Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 3/1 p. 4-7
  • Ang “Puso” sa Salita ng Diyos, ang Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Puso” sa Salita ng Diyos, ang Bibliya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kaparehong Materyal
  • Desididong Maglingkod kay Jehova Nang May Sakdal na Puso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Puso
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Magtamo ng Pusong Kalugud-lugod kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Bato, II
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 3/1 p. 4-7

Ang “Puso” sa Salita ng Diyos, ang Bibliya

SA KAISIPAN ng tao ang puso niya ang namamaibabaw kaysa ano mang sangkap ng katawan. Malimit tukuyin ito sa tula at prosa. Hindi nga kataka-taka na ang puso’y maging litaw sa Salita ng Diyos. Ito’y binabanggit nang halos isang libong ulit. Ano ang dapat nating unawain sa salitang “puso”?

Sa Bibliya, ang isang salita ay ginagamit nang may nagkakaiba-ibang kulay ng kahulugan. Halimbawa, ang salitang “langit” at “espiritu.” Kung minsan, ang “langit” ay tumutukoy sa kaitaasan, o atmospera, na nililiparan ng mga ibon. (Genesis 1:26) Ang buong pisikal na uniberso, pati nakikita at di-nakikitang mga bituin, ay tinutukoy na langit. (Awit 19:1) Sa 2 Pedro 3:7 ang tinutukoy ay ang politikal na langit. Kung minsan, ang “langit” ay tumutukoy sa kinatitirhan ng mga espiritung nilalang sa organisasyon ni Jehova. (Apocalipsis 12:12) Tumutukoy din ito sa makalangit na Kaharian, gaya sa 2 Pedro 3:13.

Ang terminong “espiritu” ay ganiyan din. Si Jehovang Diyos, si Jesu-Kristo at ang mga anghel ay tinutukoy na mga espiritung persona. (Juan 4:24; 1 Corinto 15:45; Hebreo 1:13, 14) Ang puwersa ng buhay na nasa lahat ng nabubuhay na nilalang ay tinatawag din na “espiritu.” (Eclesiastes 12:7) Ang puwersang nag-uudyok sa isang tao ay tinatawag kung minsan na “espiritu,” gaya sa Kawikaan 25:28. Malimit na ang aktibong puwersa ng Diyos ay tinutukoy na “espiritu” o “banal na espiritu.”​—Genesis 1:2; Zacarias 4:6; Marcos 13:11.

Ano naman ang “puso”? Sa Exodo 28:30 ang salitang Hebreo para sa “puso” ay tumutukoy sa literal na puso. Dito’y iniutos ni Jehova na ang pektoral na kahatulan ay ilagay sa ibabaw ng puso ni Aaron. Iyon ang pisikal na puso. Maliwanag na literal ang tinutukoy sa Awit 45:5: “Ang iyong mga palaso ay matutulis . . . sa puso ng mga kaaway ng hari.”

Ang puso ay tumutukoy din sa gitna ng isang bagay. Sa Ezekiel 27:25-27 ay makaitlong makikita natin ang pananalitang “puso ng dagat,” na tumutukoy sa kalagitnaan ng dagat. Inihula rin ni Jesus na siya’y doroon sa “puso,” sa kalagitnaan, ng lupa tatlong araw at tatlong gabi.​—Mateo 12:40.

Ang puso ay iniuugnay din sa ating nadaramang kagalakan at kalungkutan. Sa 1 Hari 8:66 ay sinasabi na nang ialay ang templo ni Salomon, ‘ang buong Israel ay nagalak at nakadama ng kasayahan ng puso dahil sa lahat ng kabutihan na ipinakita ni Jehova sa kaniyang lingkod na si David at sa Israel.’ Sa Nehemias 2:2 ay tinatanong ni Haring Artajerjes si Nehemias kung bakit malungkot ang kaniyang mukha gayong wala naman siyang sakit. “Ito’y kalungkutan lamang ng puso,” aniya.

Ang puso ay iniuugnay din sa ating saloobin, kung tayo ba’y mapagmataas, hambog, o mapagpakumbaba. Sinasabi ng Kawikaan 16:5 na “bawa’t palalo ang puso ay kasuklam-suklam kay Jehova.” Nguni’t, sa Mateo 11:29 ay sinabi ni Jesus: “Ako’y maamo at mapagpakumbabang puso.”

