Bakit Tayo Di-dapat Maging Bahagi ng Sanlibutang Ito
“Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.”—JUAN 17:16.
1. Anong trato ang sinabi ni Jesus na maaasahan ng kaniyang mga tagasunod?
SI Jesu-Kristo ay tinanggihan, kinapootan at pinag-usig pa man din ng sanlibutang ito. Kaya’t ano ang maaasahan ng kaniyang mga tagasunod? Bueno, kaniyang sinabi sa kanila: “Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, inyong talastas na ako muna ang kinapopootan bago kayo. Kung kayo’y bahagi ng sanlibutan, iibigin ng sanlibutan ang sa kaniyang sarili. Ngayon sapagka’t kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. Alalahanin ninyo ang salitang sa inyo’y aking sinabi, Ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon. Kung ako’y kanilang pinag-uusig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din.”—Juan 15:18-20.
2. (a) Ano ba ang “sanlibutan” na doo’y lubhang naiiba ang mga tagasunod ni Jesus? (b) Sa halip na alisin sa sanlibutan ang mga alagad ni Kristo, ano ang ginagawa sa kanila ni Jehova?
2 Oo, ang mga tunay na tagasunod ni Jesus ay lubhang naiiba sa sanlibutang ito—ang makasalanang lipunan ng sangkatauhan na hiwalay sa Diyos. Kaya naman ang mga alagad ni Kristo ay kinapopootan at pinag-uusig ng sanlibutang ito. Subali’t sa hindi pagiging makasanlibutan, ang mga tagasunod ni Jesus ay kumakapit nang mahigpit sa kaniyang pinakamagaling na halimbawa, at sila naman ay binabantayan ng Diyos na Jehova bilang tugon sa panalangin ni Kristo na: “Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan. Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan.”—Juan 17:15-17.
3. Tungkol sa sanlibutang ito, anong mga tanong ang nangangailangan ng kasagutan?
3 Ano ang ibig sabihin ng pagiging “hindi bahagi ng sanlibutan”? Ibig bang sabihin na kailangang iwasan ng mga tagasunod ni Jesus ang ano mang pakikitungo sa mga di-Kristiyano?
Hindi Maaaring Ibukod ng mga Kristiyano ang Kanilang Sarili
4. Inatasan ni Jesus ng anong gawain ang kaniyang mga tagasunod, kung kaya imposible na sila’y magbukod ng kanilang sarili?
4 Tiyak, hindi inaasahan ni Jesus na ibubukod ng kaniyang mga tagasunod ang kanilang sarili sa bukud-tanging mga pamayanang relihiyoso. Bagkus, kaniyang binigyan sila ng gawaing dapat nilang palaganapin sa buong globo, nang sabihin: “Kayo’y tatanggap ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu, at kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Sa kanila’y iniutos din niya: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo. At narito! Ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Mangyari pa, samantalang “mga tao ng lahat ng bansa” ay maaari sa gayon na maging mga alagad, hindi maaasahan na mga buong bansa sa ganang sarili ang tatanggap sa mga turo ni Jesu-Kristo.
5. Sa pamamagitan ng anong autorisado ng Kasulatan na mga paraan kinukumberte sa pagka-Kristiyano ang mga tao?
5 Nguni’t baka sabihin ng iba: ‘Hindi ba may mga buong bansa na nakumberte sa pagka-Kristiyano? At hindi ba sila ang bumubuo ng tinatawag na Sangkakristiyanuhan?’ Bueno, may mga pinuno na determinadong ang gusto nilang relihiyon ang ipasunod sa kanilang mga sakop at hindi nag-aatubiling ipasunod iyon sa pamamagitan ng malulupit at makahayop na mga paraan. At, ang pagkatakot na maparusahan sa isang guniguning apoy ng impierno ang tumulong nang malaki sa umano’y pagkakumberte ng marami sa naturingang pagka-Kristiyano. (Ihambing ang Eclesiastes 9:5, 10.) Subali’t anong pagkalayu-layo ng lahat ng ito sa tanging autorisadong paraan ng pagpapalaganap ng tunay na pananampalatayang Kristiyano! Ang dakilang gawaing iyan ay kailangang isagawa sa pamamagitan ng aktibong pagpapatotoo, pagtuturo at paggawa ng mga alagad. Ang mga ermitanyo o mga monghe at mga madre na nakakulong sa mga kombento ay hindi kailanman makagaganap ng gawaing iyan o makasusunod sa iniutos ni Kristo na ‘pasikatin ang kanilang liwanag sa harap ng mga tao.’ (Mateo 5:14-16) At ang puwersadong “kumbersiyon” ay hindi maihahalintulad bahagya man sa pagpapatotoo, pangangaral at pagtuturo na tumutulong sa tapat-pusong mga tao ng lahat ng bansa na gumawa ng matalino at taus-pusong pag-aalay ng sarili sa Diyos na Jehova.
