“Sino ang Nakaalam ng Pag-iisip ni Jehova?”
“Sapagka’t ‘sino ang nakaalam ng pag-iisip ni Jehova, o sino ang naging kaniyang kasangguni?’”—ROMA 11:34; ISAIAS 40:13, Griegong Septuagint Version.
1. (a) Anong tanong ang sinipi ni Pablo sa Isaias 40:13? (b) Paanong ang isang susing salita sa kaniyang sinipi ay naiiba sa orihinal na Hebreo?
MAY 2,700 taon na nang itanong iyan sa sinaunang bansang Israel, na sinipi sa Roma 11:34 ng dating Fariseong Judio: “Sapagka’t ‘sino ang nakaalam ng pag-iisip ni Jehova, o sino ang naging kaniyang kasangguni?’” Sinipi iyan ni apostol Pablo sa salin ng Septuagint Version ng Isaias 40:13, at ginagamit nito ang salitang “pag-iisip” (nous) sa halip na “espiritu” na nasa orihinal na tekstong Hebreo.
2. Sa tao, sa ano ba tumutukoy ang “pag-iisip”? Magbigay ng halimbawa.
2 Ano ang ibig sabihin ng “pag-iisip ni Jehova”? Sa tao, ang pag-iisip ay tumutukoy sa sistema ng ating kaisipan. Halimbawa, tayo’y ‘makapag-iisip,’ na magkaroon ng kaparehong “kaisipan . . . na nasa kay Kristo Jesus din.” (Filipos 2:5; tingnan din ang Genesis 11:6.) Ang kapangyarihan ng ating isip ay nakahihigit kaysa taglay ng hayop.
3-5. (a) Ano ang ipinakikita ng Isaias 55:8, 9 tungkol sa “pag-iisip” ni Jehova? (b) Sa gayon, bakit si Pablo ay bumulalas ng sinasabi ng Roma 11:33? (c) Ano ang ibig sabihin ng apostol sa kanilang sinabi sa Roma 11:34? (d) Bakit hindi pa alam noon ng mga manunulat ng unang 39 na aklat ng Bibliya ang “pag-iisip” ni Jehova?
3 Ang nasa pag-iisip ng Diyos na Jehova, na Maylikha, ay di-masusukat ang kahigitan kaysa taglay o inaangkin natin. Ito’y itinatawag-pansin niya sa hula ni Isaias 55:8, 9, na nagsasabi: “‘Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kaysa inyong mga lakad, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong pag-iisip.’” Kaya, mas magaling ang layunin niya para sa mga tao, lalo na para sa mga nakipagtipan sa kaniya, kaysa layunin natin na mga tao. Sa gayon, pagkatapos talakayin ang isang pantanging bahagi ng kaayusan ni Jehova at kung paano natutupad ito, ang “apostol sa mga bansa” ay bumulalas: “Oh anong lalim ng mga kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Di-malirip ang kaniyang mga hatol at hindi kayang sukatin ang kaniyang mga lakad!” (Roma 11:13, 33) Walang taong nakasukat na patiuna ng mga lakad ng Diyos. Kaya, kinasihan ang apostol na magsabi: “Sapagka’t ‘sino ang nakaalam ng pag-iisip [noun], o sino ang naging kaniyang kasangguni?’” (Roma 11:34) Ang pagkasalin ng The Jerusalem Bible: “Sino kaya ang makakaalam ng pag-iisip ng Panginoon? Sino kaya ang makapagiging kasangguni niya?”
4 Hindi ibig sabihin ng apostol na, pagka naisiwalat na ng Diyos ang kaniyang pag-iisip, hindi maaaring maalaman o maunawaan ng isang tao ang Kaniyang pag-iisip. Hindi! Sapagka’t isiniwalat na ng Diyos ang kaniyang pag-iisip sa mga tao sa kaniyang Salita, ang Banal na Kasulatan. Ang ibig sabihin ng apostol ay na walang tao, sa ganang sarili niya at nang una pa sa sariling pag-iisip o layunin ng Diyos, na makabubuo ng gayong bagay sa pamamagitan ng abilidad ng kaniyang isip! Hindi makapagpapauna ang tao sa sariling pagsisiwalat ng Diyos. Kaya, nang hindi pa isinisiwalat ang layunin ng Diyos na nasa Bibliya, wala pang taong nakakaalam ng “pag-iisip ni Jehova.” Kasali na riyan ang mga manunulat ng unang 39 na aklat ng Banal na Kasulatan, pati si Moises.