Ang kabutihan, kagalingang-asal, kasamaan at kabalakyutan ay sa puso nanggagaling. Sa Jeremias 7:24 ay tinutukoy ang mga Israelita na “lumakad sa katigasan ng kanilang masamang puso.” Ipinakikita ni Jesus sa Mateo 12:34, 35 na sa puso’y masusumpungan ang mabuti at masama.

Sa pananampalataya’y kasangkot ang puso, gaya ng sabi ni Pablo sa Roma 10:10: “Sa puso’y nananampalataya ang tao sa ikatutuwid, subali’t sa pamamagitan ng bibig ginagawa ang pagpapahayag sa madla ukol sa ikaliligtas.”

Sa puso nanggagaling ang hangarin. Sinasabi ng Exodo 35:21 na ang mga nag-abuloy para sa tabernakulo ay “naparoon, bawa’t isa na inudyukan ng kaniyang puso.” Ayon sa Hebreo 4:12, 13, ang salita ni Jehova ay gaya ng matalas na tabak na “nakakakilala sa mga kaisipan at hangarin ng puso.” Sa puso nga nanggagaling ang hangarin, na nag-uudyok sa isip ng mabuti o masama. Halimbawa, sa Exodo 31:6 ay sinasabi: “Sa puso ng lahat na may pantas na puso ay inilagay ko ang karunungan, upang kanilang gawain ang lahat ng iniutos ko sa iyo.”

Higit sa lahat, ang pag-ibig at pagkapoot ang may kaugnayan sa puso. Iniutos sa mga Israelita: “Huwag mong kapootan sa iyong puso ang iyong kapatid.” (Levitico 19:17) Sa kanilang puso ay napoot sa mga Israelita ang mga Ehipsyo. (Awit 105:25) Nguni’t, sinabi ni Pablo: “Tunay, ang tunguhin ng utos na ito ay ang pag-ibig na nagbubuhat sa malinis na puso.” (1 Timoteo 1:5) Ang payo ni Pedro: “Yamang nilinis na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan . . . mangag-ibigan kayo nang buong ningas mula sa inyong puso sa isa’t-isa.”​—1 Pedro 1:22.

Tinutukoy din ng Kasulatan na sa puso iniingatan ang mahalagang mga karanasan. Sa Lucas 2:51 ay sinasabing “sa kaniyang puso’y iningatan [ni Maria, na ina ni Jesus] ang lahat ng mga bagay na ito [tungkol kay Jesus].”​—Today’s English Version; New International Version; The New English Bible.

Anong dami ng gawain at kakayahan ng puso! Para ba lamang sa literal na puso? Hindi. Pinatutunayan ito ng mga wika na nagpapakita ng malinaw na pagkakaiba ng literal na puso at ng makasagisag. Halimbawa, ang Intsik at Hapones ay may dalawang karakter, na nangangahulugang “pusong-sangkap,” para sa literal na puso. Sa pagtukoy sa mga katangian na nanggagaling sa puso, ang una lamang karakter ang ginagamit, kasama ng mga iba pang bahagi, upang bumuo ng bahagi ng isang lalong masalimuot na karakter, sa mga salitang gaya ng pag-ibig, pagkapoot, intensiyon at pagtitiis. (Tingnan ang kalakip na kahon.) Sa ganito’y makikita ang pagkakaiba ng literal na puso at ng hangarin at emosyon ng isang tao, bagaman magkaugnay pa rin ang dalawa.

Kapuna-puna rin na tinutukoy sa Kasulatan ang mga iba pang sangkap ng katawan. Mahigit na 20 beses tinutukoy sa Kasulatang Hebreo ang literal na mga bato (kidni). Ulit at ulit na tinutukoy “ang dalawang bato at ang taba” may kaugnayan sa mga handog na hayop na kahilingan ng Kautusan. (Exodo 29:13, 22; Levitico 3:4, 10, 15; 4:9; 7:4) Literal na bato ang tinutukoy dito, tulad ng tinukoy ni David: “Ikaw ang gumawa ng aking mga bato; iyo akong tinakpan sa bahaybata ng aking ina.”​—Awit 139:13.