Bakit “Hindi Bahagi ng Sanlibutan”
6. Gaya ng nasusulat sa Juan 13:35, bakit masasabi na ang mga Saksi ni Jehova ay tumutugon sa pagkalarawan ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?
6 Ang pangalang “Kristiyano” ay malimit na isa lamang palsipikadong karatula. Anong dami ng mga gawang kasakiman, panlulusob, lansakang pagpatay sa digmaan at pang-aapi sa mga dukha ang maipapataw sa diumano’y mga tao at mga bansa na Kristiyano! Subali’t anong laking kaibahan naman kung tungkol sa mga tunay na tagasunod ni Kristo! “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad,” ang sabi ni Jesus, “kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.” (Juan 13:35) May mga tao na tumutugon sa kaniyang pagkalarawan ngayon—ang mga Saksi ni Jehova. Dahilan sa sila’y nag-iibigan kung kaya wala sa gitna nila ng pagkukumpetensiya, pag-aawayan, pagsasamantala sa isa’t-isa. Bagkus, sila’y nagsasalita nang may pagkakaisa, walang pagkakabaha-bahagi, at may ‘lubos na pagkakaisa sa iisang isip at sa isang takbo ng kaisipan.’ (1 Corinto 1:10; 13:4-8) Natutuhan ng mga Saksi ni Jehova ang kaisipan ng Diyos at ni Kristo at sila’y inaakay nito. (Roma 12:1, 2; 1 Corinto 2:16) Ang isang napakahalagang bahagi ng kaisipang iyon ay na ang mga Kristiyano’y “hindi bahagi ng sanlibutan.”—Ihambing ang Santiago 1:27.
7. Paano ipinakikita ng mga salita ni Pablo sa Gawa 17:30, 31 na angkop na ang mga Kristiyano ay huwag maging bahagi ng sanlibutang ito?
7 May napakabubuting dahilan upang ang mga tagasunod ni Jesus ay maging ‘hindi bahagi ng sanlibutang ito.’ Sa loob ng mga 4,000 taon, ang lubhang karamihan ng tao ay ‘walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.’ (Efeso 2:12) Subali’t ang mahabang yugto ng panahon ng pagkahiwalay kay Jehova nang dahil sa pagkakasala ng tao ay hindi magpapatuloy nang walang hanggan. May labinsiyam na siglo na ngayon ang nakalipas nang sabihin ni apostol Pablo na ang Diyos ay “nagsabi sa sangkatauhan na silang lahat sa lahat ng dako ay magsipagsisi,” sapagka’t ‘Siya ay nagtakda ng isang araw na nilayon niyang ipaghukom sa tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaking kaniyang hinirang,’ si Jesu-Kristo. Isinusog pa ni Pablo na ang Diyos ay “nagbigay ng katiyakan sa lahat ng tao nang kaniyang buhaying-muli [si Jesus] buhat sa mga patay.” (Gawa 17:30, 31) Ang “araw” na ito ng kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari ay pagkalapit-lapit na. Kailangang pumanaw na ang balakyot na sanlibutan. Ito’y hahatulan, parurusahan at lilipulin magpakailanman. Anong pagkaangkup-angkop, kung gayon, na ang nag-aangking mga Kristiyano ay huwag maging bahagi ng sanlibutang ito!
8. Anong gawain ang nagpapakita na “ang wakas” ay malapit na, sa gayo’y nagbibigay ng isa pang dahilan upang ang mga lingkod ni Jehova ay huwag maging “bahagi ng sanlibutan”?
