Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 2/1 p. 13-18
  • Sa Pagtuturo Mo, Paabutin Mo sa Puso

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sa Pagtuturo Mo, Paabutin Mo sa Puso
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Magpakita ng Tamang Halimbawa
  • Gumamit ng mga Tanong
  • Pagtatampok ng Karunungan ng Pagsunod sa mga Kautusan ng Diyos
  • Tulungan Sila na Makilala ang Diyos
  • Ang Gantimpala
  • Bigyang-Pansin ang Iyong “Sining ng Pagtuturo”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Tulungan ang Iba na Sundin Kung Ano ang Itinuturo ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Abutin ang Puso ng Inyong Estudyante sa Bibliya
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1994
  • Tulungan ang Bible Study Mo na Mabautismuhan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 2/1 p. 13-18

Sa Pagtuturo Mo, Paabutin Mo sa Puso

1, 2. (a) Ano ang kailangan upang makapagtayo sa iba ng matinding pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang mga pamantayan? (b) Bakit higit ang kailangan kaysa pagtuturo lamang ng kaalaman?

SAMANTALANG dagling maitatayo mo ang isang kubo, hindi mo maitatayo nang magdamagan ang isang palasyo. Ganiyan din sa paggawa ng mga alagad. Hindi biru-biro na magtayo sa iba ng matinding pagpapahalaga kay Jehova at sa kaniyang mga pamantayan. Malaking panahon at kasanayan ang kailangan para makapagtayo ng gayong mga “palasyo.”

2 Higit ang kailangan kaysa pagtuturo lamang ng kaalaman. Sinasabi ng Kawikaan 3:1: “Anak ko, huwag mong kalimutan ang aking kautusan, at tuparin sana ng iyong puso ang aking mga utos.” Ang ating mga estudyante ay kailangang turuan ng sinasabi ng Bibliya. Nguni’t kailangang mapatimo sa kanilang puso ang katotohanan ng Bibliya. Oo, kailangang maabot natin ang kanilang puso kung ibig nating makapagtayo tayo sa kanila ng mga katangian na hindi tinatablan ng apoy, at tutulong sa kanila na magkaroon ng matibay na kaugnayan sa Diyos na Jehova.

3. (a) Bakit ang “sining ng pagtuturo” ay malaki ang kinalaman sa kung inaabot baga natin ang puso? (b) Habang tinatalakay natin ang mga ilang praktikal na mungkahi, sino ang dapat nating isaisip?

3 Mas madaling sabihin ito kaysa gawin. Dito kailangan natin ang tamang mga materyales sa pagtatayo at ang paggamit sa “sining ng pagtuturo.” (2 Timoteo 4:2) Hindi sapat na ang katotohanan ay sabihin sa ating tinuturuan. Kasali sa “sining ng pagtuturo” ang pagtulong sa kanila na mag-isip at mangatuwiran tungkol sa kanilang natutuhan. Hindi ang ating kahusayan o mga paraan ang magpapaunlad ng kanilang espirituwalidad; ang pagpapala ng Diyos ang gagawa nito. (1 Corinto 3:5, 6) May ilang mungkahi na tutulong upang maabot natin ang mga puso ng iba. Kaya, isaisip ang mga tinuturuan mo​—ang iyong mga inaaralan ng Bibliya at ang iyong mga anak.

Magpakita ng Tamang Halimbawa

4. (a) Ano ang isang dahilan kung bakit sadyang mabisa ang mga paraan ni Jesus? (b) Bakit mahalaga na magpakita ng tamang halimbawa kapag nagtuturo tayo sa iba?

4 Hindi ba si Jesu-Kristo ang pinakamainam na halimbawa ng kung paano maaabot ang puso ng iba? Bakit sadyang mabisa ang kaniyang mga paraan? Una, isinagawa ni Jesus ang kaniyang ipinangaral, nagpakita ng ulirang halimbawa para sundin ng kaniyang mga tagasunod. (Juan 13:15; 1 Pedro 2:21) Ito ang unang mungkahi: magpakita ng tamang halimbawa. Hindi ba dapat lamang na magkaroon tayo ng ganoon ding mga katangiang Kristiyano na ibig nating itayo sa iba? Sinabi ni Jesus: “Bawa’t sanay na sanay na mag-aarál ay magiging katulad ng kaniyang guro.”​—Lucas 6:40, The New Berkeley Version.

