Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 5/15 p. 15-21
  • Nalinis Na at Masikap sa Mabubuting Gawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nalinis Na at Masikap sa Mabubuting Gawa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailangan ang Espirituwal na Kalinisan
  • “Itakuwil ang Kalikuan at ang Makasanlibutang mga Pita”
  • Kung Paano Makatutulong ang Matatanda
  • Magkaroon ng ‘Sikap sa Mabubuting Gawa’
  • Ang Ating Maraming mga Pagpapala
  • Nilinis Bilang Isang Bayan Ukol sa Maiinam na Gawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Ikaw ba’y Nananatiling Malinis sa Lahat ng Paraan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Aklat ng Bibliya Bilang 56—Tito
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Manatiling Malusog sa Pananampalataya!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 5/15 p. 15-21

Nalinis Na at Masikap sa Mabubuting Gawa

‘Ibinigay ni Jesu-Kristo ang kaniyang sarili upang linisin para sa kaniyang sarili ang isang bayan na tanging kaniya, at masikap sa mabubuting gawa.’​—TITO 2:13, 14.

1. Bakit ang mga saksi ni Jehova ay kailangan na malilinis at masisikap?

SI Jehova ay banal, mabuti at matuwid. Siya at ang kaniyang Anak ay buong sikap na gumagawa rin ng napakahusay na gawain. (Levitico 19:2; Awit 25:8; Juan 5:17) Kung gayon, lahat ng mga saksi ni Jehova ay kailangan na malilinis at masisikap para sa mabubuting gawa.

2. (a) Papaano pinag-ugnay ni apostol Pablo ang kalinisan at sikap (o sigasig)? (b) Anong mga tanong ang pag-uusapan natin?

2 Kapuwa binanggit ni apostol Pablo ang kalinisan at sikap (o sigasig) nang isulat niya na sa pamamagitan ng di-sana nararapat na awa ng Diyos ay “ibinigay [ni Jesus] ang kaniyang sarili para sa atin upang kaniyang matubos tayo buhat sa lahat ng uri ng kasamaan at linisin para sa kaniyang sarili ang isang bayan na tanging kaniya, at masikap sa mabubuting gawa.” (Tito 2:11-14) Ano ang kahilingan sa mga taong nalinis na ni Jesus? Sa anong mabubuting gawa dapat tayong maging masikap? At anong mga pagpapala ang tinatamasa ng nalinis na at masisikap na mga saksi ni Jehova?

Kailangan ang Espirituwal na Kalinisan

3. (a) Sa anong pamantayan ng kalinisan kailangang manatili ang mga lingkod ni Jehova? (b) Paano idiniin ang pangangailangan ng kalinisan nang ang mga bihag na Judio ay palayain buhat sa Babilonya?

3 Ang mga lingkod ni Jehova ay kailangang manatili sa mataas na pamantayan ng pisikal, moral at espirituwal na kalinisan. (Exodo 30:17-21; Deuteronomio 23:12-14; Efeso 5:25-27; 2 Corinto 7:1) Ang mahalagang puntong ito ay idiniin noong ikaanim na siglo B.C.E., nang ang mga bihag na Judio ay palayain buhat sa Babilonya. (Ezra 1:1-4) Hindi magtatagal at sila noon ay uuwi na patungo sa kanilang sariling lupain, na maligayang dala-dala na ang mga banal na kagamitan na kinuha ni Haring Nabucodonosor sa templo ng Diyos sa Jerusalem. Anong halaga nga na ang mga gamit na iyon sa santuaryo ay mga malilinis na mananamba lamang kay Jehova ang magdala! Anong pagkaangkup-angkop kung gayon ang sinabi sa kanila: “Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, kayo’y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna niya, kayo’y magpakalinis, kayong nagdadala ng mga sisidlan ni Jehova.” (Isaias 52:11) Yaong mga nagdadalang iyon ay kailangang linisin buhat sa ano mang karumihan na humawa sa kanila galing sa relihiyon at mga pamantayan sa moral ng Babilonya.