8 Mahigit nang 1,900 taon ang lumipas sapol nang buhaying-muli si Jesus, at walang alinlangan na ang pagsasagawa ng inihatol ng Diyos sa apostatang Sangkakristiyanuhan at sa natitirang bahagi ng sanlibutan ni Satanas ay napipinto na. (2 Pedro 3:10; 1 Juan 5:19) Samantala, ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral ng pasabi ng Diyos sa buong lupa at “mga panahon ng kaginhawahan” ang tinatamasa ng nagsisi at nagpapahalagang mga tao. (Gawa 3:19-21) Bilang pagsunod sa makahulang mga salita ni Jesus para sa kaarawan natin, mahigit na 2,650,000 mga saksi ni Jehova ang nangangaral ngayon ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa 205 lupain. Pagka ang gawaing iyan ay nagbunga na ng “pagpapatotoo sa lahat ng bansa” hanggang sa sukdulan na siyang kalooban ng Diyos, saka “darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Tiyak, kung gayon, na ngayong kaylapit-lapit na ng katapusan ng balakyot na sistemang ito, may lahat ng dahilan ang mga lingkod ni Jehova na ‘huwag maging bahagi ng sanlibutan.’
9. (a) Yamang malapit nang magwakas ang sanlibutan ni Satanas, paano natin dapat malasin ang mga kapakanan at kahilingan ng Kaharian? (b) Anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan ngayon?
9 Yamang malapit nang magwakas ang sanlibutan ni Satanas, anong pagkahala-halaga nga na tiyakin natin na talagang ang Kaharian ng Diyos ang hinahanap muna natin! (Mateo 6:33) Anuman ang ating edad, pinag-aralan o katayuan sa buhay, “lahat tayo’y tatayo sa harap ng hukumang luklukan ng Diyos.” (Roma 14:10) Kaya’t atin na bang ginagampanan sa ating buhay ang mga kahilingan ng Kaharian? O tayo ba ay aktuwal na nagsisikap pa ring makasuwato ng sanlibutang ito na napopoot sa mga tunay na Kristiyano? Tayo ba’y may makasanlibutang mga ambisyon at pag-asa? Atin bang ginagaya ang mga kausuhan sa sanlibutan na labag sa Kasulatan? At atin bang hinahangaan ang mga idolo nito? Tandaan na ang “pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos.” (Santiago 4:4) Kung gayon, para maiwasan natin ang ating pagiging kaaway ng Diyos, paano natin maiiwasan na mahawa sa sanlibutan? Anu-ano ba ang ilan sa mga bagay ng sanlibutan na kailangang iwasan natin?
Iwasan ang Pag-ibig sa Sanlibutan
10. Sa 1 Juan 2:15, 16 ay binabanggit ang anu-anong tatlong bagay na hindi dapat ibigin ng mga lingkod ni Jehova?
10 Si apostol Juan ay sumulat: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama; sapagka’t lahat ng nasa sanlibutan—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan.” (1 Juan 2:15, 16) Dito’y binanggit ni Juan ang tatlong pangunahing bagay sa sanlibutang ito na hindi dapat ibigin ng mga lingkod ni Jehova.
11. Bakit ang mga Kristiyano ay hindi dapat padala sa “pita ng laman”?
11 “Ang pita ng laman” ay maaaring umakay sa atin sa maraming nakapipinsala at nakamamatay na mga gawaing palasak sa balakyot na sanlibutang ito na nasa-ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kabilang na rito ang “mga gawa” ng makasalanang laman—“pakikiapid, karumihan, kalibugan, idolatriya, pamimihasa sa espiritismo, pagkakapootan, gulo, paninibugho, silakbo ng galit, pagtatalo, pagkakabaha-bahagi, mga sekta, pagkakainggitan, paglalasing, kalayawan, at mga bagay na tulad nito.” Hindi natin malalabag nang buong laya ang babala ni apostol Pablo “na yaong mga namimihasa sa ganiyang mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:19-21) Oo, yaong mga di-nagsisisi at namimihasa sa “mga gawa ng laman” ay bahagi ng sanlibutang ito at hindi magkakaroon ng bahagi sa ipinangakong Kaharian na magbabangong-puri sa pangalan ni Jehova at gagawing paraiso ang lupang ito. (Lucas 23:43) Kung gayon, maliwanag na di-dapat magbigay-daan ang mga Kristiyano sa “pita ng laman.”
12. (a) Ano ba “ang pita ng mga mata,” at paano maaapektuhan nito ang espirituwalidad ng isa? (b) Tungkol sa “pita ng mga mata,” ano ang mabuting itanong natin sa ating sarili?