5 Walang nakaunawa noon ng pag-iisip ni Jehova sa pakikitungo kay Abraham at sa kaniyang binhi, pati sa lahat ng may kinalaman sa mga pangyayari noong unang siglo C.E.
Ang “Pag-iisip” ni Jehova Tungkol sa “Punong Olivo”
6. (a) Anong pangako ang tinatalakay ni Pablo sa Roma kabanata 11? (b) Paanong malaking biyaya ang kinamit ni Abraham, at ito’y ganti ng ano?
6 Sa Roma, kabanata 11, tinalakay ng apostol ang “binhi ni Abraham,” hanggang sa Roma 11 talatang 34. Ayon sa isinulat ni Moises sa Genesis 12:3 at 22:17, 18, ipinangako ni Jehova na pagpapalain si Abraham sa pamamagitan ng kaniyang supling, o “binhi”; at sa pamamagitan nito, pagpapalain ng Diyos ni Abraham ang lahat ng angkan at mga bansa sa lupa sa kaniyang takdang panahon. Anong dakilang pangako na manahin niya, at anong laking ganti kay Abraham na magmana ng pangakong iyan!
7. (a) Sa kani-kanino sumagisag ang mga bahagi ng simbolikong “punong olivo”? (b) Ang “mga sanga” ay nakahanay na maging ano? (c) Tungkol sa “binhi,” ano na nasa “pag-iisip” ni Jehova ang hindi pa isinisiwalat noon?
7 Ang orihinal na pag-iisip ni Jehova ay inihalintulad ng apostol sa paglaki ng punong olivo, na karaniwan sa bansang Israel noon. Ang ugat ng simbolikong punong olivo ay sumagisag kay Abraham. Ang katawan na supling ng simbolikong ugat na si Abraham ay ang kaniyang anak na si Isaac, apong si Jacob, o Israel, at 12 anak ni Jacob, na mga ama ng 12 tribo ng Israel. Lahat ng mga inapo ng 12 patriyarkang iyan ay mga sanga sa simbolikong punong olivo. Sila’y tuwirang nakahanay na maging ang ipinangakong “binhi ni Abraham” na sa pamamagitan nito lahat ng bansa sa lupa ay pagpapalain ayon sa maibiging layunin o “pag-iisip” ni Jehova. Ang hindi nila alam ay na hindi likas na “binhi” iyon ni Abraham, kundi isang espirituwal na “binhi.” Kaya’t ang ama niyaon ay mas dakila kaysa kay Abraham, at lalong mataas. Ito’y ang dakilang Tagapagbigay-Buhay, si Jehovang Diyos. Sino ang pangunahing “binhi”?
8. (a) Paanong si Jesus ay naging lalong dakila kaysa kay Isaac? (b) Bakit ang handog at pagkabuhay-muli ni Jesus sa langit ay kailangan para sa ikapagpapala ng lahat ng angkan sa lupa?
8 Ito’y lalong dakila kaysa kay Isaac, na anak ni Abraham, walang iba kundi ang “taong si Kristo Jesus,” na inapo ni Isaac nguni’t mas dakila kaysa kay Isaac at sa kaniyang anak na si Jacob, o Israel, at sa 12 anak ni Jacob, ang 12 pundasyon ng bansang Israel. (1 Timoteo 2:5) Ang sanggol na panganganlang Jesus ay “Anak ng Diyos,” sapagka’t siya’y ipinaglihi sa bahaybata ng kaniyang inang birhing si Maria sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos. Ang buhay niya’y galing sa dako ng mga espiritu at inilipat sa bahaybata ni Maria, at ang asawa nito na si Jose, ay ama-amahan lamang ni Jesus. (Lucas, kabanata 1-3) Si Jesus ay hindi naging tagapagpala ng lahat ng angkan at bansa sa lupa nang siya’y tao sa lupa. Nang sa Kalbaryo sa labas ng Jerusalem ay ihandog niya noong 33 C.E., ang kaniyang sakdal na pagkatao, makapagsisilbi si Jesus sa ikapagpapala ng sangkatauhan. Nang ikatlong araw ng kaniyang kamatayan noong 33 C.E., siya’y binuhay-muli ng Diyos na Jehova at bumalik siya sa langit bilang isang espiritung Anak ng Diyos. Mula roon pagpapalain niya ang lahat ng angkan at bansa sa lupa.
