Paano Ka Nagpaplano Para sa Hinaharap?
“MABUTI ay pakadibdibin natin ang hinaharap sapagka’t doon natin gugugulin ang nalalabi nating buhay!” Marahil ay sumasang-ayon ka sa pangungusap na iyan. Nakikita ng karamihan sa atin ang katalinuhan ng paggawa ng ilang paghahanda para sa kinabukasan.
Sa mga ilang pamayanan, ang mga mag-asawa’y nagsisikap na magparami ng mga anak upang mayroong mag-aruga sa kanila sa kanilang katandaan. Baka ang mga kabataan ay nag-aaral sa kolehio para maihanda ang sarili na makakuha ng maiinam na trabaho. Ang matatanda naman ay nag-iimpok at pinupuhunan iyon sa anumang magbibigay-kasiguruhan sa kanila sa kanilang katandaan. At marami na ang turing sa salapi’y ito ang pinakamagaling na garantiya para sa hinaharap ang gumugugol ng karamihan ng kanilang panahon at lakas, pati kalusugan, sa pagpapayaman:
Gaano Bang Kasiguruhan ang Dulot Niyaon?
Ang mga paraang ito ng paghahanda para sa hinaharap ay yaong matatawag na dati nang paraan, at masasabing gumagana rin. Kaya lamang ay hindi laging yaong nais na kalabasan ang nagiging resulta. Baka may dukhang mga magulang na maraming anak, nguni’t ang nangyayari’y namamatay ang mga ito dahil sa sakit o sa kakapusan ng nararapat na pagkain. O maraming mga anak, pagka sila’y lumaki na, ang ayaw na mag-aruga sa kanilang mga magulang. Kung minsan ang mga nakatapos sa kolehio ay hindi makakita ng trabaho o kaya’y hindi maliligaya. Kahit na ang pagkayayaman na mga tao ay nakapagpapatunay sa mga salitang ito ni Jesu-Kristo: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nanggagaling sa mga bagay na pag-aari niya.”—Lucas 12:15.
Isa pa, marami ang nababahala dahilan sa lumulubhang polusyon, sa lumalaking arsenal ng mga bansang nuclear, sa patuloy na lumalaking di pagkakaunawaan ng mga bansa at sa mabuway na kabuhayan, pati na rin sa gumuguhong moralidad. Sila’y natitigatig ng kaiisip na baka ang kinabukasan na buong ingat na pinaghandaan nila ay mabigo lamang nang dahil sa mga pangyayaring hindi nila kayang supilin. Ang damdamin ng sikayatristang si Karl Menninger ay kagaya rin ng marami nang kaniyang sabihin: “Ang daigdig ay nasa kalagayang nakakanerbiyos at mabuway, na kung saan maaaring mangyari ang kakilakilabot na mga bagay.”
Nguni’t, ang mga tao rin ang kadalasa’y masisisi sa pagkabigo ng kanilang mga plano para sa hinaharap. Bagaman patuloy na dumarami ang ebidensiya ng panganib ng pag-abuso sa droga, parami nang paraming tao ang nag-aabuso sa droga. Pinatunayan ng pananaliksik na ang paninigarilyo ay maaaring humantong sa kanser at iba pang mga sakit na nagsasapanganib ng buhay. Gayunma’y marami ang patuloy pa rin sa paninigarilyo. Ang iba’y namamatay sa mga aksidente sa kalye sapagka’t sila o sinuman ay nagmamaneho samantalang lasing. Nguni’t ang mga tao ay nagmamaneho pa rin pagkatapos makainom. Malimit na ang resulta ng imoralidad ay mga sakit na likha ng seksuwal na pagtatalik, nguni’t ito’y hindi nakapipigil sa marami sa imoralidad.
May Kulang
Sa kanilang pagpaplano para sa hinaharap karamihan ng mga tao ay may nakakaligtaang bagay. Ang dati nang karunungan ay hindi tumitingin sa lahat ng katotohanan at hindi sinasapatan ang lahat ng kailangan ng tao. Kung gayon, marahil ay interesado kang malaman na ang Bibliya’y may tinutukoy na dalawang uri ng karunungan—“ang karunungan ng sanlibutan” at “ang karunungan ng Diyos.” (1 Corinto 1:20, 21) Bagaman ang paghahanda para sa hinaharap sa karaniwang mga paraan ay mapapakinabangan din nang pansandali, ang pagsunod sa gayong karunungan ay halos walang halaga kung ang hinahangad mo’y isang walang hanggang kinabukasan.
Sinabi ni Jesus: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid sa mga gawa.” (Mateo 11:19) Kung gayon, bakit hindi gastahan ng mga ilang minuto “ang karunungan ng Diyos” at tingnan kung paano maaapektuhan niyaon ang iyong punto-de-vista samantalang nagpaplano ka para sa hinaharap?