5. Paano ipinakikita ng Kasulatan ang kaugnayan ng pagpapakita ng tamang halimbawa at ng pag-abot sa puso ng iba?

5 Ulit at ulit na ipinakikita ng Bibliya ang kaugnayan ng pagpapakita ng tamang halimbawa at ng pag-abot sa puso ng iba. Halimbawa, ipinakikita ng Deuteronomio 6:4-6 na ang pag-ibig kay Jehova ay kailangan na “sasa-iyong puso [ng puso ng magulang]” bago mo maikintal iyon sa puso ng iyong mga anak. (Kawikaan 20:7) Kabaligtaran nito, pinagwikaan ni Jesus ang mapagpaimbabaw na mga Fariseo noong kaarawan niya sapagka’t kanilang ‘sinasabi nguni’t hindi naman ginagawa.’ Kataka-taka ba kung ang puso ng mga tao ay “kumapal” at hindi tumanggap?​—Mateo 23:3; 13:13-15.

6. Bakit mahalaga na ikaw ay mamuhay na kasuwato ng iyong itinuturo? (Roma 2:21-23)

6 Kailangan na magkasuwato ang iyong itinuturo at ang iyong ginagawa. Halimbawa, kung ibig mong ikintal sa iyong mga tinuturuan o mga anak ang pag-ibig kay Jehova at ang hangad na mapalugdan siya, hindi baga sa iyong mga panalangin, salita at mga gawa ay dapat nilang makita sa iyo ang katibayan ng gayong pag-ibig at hangarin? Kung ibig mong ikintal ang matinding debosyon sa mga simulain ng Bibliya, hindi baga dapat nilang sa iyo muna makita iyon, sa pamamagitan ng iyong pananalita at gawa, na hindi mo iniiwasan ang mga simulaing iyon? Ang ating mga tinuturuan, lalo na ating mga anak, ay malimit na higit na pansin ang ibinibigay sa ating ginagawa kaysa ating sinasalita. Pagka nakita ng iba na tayo’y namumuhay ayon sa ating itinuturo, atin lalong madaling maaabot ang kanilang puso.

Gumamit ng mga Tanong

7, 8. (a) Ang pagtatagumpay natin sa pag-abot sa puso ng iba ay depende ang malaking bahagi sa ano? (b) Bakit ang mga tanong ay malaking tulong sa pag-abot sa puso?

7 Ang ikalawang mungkahi ay ang paggamit ng mga tanong. Dalubhasa si Jesus sa pag-akay sa mga tao na mag-isip at mangatuwiran. (Mateo 17:24-27) Ang pagtatagumpay mo sa pag-abot sa puso ng iyong mga tinuturuan ay depende ang malaking bahagi sa paggamit mo ng mga tanong. Bakit?

8 Una, matitiyak mo kung talagang nauunawaan ng iyong tinuturuan ang kaniyang natututuhan. Kung hindi niya nauunawaan at tinatanggap ang impormasyon, paano makapag-uugat iyon sa kaniyang puso? (Lucas 8:15) Ikalawa, upang maabot ang puso, dapat na malaman mo kung ano ang nasa puso. Baka malalim ang nag-uugat doon na dati nang mga idea at mga turo ng huwad na relihiyon. Yamang hindi natin nababasa ang puso, kailangang magharap tayo ng mga tanong upang sa kaniyang sariling pananalita ay maipahayag ng tinuturuan kung ano ang nasa kaniyang puso. Narito ang ilang halimbawa.

9, 10. Magbigay ng halimbawa ng mabisang paggamit ng mga tanong na naghahayag ng saloobin.

