Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 1/15 p. 16-22
  • Itayo ang Kinabukasan Mo Kasama ng Organisasyon ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Itayo ang Kinabukasan Mo Kasama ng Organisasyon ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Walang Kinabukasan ang Matandang Sistemang Ito!
  • Itayong May Katalinuhan ang Iyong Kinabukasan
  • Ilang Makatuwirang mga Tunguhin
  • Magtayo ng Matatag na Kinabukasan
  • Sumasabay Ka ba sa Pagsulong ng Organisasyon ni Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
  • Laging Isaisip na Malapit Na ang Araw ni Jehova
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
  • Pagtatatak sa Israel ng Diyos
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
  • Iniligtas na Buháy sa Panahon ng Malaking Kapighatian
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 1/15 p. 16-22

Itayo ang Kinabukasan Mo Kasama ng Organisasyon ni Jehova

“Matakot ka kay Jehova buong araw. Sapagka’t tunay na may kinabukasan ka, at ang iyong sariling pag-asa ay hindi mapuputol.”​—KAWIKAAN 23:17, 18.

1, 2. Ano ang isa sa mga bagay na nakita ni apostol Juan nang magtatapos na ang unang siglo C.E.?

ANG mga bagay sa hinaharap ay isinisiwalat ni Jehova sa kaniyang mga lingkod at ito’y umaakay sa kanila upang kumilos nang may karunungan. (Isaias 42:9) Halimbawa, nang magtatapos na ang unang siglo C.E., ang matanda nang apostol na si Juan ay binigyan ng Diyos ng mga pangitain na nagbibigay ng pag-asa sa hinaharap. Anong tuwa natin at si Juan ay nagpatotoo sa “lahat ng mga bagay na kaniyang nakita” at napasulat sa aklat ng Apocalipsis sa Bibliya!​—Apocalipsis 1:1, 2.

2 Isa sa mga bagay na nakita ni Juan ay “apat na anghel” na pumipigil sa “hangin” na magdadala ng “malaking kapighatian.” Hanggang kailan kakailanganing pigilin ng mga anghel ang mapamuksang mga hangin na iyon? Isa namang anghel ang nagsabi sa kanila: “Huwag ninyong ipahamak ang lupa o ang dagat o ang mga punungkahoy man, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.”​—Apocalipsis 7:1-3, 14; Mateo 24:21, 22.

3. Bago ang pakakawalang “hangin” ay magwasak sa organisasyon ni Satanas, ano na sa panahong iyon ang naganap at sa pamamagitan ng ano?

3 Ang pakakawalang “hangin” ang magwawasak sa makalupang organisasyon ni Satanas na Diyablo, at lubusang gigibain iyon. (Ihambing ang Jeremias 25:32, 33.) Subali’t bago mangyari iyan ang nalabi ng mga pinahiran na maghaharing kasama ni Jesu-Kristo sa langit ay kailangan munang matatakan. Ang pagtatatak sa ‘mga alipin ng ating Diyos sa kanilang mga noo’ ay isinasagawa sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa, na taglay ng mga pinahirang Kristiyano bilang tanda ng kanilang makalangit na mana. (2 Corinto 1:21, 22; Efeso 1:12-14) Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa “huling bahagi ng mga araw” ang tumatapos sa pagtitipon ng “mga pinili” na ito.​—Mikas 4:1; Mateo 24:14, 31.

4. Ilang “mga alipin ng ating Diyos” ang tatatakan nang permanente, at paano mo mapatutunayan buhat sa Kasulatan ang iyong sagot?

4 Ilang “mga alipin ng ating Diyos” ang tatatakan nang permanente? Si Juan, na isa sa kanila, ay nag-ulat nang may katapatan: “Narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, isang daan at apatnapu’t-apat na libo.” Ang mga ito ang bumubuo ng “Israel ng Diyos,” ang espirituwal na Israel, na binubuo ng 12 tribo na tig-12,000 bawa’t isa. (Apocalipsis 7:4-8; Galacia 6:16) Anong pambihirang organisasyon! Sa ilalim ng Haring si Jesu-Kristo, ang 144,000 ay magiging “isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at kanilang paghaharian ang lupa.”​—Apocalipsis 5:10; 14:1-4.

