maaksidente. Kung gayon, ayaw niyang subukang gawin ang nagagawa ng mga ibang drayber at ng kanilang mga kotse​—alam niya ang limitasyon. Gayundin, hindi ngayon ang panahon na dapat nating subukin kung hanggang saan tayo makararating at gaano tayong kabilis sa sistemang ito. Hindi como nagtatagumpay sa negosyo ang isang Kristiyano ay magtatagumpay ka rin. Ang kasakiman, tulad ng alak sa isang nakainom na drayber, ay maaaring humila sa isang Kristiyano na sumobra ng pagtaya sa kaniyang limitasyon, na ang resulta’y espirituwal na panghihina at kapinsalaan o, lalong malubha, espirituwal na kamatayan.​—Galacia 5:26.

Bago sumangkot sa isang negosyo tanungin ang sarili mo: Talaga kayang kinakailangan ito? Pumupukaw kaya ito ng kasakiman, o sinasapatan kaya nito ang isang tunay na pangangailangan? Maaatim ko kayang mawala sa akin ang lahat ng salaping pinupuhunan ko? Sakaling bumagsak ang negosyo, maaalisan kaya ako o ang aking pamilya ng kinakailangang kasiguruhan sa kabuhayan? Gaanong kapanganib ang aking pinaglagakan ng puhunan? Kung ako ang magiging may-ari ng negosyo o kasosyo sa negosyo, gaano ba ang karanasan ko at talino ko sa negosyo? May nalalaman ba ako sa mga batas tungkol sa buwis? Akin bang nasaliksik ang mga kredensyal at simulain ng mga may-ari ng negosyo? Mayroon bang malawak na mapagbebentahan ng mga produkto ng negosyo? Ako kaya’y mapapatali sa negosyo na anupa’t mahihirapan ako na huminto? Kung sakaling magkasakit ako nang malubha, papaano ba ang mangyayari sa negosyo?

At ang lalong mahalagang itanong: Talaga kayang magkakaroon ako ng higit na panahon na magagamit sa espirituwal na mga bagay, o mababawasan pa ang panahong ukol dito? Ilan sa mga naroroon na sa negosyo ang talagang nakapagpasulong pa ng dami ng panahong ginugugol nila sa espirituwal na mga bagay?

Ang mga sagot sa mga tanong na iyan ay tuwirang kaugnay ng iyong espirituwalidad. Ang masasamang kinaugalian sa negosyo, pati mga panukala at mga plano ay hindi nauuwi sa kabutihan dahil lamang sa ang mga kasangkot doon ay mga magkakapuwa Kristiyano, gaya rin ng kung papaano ang isang bahay na niyari na may magagaling na materyales ay hindi ligtas na tirahan kung may bagyo kung ang pundasyon niyaon ay nakatayo sa buhanginan. Ang panganib para sa Kristiyano ay hindi lamang naroon sa maluluging salapi kundi sa pagkapariwara ng kaniyang espirituwalidad.​—Mateo 7:24-27.

Napatunayan ni Daniel, na may anim na anak, na ang kaniyang $200,000-isang-taon na negosyo ay gumugugol ng napakaraming oras at malayo siya sa kaniyang pamilya, pati espirituwalidad niya ay nanghihina. Kaya’t ano ang ginawa niya? “Minabuti ko na umalis sa negosyong iyon,” aniya. Iyan ay noong 12 taon na ngayon ang nakalipas at, sinabi pa niya, “Hindi ko pinagsisisihan iyon; nagtamo ako ng maraming pagpapala kay Jehova, at ang aming buong pamilya ay nagkakaisang naglilingkod sa ating Dakilang Maylikha, si Jehova.”

Isang Nakapipinsalang Hilig

Isang nakapipinsalang hilig sa materyalismo ang gumagambala sa marami, na humihila sa nababahalang mga Kristiyano na magsabi ng ganito:

“Ang daigdig ay puno ng mga panukala na mabilis na kumita ng malaking salapi​—buo o bahaging panahon man, lalo na sa larangan ng diretsong pagbebenta. Marami sa aking mga kapuwa Kristiyano ang naakit​—upang maiwala lamang ang mahalagang panahon at salapi. Ako mismo ay makatatlong beses na nalugi. Ikinalulungkot ko na dahil sa aking kagagawan ay napasangkot ang ilan sa aking mga kapananampalataya. Sila’y nalugi ng salapi na mapait sa kanilang kalooban na mapaganoon.”

“May mga prominenteng Kristiyano na nagpapasok sa mga kapatid ng mga negosyong pamumuhunan. Noong nakalipas na linggo ay makaitlong nilapitan ako, ng isang kapatid na nagbebenta ng isang produkto, ng alok na mamuhunan sa isang klub na binubuo ng mga kapatid at para sa kanila, o maging kasamá ng isang kapatid sa pagnenegosyo.”

“Waring ang mga Kristiyano’y haling na haling sa ganitong pagkakataon [pyramid-type na plano sa siguro] na sinuman, ang baguhang interesado, na mga mananampalatayang may espirituwal na suliranin, ay itinuturing na isang maaaring makalap na miyembro ng kanilang organisasyong pangkalakal.”

“Kung minsan yaong mga promotor ng ‘daglian-at-madaling pagyaman’ ay nagpupundar pa ng maling pagkakilala, na ipinahihiwatig nila o sinasabing tahasan, na ang kanilang bagong-katutuklas na kayamanan o tagumpay ay tuwirang resulta ng pagpapala ng Diyos sa kanilang negosyo.”

Ang maka-Diyos na pagkakilala ng Kristiyano sa mga kayamanan ay aantig sa kaniya sa mga silo na likha ng kasakiman at tutulong sa kaniya na huwag padala sa makasanlibutang hilig sa materyalismo. Kung gayon, papaano ba dapat malasin ang kayamanan upang huwag pumukaw ng kasakiman?

[Larawan sa pahina 23]

Ang masasakim na negosyante ay gustong mainggit ka sa kanilang mga luho

[Blurb sa pahina 24]

Pagka nakasingit sa kongregasyon ang kasakiman, baka ang resulta’y pinsala sa espirituwalidad

[Blurb sa pahina 24]

Ang kasakiman ay lumilikha ng guniguni na salapi lamang ang kailangan ng tao

[Larawan sa pahina 25]

Ang maka-Diyos na pagkakilala sa kayamanan ay umaantig sa Kristiyano sa mga silo ng kasakiman

[Blurb sa pahina 26]

Ang Kingdom Hall ay hindi lugar ng pangangalap ng trabahador o dako ng negosyo

[Blurb sa pahina 26]

‘Ikinalulungkot ko na dahil sa akin ay napasangkot ang aking mga kapananampalataya. Sila’y nalugi ng salapi na mapait sa kanilang kalooban na mapaganoon’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share