12 “Ang pita ng mga mata” ay isa pang ugali ng mga taong bahagi ng sanlibutang ito. Habang nagkakamal sila ng kayamanan at mga ari-arian, waring hindi sila nasisiyahan kailanman. Aba, marami na dati’y nagbibigay ng kaunting pansin sa katotohanan ng Bibliya na ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay napadadala rin sa bandang huli sa “pita ng mga mata” at, sa gayon, hindi umuunlad sa espirituwalidad. Ang paghahangad nila ng mga bagong damit, kotse, mga bahay, aplayanses at marami pang mga bagay na nakalulugod sa mata ay nagiging napakatindi at, gaya ng sinabi ni Jesus, “ang daya ng kayamanan at ang mga pita sa ibang mga bagay na nagsisipasok ang nagsisiinis sa salita, at ito’y nagiging walang bunga.” (Marcos 4:18, 19) Kapuna-puna, tinukso ni Satanas si Eva sa pamamagitan ng paghikayat sa kaniya na hangarin ang isang ipinagbabawal na bagay na nakikita ng kaniyang mga mata. Subali’t, hindi nagtagumpay si Satanas sa pag-uudyok kay Jesus na magkasala sa pamamagitan ng paghahangad sa mga bagay na nakikita ng mga mata. (Genesis 3:1-6; Lucas 4:5-8) Nguni’t komusta ka naman? Tinutularan mo ba ang natatanging halimbawa ni Jesus? O ang pagbibigay-kasiyahan sa “pita ng mga mata” ang umuubos ng iyong panahon, atensiyon at lakas na anupa’t napapabayaan mo ang mga intereses ng Kaharian? Kung sakaling umuurong ang iyong espirituwalidad, kumilos ka nang mabilis upang lunasan ang ganiyang kalagayan!
13. Gaya ng ipinakita ni Pablo at ng mga ilang kawikaan, tungo sa ano maaaring umakay ang masakim na “pita ng mga mata”?
13 Ang masakim na “pita ng mga mata” ay maaaring umakay tungo sa pagdaraya, pagkainggit, pag-iimbot at iba pang pagkakasala na kinapopootan ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Pablo, ang “mga taong masasakim” ay kabilang sa mga hindi “magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Kaya naman angkop din ang paalaala ng mga kawikaan ng karunungan: “Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala, nguni’t siyang nagmamadali sa pagyaman ay walang pagsalang parurusahan. Ang taong may mainggiting mata ay nagmamadali sa pagyaman, nguni’t hindi niya alam na kasalatan ang darating sa kaniya.” (Kawikaan 28:20, 22) Kahit na kung ang karalitaan ay hindi agad-agad sumapit sa mga taong masasakim at mainggitin, sila’y mangamamatay na hindi kinakamit ang paglingap ng Diyos o dili kaya’y sasapit sa malungkot na kawakasan sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.—Mateo 24:3; Lucas 12:13-21.
14. (a) Paano maaaring makilala “ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan”? (b) Ano ba ang ugat ng ganitong “mapasikat na pagpaparangalan,” paghahambog at paghahangad na mapataas? (c) Bakit dapat nating labanan ang tukso na ipagparangalan ang ating mga pag-aari at inaakalang mga natapos?
14 “Ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan” ay kailangan ding iwasan ng mga lingkod ni Jehova. Totoong nakahihikayat nga na ipagparangalan mo ang mamahaling mga pag-aari mo! Kalimitan ang ganiyang maling pita ay umaakay hindi lamang sa pagsisikap ng isa na umagapay sa iba sa pamumuhay nang marangya kundi rin naman sa pagsisikap niya na sila’y makapupong malampasan pa. Ang kasama nito ay ang paghahambog ng isang tao sa kaniyang natapos. Baka ibig niyang mapalagay sa mataas na puwesto o katayuan, kaya kinakaibigan niya ang litaw na mga tao upang siya’y tangkilikin. Nguni’t silang napagagamit sa ganitong paraan ay hangal, at ang taong iyon na labis na ambisyoso ay baka maging katulad ng “masasamang tao” noong kaarawan ni Judas na ‘ang mga bibig ay nagsasalita ng mga kahambugan samantalang hinahangaan nila ang mga pagkatao ukol sa kanilang sariling kapakinabangan.’ (Judas 4, 16) Ang ugat ng lahat ng ganitong paghahangad na mapataas at mapasikat na pagpaparangalan ay makasalanang pride o kapalaluan. (Kawikaan 8:13; 16:18; 21:4) Kung gayon, labanan natin ang tukso na ipagparangalan ang ating mga pag-aari at inaakalang mga natapos. Angkop na banggitin dito ang kawikaan na: “Hindi mabuti ang kumain ng napakaraming pulot; at kung ang mga tao’y maghahanap ng kanilang sariling kaluwalhatian, kaluwalhatian na ba iyon?” (Kawikaan 25:27) At yamang karamihan ng tao ay lumalakad sa maluwang na daang patungo sa kapahamakan, totoong napapanahon nga ang sinabi ni Jesus, “Sa aba ninyo, kailanma’t ang mga tao ay nagsasalita ng magaling tungkol sa inyo”!—Lucas 6:26.