5. (a) Sino ngayon ang kasama ng nalabi ng espirituwal na Israel? (b) Lahat ng nangatatakot kay Jehova ang bumubuo ng ano, at ayon sa Kawikaan 23:17, 18, sila’y mayroong ano?

5 Pagkatapos na masaksihan ni apostol Juan ang espirituwal na Israel, nakita niya ang “malaking pulutong” at ibig niyang malaman kung sino sila. Sa kaniya’y sinabi: “Ang mga ito ang lumalabas buhat sa malaking kapighatian, at sila’y naglaba ng kanilang mga kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” Ang mga nasa “malaking pulutong” na iyon ang makalupang mga sakop ng Kaharian, at isinasaad ng hula na “ang Kordero,” si Jesu-Kristo, ang “papatnubay sa kanila sa mga bukal ng tubig ng buhay”​—oo, buhay na walang hanggan sa isang lupang paraiso. (Apocalipsis 7:9, 14, 17; Lucas 23:43) Sa kasalukuyan ang “mga ibang tupa” ay ‘kaisang-kawan’ ng nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian, at lahat ng gayong mga nangatatakot kay Jehova ang bumubuo ng makalupang organisasyon ng Diyos. (Juan 10:16) Sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa kaniya, sila’y magkakaroon ng pinagpalang kinabukasan, sapagka’t mababasa natin: “Matakot ka kay Jehova buong araw. Sapagka’t tunay na may kinabukasan ka, at ang iyong sariling pag-asa ay hindi mapuputol.”​—Kawikaan 23:17, 18.

Walang Kinabukasan ang Matandang Sistemang Ito!

6. Saan ngayon tayo naroroon sa agos ng panahon?

6 Ngayon ay nasa kalaliman na tayo ng hating-gabi ng “mga huling araw” ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. (2 Timoteo 3:1-5) Ang mga pangyayari sa daigdig kung iyaagapay sa kronolohiya ng Bibliya ay nagpapatunay na nagsimulang naghari sa langit si Jesu-Kristo noong taglagas ng 1914. (Awit 110:1, 2) Sa araw-araw, ang mga balita sa mga pahayagan ay nagpapatunay sa maramihang-bahaging “tanda” ng “pagkanaririto” ni Jesus at ng katapusan ng sistemang ito. (Mateo, kabanata 24, 25) Totoo, ang “saling-lahi” na nabubuhay na nang itatag ang Kaharian noong 1914 ay patuloy na tumatanda. Subali’t ipinakikita ng mga salita ni Jesus na ito’y “hindi lilipas sa ano mang paraan” bago wakasan ng “malaking kapighatian” ang sanlibutang ito ng lipunan ng balakyot na mga tao na “nakalugmok sa kapangyarihan ng isang balakyot,” si Satanas na Diyablo. Kailan pa kaya mangyayari iyan? Tiyak na hindi na magtatagal, sapagka’t ito ang ika-71 taon ng paghahari ng Kaharian!​—Mateo 24:21, 34; 1 Juan 5:19.

7. (a) Ano ang magaganap na pangyayari sa unang bahagi ng “malaking kapighatian”? (b) Ano ang magaganap hindi magtatagal pagkatapos na mapuksa ang huwad na relihiyon?

7 Ang “malaking kapighatian” ay magsisimula nang biglang-bigla. (Mateo 24:36-44) Sa unang bahagi, sasapit ang pagkapuksa sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang pagkawasak ng pangunahing bahaging ito ng sistema ni Satanas ay makakaapekto sa mga bahaging politikal at komersiyal. Isiniwalat ni apostol Juan na “ang mga hari sa lupa” ay mananaghoy: “Sa aba, sa aba mo, na dakilang lunsod ng Babilonya, ang matibay na lunsod, sapagka’t sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo!” At komusta naman ang bahaging komersiyal? “At,” sinabi pa ni Juan, “ang naglalakbay na mga mangangalakal sa lupa ay nagsisitangis at naghihinagpis dahil sa kaniya, sapagka’t wala nang bibili pa ng lahat nilang kalakal.” (Apocalipsis 18:1-19) Hindi magtatagal pagkatapos na mapuksa ang huwad na relihiyon, gagamitin ni Jesu-Kristo ang kaniyang makalangit na hukbo upang lipulin ang natitirang bahagi ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Ito’y papanaw sa mabilis na dumarating na “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Har-Magedon.​—Apocalipsis 16:14-16; 19:11-21.