9. (a) Ang simbolikong punong olivo ay nagkakaroon ngayon ng anong lalong malawak na kahulugan? (b) Ilan ang mga sanga, at paano natin nalalaman? (c) Paano ipinaliliwanag sa atin ng Galacia 3:28, 29 ang tungkol sa “mga sanga” na ito?
9 Sa ganitong pagkamalas ang simbolikong punong olivo ay nagkakaroon ng bago at lalong malawak na kahulugan. Ang “ugat” ay si Jehovang Diyos, ang Dakilang Tagapagbigay-Buhay sa lahat, na lalong dakila kaysa kay Abraham. Ang bugtong na anak ng Lalung-dakilang Abraham na ito ay si Jesu-Kristo, na lalong dakila kaysa kay Isaac. Siya ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano na inianak ng espiritu ng Lalung-dakilang Abraham, si Jehova. Ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay mga sanga ng teokratikong punong olivong ito, at ayon sa Apocalipsis 7:1-8 at 14:1-3, sila’y bubuuin ng 144,000. Mababasa natin sa Galacia 3:28, 29: “Walang Judio ni Griego, walang alipin ni malaya, walang lalaki ni babae; sapagka’t kayong lahat ay iisang persona kaisa ni Kristo Jesus. Bukod dito, kung kay Kristo kayo, tunay na binhi kayo ni Abraham, mga tagapagmana tungkol sa pangako.”
10. (a) Sino ang unang nakahanay na maging mga sanga? (b) Sino sa mga ito ang “naligtas,” at paano sumipi si Pablo ng hula upang ipaghalimbawa ito?
10 Ang likas na mga Judio noong kaarawan ni Jesus, na mga inapo ni Abraham, ang unang nakahanay na maging “mga sanga” sa punong olivo. Sila’y nakipagkasunduan sa Lalung-dakilang Abraham sa tipang Kautusan na si Moises ang tagapamagitan. Si Jesu-Kristo ay sa “tupang nawaglit sa bahay ni Israel” tuwirang naparoon. (Mateo 10:6) Kaya’t ang mga unang naging “sanga” sa punong olivo, na si Jehovang Diyos ang ugat, ay likas na mga Judio, ang 12 tapat na mga apostol ni Jesu-Kristo at libu-libo pang mga likas na Judio. Nguni’t isang munting “nalabi” lamang ng likas na mga Judio ang “naligtas” upang maging mga tagapagmana ng kaniyang “pangako,” gaya ng inihula sa Isaias 10:22. Ang hulang ito’y sinipi ni Pablo sa Roma 9:27.
11. (a) Kailan binakli ang nakahanay na maging “mga sanga”? (b) Paanong napadugtong ngayon ang “mga sanga” ng ligaw na punong olivo, at sa aling punong olivo?
11 Ang pagbakli sa nakahanay na maging “mga sanga” ng “binhi ni Abraham” ay nagsimula sa kombersiyon ng tinuling mga Samaritano, at puspusang naganap makalipas ang tatlo at kalahating taon pagkamatay at pagkabuhay mag-uli ni Jesu-Kristo. Ang Romanong si Cornelio pati sambahayan at mga kaibigan ay kinumberte ni apostol Pedro at, matapos iyanak at pahiran ng espiritu ni Jehova, sila’y nabautismuhan. (Gawa, kabanata 10) Ganoon ang “mga sanga” ng ligaw na punong olivo ay napadugtong sa punong olivo na si Jehovang Diyos ang “ugat” na nagbibigay-buhay.
