Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 5/1 p. 9-15
  • “Kayo’y Dapat Nang Maging mga Guro”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Kayo’y Dapat Nang Maging mga Guro”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Guro . . .
  • . . . at ang Kaniyang Turo
  • Magturo Taglay ang Malalim na Unawa at Pagiging Mapanghikayat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Tularan ang Dakilang Guro
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • “Hindi Siya Nagtuturo sa Kanila Nang Walang Ilustrasyon”
    Halika Maging Tagasunod Kita
  • Magbigay Ka ng Palagiang Pansin sa Iyong Turo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 5/1 p. 9-15

“Kayo’y Dapat Nang Maging mga Guro”

‘Ang alipin ng Panginoon ay kailangang may kakayahang magturo.’​—2 TIMOTEO 2:24.

1, 2. Sa anong natatanging paraan kailangang tularan ng mga Kristiyano si Jesus?

ISANG araw ng tagsibol noong 31 C.E., sa isang malawak na dako, si Jesus ay nagpahayag sa isang malaking, haluang pulutong ng mga tao na nagkatipon upang makinig sa kaniyang turo. Siya’y nagsalita na walang mikropono na gaya ng uso ngayon, kundi ginamit niya ang likas na mga puwersang pampalakas-tinig upang siya’y marinig ng mga tagapakinig. At ang kaniyang sinabi ay kagilagilalas. Pagkatapos ng kaniyang pahayag ay sumang-ayon ang kaniyang mga tagapakinig na noon lamang sila nakarinig ng gayong pahayag. Sinasabi sa atin ng kasulatan: “Ang karamihan ay lubhang nanggilalas sa kaniyang paraan ng pagtuturo.” (Mateo 7:28) Dito at sa marami pang mga okasyon ay ipinakita ni Jesus na siya’y isa ngang dalubhasang guro.

2 Gayundin, sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod na sila man ay dapat maging mga guro. Ang sabi niya: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa . . . turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Idiniin din ni apostol Pablo na ang mga Kristiyano ay may pananagutan na magturo, “Kayo’y dapat nang maging mga guro dahil sa katagalan,” ang sabi niya sa mga Hebreong Kristiyano. (Hebreo 5:12) Sinabi rin niya kay Timoteo: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging malumanay sa lahat, may kakayahang magturo.”​—2 Timoteo 2:24.

3. Sa anu-anong pitak ng gawain maaaring mapaharap ang isang Kristiyano upang magturo?

3 Bakit may ganitong pagdiriin sa pagtuturo? Bueno, ang mga Kristiyano ay kailangang makaalam kung paano magtuturo kung sila’y nangangaral sa bahay-bahay at sa mga lansangan, o kung sila’y bumabalik upang dumalaw muli at magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado. Sinisikap nilang sa lahat ng pagkakataong makausap nila ang mga tao ay makapagturo sila sa mga ito. (Tingnan ang Juan 4:7-15.) Bukod dito, ang isang ministrong Kristiyano ay kailangang magturo pagka siya’y nagpapahayag sa kongregasyon sa Kingdom Hall, o pagka siya’y personal na nagpapayo kaninuman. At ang maygulang na mga babae ay pinapayuhan na kanilang turuan “ng mabuti” ang nakababatang mga babae. (Tito 2:3-5) Ang mga magulang na Kristiyano rin naman ay nagsisikap na ang mga anak nila’y palakihin ayon sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova”​—na nangangailangan ng malaking abilidad sa pagtuturo. (Efeso 6:4; Deuteronomio 6:6-8) Hindi nga kataka-takang sabihin ni apostol Pablo na ang isang Kristiyano ay kailangang “may kakayahang magturo”!

4, 5. Anong tulong mayroon tayo upang maging mabubuting guro?