8. Alin ang tanging organisasyon na may walang hanggang kinabukasan, at bakit gayon?

8 Ano ba ang ibig sabihin nito para sa mga taong may takot kay Jehova? Aba, ang ibig sabihin ay na walang kinabukasan ang sanlibutang ito na kontrolado ni Satanas! Halos tapos na ang panahon nito! Samakatuwid, ang organisasyon ni Jehova ang tanging organisasyon na makapagbibigay ng walang hanggang kinabukasan.

9. (a) Dahilan sa napipintong kapahamakan, anong mga tanong ang magandang ibangon? (b) Anong napapanahong payo ang nasa 1 Timoteo 6:17-19?

9 Dahilan sa napipintong kapahamakan, kung gayon, pagpapakita ba ng pananampalataya, o kahit na matinong kaisipan, kung sa ano mang bahagi ng nahatulang sistemang ito susubukin mong itayo ang isang siguradong kinabukasan? Halimbawa, sa ano bang makasanlibutang korporasyon o kompanya sa negosyo panatag na makapagtatayo ka ng isang walang hanggang kinabukasan? Wala! Kaya hindi ba isang katalinuhan ang makontento ka na kung mayroon kang kinakain at dinadamit samantalang inuuna mo ang mga intereses ng Kaharian sa iyong buhay? (Mateo 6:33; 1 Timoteo 6:7-12; 2 Timoteo 2:4) Lalong napapanahon ngayon ang payo ni apostol Pablo: “Pagbilinan mo ang mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na sila’y huwag magmataas ng pag-iisip, at ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang kasiguruhang mga kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang nagbibigay sa atin ng lahat ng bagay na ating ikasisiya; na sila’y gumawa ng mabuti, maging sagana sa mabubuting gawa, bukas-palad, handang magbigay, na may katatagang nagtitipon para sa kanilang sarili ng mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang sila’y makakapit nang mahigpit sa tunay na buhay.”​—1 Timoteo 6:17-19.

Itayong May Katalinuhan ang Iyong Kinabukasan

10. Ngayong ang “malaking kapighatian” ay nasa harap na harap na natin, ano ang dapat nating higit na pagkaabalahan?

10 Anong laking kasiguruhan sa espirituwal ang ibinibigay ng mga salitang iyan ng apostol! Diyan ay nakikita ng mga lingkod ni Jehova ang pinaka-susi sa kaligtasan. Ito: Panatilihing nasa tumpak na dako ang materyal na mga bagay, sa pagkaalam na ang pinakamahalaga’y hindi ang “walang kasiguruhang mga kayamanan” kundi ang “maging sagana sa mabubuting gawa.” Tiyak na kasali riyan ang masigasig at regular na pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Ngayong ang mga ulap ng bagyo ng “malaking kapighatian” ay namumuo na sa abot-tanaw natin, hindi panahon ito ng pagsasaplano ng isang maunlad na kinabukasan sa isang makasanlibutang kompanya ng negosyo o upang maging isang pangulo ng ano mang korporasyon. Panahon ito upang mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, at bigyang-babala ang walang malay na mga tao tungkol sa napipintong kapahamakan. Isa pa, sinugo tayo ni Jesu-Kristo na mangaral at gumawa ng mga alagad. Kung gayon, iyan ang pangunahing dapat nating pagkaabalahan bilang mga Saksi ni Jehova.​—Mateo 24:14; 28:19, 20; Isaias 43:10-12.

11. Ano ang ilan sa walang hanggang pakinabang na makukuha sa ministeryong Kristiyano?

11 Maraming trabaho na kasalukuyang pinagkakaabalahan ng mga tao ng sanlibutan ang matatapos magpakailanman pagsapit ng “malaking kapighatian.” Totoo, may ilang uri ng gawain na iiral uli sa ipinangako ng Diyos na bagong sistema ng mga bagay. Subali’t may alam ka bang ano mang trabaho sa ngayon na may pinakamaraming kapakinabangang ibinibigay na di-gaya ng ministeryong Kristiyano? Ang espirituwal na pagka-maygulang at kaunlaran na kalakip ng bigay-Diyos na gawaing ito ay magiging kapaki-pakinabang sa Bagong Kaayusan. Ang matibay na kaugnayan kay Jehova na napauunlad sa ministeryo ay magpapatuloy hanggang sa sistemang iyon ng mga bagay. At ang maiinam na katangian sa pagtuturo ay makakatulong sa pagtuturo sa angaw-angaw na bubuhaying-muli sa panahong iyon.​—Isaias 54:13; Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:12.

