Patibayin Mo ang Pananampalatayang May Gawa Gaya ng sa mga Hukom
KUNG kayo’y hihilingan na pumili kayo sa Bibliya ng isang grupo ng mga tao na may namumukod na pananampalataya, alin bang grupo ang inyong pipiliin? Ang 12 apostol? Ang 12 anak ni Jacob? Marahil. Subali’t mayroon kayong sapat na dahilan na piliin ang isa pang grupo ng 12 katao na ang pananampalataya ay inirerekomenda ng Bibliya na tularan natin.
Ang tinutukoy namin ay yaong 12 katao na ang pananampalatayang may kalakip na gawa ay inilalahad sa aklat ng Mga Hukom. Ang iba sa kanila ay binabanggit ang pangalan sa Hebreo 11:32-34: “Kukulangin ako ng panahon kung sasaysayin ko ang tungkol kay Gideon, kay Barak, kay Samson, kay Jepte, . . . na sa pamamagitan ng pananampalataya’y nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga leon, nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak, nagsilakas sa kahinaan, naging magigiting na mandirigma, gumapi sa mga hukbo ng mga tagaibang bayan.”
Diyan ay apat ang mga hukom na binabanggit. Ilan pang mga tapat na hukom ang naalaala mo? Subukin kung natatandaan mo pa bago mo tingnan ang nakalista sa ibaba.a Marahil ay natatandaan mo rin ang mga ilang di-malilimot na mga ginawa ng mga hukom, tulad ng ginawa ni Samson na paglipol sa mga pinunò at mga mamamayan na Filisteo—pati na sa sarili niya—nang igiba niya ang templo ni Dagon, o ng pagtulong kay Gideon ng 300 kawal upang magapi ang mga hukbo ni Midian. Maraming tao sa Sangkakristiyanuhan ang may kaalaman sa ganiyang mga kuwento buhat sa mga Sunday school. Subali’t buhat ba sa aklat ng Mga Hukom ay nagtatamo sila ng mahalagang mga aralin na makapagpapatibay sa kanilang pananampalataya, makapagpapahusay pa sa kanilang buhay ngayon at tutulong sa kanila na kamtin ang ‘buhay na darating’? (1 Timoteo 4:8) Kung ang sagot mo’y hindi, komusta ka naman? Ang aklat ba ng Mga Hukom ay nakatulong sa iyong pananampalataya at buhay Kristiyano?
Makinabang sa mga Saligang Aral
Basahin ang aklat. Mapatutunayan mo na, ito man ang unang-unang pagbabasa mo nito o hindi, mapupukaw ka ng maraming kahindik-hindik na karanasan dito. Marami kang maikukuwento—sa iyong mga anak o sa mga ibang bata, pati na sa palaisip na mga maygulang na. Subali’t, sa iyong pagbabasa ay laging isaisip ang ilang pangkalahatang punto na pinatitingkad sa marami sa mga karanasan dito. Halimbawa?
Ang isa ay na pagkadali-dali na mapabayaan na manghina ang iyong pananampalataya sa Diyos o makalimutan ang kaniyang ginawa para sa iyo. Ang isang taong nakaalam ng pag-asang Kristiyano at ng kapatawaran sa pamamagitan ni Kristo ay maaaring sa simula’y masigasig na masigasig. Baka may kagalakang dumadalo siya sa mga pulong at nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. Kaniyang inuuna ito sa kaniyang buhay, at hindi niya ikinababahala ang pagkakaroon ng materyal na mga bagay, gaya ng isang bagong kotse, marangyang tahanan o pinakamodernong TV. Subali’t pagkalipas ng mga ilang taon, mawala kaya ‘ang pag-ibig na taglay niya noong una’? (Apocalipsis 2:4) Ang kasaysayan ng Israel na isinasaysay sa Mga Hukom ay nagpapatunay na pagkadali-daling posibleng mangyari ito sa kaninuman sa atin.
Sa unang dalawang kabanata nag-uumpisa ang aksiyon. Pagkatapos na ang Lupang Pangako ay masakop ng mga Israelita sa ilalim ni Josue, hindi sila nagpatuloy ng pagsunod, sana’y nilipol nila ang mga Cananeo, na mga mananamba sa idolo at malalaswa na mga tao. (Hukom 1:28-33) Kaya’t pinahintulutan ni Jehova na magsilbing pagsubok sa Israel ang mga banyagang ito pati kanilang mga diyos. (Hukom 2:19-23) Malimit na ang Israel ay hindi nakakapasa sa pagsubok. Dito pumapasok ang mga hukom.