4 Subali’t ang pagtuturo ay hindi madali. Ito’y isang sining. (2 Timoteo 4:2) Papaanong ang mga Kristiyano, na kakaunti naman sa kanila ang “marurunong ayon sa laman,” ay matututo ng sining na iyan? (1 Corinto 1:26) Ito’y magagawa tangi lamang sa tulong ni Jehova. (Mateo 19:26) Si Jehova ay nagbibigay ng karunungan sa mga humihingi nito. (Santiago 1:5) Ang kaniyang banal na espiritu ay umaalalay sa mga naghahangad na gawin ang kaniyang kalooban, at kaniyang ibinigay sa atin ang Bibliya, na “mapapakinabangan sa pagtuturo,” at nakatutulong sa atin upang tayo’y “masangkapan para sa bawa’t mabuting gawa,” kasali na ang pagtuturo.​—2 Timoteo 3:16, 17.

5 Ang Bibliya ay tumutulong sa atin upang tayo’y maging lalong mabubuting guro. Ginagawa ito lalo na sa pamamagitan ng tapat na pag-uulat ng ministeryo ni Jesus, na dahil sa kahusayang magturo ay lubhang namangha ang mga taong nakarinig sa kaniya. (Marcos 1:22) Kung ating malalaman kung ano ang nagpapangyari sa kaniya na siya’y maging isang mabuting guro, makapagsisikap tayo na tularan siya. Ang totoo, may dalawang bagay na dapat isaalang-alang sa pagtuturo: ang sariling mga katangian ng guro at ang paraan ng kaniyang pagtuturo. Tingnan natin kung paano ito totoo sa halimbawa ni Jesus, at kung ano ang ating matututuhan sa kaniya.

Ang Guro . . .

6. Ano ang isang katangian ng pagtuturo ni Jesus na mahalagang tularan natin? Bakit?

6 Nang minsan sinabi ni Jesus: “Ang itinuturo ko ay hindi akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) At sinabi rin niya minsan: “Wala akong ginagawa nang sa ganang sarili ko; kundi ayon sa itinuro sa akin ng Ama ganoon ko sinasalita ang mga bagay na ito.” (Juan 8:28) Sa gayon, idinirekta ni Jesus ang pansin sa kaniyang makalangit na Ama. Bagaman siya ang Mesiyas, ang motibo niya ay ang pagluwalhati sa pangalan ni Jehova, hindi sa kaniyang sarili. (Mateo 6:9; Juan 17:26) Dahil sa ganitong pagpapakumbaba kaya isang natatanging guro si Jesus. Ang mga Kristiyanong guro sa ngayon ay dapat ding mayroon ng ganiyang pagpapakumbaba. Ang kanilang motibo ay ang magdala ng kapurihan, hindi sa kanilang sarili bilang mga guro, kundi kay Jehova bilang ang Autor ng kanilang itinuturo. Ang kanilang mga inaralan ay nagiging mga lingkod ng Diyos kung gayon, hindi mga alagad ng kung sino mang tao.​—Ihambing ang Gawa 20:30.

7, 8. (a) Anong mainam na saloobin tungkol sa katotohanan ang taglay ni Jesus? (Awit 119:97) (b) Papaanong ang ganiyan ding saloobin ay magpapahusay ng ating abilidad na magturo?

7 Saka isaalang-alang na si Jesus ay naparito upang “magpatotoo sa katotohanan,” at na siya’y may lubusang kaalaman sa kaniyang paksa. (Juan 17:17; 18:37) Kahit na sa edad na 12 anyos, siya’y totoong interesado sa mga bagay na maka-Kasulatan. (Lucas 2:46, 47) Maliwanag, iniibig ni Jesus ang katotohanan. (Awit 40:8) Ang malawak na pagkaunawang ito at ang pag-ibig sa katotohanan ang kumumbinse kay Jesus na ang iba’y kailangang makarinig ng kaniyang pabalita, at siya’y disididong ituro ito sa pinakamabisang paraan na maaari.​—Juan 1:14; 12:49, 50.

8 Komusta naman tayo? Baka marami tayong alam tungkol sa katotohanan, nguni’t atin bang iniibig iyon? Tayo ba’y gumagasta ng panahon upang maging lalong bihasa sa paggamit niyaon? Naliligayahan ba tayong ipakipag-usap iyon sa iba? Habang lumalawak ang ating kaalaman sa katotohanan, lalong lálaki ang pag-ibig natin dito at pati ang sikap natin na ibahagi ito sa iba. Sinabi ng salmista na maligaya ang tao na “may kaluguran sa kautusan ni Jehova, at ang kaniyang kautusan ay binabasa at binubulay-bulay araw at gabi.” Para sa gayong tao, sinasabi ng Bibliya, “lahat ng gawin niya ay magtatagumpay,” at kasali na rito ang pagtuturo.​—Awit 1:1-3.