9 Halimbawa ay tinatalakay ninyo ang kabanata 10, “Ang Masasamang Espiritu ay Makapangyarihan,” sa aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Dumating kayo sa parapo 18, sa pahina 97, na kung saan ang tanong sa ibaba ay: “Anong halimbawa ng sinaunang mga Kristiyano sa Efeso ang makabubuting sundin kung nais ng isa na kumalas sa espiritismo?” Marahil ang tinuturuan mo’y tama ang sagot na kinuha sa parapo, subali’t ano talaga ang nasa loob niya? Baka matagal na siya’y naging espiritista at may matibay na paniniwala rito. Siya ba ngayon ay kumbinsido na na dapat siyang kumalas dito? Puede mong itanong: ‘Ano ba ang nasa loob mo ngayon? Paano mo maikakapit sa iyong buhay ang impormasyong ito?’ Ang pagsagot niya ngayon ang maaaring magsiwalat kung hanggang saan napukaw ng impormasyong iyon ang kaniyang puso.

10 Ang isa pang halimbawa na maipakikipag-usap mo sa iyong anak ay ang kabanata 26, “Ang Pakikipagpunyagi Upang Magawa ang Tama,” sa aklat ding iyan. Sa pahina 220, ganito ang tanong “b” sa parapo 8, “Anong saloobin, na ipinahayag ng isang kabataan, ang matalino nating taglayin?” Sa una’y sa parapo kukunin ng bata ang sagot, na hindi talagang kapahayagan ng nasa loob niya. Baka kailangan na dahan-dahang tarukin mo ang niloloob niya: ‘Pero ano ba ang nasa loob mo? Sa palagay mo ba’y makatuwiran ang ganitong saloobin?’ O maaari mong iharap sa kaniya ang ganitong kalagayan: ‘Halimbawa ang ilang kamag-aral mo ay naninigarilyo at inalok ka ng sigarilyo? Sakaling noo’y maraming nakakakita at kanilang tinatawanan ka dahil sa pagtanggi mo? Ano ang gagawin mo?’ Kung maingat na gagamitin ang mga tanong na iyan, matutulungan ka na tiyakin kung ano ang nasa puso ng iyong anak.

11. (a) Bakit kailangan ang isang paalaala pagka gumagamit ka ng mga tanong? (b) Bakit ang mga magulang lalo na ang kailangang pakaingat pagka nagpahayag ang kanilang mga anak ng mga maling saloobin? (Colosas 3:21)

11 Nguni’t isang paalaala. Kung minsan ay baka magulat ka o masiraan ka ng loob sa mga kasagutan. Ano ngayon? Kung isang delikadong paksa, mabuti’y huwag mo nang ipilit ang suliranin kundi sabihin mo: ‘Pansamantala ay iwan muna natin. Pag-usapan natin uli sa ibang pagkakataon.’ (Juan 16:12) Ang mga magulang ang lalo nang dapat pakaingat. Pagka mga maling saloobin ang nahayag, magtimpi kayo. Hindi ninyo gustong masira ang linya ng komunikasyon. Kung matatakot ang bata na ipahayag ang kaniyang saloobin, paano ninyo malalaman kung ano ang nasa kaniyang puso upang matulungan ninyo sila?

Pagtatampok ng Karunungan ng Pagsunod sa mga Kautusan ng Diyos

12, 13. (a) Bakit ang pagkakita sa karunungan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay pupukaw sa puso ng iyong tinuturuan? (b) Ano ang kasali sa pagtulong sa isang tinuturuan upang makita na ang pagsunod kay Jehova ang daan ng karunungan?

12 Ang ikatlong mungkahi ay tulungan ang ating tinuturuan na makita ang karunungan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. (Deuteronomio 4:5, 6; 10:12, 13) Makapupukaw ito ng kanilang puso. Paano? Kung siya’y kumbinsido na ang pagsunod sa mga kautusan ni Jehova ay para sa kaniyang sariling kabutihan, baka mapukaw siya nito na ibigin ang Diyos at magnais na makalugod sa kaniya.​—Awit 112:1.

13 Paano mo matutulungan ang iyong tinuturuan upang makita ang karunungan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos? Maipaghahalimbawa natin ito sa paghahambing sa mga kautusan ni Jehova sa mga karatulang “No Trespassing.” Bagaman ito sa ganang sarili ay isang babala, hindi ka ba sasang-ayon na kung ipinaliliwanag nito ang dahilan ng babalang iyon ay lalong madaling sundin iyon? Halimbawa, kung sinasabi nito “No Trespassing​—High Voltage” (Mag-ingat​—Malakas ang Koryente), ang nag-iisip manghimasok ay mas madaling susunod sa babala dahil sa kung hindi ay baka siya madisgrasya.

