Buhay ang Salita ng Diyos
Sinong Diyos ang Paglilingkuran Mo?
ANG tanong na iyan ay angkop ngayon gaya rin noong halos 3,000 taon na ngayon ang lumipas. Noon ang propeta ni Jehova na si Elias ay nagtanong sa mga Israelita: “Hanggang kailan kayo mag-aalinlangan sa dalawang nagkakaibang isipan?” Hindi makapagpasiya ang mga tao kung alin bagang Diyos ang paglilingkuran nila. Kaya’t ang sinasabi rito ni Elias ay: “Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; nguni’t kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya.”
Papaano makapagpapasiya ang mga tao? Iminungkahi ni Elias na daanin iyon sa pagsubok. ‘Ang 450 mga propeta ni Baal ay kumuha ng isang guyang toro,’ aniya, ‘katayin at ilagay sa ibabaw ng kahoy bilang handog, nguni’t huwag lalagyan ng apoy sa ilalim. At ako naman ay kukuha ng isang guyang toro at ganoon din ang gagawin ko. Pagkatapos ay tumawag sila sa pangalan ni Baal, at ako naman ay tatawag sa pangalan ni Jehova. At ang Diyos na magpapadala ng apoy bilang kasagutan ang siyang tunay na Diyos. Lahat ng tao ay sumang-ayon na ito’y isang mabuting pagsubok.
Ang mga propeta ni Baal ang naghandang una ng isang guyang toro sa kanilang dambana. At, mula sa umaga hanggang sa tanghali, sila’y nanawagan: “Oh Baal, sagutin mo kami!” Subali’t walang sagot. Sa tanghali ay sinimulan na ni Elias na tuyain sila: ‘Sumigaw kayo nang inyong buong lakas, sapagka’t baka umalis siya upang dumumi. O baka siya’y natutulog at kailangang gisingin.’ Kaya’t ang mga propeta ni Baal ay humiyaw nang buong lakas at sila’y nagsipagkudlit ng katawan sa pamamagitan ng mga sundang at mga sibat hanggang sa bumulwak ang dugo sa kanila. Subali’t hindi sumagot si Baal.
Ngayon ay hinusay ni Elias ang dambana ni Jehova na gumiba. Kaniyang kinatay ang guyang toro at inilagay iyon sa ibabaw ng kahoy. Pagkatapos ay makaitlong itinubog niya sa tubig ang handog, ang kahoy at ang mga bato ng dambana. At kaniyang pinuno rin ng tubig ang malaking labangan na ginawa niya sa palibot ng dambana.
At nang gumabi na, si Elias ay nanalangin: “Sagutin mo ako, Oh Jehova, sagutin mo ako, upang makilala ng bayang ito na ikaw, Oh Jehova, ang tunay na Diyos.” At nang mga sandaling iyon ay nahulog ang apoy na galing kay Jehova. Sinunog ang handog, ang mga piraso ng kahoy, ang mga bato at ang alikabok, pati ang tubig sa labangan. Nang makita ito ng mga tao, sila’y nagpatirapa at ang sabi: “Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!”—1 Hari 18:21-40.
Ipinasiya mo na ba kung sinong Diyos ang paglilingkuran mo? Hindi ka makapag-uurong-sulong sa dalawang isipan. Iisa lamang ang tama. Ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay, si Satanas na Diyablo, ay sinasamba ngayon, nguni’t hindi gaanong sa pamamagitan ng paglilingkod sa isang lokal na diyos ng pagsasaka, gaya ni Baal noong una. Kundi si Satanas ang talagang sinasamba pagka materyal na mga bagay ang inuna ng mga tao, na nagsisilbi sa kanilang sariling kapakanan imbis na gawin ang kalooban ng kanilang Maylikha, si Jehovang Diyos. Kaya’t nasa iyo ang pumili. Ang tamang pagpili ay ipinamalas ni Jesu-Kristo nang sumipi siya sa Salita ng Diyos at ang sabi: “Si Jehovang iyong Diyos ang iyong sasambahin, at siya lamang ang iyong pag-uukulan ng banal na paglilingkod.”—Mateo 4:10.