Tungkol sa unang hukom, si Othniel, ang nangyari sa kaniya ay halimbawa ng paulit-ulit na pangyayari. Ang mga Israelita ay nahuhulog sa karumal-dumal na pagsamba kay Baal, kaya’t hinayaan ng Diyos na sila’y mapasa-ilalim ng mapaniil na pamamahala ng isang hari ng Siria. Iyan ay nag-udyok sa kanila na ‘manalangin kay Jehova upang humingi ng tulong. Nang magkagayo’y nagbangon ang Diyos ng isang tagapagligtas upang magligtas sa kanila, ito nga’y si Othniel. Suma-kaniya ang espiritu ni Jehova, at siya’y naging hukom ng Israel. Nang siya’y humayo upang makipagbaka, ang hari ng Siria ay ibinigay ng Diyos sa kaniyang kamay. Pagkatapos ay may 40 taon na hindi nagambala ang lupain.’—Hukom 3:7-11.
Anong laki marahil ng pasasalamat ng mga Israelitang iyon at sila’y nakalaya, gaya rin natin na napasasalamat at natutuhan natin ang katotohanang Kristiyano at tayo’y nakalaya buhat sa huwad na relihiyon! Ano nga kaya ang nangyari nang sumunod na mga taon? Ang susunod na bersikulo ang nagsasabi: “At minsan pang ginawa ng mga anak ng Israel ang masama sa paningin ni Jehova. Kaya hinayaan ni Jehova na si Eglon na hari ng Moab ay tumibay laban sa Israel.” (Hukom 3:12) Nakikita mo ang nangyari at ang panganib na pabayaan nating manghina ang ating pananampalataya. Subali’t bilang pampatibay-loob sa atin ay nagpapatuloy ang ulat: Nang magsauli ang katinuan ng mga Israelita, ibinangon ng Diyos ang kaliweteng hukom na si Ehud. Siya’y naghatid ng isang mahalagang pasabi sa matabang si Haring Eglon, na humantong sa pagkaligtas ng Israel. Basahin ang kapana-panabik na ulat sa natitira pang bahagi ng Huk kabanata 3.
Matibay na Pananampalatayang May Gawa!
Ang isa pang mahalagang punto na dapat mong malaman ay na maaari kang gamitin ng Diyos upang ganapin ang mahalagang mga bagay kung mayroon kang matibay na pananampalataya.—Ihambing ang Mateo 17:20; 21:21.
Narito ang ilang maikling halimbawa: Pag-isipan kung paano si Gideon, sa tulong ng 300 mga lalaking may pananampalataya, ay nagtagumpay sa mga Midianita na “singdami ng mga balang.” (Hukom 7:1-25) Pinatibay-loob ni Debora si Barak at ito’y ginamit sa pagliligtas buhat sa kamay ng mga Cananeo na may mga karong pandigma na armado ng mga karit na bakal hanggang sa gulong. Pansinin din na dito’y isang babae ang ginamit para sa pagtatamo ng tagumpay. (Hukom 4:1–5:31) Napabantog si Samson dahilan sa kaniyang lakas. Dahilan sa kaniyang pambihirang lakas, napagluray-luray ni Samson ang isang leon; sa tulong ng Panga ng isang asno ay kaniyang napatay ang isang libong mga kaaway at kaniyang binunot ang pinto ng pintuang-bayan ng Gaza at dinala iyon sa taluktok ng bundok.—Hukom 14:5–16:3.
Tiyak na namumukud-tanging pananampalataya ang ipinakita ng mga hukom na ito, kaya’t naging karapat-dapat silang mapabilang sa mga binanggit sa aklat ng Mga Hebreo bilang halimbawa para sa atin. Mga halimbawa sa anong paraan? Hindi mo maaasahang mapagluluray-luray mo ang isang leon ng basta kamay mo lamang, di ba? Subali’t mapapaharap ka sa mahihigpit na pagsubok sa iyong pananampalataya kung sa araw-araw ay nagsisikap kang mamuhay na isang Kristiyano na tapat kay Jehova.