14. (a) Paano ka makikipagkatuwiranan sa iyong tinuturuan upang tulungan siya na makita kung bakit ang isang hakbangin ay karunungan o kamangmangan? (b) Anong mga teksto ang nagpapakita ng kahalagahan ng pagbibigay ng dahilan kung bakit ang isang hakbangin ay mabuti o masama?

14 Ganiyan din tungkol sa mga kautusan ng Diyos. Hindi mo lamang sasabihin sa iyong tinuturuan kung ano ang sinasabi ng Bibliya na tama at mali; tulungan siya na makita kung bakit ang isang hakbangin ay karunungan o kamangmangan. Makipagkatuwiranan sa kaniya kung paanong ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay pakikinabangan niya. Tulungan siya na makita ang ibubunga ng pagsuway sa mga kahilingang iyon. Ang Bibliya mismo ay gumagawa nito kung minsan. Ipakibasa ang Kawikaan 22:24, 25; 23:4, 5; 24:15, 16, 19, 20. Sa bawa’t isa niyan ay sinasabi ng Bibliya ang dahilan kung bakit ang isang hakbangin ay mabuti o masama.

15. Gamitin ang mga tanong at mga tekstong inilaan upang talakayin ang karunungan ng pagsunod sa sinasabi ng Diyos tungkol sa pagsisinungaling at pakikiapid.

15 Bilang halimbawa, narito ang mga tanong at mga teksto na nagdiriin ng karunungan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.

Pagsisinungaling, Pagnanakaw: Bakit nakapipinsala ito? (Kawikaan 15:27; 20:10; Apocalipsis 21:8) Bakit makabubuti kung tapat ka sa pakikitungo mo sa iba? (Kawikaan 3:3, 4; 12:19; Hebreo 13:18)

Pakikiapid: Paano tayo mapipinsala ng imoralidad? (Kawikaan 5:9; 7:21-23; 1 Corinto 6:18) Paano ito makasásamâ sa iba? (1 Tesalonica 4:6; 1 Corinto 5:6; Hebreo 12:15, 16) Paano ka nakikinabang pagka sinunod mo ang mga pamantayang-asal ng Bibliya? (Kawikaan 5:18, 19; Hebreo 13:4)

Pagkatapos ng ganitong pangangatuwiran sa isang kautusan sa Bibliya, maitatanong mo: ‘Inaakala mo ba na ang lubos na ikabubuti natin ang sumasa-loob ni Jehova? Sang-ayon ka ba na hindi tayo pinagkakaitan ng kaniyang mga kautusan ng ano mang mabuti?

16. Ano ang maaaring maging epekto sa iyong tinuturuan ng ganitong pangangatuwiran?

16 Sa patuloy ninyong pag-aaral, gamitin ang ganiyang pangangatuwiran sa kautusan ng Diyos tungkol sa paglalasing, sa pagbabayad ng buwis, paninigarilyo, pagsasalin ng dugo, at iba pa. Sa ganito’y matutulungan ang iyong tinuturuan o anak upang makita na lahat ng mga kautusan ng Diyos ay para sa ating ikabubuti. Hindi naman sa tuwina’y mangangailangan ang iyong tinuturuan ng mga dahilan upang sumunod siya sa Diyos. Nguni’t ang ilang halimbawa ay baka makatulong upang maabot ang kaniyang puso, at pakilusin siya na magnais na palugdan ang Diyos. Pagdating ng “apoy,” o pagsubok, mas madali niyang susundin ang salita ng Diyos.​—1 Corinto 3:13.

Tulungan Sila na Makilala ang Diyos

17. Anong karagdagang mungkahi ang makatutulong sa iyo na maabot ang puso ng iyong tinuturuan?

17 Ang ikaapat na mungkahi ay ito: tulungan ang iyong tinuturuan na makilala ang Diyos. (Juan 17:3) Bukod sa pagtulong sa kaniya na makilalang umiiral si Jehova at may pangalan, tulungan siya sa matalik na pagkakilala kay Jehova. Ito’y pupukaw ng kaniyang puso sapagka’t ang pagkakilala kay Jehova ay pag-ibig sa kaniya.