9. Ano pang ibang katangian ni Jesus ang may bahagi sa kaniyang mainam na abilidad sa pagtuturo?

9 Datapuwa’t, hindi como may kaalaman tayo tungkol sa isang paksa ay magiging mga dalubhasang guro na tayo. Nang nag-aaral ka pa ay mayroon ka marahil isang guro na may malaking kaalaman sa asignatura na kaniyang itinuturo nguni’t isang mahinang guro. Bakit nga gayon? Baka kulang siya nitong katangian na mayroon namang saganang-sagana si Jesus: ang matinding pag-ibig at pagmamalasakit sa iba. Sinasabi sa atin ng kasulatan ang ganitong pangyayari: “Nang makita niya ang mga karamihan [si Jesus] ay nahabag sa kanila, sapagka’t sila ay pinagsamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.” (Mateo 9:36) Lagi siyang handa na tumulong sa iba. Siya’y nakitungo nang may kabaitan, pagkamalumanay at pagkamatiisin sa kanilang mga kahinaan. Nais niya na tumulong. (Lucas 5:12, 13) Ang mga katangiang ito ay kailangan din ng gurong Kristiyano kung ibig niyang magtagumpay.

10. Bakit ang isang mabuting halimbawa ay isang mahalagang bahagi ng matagumpay na pagtuturo?

10 Pansinin din ang ikaapat na katangian ni Jesus bilang isang guro. “Siya’y hindi nagkasala, ni nasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig.” (1 Pedro 2:22) Ang kaniyang ikinilos ay kaayon ng kaniyang itinuro. Ganoon ba rin tayo? Si Pablo ay sumulat sa mga taga-Roma: ‘Datapuwa’t, ikaw ba na nagtuturo sa iba na “huwag magnanakaw,” ikaw ba ay nagnanakaw?’ (Roma 2:21) Kasuwato nito, ang matanda ba sa kongregasyon na nagtuturo na mahalagang maglingkod tayo sa larangan ay masigasig sa paglilingkod sa larangan? Ang nagpapahayag ba tungkol sa kahalagahan ng pagbabasa ng Bibliya ay may sariling iskedyul ng pagbabasa sa Bibliya? Kung minsan kahit na lamang ang ugali mo ay ‘makahihikayat’ sa isang mananalansang. (1 Pedro 3:1) Ang kilos ay maaaring magsalita nang mas malakas kaysa mga salita. Oo, kung ang ating mga kilos ay kontra naman sa ating mga salita, dagling makikita ng tinuturuan ang pagkakaiba, at malamang na mawalang-kabuluhan ang ating turo.

11. Ano pang pitak ng pagtuturo ang tinatalakay dito?

11 Ang hangarin ng guro na purihin si Jehova, ang kaniyang pagkaunawa at pag-ibig sa katotohanan, ang kaniyang may kabaitang pagmamalasakit sa iba at ang kaniyang mabuting halimbawa ay pawang mahahalagang katangian ng isang mabuting guro. Ang taimtim na mga inaaralan ay tumutugon sa ganiyang mga katangian kahit na kung ang guro ay hindi gaanong dalubhasa sa kaniyang istilo at pamamaraan ng pagtuturo. Gayunman, ang pagtuturo ay isang sining, at ang pagsasaalang-alang ng mga istilo at pamamaraan sa pagtuturo ay lalo pang makapagpapahusay sa ating pagtuturo. Pag-usapan natin ang ilan sa mga teknikal na katangian ng pagtuturo ni Jesus at tingnan kung makatutulong sa iyo na maging isang lalong mahusay na guro.

. . . at ang Kaniyang Turo

12. (a) Anong katangian ng turo ni Jesus ang mapapansin sa Mateo 5:3-12? (b) Paano mo maikakapit ang katangiang ito upang mapasulong mo ang iyong sariling abilidad sa pagtuturo?