4. Bilang pagsunod sa sinasabi ng 2 Corinto 6:14-17, ano ang kahilingan sa lahat ng mga saksi ni Jehova?

4 Ang kahilingang iyan sa kalinisan ay ikinapit ni apostol Pablo sa mga pinahirang Kristiyano na nagsihiwalay sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Siya’y sumulat: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagka’t anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? . . . ‘Kaya nga, magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at huwag nang humipo ng maruming bagay.’ ” (2 Corinto 6:14-17; Apocalipsis 18:4, 5; Jeremias 51:45) Oo, kahilingan ni Jehova ang espirituwal na kalinisan ng pinahirang mga tagasunod ni Jesus at ng kanilang mga kasama, ang “malaking pulutong.”​—Apocalipsis 7:4-9.

“Itakuwil ang Kalikuan at ang Makasanlibutang mga Pita”

5. Sang-ayon sa 2 Corinto 4:2, ano ang dapat nating patunayan tungkol sa ating ministeryo?

5 Bukod sa iba pang mga bagay, yaong mga naglilingkod bilang malilinis sa espirituwal na mga saksi ni Jehova ay tinatawagan na “itakuwil ang kalikuan at ang makasanlibutang mga pita.” (Tito 2:11, 12) Gaya ng sinabi ni Pablo sa ibang sulat pa niya: “Itinakuwil namin ang pailalim na mga bagay na dapat ikahiya, na hindi kami nagsisilakad sa katusuhan, ni hinahaluan man ng daya ang salita ng Diyos, kundi sa pagpapahayag ng katotohanan ay ipinagkakapuri namin ang aming sarili sa bawa’t budhi ng mga tao sa harapan ng Diyos.” (2 Corinto 4:2) Tulad ng apostol, ang kasalukuyang mga Kristiyano ay kailangang magpatunay na sila’y walang kapintasan sa kanilang ministeryo, hindi matuwid na mapaparatangan ng ano mang kalikuan o kasamaan sa kanilang mga pakikitungo. (2 Corinto 8:20, 21; Awit 101:1-8) Sila’y hindi dapat maakay ng karunungan ng sanlibutan at ng mapag-imbot at makasalanang espiritu nito, o puwersang nagpapakilos.​—1 Corinto 1:21; 2:12; 3:19; Efeso 2:1, 2.

6. Ano ang maaaring gawin kung tayo’y nakikipagpunyagi laban sa mga hilig na gaya baga ng kalikuan at di-nararapat na mga hilig ng laman?

6 Upang makamit ang kanilang layunin, ang mga taong may makasanlibutang espiritu ay malimit na gumagamit ng mga likong paraan. Subali’t pagka ginawa ito ng isang nag-aangking Kristiyano, hindi niya ‘itinatakuwil ang kalikuan’ at hindi siya nagtatamasa ng isang matalik na kaugnayan kay Jehova. (Kawikaan 3:31, 32) At kung ang isang tao ay pinangingibabawan ng maruruming pita ng laman, hindi niya ‘itinatakuwil ang makasanlibutang mga pita.’ (Galacia 5:19-21; 1 Juan 2:15-17) Subali’t ano kung tayo’y nakikipagpunyagi laban sa gayong mga hilig na gaya baga ng kalikuan at di-nararapat na mga hilig ng laman? Kung gayon ay angkop na manalangin tayo na gaya ni David, na nagsabi: “Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Diyos, at lagyan mo ako sa aking kalooban ng isang bagong espiritu, yaong matatag. Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan; at ang iyong banal na espiritu Oh huwag mong alisin sa akin.” (Awit 51:10, 11; Juan 15:19) Kung tayo’y mananalangin sa ganiyang paraan at sasamantalahin ang tulong na ibinibigay sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, ng kaniyang espiritu at organisasyon, ating maitutuwid ang ating kaisipan at makapaglilingkod tayo ng buong katapatan bilang malilinis na mga mananamba kay Jehova.

7. Bakit kailangang itiwalag ang mga nagkakasala na hindi nagsisisi?

7 Kung ang iba na mga kasamahan natin ay nahulog sa totoong maruruming mga gawain at hindi nagsipagsisi, sila’y kailangang itiwalag upang huwag madungisan ang pangalan ni Jehova, upang mapanatiling malinis ang kaniyang organisasyon at ang kaniyang tapat na mga lingkod ay naiingatan at nakikita nila ang kaselangan ng malulubhang pagkakasala. (Levitico 22:31-33; Deuteronomio 13:6-11) Noong maraming mga taóng lumipas, ang paniwala ng mga lingkod ng Diyos ay na hindi na nararapat na maging kasa-kasama nila ang isang taong nagkasala na hindi nagsisisi. Halimbawa, noong 1904 ang unang pangulo ng Watch Tower Society, si Charles Taze Russell, ay sumulat: “Ang Iglesya ay hindi makikisama sa kaniya at ano man o lahat na tanda o pagkakakilanlan ng pakikipagkapatiran.” (The New Creation, pahina 290) Sa ngayon man naman, ang mga lingkod ni Jehova ay sumusunod sa payo ng Kasulatan na “alisin sa gitna [nila] ang taong balakyot.”​—1 Corinto 5:9-13.