18. Sa inyong pag-aaral, paano mo maitatawag-pansin ang mga katangian ni Jehova?

18 Paano mo matutulungan ang iyong tinuturuan upang magkaroon ng matalik na pagkakilala kay Jehova? Hindi mo maiibig ang sinuman maliban sa kilalá mo ang kaniyang mga katangian, ang kaniyang mga lakad. Sa inyong pag-aaral, isaisip na lagi ang pagtatawag-pansin sa walang katulad na mga katangian ni Jehova. Magagawa ito ano mang paksa ang pinag-aaralan. Halimbawa, pagka tungkol sa pantubos, puede kang huminto sa angkop na lugar at itanong: ‘Paano pinatitingkad ng pantubos ang laki ng pag-ibig ni Jehova sa atin? O pagka naman tungkol sa pagpapahintulot ng Diyos sa kabalakyutan, maaari mong itanong: ‘Paano nagpakita si Jehova ng malaking pagbabata dahil sa kabalakyutan ng tao?’ o, ‘Paano nagpakita si Jehova ng walang katulad na karunungan sa paraan ng pakikitungo niya sa paghihimagsik sa Eden?’ Ang ganitong pangangatuwiran ay tutulong upang mapaunlad sa iyong tinuturuan ang matinding debosyon kay Jehova. Kaniyang mamalasin si Jehova bilang isang Persona na ang mga katangian ay kaibig-ibig, kabigha-bighani.

19, 20. (a) Ano pa ang kailangan upang magkaroon ng matalik na pagkakilala kay Jehova? (b) Paanong ang binanggit na karanasan sa parapo ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagpapakita ng tamang halimbawa kung tungkol sa panalangin?

19 Isa pa, hindi mo makikilalang mainam ang sinuman kung hindi mo siya kakausapin. Ang iyong tinuturuan ay hindi rin naman magkakaroon ng isang matalik na kaugnayan kay Jehova kung hindi niya kakausapin si Jehova. Kaya nga, turuan ang inaaralan mo na manalangin. Ipakita sa kaniya ang iba’t-ibang mga bagay na saklaw ng panalangin. (1 Juan 5:14) Patibayin sa kaniya ang pagpapahalaga kay Jehova na dumirinig at sumasagot ng mga panalangin. (Awit 65:2) Himukin siya na ipahayag ang kaniyang kaloob-loobang mga damdamin, ‘ibuhos ang kaniyang puso’ kay Jehova.​—Awit 62:8.

20 Dito uli, mahalaga ang iyong sariling halimbawa. Nahahalata ba sa iyong mga panalangin ang tindi ng iyong debosyon sa Diyos? Ito’y may napakainam na epekto sa iyong mga tinuturuan, pati na sa iyong mga anak. Pakinggan ang sumusunod na karanasan.

Isang mag-asawang Kristiyano ang nagtuturo ng panalangin sa kanilang tres-anyos na anak na lalaki. Isang gabi, matapos manalangin na pagpalain si Inay at si Itay, ang bata ay humiling na pagpalain nawa ni Jehova si “Wally.” Sino si “Wally”? Hindi alam ng kaniyang mga magulang, at regular nang nananalangin ang bata alang-alang kay “Wally”! Sa wakas, kanilang naunawaan iyon. Ang ipinapanalangin pala ng bata ay ang mga kapatid sa Malawi (na noon ay pinag-uusig), nguni’t ang maling bigkas niya roon ay “Wally.” Ang punto ay, narinig ng bata na nananalangin ang kaniyang mga magulang, at kaniyang tinularan sila. Gunigunihin ang nadama ng mga magulang na iyon!

Hindi ba dito’y makikita ang kahalagahan ng pagpapakita ng tamang halimbawa kung tungkol sa pagtuturo sa iba ng kung paano mananalangin?