12 Upang malasap ang kasarapan ng turo ni Jesus, basahin mo ang unang mga ilang talata ng kaniyang Sermon sa Bundok. (Mateo 5:3-12) Ano ba ang kaagad mong mapapansin? Bueno, maingat na pinili ni Jesus ang kaniyang mga salita. Ang sunud-sunod na maiikling pangungusap na pinasisimulan ng pananalitang, “Maligaya ang . . . ” ay madaling tandaan. Subali’t pansinin din: Hindi siya gumagamit ng masalimuot at matatayog-pakinggang mga salita o pangungusap. Ang mga katotohanang ipinapahayag ay malalalim, subali’t sinasalita nang simple. Narito ang lihim ng mabisang pagtuturo: SIMPLE. Basahin mo ang natitirang bahagi ng pahayag ni Jesus at pansinin ang mga ilan pang halimbawa ng malalalim na katotohanang ipinahayag nang simple at malinaw. (Mateo 5:23, 24, 31, 32; 6:14; 7:12) Pagkatapos ay pag-isipan mo kung paano mo maipaliliwanag nang simple ang mga ilang malalalim na katotohanan, tulad baga ng, mga Panahong Gentil, o kung bakit ang Bibliya ay nagbibigay ng kapuwa isang makalangit at isang makalupang pag-asa.

13, 14. Paanong ang mga ilustrasyon ay nagbigay-buhay sa mga salita ni Jesus?

13 Ngayon, basahin ang Mateo 5:14-16. Ipinayo ni Jesus sa kaniyang mapagpakumbabang mga tagapakinig na ipangaral ang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang mabubuting salita at mga gawa. Marahil ay nagulat sila sa ganitong sinabi. Noong mga araw na iyon ang mga eskriba at Fariseo ay tinitingala bilang mga guro ng bansang Judio. Subali’t ang punto’y idiniing mabuti ni Jesus, upang lumabas na napakamakatuwiran kung pakikinggan. Papaano? Sa pamamagitan ng paggamit ng napakahusay na ilustrasyon o paghahalimbawa. Narito ang isang mahalagang tulong sa pagtuturo na malimit na ginamit ni Jesus: ILUSTRASYON.

14 Bakit mga ilustrasyon? Sapagka’t tayo’y napakagaling mag-isip sa tulong ng mga larawan. At, sa pamamagitan ng paggamit ng karaniwang mga bagay bilang pinaka-halimbawa, sa pamamagitan ng mga ilustrasyon ay nagiging mas madaling maintindihan ang espirituwal na mga bagay. Sa gayon, inihambing ni Jesus si Jehova, na Nakikinig sa panalangin, sa isang ama na nagbibigay ng mabubuting bagay sa kaniyang mga anak. Ang mahirap-lakarang landas ng buhay ay tinukoy na isang makipot na pintuan na patungo sa isang makitid na daan. Ang mga bulaang propeta ay inihalintulad sa mga lobo na nagkukunwaring mga tupa o sa mga punungkahoy na nagbubunga ng masama. (Mateo 7:7-11, 13-21) Ang tunay-na-buhay na mga paghahalimbawang ito ay nagbigay-buhay sa mga salita ni Jesus. Ang mga leksiyon na ibig niyang iyaral ay napatimo, hindi makatkat, sa alaala.

15. Magbigay ng mga ilang halimbawa kung paanong ang mga Kristiyano sa ngayon ay makagagamit ng mga ilustrasyon upang pasulungin pa ang kanilang pagtuturo?