12. Bilang mga lingkod ni Jehova, anong kahanga-hangang pag-asa mayroon tayo, subali’t ano ang kinakailangan nating gawin?

12 Kung ating pangunahing hangarin ngayon ay makalugod sa Diyos at gawin ang kaniyang kalooban, tunay na tayo’y may kahanga-hangang pag-asa. (Awit 40:8; Roma 12:1, 2) Oo, kung tayo’y ‘natatakot kay Jehova, tayo’y may kinabukasan at ang ating pag-asa ay hindi mapuputol.’ (Kawikaan 23:17, 18) Buhay na walang hanggan ang kakamtin natin kung patuloy na lalakad tayo sa “landas ng buhay” ng pagkatakot sa Diyos. (Awit 16:11) Subali’t, sa ating paglakad ay kailangang magtakda tayo ng makatuwirang mga tunguhing teokratiko na dapat nating marating.

Ilang Makatuwirang mga Tunguhin

13. (a) Salig sa Kasulatan, bakit natin masasabi na ang pagsamba kay Jehova ay patuloy na nakataas? (b) Sa ibang diwa, ano ang ilan sa mga tunguhin na narating na ng daan-daang libong mga tao?

13 Ang iba ay nagsisimula lamang sa matatawag natin na kanilang pag-akyat sa “bundok ng bahay ni Jehova.” Sapol nang mga taon ng digmaan ng 1914-18 nagpapatuloy na nakataas ang pagsamba kay Jehova, na ang templo o “bahay” ay doon nakatayo noong una sa taluktok ng isang bundok sa Jerusalem. Ito’y nakatayo “sa itaas ng taluktok ng mga bundok” na doo’y may itinayong mga templo sa mga huwad na diyos. Sa ganoo’y ang pagsamba kay Jehova ay nakataas “sa itaas ng mga burol.” Sa mataas na pagsamba kay Jehova humuhugos ang napakaraming mga tao. (Mikas 4:1-4; Isaias 2:2-4) Pagkatapos na magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa Kasulatan, sila’y nagsisisi, nagbabalik-loob, nag-aalay ng sarili sa Diyos sa panalangin at sinasagisagan ito ng bautismo sa tubig. (Juan 17:3; Gawa 2:38; 3:19) Sa ibang diwa, ito’y mga tunguhin na nararating ng daan-daang libong mga tao buhat sa lahat ng bansa, na pagkatapos ay naglilingkod kay Jehova nang may katapatan bilang bahagi ng kaniyang makalupang organisasyon. Anong ligaya nila ng pakikibahagi sa itinaas na pagsamba sa tanging tunay na Diyos! Subali’t komusta ka naman? Gumawa ka na ba ng mga hakbang na ito?

14. Kahit na pagkatapos na magsimula na tayo ng pagsamba kay Jehova, kailangang tayo’y sumulong sa ano, at paano ito magagawa?

14 Kahit na pagkatapos na magsimula tayo ng pagsamba kay Jehova kasama ng kaniyang mga lingkod, kailangang tayo’y magkaroon at mamalaging mayroon ng mabuting gana sa espirituwal. Pagkatapos na matutuhan natin “ang mga pangunahing doktrina tungkol sa Kristo,” dapat na tayo’y “sumulong sa pagkamaygulang” sa pamamagitan ng paggamit natin sa lahat ng espirituwal na paglalaan ni Jehova na ibinibigay sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Hebreo 6:1-3; Mateo 24:45-47) Kaya’t mabuting itanong mo sa iyong sarili: Binabasa ko ba nang regular ang Salita ng Diyos? Ako ba’y isang mabuting estudyante ng mga publikasyon na inilaan sa pamamagitan ng uring “alipin”?​—Hebreo 5:11-14.