Literal na mga bato ba ang tinutukoy ni Jeremias nang sabihin niya sa Jeremias 11:20 na si Jehova ang “sumisiyasat sa mga bato at sa puso”? Sinabi rin ni David: “Oo, sa mga gabi’y itinuwid ako ng aking mga bato.” (Awit 16:7) Kung literal na mga bato ay hindi tayo maitutuwid nito. Ano ang tinutukoy niya? Hindi ba nililiwanag ito ng Jeremias 12:2? Sabi: “Itinanim mo sila; sila’y nagkaugat din. Sila’y nagsilaki; sila’y nagbunga rin. Ikaw ay malapit sa kanilang bibig, nguni’t malayo sa kanilang mga bato.” Hindi ba ang “mga bato” rito ay tumutukoy sa pinakamatitinding emosyon ng tao? Ang tekstong ito’y parang nahahawig din ng Isaias 29:13, na sinipi ni Jesus, at nasa Mateo 15:7, 8: “Kayong mga mapagpaimbabaw, angkop ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyo, nang kaniyang sabihin, ‘Ang bayang ito’y pinararangalan ako ng kanilang mga labi, nguni’t ang kanilang puso ay malayo sa akin.’ ” Tiyak na ang tinutukoy dito ni Jesus ay ang kaloob-loobang pagkatao ng mga balakyot na ito.

Isa pang halimbawa ay ang salitang Griego para sa bituka, splagʹkhna. Literal na bituka ang tinukoy sa Gawa 1:18, tungkol kay Judas: “Ang taong ito’y bumili ng bukid sa kinita niya sa katampalasanan, at habang nagpapatihulog nang patiwarik ay pumutok siya sa gitna at sumabog ang kaniyang buong bituka.” Bagaman maka-11 beses na ginamit ito sa Kasulatang Griego Kristiyano, dito lamang tumutukoy ito sa literal na bituka. Isinalin ito na “magiliw” sa Lucas 1:78 at “magiliw na pagmamahal” sa 2 Corinto 6:12; 7:15; Filipos 2:1; Colosas 3:12 at sa Filemon 7. Sa Genesis 43:30 at 1 Hari 3:26 ang ra·chamimʹ, na katumbas na salitang Hebreo, ay isinaling “bowels” sa Authorized Version, bagaman ang aktuwal na tinutukoy ay “inward emotions” at ganoon ang pagkasalin ng New World Translation.

Totoo rin iyan sa mga salitang Hebreo at Griego na isinaling “puso” sa ating Bibliya. Kung minsan ay literal na puso ang tinutukoy, halimbawa sa Exodo 28:30 at Awit 45:5. Subali’t, sa halos isang libo pang pagtukoy, ang makasagisag na “puso” ang tinutukoy. Hindi ibig sabihin na walang kaugnayan ang dalawang ito. Halimbawa, ang pagsisikip ng kalooban ay nakapipinsala sa literal na puso, na sakit at kamatayan pa ang baka kahantungan. Kaya, kailangan na makita ang pagkakaiba ng literal na puso at ng makasagisag na puso. Sinabi ni W. E. Vine, “Ang puso ay sumasagisag sa natatagong bukal ng sariling buhay.”​—An Expository Dictionary of New Testament Words, Tomo II, pahina 206-7.

Samakatuwid, ang mga salitang Hebreo at Griego para sa “puso” ay ginagamit ng mga manunulat ng Bibliya upang tumukoy sa mga katangian ng panloob na pagkatao. Sa pagpapaalaala sa atin na pakaingat tayo sa ating mga hangarin, naisin at motibo, tinutulungan tayo ng Salita ng Diyos na “maglingkod sa kaniya na may sakdal na puso.” Sinasangkapan tayo nito para sa bawa’t mabuting gawa. (1 Cronica 28:9; 2 Timoteo 3:17) Tungkol dito’y maraming mabuting payo ang Salita ng Diyos.

[Chart sa pahina 6]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga karakter na Intsik na kumakatawan sa puso

[Artwork​—Chinese character] puso, malimit makasagisag

[Artwork​—Chinese character] sangkap-puso, pisikal

Ang karakter na katumbas ng mga katangian ng puso:

[Artwork​—Chinese character] pag-ibig

[Artwork​—Chinese character] pagkapoot

[Artwork​—Chinese character] kapatawaran

[Artwork​—Chinese character] kalungkutan

[Artwork​—Chinese character] pagkabalisa

[Artwork​—Chinese character] intensiyon

[Artwork​—Chinese character] galit

[Artwork​—Chinese character] pagtitiis

[Larawan sa pahina 5]

Ang puso ay may kaugnayan sa damdamin, saloobin, pananampalataya, motibo at emosyon ng tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share