15 Ang mga gurong Kristiyano sa ngayon ay gumagamit din ng mga ilustrasyon upang ang mga bagong idea ay maging lalong madaling tanggapin ng iba. Ang kawalang-katuwiran ng aral ng impiernong-apoy ay ipinaghalimbawa ng iba sa pamamagitan ng pagtatanong sa nakikinig kung ano ang iisipin niya tungkol sa isang magulang na ang kamay ng kaniyang masuwaying anak ay idinuduldol sa apoy bilang kaparusahan. Ang katotohanan na kakaunti buhat sa sangkatauhan ang pupunta sa langit, samantalang ang walang-hanggang buhay sa lupa ang pag-asa ng karamihan, ay maipaghahalimbawa sa isang bansa na doo’y kakaunti lamang na mga tao ang bahagi ng gobyerno, samantalang karamihan ay nagtatamasa ng mga pakinabang sa gobyernong iyon. Subali’t ang ilustrasyon ay karaniwan nang dapat kunin sa mga bagay na kilalang-kilala ng tagapakinig. Hindi naman dapat ang mahabang paliwanag tungkol doon na anupa’t ang puntong ibig patingkarin ay natatakpan.

16. Anong uri ng mga ilustrasyon ang lalong higit na mabisa?

16 Huwag kalilimutan na ang mga ilustrasyon ay maaaring batay din sa mga bagay na nakikita. Nang magtanong si Jesus kung matuwid bagang magbayad ng mga buwis kay Cesar, humingi siya ng isang barya, isang denario, at ginamit iyon upang ipaghalimbawa ang kaniyang sagot. (Mateo 22:17-22) Nang idinidiin niya na kailangan ang pagpapakumbaba, kaniyang ipinaghalimbawa iyon sa pamamagitan ng pagtawag at pagpapalapit sa kaniya ng isang munting bata. (Mateo 18:1-6) At nang tinutukoy niya ang 100-porcientong debosyon, kaniyang itinawag-pansin ang isang babaing balo na nagbibigay ng lahat niyang ari-arian-dalawang kusing​—sa kabang-yaman ng templo. (Marcos 12:41-44) Kaya naman, may mga tagapagpahayag sa mga pulong Kristiyano sa Kingdom Hall na gumagamit ng mga pisara, larawan, tsart at mga slides, samantalang sa mga pantahanang pag-aaral ng Bibliya, ang nakalimbag na mga ilustrasyon o iba pang pantulong ay maaaring gamitin. Ang mga ilustrasyon na batay sa mga bagay na nakikita ay lalong higit na mabisa kaysa mga salita lamang.

17. Banggitin ang isa pang paraan ng pagtuturo na napakalimit gamitin ni Jesus.

17 Sa wakas, basahin ang tungkol sa pakikitungo ni Jesus sa mga Fariseo na iniulat sa Mateo 12:10-12. Pansinin ang napakahusay na sagot niya sa isang napakamautak na tanong. Oo, siya’y gumamit ng isang ilustrasyon, nguni’t napansin mo ba kung paano niya iniharap iyon? Bilang isang tanong. Sa gayo’y buong husay na inakay niya ang kaniyang mga tagapakinig na malasin ang Sabbath sa isang lalong timbang na paraan. Samakatuwid, sa pagtuturo ang mga TANONG ay isa pang di-mapapantayang tulong na ginamit ni Jesus. Pansinin kung paano ginamit ni Jesus ang mga tanong upang ang kaniyang mga tagapakinig ay huminto at mag-isip at hilahin ang mga mananalansang na pag-isipan ang kanilang katayuan.​—Mateo 17:24-27; 21:23-27; 22:41-46.

18. Magbigay ng mga ilang halimbawa kung paano ang mga Kristiyano ngayon ay makagagamit ng mga tanong pagka sila’y nakikipag-usap tungkol sa mga doktrina.