15. (a) Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa Hebreo 10:24, 25, nguni’t ano ang ginagawa ng iba? (b) Kung mayroon pang pagkakataon na mapasulong mo ang iyong sarili sa pagdalo sa mga pulong o sa ministeryong Kristiyano, ano ang iminumungkahi?

15 At sundin din natin ang payo ni Pablo: “Magmalasakit tayo sa isa’t isa, na pukawin ang isa’t isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa. Huwag papalya sa mga pulong ng komunidad, gaya ng ginagawa ng iba, kundi himukin ang isa’t isa na dumalo; at lalo na habang nakikita ninyo na palapit nang palapit ang Araw.” (Hebreo 10:24, 25, The Jerusalem Bible) Ang palagiang pagdalo sa mga pulong Kristiyano ay bahagi ng ating “banal na paglilingkod.” Nguni’t ang iba’y sa pahayag pangmadla lamang sa linggu-linggo dumadalo, regular na umaalis sa Kingdom Hall bago magsimula ang pag-aaral ng Ang Bantayan. Ang iba’y malimit na hindi dumadalo sa Pulong sa Paglilingkod. Ito kaya’y hindi gaanong makabuluhan sa kanila dahil sa sila’y hindi gaanong nakikibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay at sa iba pang pitak ng ministeryong Kristiyano? Kung mayroon pang pagkakataon na mapasulong mo ang iyong sarili sa alinman sa mga pitak na ito, bakit hindi mo ilapit iyon kay Jehova sa panalangin, at patulong ka na sana’y maging regular ka sa lahat ng bahagi ng “banal na paglilingkod”?​—Hebreo 12:25-29.

16. (a) Anong makatuwirang mga tunguhing teokratiko ang binabanggit dito? (b) Kung dahil sa mga obligasyong maka-Kasulatan ay hindi ka makapagpayunir, ano ang maaari mo pa ring gawin?

16 Ano pa ang ilan sa mga iba pang tunguhing teokratiko? Bueno, parami nang parami ang nagsisilahok ngayon sa buong-panahong ministeryo bilang regular o auxiliary payunir. Mapalalawak mo kaya ang iyong ministeryo sa ganiyang mga paraan? Kung sa bagay, kung dahil sa mga obligasyong maka-Kasulatan ay hindi mo maaaring magawa iyan, makapagbibigay ka pa rin ng moral na suporta sa buong-panahong mga mangangaral samantalang ginagawa mo ang buong makakaya mong paglilingkod sa Diyos ayon sa ipinahihintulot ng iyong kalagayan. Sa pamamagitan ng tapat na pagsamba at paglilingkod kay Jehova, maipakikita nating lahat na ating ‘inilalagak ang ating pag-asa hindi sa walang kasiguruhang mga kayamanan kundi sa Diyos.’ At para sa mga makapagpapayunir, tunay na isa ito sa pinakamainam na paraan upang “makakapit nang mahigpit sa tunay na buhay.”​—1 Timoteo 6:17-19.

17. (a) Anong pribilehiyo sa paglilingkod ang maaaring pag-isipan ng mga kabataan lalung-lalo na? (b) At ano ang kasiyahan ng mga miyembro ng pamilyang Bethel?

17 Ang paglilingkod sa isa sa alin mang tahanang Bethel sa buong daigdig ay isa ring magandang pribilehiyo, na maaaring pag-isipan kalakip ng panalangin ng mga kabataan lalung-lalo na. Ang paglilingkod sa Bethel ay nagbibigay ng napakainam na pagkakataon sa pagsasanay sa pakikisama mo sa kapuwa, sapagka’t ang mga manggagawa sa Bethel ay nagtutulungang mabuti sa isa’t isa upang mapasulong ang mga intereses ng Kaharian. May mga gawain sa Bethel na maaaring magamit sa malawak na gawaing pagtuturo na isasagawa sa Bagong Kaayusan. Siempre, yamang marami ang pumapasok sa Bethel samantalang bata pa, wala silang gaanong materyal na ari-arian. Subali’t kontento na sila sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit at may matinding kasiyahan sa pagkaalam na marami ang natutulungan sa espirituwal ng kanilang gawain.​—Eclesiastes 3:12, 13.