Marahil bilang isang kabataang nag-aaral ay napapaharap ka sa matinding tukso na purbahan mo ang paggamit ng mga droga o ang mahalay na mga gawain, o mag-aral sa pamantasan upang maging isang kilalang propesyonal. Ikaw mismo, o kasama ang iyong pamilya, baka ipinagparaya mo na ang materyal na pakinabang upang ikaw at sila’y makapaglingkod nang buong panahon o makapanirahan kung saan may gayong malaking pangangailangan, nguni’t nakikita mo ang mga ibang Kristiyano na ang pagpapayaman at ang maluhong pamumuhay ang inuuna. O baka sinusubok ang iyong pananampalataya sapagka’t may nakasira ng loob mo. Baka iyon ay isang taong prominente sa gitna ng mga Kristiyano nguni’t matayog ang lipad at ito ang humila sa kaniya na tumalikod sa kaniyang mga kapatid. Maaari namang iyon ay isang malapit na kamag-anak na lumamig ang pag-ibig at hindi na naglilingkod kay Jehova.
Alinman dito, maaari kayang mapalakas-loob ka ng pananampalataya ng mga hukom? Dahil sa kanilang bigay-Diyos na pananampalataya ay nagawa nila ang marahil ay parang imposible. Ang Diyos ding iyan ay makapagbibigay sa iyo ng pananampalataya kung patuloy na hihilingin mo ito sa panalangin at magpapatuloy ka ng paglakad sa daang Kristiyano. Ang pananampalataya ay bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22) Tungkol sa espiritu ring iyan na nagpalakas kay Samson, sinabi ni Jesus, “Ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya!” Kaya naman, sa kabanata ring iyan ng Mga Hebreo ay nakatala ang mga hukom bilang mga halimbawa ng pananampalataya at nagbibigay ng katiyakan na ang Diyos “ang tagapagbigay-ganti sa mga masikap na humahanap sa kaniya.” (Lucas 11:13; Hebreo 11:6)Maaari din niyang gantihin ang iyong pananampalataya.
Humanap ng Iniaaral na Leksiyon
Aming itinawag-pansin ang ilang leksiyon na iniaaral ng Mga Hukom. Nguni’t mayroon pang mga karagdagang mapapakinabang buhat sa bahaging ito ng kinasihang Kasulatan na “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid sa mga bagay, sa pagdisiplina ayon sa katuwiran.”—2 Timoteo 3:16.
Halimbawa, makikita mo na dahil sa kahinhinan ni Gideon ay hindi niya ibig na gumawa ng isang bagay hangga’t hindi niya natitiyak na kalooban iyon ng Diyos. Pagkatapos, ang kahinhinan ding ito ang tumulong sa kaniya upang ‘huwag ipangalandakan’ ang tagumpay at kabantugang ito. Baka makinabang ka rito. Gunitain na sa tulong ng Diyos ang malaking pulutong ng mga Midianita ay nadaig ng maliit na hukbo ni Gideon. Gunigunihin ang papuri na nakamtan ni Gideon. Gayundin naman, baka tumanggap ka ng papuri dahil sa isang pambihirang talento, halimbawa ang pagiging isang mahusay na tagapagpahayag sa madla o pagiging isang napakainam na organisador. Sa halimbawa ni Gideon, “sinabi kay Gideon ng mga lalaki ng Israel: ‘Magpuno ka sa amin, ikaw at ang iyong anak at pati iyong apo, sapagka’t iniligtas mo kami buhat sa kamay ni Midian.’ ” Papaano dapat maapektuhan ng ganiyang papuri ang isang tao? Sinabi ni Gideon: “Hindi ako ang magpupuno sa inyo, ni ang anak ko man ang magpupunò sa inyo. Si Jehova ang magpupunò sa inyo.” (Hukom 8:22, 23) Parisan din natin ang ganitong kahinhinan, at kilalanin na lahat ng ating talento—kaya tayo may mga nagagawang pambihirang bagay—ay dahil sa mga abilidad na ibinigay ng Diyos sa mga tao.
Dapat din nating alamin buhat sa kasaysayan ni Gideon at ng iba pang mga hukom na sila’y mga taong di-sakdal na katulad natin. May makukuha tayong leksiyon sa kanilang mga pagkakamali.