18 Ang mga Kristiyano ngayon ay makagagamit din ng mga tanong. Kaya, pagka ginamit ng isang naniniwala sa Trinidad ang Mateo 28:18 upang patunayan na si Jesus ay makapangyarihan-sa-lahat, at samakatuwid kapantay ng Diyos, ang may karanasang mga guro ay gumagamit ng mga tanong upang tulungan siya na mangatuwiran. Maaari nating itanong: ‘Kung lahat ng kapamahalaan ay ibinigay kay Jesus, gaya ng sinasabi ng talata, sino ang nagbigay nito sa kaniya? At ano ang tungkulin ni Jesus bago iyon ibinigay sa kaniya?’ Sa gayon, ang taong naniniwala sa Trinidad ay tinutulungan na suriing maingat ang tekstong iyan. Gayundin, ang isang naniniwala sa impiernong-apoy ay baka yaong talinghaga ng taong mayaman at ni Lazaro ang gamitin upang patunayan na mayroong maapoy na impierno. (Lucas 16:19-31) Baka matulungan siya ng mga tanong na gaya ng: Saan nagpunta ang taong dukha nang siya’y mamatay? Kung iyon ay sa langit, ibig bang sabihin na lahat ng nasa langit ay nasa sinapupunan ni Abraham? Isa pa, ano ang ginagawa roon ni Abraham, yamang sinabi ni Jesus na hangga noong Kaniyang kapanahunan ay wala pang taong nakakaakyat sa langit? (Juan 3:13) Tutulong ang ganiyang mga tanong upang ipakita na ang kalagayan ng taong dukha pagkamatay niya ay simboliko. Kung gayon, ang kalagayan ng taong mayaman “pagkamatay” niya ay simboliko rin at hindi literal​—lalo na sa liwanag ng sinasabi tungkol sa impierno ng mga ibang teksto.​—Eclesiastes 9:10.a

19. Bakit ang mga tanong ay napakamahalaga sa pagtuturo sa lahat ng okasyon?

19 Sa pamamagitan ng mga tanong ang isang inaaralan ay may bahagi sa kaayusan ng pagtuturo. Kahit ang mga tanong na retorico (kung saan hindi inaasahan ng nagpapahayag na sasagutin ng mga nakikinig ang kaniyang tanong) ay humihila sa tagapakinig na mag-isip. Pansinin ang paggamit ni Jesus ng mga tanong retorico sa Mateo 11:7-11. Ang mga tanong ay mayroon pang isang gamit. Kadalasan ay dapat nating malaman ang nasa isip ng isang tao bago natin siya matulungan. Palibhasa’y hindi tayo katulad ni Jesus na nakababasa ng mga puso, mayroong tanging paraan upang makuha natin ang impormasyong ito: ang paghaharap ng mga tanong na pinag-isipang mabuti.​—Kawikaan 18:13; 20:5.

20. Ano ang mga kagantihan kung atin ‘laging aasikasuhin ang ating sarili at ang ating turo’? (1 Timoteo 4:16)

20 Oo, ang pagtuturo ay isang sining. Upang mapaunlad niya ito, kailangang mapasulong ng guro ang mga katangian sa kaniyang sarili at matutuhan niya kung papaano magtuturo. Hindi ito madali, nguni’t mapauunlad niya. Oo, upang maging isa kang Kristiyano kailangan na isa kang guro. Para sa pagtupad ng napakaraming mga obligasyong Kristiyano kailangan ang pagtuturo. Kaya nga, makabubuting ikapit natin ang payo ni Pablo: “Laging asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo.” Totoo, ang iba ay hindi gaanong pinagkalooban ng likas na kakayahan dito di-gaya ng iba. Subali’t lahat ay mabisang makapagtuturo kung sila’y magsusumikap at kay Jehova hihingi ng tulong. Kung gagawin nila ito, ang mga kagantihan ay hindi mo maubus-maisip. Gaya ng sinabi pa ni Pablo: “Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagka’t sa paggawa mo nito ay ililigtas mo ang iyong sarili at pati ang nagsisipakinig sa iyo.”​—1 Timoteo 4:16.

[Talababa]

a Tingnan ang New World Translation Reference Bible, talababa; tingnan din ang Appendix 4 B.

Maipaliliwanag Mo Ba?

◻ Anong mga katangian ang tumulong kay Jesus upang maging isang mabuting guro?

◻ Papaano tutulong sa atin ang mga katangiang ito?

◻ Bakit kailangan ang pagkasimple sa isang guro?

◻ Bakit ang paggamit ng mga ilustrasyon at mga tanong ay makapagpapasulong pa sa ating pagtuturo?

[Larawan sa pahina 9]

Si Jesus ay naiiba sa mga pinuno ng relihiyon sa kaniyang paraan ng pagtuturo

[Larawan sa pahina 11]

Tulad ni Jesus, ginagamit ng mga Kristiyano ngayon ang lahat ng pagkakataon upang makapagturo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share