“Ang Sanlibutan ay Lumilipas”
15. (a) Binibigyan tayo ni apostol Juan ng anong mahalagang dahilan na huwag maging “bahagi ng sanlibutan”? (b) Sa ano gugugulin ng tapat na mga Kristiyano ang karamihan ng kanilang lakas?
15 Binibigyan tayo ni Juan ng isang mahalagang dahilan na huwag maging “bahagi ng sanlibutan” nang isusog niya: “Isa pa, ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwa’t ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) “Ang sanlibutan,” ang balakyot na lipunan ng sangkatauhan, ay malapit na sa kaniyang wakas sa mabilis-na-dumarating na “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21) Sa panahong iyan ultimong kaliit-liitang bahagi ng makapolitika, makakomersiyo at huwad-ang-relihiyon na sanlibutang ito ay lilipulin. Kaya’t papaano ngang ang sino mang tunay na mga saksi ni Jehova ay makapagbubuhos ng lahat ng kanilang panahon, lakas at ari-arian sa mga elementong ito na sa pinakamadaling panahon ay papanaw? Bagkus, ang karamihan ng kanilang lakas ay gugugulin ng tapat na mga Kristiyano sa pagtangkilik sa mga intereses ng Kaharian at sa mga bagay na mananatili, walang-hanggan. Isa pa, sa pamamagitan ng gayong katapatan at pananampalataya ‘dadaigin [ng mga lingkod ni Jehova] ang sanlibutan’ ng balakyot na lipunan ng sangkatauhan, gaya kung paano dinaig ito ni Jesu-Kristo. (Juan 16:33) Oo, at sila’y makakaligtas pagka ang sanlibutang ito ay lumipas na pagkapinuksa na ng Diyos, gaya ni Noe at ng kaniyang sambahayan na nakaligtas sa Baha.—2 Pedro 2:5.
16. Anong mga tanong ang natitira pa para maingat na pag-aralan natin?
16 Yamang ang sanlibutang ito ay lumilipas, paano nga mamalasin ng mga Kristiyano ang pagkasangkot sa panlipunang mga kapakanan nito? Ano ang dapat nilang maging saloobin tungkol sa edukasyon, sa pangangalakal at paglilibang? Ang mga tanong na gaya nito ay maingat na pag-aaralan natin sa susunod.
Ano ang Masasabi Mo?
◻ Ano ba ang sanlibutan na ang mga tunay na tagasunod ni Jesus ay hindi bahagi?
◻ Dahilan sa anong atas na gawain sa kanila kung kaya ang mga alagad ni Kristo ay hindi maaaring magbukod ng kanilang sarili?
◻ Ano ang ilang mga dahilan kung bakit ang mga Saksi ni Jehova ay “hindi bahagi ng sanlibutan”?
◻ Upang makasunod sa payo ng 1 Juan 2:15-17, anong tatlong mga pangunahing bagay ang hindi dapat ibigin ng lingkod ni Jehova?
[Larawan sa pahina 20]
Bagaman “hindi bahagi ng sanlibutan” ang mga Saksi ni Jehova, sila’y abala ng espirituwal na pagtulong sa mga tao ng lahat ng bansa
[Larawan sa pahina 22]
Kung tayo’y “hindi bahagi ng sanlibutan,” tayo ay hindi padadala sa mga pita ng laman at ng mga mata ni ipagpaparangalan man natin ang ating kabuhayan