Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 4/15 p. 30-31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Kaparehong Materyal
  • Tamang Pangmalas sa Alak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Ano ang Pangmalas ng Diyos sa Alak?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Panatilihin ang Timbang na Pangmalas sa Paggamit ng Inuming De-alkohol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Magpagabay sa Pananaw ng Diyos sa Alak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 4/15 p. 30-31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

◼ Itinuturing ba ng mga Saksi ni Jehova na isang sakit ang pagkasugapa sa alak o alkoholismo?

Para sa maraming tao ang alkoholismo o pagkasugapa sa alak ay isang sakit, sang-ayon sa malawak na pangangahulugan sa salitang alkoholismo. Ang mga mananaliksik, manggagamot at mga tao na tumutulong sa mga alkoholiko ay kabilang na rito, sapagka’t marami sa kanila ang gumagamit ng mga termino na gaya ng “sakit,” “karamdaman” o “illness” sa pagtukoy o pagbibigay-katuturan sa alkoholismo. Halimbawa, sinasabi ng Science Digest ng Mayo 1984:

“Ang alkoholismo ay isa pa ring sakit na inihahanap pa ng paliwanag. Samantalang dati’y itinuturing ito na isang sakit ng isip lamang, ngayo’y inaakala na may bahagi rito ang pinagmulang pamilya at angkan . . . Ang mga natuklasan kamakailan ay sumusuporta sa mas maagang ebidensiya buhat sa Sweden na nagpapatunay na ang alkoholismo ay kalimitan ‘nagpapasalin-salin’ sa loob ng mga pamilya.’ ”​—Pahina 16.

Datapuwa’t, may dahilang pakaingat tungkol sa pagtuturing na isang sakit ang alkoholismo. May mga alkoholiko at iba pa, na ipinangangatuwiran ang kanilang pagkasugapa sa alak o labis na pag-inom, at sinasabi nilang hindi nila talagang maihinto iyon, sapagka’t isang sakit na iyon. Ang iba’y tila nag-aakala naman na kung ang isang lasenggo ay may gayong sakit, o likas na walang laban ang kaniyang katawan na paglabanan ang paglalasing, kung gayo’y hindi siya mapananagot sa ano mang gawin niya pagka siya’y lasing.

Subali’t, ang unang-unang isinasaalang-alang ng mga Kristiyano ay ang pangmalas ng Diyos sa ano mang bagay. Matuwid ang kaniyang pagkamalas sa anuman, balanse at permanente iyon, kung ihahambing sa mga pangmalas ng mga doktor at sikologo na nauuso nang sandaling panahon, at pagkatapos ay nababago o abandonado na. Sa sakdal na Salita ni Jehova ay tahasang minamasama ang paglalasing, at kabilang sa mga bagay na makahahadlang sa kaninuman sa pagpasok sa kaharian ng Diyos. (Galacia 5:19-21) Ipinapayo ng Roma 13:12, 13: “Ang gabi ay totoong malalim; ang araw ay malapit na. Iwaksi nga natin ang mga gawa ng kadiliman at ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan. Magsilakad tayo nang disente gaya kung araw, huwag sa katakawan at paglalasing, huwag sa kalibugan at sa kahalayan, huwag sa alitan at sa inggitan.” Kahit na kung nasa lahi ng iba ang pagkalasenggo, at sa ganoo’y itinuturing iyon ng iba na isang problema ang paggamot o isang sakit, kinikilala ng mga Kristiyano na ang isang lasenggo’y maaaring magbago.

Si apostol Pedro ay sumulat sa mga Kristiyano: “Sapat na ang nakaraang panahon nang gawin ninyo ang kalooban ng mga bansa nang kayo’y lumalakad sa kalibugan, sa masasamang pita, sa paglalasing, sa mga kalayawan, sa mga paligsahan ng pag-inom, at sa labag-kautusan na mga idolatriya. Sapagka’t hindi na kayo ngayon nakikitakbong kasama nila sa ganitong pamumuhay sa hamak na kahalayan, sila’y nagtataka at patuloy na nagsasalita ng masama tungkol sa inyo.” (1 Pedro 4:3, 4) Si Pedro ay hindi rin sakdal at nauunawaan niya ang kalagayan ng tao. Gayunman ay hindi niya sinabi na lahat ng Kristiyano’y huminto na sa pagmamalabis sa alak maliban sa mga nanggaling sa mga lahi ng mga lasenggo na hindi maiwanan ang paglalasing. Ang totoo, sinabi ni apostol Pablo na may mga Kristiyanong dati’y mga mapakiapid, magnanakaw, lasenggo at mga mangingikil. Subali’t anuman ang umakay sa kanila tungo roon, sila’y nagbago at ngayo’y bago na. Sinabi ni Pablo: ‘Kayo’y nahugasan nang malinis, kayo’y inaring-matuwid na sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at taglay ang espiritu ng ating Diyos.’​—1 Corinto 6:9-11.

Kaya ituring man na sakit o hindi ang alkoholismo o paglalasing, ang mataas at mabuting pamantayan na nasa Salita ng Diyos ang dapat nating sundin. Sinuman na naging sugapa sa alak​—baka dahil sa kawalan ng pagpipigil sa sarili, sa impluwensiya ng pamilya, o kahit na dahil sa halimbawa nagmula siya sa lahi ng mga lasenggo​—ay dapat magsikap na huminto sa paglalasing, at dito’y baka may makatulong sa kaniya. (Tingnan ang Awake! ng Hulyo 8, 1982, pahina 4-12.) Sa gayon, upang “huwag na siyang mabuhay sa nalalabing panahon nang ayon sa mga masasamang pita ng mga tao, kundi nang ayon sa kalooban ng Diyos.”​—1 Pedro 4:2.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share