18. Ang pakikibahagi sa buong-panahong paglilingkod ay makapagtuturo sa isang tao ng ano, at paano ito pinatutunayan ng Kasulatan?

18 Ang pakikibahagi sa sarisaring larangan ng buong-panahong paglilingkod ay makapagtuturo sa isang tao na umasa nang lalong higit sa Diyos na Jehova. Ang makasanlibutang mga tao na sa “walang kasiguruhang mga kayamanan” nagtitiwala ay malimit na naniniwalang ang isang tao ang bahala sa kaniyang sarili. Subali’t napatutunayan ng buong-panahong ministro na pinaglalaanan ni Jehova nang sagana yaong mga ‘humahanap muna sa Kaharian at sa kaniyang katuwiran.’ (Mateo 6:25-34) Libu-libong mga payunir na nang maraming taon ang makapagpapatunay na sila’y hindi kailanman nagkulang sa mga pangangailangan sa buhay. Kausapin ninyo sila at sasabihin nila na talagang totoo ang sinabi ng salmistang si David, na ang sabi: “Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda na, gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan ang sinumang matuwid, ni ang kaniyang supling man ay nagpalimos ng tinapay.”​—Awit 37:25.

Magtayo ng Matatag na Kinabukasan

19, 20. (a) Yamang ang panahon ay pagkaikli-ikli na para sa sistemang ito ng mga bagay, ano ang dapat na ginagawa natin? (b) Kaya’t paano tayo makakakilos nang may karunungan kung tungkol sa kinabukasan?

19 Kung tayo’y tapat na mga saksi ni Jehova, natatalos natin na ang panahon ay pagkaikli-ikli na para sa sistemang ito. Kaya’t ano ang dapat na ginagawa natin? Tayo’y dapat na kumikilos nang may karunungan kasuwato ng mga salitang ito ni apostol Pedro: “Yamang lahat ng bagay na ito ay mapupugnaw nang ganito, nararapat na kayo ay maging anong uri ng mga tao sa banal na pamumuhay at mga gawang kabanalan, samantalang inyong hinihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova, na dahil dito ang mga langit na nagniningas sa apoy ay mapupugnaw at ang mga elemento ay matutunaw sa matinding init!”​—2 Pedro 3:11, 12.

20 Niliwanag din ni apostol Juan na ang sanlibutang ito ay lumilipas. (1 Juan 2:15-17) Hindi na magtatagal, papanaw ang matandang sistemang ito. Kung gayon, lahat ng natatakot sa Diyos ay dapat ngayon na abala sa “banal na pamumuhay at mga gawang kabanalan, samantalang inyong hinihintay at laging isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.” Huwag kalilimutan kailanman na tanging ang organisasyon ng Diyos ang makakaligtas sa katapusan ng naghihingalo nang sistemang ito. Kung gayon, kumilos ka na nang may karunungan at magplano para sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagtatayo ng iyong kinabukasan kasama ng organisasyon ni Jehova.

Repaso

◻ Lahat ng nangatatakot kay Jehova ay bumubuo ng ano, at ang Kawikaan 23:17, 18 ay nagbibigay sa kanila ng anong kasiguruhan?

◻ Aling organisasyon lamang ang may kinabukasan, at bakit iyan ang sagot mo?

◻ Ngayong pagkalapit-lapit na ng “malaking kapighatian,” ano ang pangunahing dapat pagkaabalahan ng mga Saksi ni Jehova?

◻ Ano ang ilan sa mga teokratikong tunguhin na maaaring marating ng marami?

[Blurb sa pahina 17]

Sa ngayon, lahat ng tunay na nangatatakot sa Diyos ay kumikilala kay Jesus bilang kanilang Pastol at naglilingkod na sama-sama sa pagkakaisa bilang makalupang organisasyon ni Jehova

[Blurb sa pahina 19]

Itinatayo mo ba ang kinabukasan mo kasama ng organisasyon ni Jehova? Ang pagpapayunir at paglilingkod sa Bethel ang kabilang sa maiinam na mga tunguhing teokratiko na narating ng marami

[Larawan sa pahina 18]

Dahilan sa pagpapala ng Diyos sa gawaing pangangaral ng Kaharian, napakarami ang humuhugos ng pagparoon sa itinaas na pagsamba kay Jehova

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share