8. Tungkol sa kung paano makikitungo sa mga nagkakasala ang hinirang na matatanda, anong kaugnayan mayroon ang Lucas 3:8 at Galacia 6:1?

8 Lubhang nababahala ang hinirang na matatanda sa pagpapanatiling malinis sa organisasyon ni Jehova. Mangyari pa, sila’y kailangang maging maawain pagka may nakita silang ‘mga bunga na karapat-dapat sa pagsisisi,’ gaya ni Jehova na nagpapakita ng awa pagka talagang dapat ito. (Lucas 3:8; Awit 86:15; 130:3, 4) At kung ang isang kapananampalataya ay nakagawa ng isang maling hakbang bago niya namalayan iyon, yaong mga may espirituwal na mga kuwalipikasyon ay dapat na tumulong sa kaniya na magbago taglay ang “espiritu ng kaamuan.”​—Galacia 6:1.

Kung Paano Makatutulong ang Matatanda

9. Ano ang dalawang paraan upang ang matatanda ay makatulong sa mga ibang Kristiyano upang makapanatiling malinis sa espirituwal?

9 Paanong ang mga tagapangasiwa ay makatutulong sa ibang mga Kristiyano upang makapanatiling malinis sa espirituwal? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng nakapagpapatibay na mga pahayag. Ang isa pa ay sa pamamagitan ng personal na pakikipag-usap at pagdalaw sa mga kapananampalataya bilang pagganap sa gawaing pagpapastol. (1 Pedro 5:1-4) Sa mga ganyang pagkakataon, angkop na ginagamit ng matatanda ang Bibliya upang magturo, magpaalaala, magpayo at maging sa pagsaway man sa mga kapananampalataya.

10. (a) Bilang pangmadlang mga tagapagpahayag ano ang dapat maging saloobin ng matatanda? (b) Bakit ang espirituwal na mga pastol ay kailangang masisigasig na mga mag-aarál ng Bibliya?

10 Ang pangangailangan na magturo ay idiniin nang ipayo ni Pablo sa kaniyang kamanggagawang si Tito na “laging magsalita ng mga bagay na angkop sa magaling na turo.” (Tito 2:1) Ang mapagpakumbabang Kristiyanong hinirang na matatanda ay hindi naghahanap ng sariling kaluwalhatian bilang pangmadlang mga tagapagpahayag kundi sila’y sabik na gamitin nang wasto ang Bibliya sa pagtuturo. (Kawikaan 25:27) Minsan, ang naging pangulo ng E.U. na si John Quincy Adams ay nagsabi: “Marami nang taon ngayon na naging ugali ko na ang basahin nang minsanan sa loob ng isang taon ang buong Bibliya.” Ang bawa’t hari noon ng Israel ay kailangang gumawa ng isang kopya ng kautusan ng Diyos at “basahin iyon sa lahat ng araw ng kaniyang buhay.” Si Josue ay sumunod sa ganoon ding mga tagubilin. (Deuteronomio 17:14-20; Josue 1:7, 8) Kung wala ng gayong kaalaman na nakukuha sa ganoong paraan, paanong ang gayong mga lalaki sa sinaunang Israel ay nakakilos nang may kapantasan o natulungan ang iba sa espirituwal na paraan? Kung gayon, kung isa kang hinirang na matanda, nabasa mo na ba ang buong Bibliya, marahil nang maraming beses? Tiyak, ito’y magpapasulong ng iyong kakayahan na magpayo sa iba, kasali na ang nag-alay na mga Kristiyano na marahil ay nakabasa na ng buong Kasulatan. Yaong mga naglilingkod bilang espirituwal na mga pastol ay kailangan na masisigasig na mga mag-aarál ng Salita ng Diyos, ang saligan ng “magaling na turo.”