Ang Gantimpala

21. (a) Ayon sa 1 Corinto 3:14, 15, ano ang maaasahan mo bilang isang Kristiyanong tagapagtayo? (b) Ang “gantimpala” ba ay ang buhay na walang hanggan sa Bagong Kaayusan ng Diyos? Ipaliwanag.

21 Kung gayon, kung tayo’y magtatayo sa iba ng mga katangiang panlaban sa apoy, na tutulong sa kanila upang mapaunlad ang mabuting kaugnayan kay Jehova, kailangang maabot natin ang kanilang puso. Baka ito’y mahirap, nguni’t kapaki-pakinabang. Pinatunayan ito ni Pablo: “Kung ang gawa ng sinuman ay manatili, na kaniyang itinayo sa ibabaw niyaon, siya’y tatanggap ng kagantihang gantimpala; kung ang gawa ng sinuman ay masunog [dahil sa mahina ang kaniyang pagkatayo, hindi ginamitan ng mga materyales na panlaban sa apoy], siya’y malulugi [ibig sabihin, ang kaniyang itinayo ay lalamunin ng “apoy”], nguni’t siya sa kaniyang sarili’y maliligtas; gayunman, parang dumaan iyon sa apoy.” Ano ba ang “gantimpala”? Maliwanag na ang nasa-isip ni Pablo ay hindi yaong gantimpalang buhay na walang hanggan sa Bagong Kaayusan ng Diyos, sapagka’t pansinin na yaong mahina ang itinayo ay nawalan ng “gantimpala,” bagaman siya sa sarili niya’y makaliligtas kung nakalampas siya sa “apoy.”​—1 Corinto 3:14, 15.

22, 23. (a) Anong gantimpala ang tinanggap ni apostol Pablo may kaugnayan sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano sa Tesalonica? (b) Anong “gantimpala” ang hangarin mo, at paano mo matatamo iyon?

22 Ano ang “gantimpala”? Ang nagbibigay-liwanag dito ay ang sinabi ni Pablo sa mga taga-Tesalonica, sa pinag-uusig na mga Kristiyano: “Ano ang aming pag-asa o kagalakan o putong na ipinagmamapuri​—aba, hindi nga ba kayo?​—sa harapan ng ating Panginoong Jesus sa kaniyang pagkanaririto? Kayo nga ang aming kaluwalhatian at kagalakan [“aming ipinagmamapuri at aming kagalakan!” Today’s English Version].” (1 Tesalonica 2:19, 20) Tinulungan ni Pablo ang mga taga Tesalonicang iyan sa daan ng katotohanan. At bagaman sa simula’y nakaranas na sila ng pag-uusig, matatag pa rin sila. Ang gantimpala ni Pablo ay ang kagalakan na makitang nagtitiis sila sa harap ng pag-uusig. Ito’y patotoo na mainam ang ginawa ni Pablo na pagtatayo.

23 Ganoon din tayo. Hindi ba hangarin mo na tulungan ang iyong mga tinuturuan na magpaunlad ng matitibay na mga katangiang Kristiyano na magpapangyaring makatayo silang matatag pagka sila’y napaharap sa mga tukso at kagipitan? Oo, anong laking kagantihan pagka nakita mong ang iyong mga inaralan ng Bibliya at ang iyong mga anak ay nagtatagumpay sa gayong maaapoy na pagsubok! Ito’y patotoo na mahusay ang iyong itinayo. Ganiyan sana ang gantimpala sa iyo samantalang nagtatayo ka sa tamang pundasyon na ang ginagamit ay mga materyales na panlaban sa apoy at kay Jehova ka umasa na magpapala sa iyong pagsisikap.

Natatandaan mo ba?

Upang maabot ang puso​—

◻ Bakit mahalaga na magpakita ng tamang halimbawa?

◻ Anong klase ng mga tanong ang tutulong at bakit?

◻ Bakit kailangang makita ng iyong tinuturuan ang karunungan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos?

◻ Bakit ang iyong tinuturuan ay kailangang matutong manalangin?

[Larawan sa pahina 16]

Nahahalata ba sa iyong mga panalangin ang tindi ng iyong debosyon sa Diyos? Ito’y maaaring pumukaw sa puso ng iyong anak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share