Nang payagan ni Gideon ang mga Israelita na kanilang hatian siya ng kanilang samsam, siya’y gumawa ng isang napakamaluhong epod, isang parang epron, at ginayakan pa marahil ng mamahaling mga bato. Bagaman wala siyang masamang hangarin sa paggawa nito, ito’y tinrato ng mga ibang Israelita na isang idolo, kaya’t ang atensiyon ay naalis sa pagsamba kay Jehova sa santuaryo.—Hukom 8:24-27.
Espiritu ni Jehova ang nagpakilos nang husto kay Samson, kaya nakagawa siya ng mga bagay na hindi nagagawa ng karaniwang tao. (Hukom 14:5, 6, 19; 15:14, 15; 16:3, 28-30) “Kay Jehova” rin humiling siya na bigyan siya ng isang babaing Filisteo upang maging asawa, sapagka’t si Samson “ay humahanap ng pagkakataon laban sa mga Filisteo.” (Hukom 14:4) Ang resulta nito’y ang mga sagupaan na nagdala ng kamatayan sa marami sa mga naniniil na Filisteo. Walang alinlangan na dahil din sa patnubay ni Jehova kung kaya naparoon si Samson sa Gaza at tumuloy sa bahay ng isang patutot, sapagka’t ang resulta nito’y ang higit pang pagkaaglahi sa nakasusuklam na mga Filisteo.b Lumalabas na ang pakikisalamuha ni Samson sa mga babaing ito ang nakahila sa kaniya na kumilos nang may kamangmangan nang siya’y umibig kay Delila, na tila nga isang babaing Israelita na baka nasuhulan ng mga Filisteo.—Hukom 16:1-21.
Ang ganiyang kasaysayan ay dapat magturo sa atin na tayo’y dapat na laging listo laban sa tusong mga pamamaraan ng kaaway. Halimbawa, baka wala namang masamang hangarin ang isang lalaking Kristiyano sa kaniyang pagdalaw sa isang babaing kapananampalataya niya para aliwin o palakasin ang loob sa mga sandaling ito’y nangangailangan niyan. Gayunman ay hindi mabuting gawin ito kung wala silang ibang kasama. Dahil sa hindi natin kasakdalan ay baka sila makagawa ng mahalay, o dahilan sa sila’y nakita ng mga kapitbahay sa ganoong katayuan ay sabihin na katulad din pala ng iba ang mga Kristiyanong ito na may mababang moral.
Isa pa, bulay-bulayin ang pananampalataya at debosyon ng anak na dalaga ni Jepte. May mga Kristiyanong walang asawa na marahil nag-iisip na pagka dumating ang pagkakataon na sila’y makakita ng magiging asawa na tapat at mapagmahal, baka sila mag-asawa rin. Subali’t samantalang sila’y walang asawa ay magugunita nila na kahit na bago pa man ay nagkaroon na ang anak na ito ni Jepte ng mga pagkakataong mag-asawa at magkaroon ng mga anak, gayunma’y nanatili siyang may kapuri-puring pananampalataya upang makapagpatuloy sa isang natatanging gawain na ipinahihintulot para sa kaniya ng kawalang asawa.—Hukom 11:30-40.
Ilan lamang ito sa kapaki-pakinabang na mga aral na matutuhan mo sa kawili-wili at nakapagpapatibay-pananampalatayang aklat ng Mga Hukom. At pagkatapos mong mabasa ang aklat na ito ay lalong mag-iibayo ang pananalig mo na si Jehova ang dakilang Tagapagligtas ng mga sumasamba sa kaniya. Kung isa ka sa mga sumasambang ito, magsikap kang magkaroon ng matibay at kumikilos na pananampalataya, gaya ng buong linaw na ipinakikita ng Mga Hukom.
[Mga talababa]
a Othniel, Ehud, Shamgar, Tola, Jair, Ibzan, Elon, Abdon. Bagaman sila man ay naghukom sa Israel, si Josue at si Samuel ay karaniwan nang hindi kasali sa grupo na tinutukoy sa aklat ng Mga Hukom.
b May katuwirang sabihin na, bilang isang bisita, ang hangad lamang ni Samson ay makituloy nang magdamag, imbis na naparoon siya sa bahay ng patutot para makipatol dito. Sinasabi ng ulat na siya’y “nahiga hanggang hatinggabi” nguni’t hindi sinasabi na siya’y “nahigang kasiping niya hanggang sa hatinggabi.”