11. (a) Anong mga paalaala buhat sa Kasulatan ang kailangan ng mga Kristiyano sa Creta noong unang siglo? (b) Tungkol sa mga paalaala ng Bibliya, ano ang dapat na gawin dito ng hinirang na matatanda?

11 Si Pablo ay nagsabi rin kay Tito: “Patuloy na paalalahanan sila na pasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at mga tagapamahalang pinuno, na maging handa para sa bawa’t mabuting gawa, na huwag magsalita ng masama tungkol sa kaninuman, huwag makipagtalo, maging makatuwiran, na nagpapakita ng kaamuan sa lahat ng tao.” (Tito 3:1, 2) Ang espesipikong mga tagapagpaalaalang iyon ay kailangan ng mga Kristiyano noong unang siglo na nasa isla ng Creta. Gayundin ngayon, pagka may problemang bumangon, dapat na may maituro ang matatanda na angkop na mga paalaala buhat sa Kasulatan. At sana’y laging magpasalamat tayo pagka ang mga paalaala ni Jehova ay itinawag-pansin sa atin.​—Awit 119:99, 129.

12. (a) Ano ang ibig sabihin ng magpayo? (b) Ano ang dapat na maging saloobin pagka ang isa ay nagpapayo?

12 Si Tito ay pinagsabihan din: “Patuloy na magpayo ka sa mga nakababatang lalaki na magpakatino ng pag-iisip.” (Tito 2:6) Ang ibig sabihin ng magpayo ay “himukin; paalalahanan o pangaralan.” (The World Book Dictionary) Dahilan sa kaniyang tunay na pag-ibig at pagmamalasakit hindi ipinagkait ni Pablo ang kinakailangang payo. Ang totoo, naaari niyang sabihin sa matatanda sa Efeso: “Kaya nga kayo’y mangagpuyat, at alalahaning sa loob ng tatlong taon ay hindi ako naglikat sa gabi at araw ng walang tigil na lumuluhang pagpapaalaala [pagpapayo] sa bawa’t isa.” (Gawa 20:31; ihambing ang The Riverside New Testament.) Ang kasalukuyang mga matatanda na makikitaan ng ganiyang saloobin, at nagbibigay ng angkop na paalaala o payo, ay isang tunay na pagpapala sa kongregasyon!

13. (a) Ang pagsaway ay pagtatawag-pansin sa ano? (b) Ano ang dapat na maging saloobin ng matatanda na nagsasagawa ng pagsaway?

13 Binanggit din ni Pablo ang pagsaway, na ang sabi: “Patuloy na sawayin sila nang may kahigpitan, upang sila’y maging malusog sa pananampalataya, na hindi nakikinig sa mga alamat ng mga Judio at mga utos ng mga tao na nagsisitalikod sa katotohanan.” (Tito 1:13, 14) Ang pagsaway ay “pagtawag-pansin sa kapabayaan na karaniwan [na] taglay ang may kabaitang layunin na ituwid o tulungan,” o “magpahayag ng di-pagsang-ayon sa” isang tao dahilan sa kaniyang mga salita o kilos. (Webster’s New Collegiate Dictionary) Binanggit ni Pablo ang pagsaway nguni’t taglay ang isang marangal na layunin​—“upang sila’y maging malusog sa pananampalataya.” Gayundin sa ngayon, iniiwasan ng matatanda ang di-maka-Kristiyanong kabagsikan. Di-tulad ng mariklamong mga apostata, ang mga tunay na Kristiyanong matatanda ay hindi kumikilos na “mga panginoon” na sumusupil sa pananampalataya at buhay ng mga ibang kapananampalataya kundi sila’y nagsisilbing mga katiwala at kamanggagawa ukol sa kanilang ikagagalak, na tinutulungan sila na tumayong matatag sa kanilang pananampalataya.​—2 Corinto 1:24; 1 Corinto 4:1, 2.

14. Ano ang tutulong sa atin na manatiling malinis sa espirituwal?

14 Ang pakikinig sa mga turo, paalaala, payo at pagsaway na nanggagaling sa Bibliya ay tutulong sa atin na manatiling malinis sa espirituwal. Kaya naman tayo’y nababagay na gamitin para sa banal na paglilingkuran sa Diyos. Subali’t taglay ang anong espiritu dapat nating isagawa ang paglilingkod na iyon?