12. (a) Ano ang mangyayari kung ang binakling “mga sanga” ay nagsisi? Magbigay ng halimbawa. (b) Ano ang ipinakikita nito? (c) Tulad ni Pablo, ano ang dapat pukawin sa atin ng ganiyang pagsisiwalat ng “pag-iisip” ni Jehova?
12 Kung sinuman sa likas na mga Judio ay binakli nguni’t nagsisi, tulad nina Aquila at Priscilla, sila’y muling idurugtong upang kamtin ang pribilehiyo na iniwala ng bansang Judio dahil sa kawalang pananampalataya kay Jesu-Kristo. (Gawa 18:1-4, 26; Roma 16:3; 1 Corinto 16:19) Makikita rito ang kagandahang-loob ng Diyos na Jehova. Ang ganiyang pakikitungo sa likas na mga Judio, na mahal pa rin ng Diyos nang dahil sa kanilang mga nuno, ang nagtulak sa apostol na bumulalas, “Oh anong lalim ng mga kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos!” Hindi ba ang pagsisiwalat na ito ng “pag-iisip” ni Jehova ay dapat ding pumukaw ng ating taus-pusong pagpapahalaga?
Ang Pag-ibig sa Diyos Nang Buong Puso at Buong Pag-iisip
13, 14. (a) Paano inilaan ng Diyos ang Kautusan, at sa anong layunin? (b) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa Kautusang iyon, at anong “puso” ang tinutukoy niya rito? (c) Anong dalawang utos ang sinipi ni Jesus, at bakit dapat nating sundin?
13 Ang Diyos ay nakipagtipan sa likas na binhi ni Abraham, ang bansang Israel at ang namagitan ay si propeta Moises, noong taóng 1513 B.C.E. sa Sinaitic Peninsula sa Bundok Sinai. Kaniyang ibinigay sa kanila ang kaniyang Kautusan. Tungkol dito’y sinabi ni apostol Pablo: “Ang Kautusan ang naging guro natin patungo kay Kristo, upang tayo’y maipahayag na matuwid dahil sa pananampalataya.” (Galacia 3:24) Ano ang sinabi ni Kristo tungkol sa Kautusan na ibinigay sa pamamagitan ni Moises? Nang tanungin kung alin “ang pinakadakilang utos” ng Kautusan, sumagot si Jesus: “‘Iibigin mo si Jehova mong Diyos ng iyong buong puso [Griego: kar·diʹa] at ng iyong buong kaluluwa [psy·kheʹ] at ng iyong buong pag-iisip [di·a·noiʹa].’ Ito ang pinakadakila at pang-unang utos. Ang pangalawa, na katulad nito, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan, at ang mga Propeta.” (Mateo 22:35-40) Dito, ang puso ay tinutukoy may kaugnayan sa pag-iisip, at ito’y ang makasagisag na “puso.”
14 Si Jesus ay sumisipi rito sa Deuteronomio 6:5: “At iibigin mo si Jehova mong Diyos ng iyong buong puso [Hebreo: le·babʹ] at ng iyong buong kaluluwa [neʹphesh] at ng iyong buong lakas.” At, sa Levitico 19:18: “At iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili. Ako’y si Jehova.” Ang dalawang iyan ang inilagay ni Jesus na pinakadakila at susunod na pinakadakila sa mga utos ng Mosaicong tipang Kautusan. Wala na tayo sa ilalim ng Kautusang Mosaico, nguni’t kapit pa rin ang mahalagang mga kahilingang ito. Dapat nating sundin.
15. (a) Ano ang nagpapakilos sa pisikal na puso, at paano gumagana iyon? (b) Ano ang kaugnayan ng pisikal na puso sa utak at pag-iisip?