Magkaroon ng ‘Sikap sa Mabubuting Gawa’

15. (a) Ano ba ang ibig sabihin ng sikap? (b) Ano ang pinakamabuting gawain na magagawa ng isang Kristiyano?

15 Bilang isang organisadong grupo ng nag-alay na mga Kristiyano, ang mga Saksi ni Jehova ay “masikap sa mabubuting gawa.” Ang ibig sabihin ng sikap (zeal, sa Ingles) yaong ay “kasabikan o marubdob na interes sa pagtataguyod ng isang bagay.” (Webster’s New Collegiate Dictionary) Sang-ayon sa liham ni Pablo kay Tito, lahat ng Kristiyano ay nagtataguyod ng isang malawak na larangan ng “mabubuting gawa.” Halimbawa, ang mga nakababatang babae ay dapat na may kalinisang-asal, masisipag sa tahanan at napasasakop sa kani-kanilang asawa. Si Tito ay kailangang isang “uliran sa mabubuting gawa,” na nagpapakita ng walang ano mang kalikuan sa kaniyang turo, sa kaniyang pagsasalita, at sa iba pa. (Tito 2:1-14) Mangyari pa, ang pinakamabuting gawain na magagawa ng isang Kristiyano ay ang tulungan ang iba na matuto tungkol sa Diyos at maglingkod sa Kaniya. Kung isa kang saksi ni Jehova, ikaw ba’y talagang masikap sa paggawa ng ‘mabuting gawang’ ito? Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay kinakitaan ng masikap na pakikibahagi sa pangangaral ng ebanghelyo, maging sa gitna man ng pag-uusig.​—Gawa 11:19-21.

16. (a) Ano ang isang mahalagang dahilan kung bakit may kongregasyong Kristiyano? (b) Ano ang binanggit tungkol sa ebanghelismong isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova?

16 Sa kabila ng pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa ngayon, ang espiritu ng Diyos ang nagpapakilos sa kanila na isagawa ang pangangaral ng Kaharian​—isang mahalagang dahilan kung bakit may kongregasyong Kristiyano. (Mateo 24:14; 28:19, 20; Isaias 61:1, 2) Tulad ng mga sinaunang Kristiyano, buong sikap na ginagawa nila ang mabuting gawain na pangangaral ng “mabuting balita” sa bahay-bahay at sa iba pa. (Gawa 5:41, 42; 20:20, 21) Sa kaniyang aklat na Evangelism, Inc., tinalakay ni G. W. Target ang mga paraan ng pagpapatotoo kasali na ang “ebanghelismo sa pintuan” at binanggit na “ang tawag dito ng mga ibang tao ay ang pinakakaraniwang paraan​—lalo na pagkatapos ng pinakahuling pagdalaw ng mga Saksi ni Jehova. . . Ang mga iba ay mabilis na gumagaya na rin, nguni’t ang mga Saksi ni Jehova ang nangunguna sa lahat.” Tungkol sa paggamit ng literatura sa Bibliya, inaamin ni Target: “Minsan pa, ang mga Saksi ni Jehova [ay] nangunguna sa lahat. . . Kung ihahambing sa iba, . . . kakaunting-kakaunting mga denominasyon ang sa totoo’y naglalathala ng mga babasahin tungkol sa ebanghelyo.” Oo, ang mga babasahing Kristiyano na ginawa sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos at iniaalok ng mga Saksi ni Jehova kapalit ng isang abuloy ay tumutulong sa mga taong tulad-tupa sa buong lupa upang matuto ng banal na kalooban ng Diyos at gawin ito.

17. Papaano mapatutunayan na pinaunlad ng Diyos ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova?

17 Pinaunlad ni Jehova ang gawaing pangangaral na isinagawa ng mga sinaunang Kristiyano. Sa gayo’y natatag ang mga kongregasyon sa maraming dako​—sa Roma, Corinto, Efeso, Filipos, Colosas, Tesalonica at sa mga iba pang dako. Gayundin naman, pinauunlad ni Jehova ang gawaing pangangaral ng kaniyang modernong-panahong mga lingkod, na anupa’t mayroon na ngayong mahigit na 46,000 mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Ang Diyos ang dapat papurihan sa ganiyang kamangha-manghang pag-unlad.​—Isaias 60:22; 1 Corinto 3:6, 7.

Ang Ating Maraming mga Pagpapala

18-20. Ano ang ilan sa mga pagpapala na tinatamasa natin bilang mga lingkod ng Diyos?

18 Marami nga ang mga pagpapala at pakinabang buhat sa malinis at masikap na paglilingkod na tinatamasa ng bayan ni Jehova sa ngayon. (Kawikaan 10:22) Halimbawa, bilang nalinis nang mga lingkod ng Diyos, taglay natin ang kasiyahan ng pagpapalugod sa kaniya. (1 Pedro 1:13-16) Ang katotohanan ng Diyos ang nagpalaya sa atin buhat sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:4, 5) Tayo’y hindi mga biktima ng pamahiin, pagkatakot sa mga patay at iba pa. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 8:32) Ang ‘kapayapaan ng Diyos ang tagapag-ingat sa ating mga puso at kaisipan.’ (Filipos 4:6, 7, 13) Ang pakikipagtipong palagian sa ating mga kapananampalataya sa malinis na pagsamba ay nagpapadama sa atin ng katiwasayan, tulad ng “isang kawan sa kulungan.” (Mikas 2:12) Ang pagkakaroon natin ng banal na espiritu ng Diyos ay tumutulong sa atin na ipakita ang bunga ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan at pagpipigil-sa-sarili. (Galacia 5:22, 23) Anong laki ng ating kagalakan dahil sa lahat ng ito!

19 Bilang masigasig na mga tagapagbalita ng Kaharian, tayo’y naglilingkod sa Soberano ng Sansinukob​—ang pinakamagaling na pribilehiyo na maaaring kamtin ng sino mang tao. Itong gawain natin “ang banal na gawain ng mabuting balita.” Aba, walang ano mang trabaho dito sa lupa ang nagdadala ng higit na kagalakan kaysa pagdadala ng pabalita ng “maligayang Diyos” at pagtulong sa iba na makilala siya!​—Roma 15:16; 1 Timoteo 1:11.

20 Ang matalik na kaugnayan sa Diyos ang isa pa sa ating maraming mga pagpapala. Tayo’y makapananalangin sa kaniya nang may pagtitiwala na kaniyang dinidinig tayo. (1 Juan 5:14, 15) Anong kahanga-hanga ang tayo’y maging pagkalapit-lapit kay Jehova! Gaya ng pagkasabi ng salmista: “Mabuti sa akin na lumapit sa Diyos. Ginawa kong aking kanlungan ang Soberanong Panginoong Jehova, upang aking maihayag ang lahat mong mga gawa.”​—Awit 73:28.

21. Bilang nalinis na at masikap na bayan ng Diyos, sa ano tayo dapat maging disidido?

21 Dahilan sa ating maraming pagpapala bilang nalinis na at masikap na bayan ng Diyos, maging disidido tayo na manatiling malinis sa espirituwal at napupuspos ng sikap sa masigasig na paglilingkod sa Diyos. Kung gagawin natin iyan, matitiyak natin na tayo’y tatangkilikin at papatnubayan ni Jehova bilang kaniyang mga saksi. Ang kalinisan at masikap na mga gawa sa banal na paglilingkuran sa Diyos sa mga huling araw na ito, sa tulong ng kaniyang di-sana nararapat na awa, ang magbubukas ng daan upang tamasahin natin ang walang hanggang buhay sa pagsasagawa ng malinis at masikap na mga gawa sa ikapupuri ni Jehova.

Ano ba ang Tugon Mo?

◻ Ano ang kailangan upang ang isa ay maging bahagi ng nilinis na bayan ni Jehova?

◻ Paanong ang hinirang na matatanda ay makatutulong sa isa upang siya’y maging bahagi ng nilinis na bayan ni Jehova?

◻ Sa anong mabubuting gawa lalung-lalo na dapat maging masikap (o masigasig) ang bayan ng Diyos?

◻ Ano ang ilan sa mga pagpapala na tinatamasa ng nilinis at masikap na mga saksi ni Jehova?

[Larawan sa pahina 18]

Ang matatanda ay dapat na maging masisipag na mag-aarál ng Bibliya at dapat na gamitin nila ito upang magturo, magpaalaala, magpayo at pati sa pagsaway sa iba

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share