15 Batid natin na ang “espiritu ng buhay” ang nagpapakilos sa pisikal na puso. (Apocalipsis 11:11; Genesis 7:22) Ang puwersang ito ng buhay ang nagpapakilos sa buháy na laman ng puso kung kaya binobomba nito ang dugo ng buhay tungo sa lahat ng parte ng ating katawan, kasali na ang utak. Sinabi ng Diyos na Jehova: “Ang kaluluwa [neʹphesh] ng lahat ng uri ng laman ay ang dugo na siya ring kaluluwa na naroroon. Kaya’t sinabi ko sa mga anak ni Israel: ‘Huwag kayong kakain ng dugo ng ano mang uri ng laman, sapagka’t ang kaluluwa ng lahat ng uri ng laman ay ang dugo niyaon.’” (Levitico 17:14) Upang ang buong katawan ay mabuhay, kailangang sa lahat ng parte nito’y bombahin ng pisikal na puso ang nagbibigay-buhay na dugo, maging ang sirkulasyon man ay likha ng natural na puso, ng pusong galing sa iba o ng artipisyal na puso. Kaya’t pagka ang dugo ay binobomba tungo sa utak, nabubuhay ang kapangyarihang mag-isip at gumagana ang pag-iisip. Maliwanag na ang pisikal na puso ay bumubuhay sa utak sa itinutustos nito rito na dugo na nagtataglay ng aktibong puwersa ng buhay, ang “espiritu ng buhay.” May malay man o wala ang isang tao, ang puso ay laging nagbobomba ng dugo sa utak at sa lahat ng iba pang mga parte ng katawan.
16. (a) Sang-ayon sa Bibliya, ano ang isinasagisag ng puso? (b) Ano ang kailangan sa atin sa pag-ibig kay Jehova ng “buong puso”? (c) Paano natin siya iniibig ng ating buong “pag-iisip”?
16 Tingnan natin ang lampas pa sa literal na puso. Sa Bibliya, ang puso ay sumasagisag sa pinagmumulan ng motibo o hangarin at ng emosyon o damdamin. Ito ang ating kaloob-loobang sarili. Sa 1 Pedro 3:4 ay tinutukoy ito na “ang lihim na pagkatao ng puso” (NW), “ang natatagong pagkatao ng puso” (Revised Standard Version), “ang iyong panloob na sarili” (New International Version). Kailangang ibigin natin ang Diyos na Jehova, ng “buong puso,” pati ng ating buong kaluluwa, ng buo nating pagkatao. Ibigin natin ang tunay na Diyos ng ating buong lakas, sa pagsasagawa ng buong isiniwalat na kalooban at gawain niya sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) At, ibigin natin ang Diyos ng ating buong “pag-iisip.”—Marcos 12:29-31.
17. (a) Kung iniibig natin si Jehova ng ating buong puso at pag-iisip, anong katiyakan mayroon tayo? (b) Sang-ayon sa Filipos 4:7, paano maaapektuhan ang ating mga puso at pag-iisip ng kapayapaan ng Diyos?
17 Kaya’t kung ipinahahayag natin ang ating pag-ibig sa Diyos na Jehova ng ating buong puso at pag-iisip, sasagutin niya ang ating mga panalangin, at tayo’y hindi mababalisa. Sasa-atin ang kapayapaan na wala ang sanlibutang ito. Bakit? Sapagka’t, gaya ng tiniyak ni Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos, Gresya, “ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip [Griego: noun] ay mag-iingat sa inyong mga puso [kar·diʹas] at sa inyong mga kaisipan [no·eʹma·ta: “pag-iisip,” Authorized Version; RS] sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:7) Ang ating makasagisag na puso ay hindi mapupukaw na gumawa ng padalus-dalos na mga maling bagay na liligalig sa atin, at ang ating pag-iisip ay hindi magugulo. Ang Kristiyano ay patuloy na lalakad ayon sa kinasihang Bibliya ng Diyos sa tulong ng Lider, si Kristo-Jesus.
Masasagot Mo Ba?—
◻ Ano ang ibig sabihin ng “pag-iisip” ni Jehova?
◻ Paano ginamit ni Pablo ang teokratikong punong olivo upang ipaghalimbawa ang “pag-iisip” ni Jehova?
◻ Ano ba ang makasagisag na “puso”?
◻ Paano kasangkot ang “puso” at “isip” sa ating pag-ibig sa Diyos?
[Larawan sa pahina 9]
Ang teokratikong punong olivo: Ang masuwaying “mga sangang” Judio ay pinutol at hinalinhan ng nakumberteng mga Samaritano at di-tuling mga Gentil
[Larawan sa pahina 11]
Ang pisikal na puso ang bumobomba ng nagbibigay-buhay na dugo sa utak