Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 5/15 p. 28-31
  • Mga Kabataan, ‘Ang Inihahasik Ninyo ang Inaani Ninyo’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Kabataan, ‘Ang Inihahasik Ninyo ang Inaani Ninyo’
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mahalagang mga Babala
  • Tagubilin sa mga Magulang
  • Kailangang Pakaingat
  • ‘Maghasik na Ukol sa Espiritu’
  • Mga Tanong Mula sa Mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Mga Kabataan—Pagalakin ang Puso ni Jehova
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1994
  • Tinutulungan ba Ninyo ang Inyong Anak Upang Piliin si Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Mga Kabataan—Ano ang Inyong Itinataguyod?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 5/15 p. 28-31

Mga Kabataan, ‘Ang Inihahasik Ninyo ang Inaani Ninyo’

IYON ay isang tanawing nakababagbag-damdamin. Batid ni Jesu-Kristo na matatapos na ang kaniyang ministeryo sa lupa. Siya’y papasok sa Jerusalem, at doo’y naghihintay sa kaniya ang masaklap na kamatayan.

“Pagkalalaking pulutong” ng mga tao ang tinuturuan noon ni Jesus, makahimalang pinagagaling niya ang mga tao at pinapayuhan niya ang kaniyang mga alagad samantalang may panahon pa siya. (Mateo 19:2-12) Isang tunay na magawaing iskedyul nga! Marahil ang akala noon ng kaniyang mga alagad ay totoong abalang-abala siya na anupa’t hindi siya dapat abalain kung ang ilalapit sa kaniya ay mga bata “lamang,” na dinala roon sa kaniya “upang patungan niya ng kaniyang mga kamay at ipanalangin niya.” (Mateo 19:13) Gayunman, kanilang “sinaway” ang mga magulang ng mga bata na mabuti ang hangarin.​—Lucas 18:15.

Subali’t papaano ba tumugon si Jesus? “Nang makita ito si Jesus ay nagalit [sa mga alagad] at sinabi sa kanila: ‘Palapitin ninyo sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang pagbawalan, sapagka’t sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos tulad ng isang munting bata ay hindi papasok doon sa ano mang paraan.’ At kaniyang kinalong ang mga bata at pinagpala sila, at kaniyang pinatungan sila ng kaniyang mga kamay.” (Marcos 10:13-16) Anong tuwa marahil ng mga magulang at ng kanilang mga anak!

Ang ganitong karanasan ay nagpapakita ng malumanay na pagmamahal ni Kristo Jesus sa mga kabataan. At sa ganitong pagmamalasakit ni Jesus ay nababanaag naman ang saloobin ng Diyos na Jehova. Si Jehova ang mapagmahal na gumawa ng paglalaan upang makasali ang utos na igalang ng mga kabataan ang kanilang mga magulang para kamtin nila ang katuparan ng pangakong mahabang buhay. (Exodo 20:12; Efeso 6:1-4) Isa pa, sa Kautusang Mosaico si Jehova ay gumawa ng pantanging paglalaan para sa pagtuturo sa mga bata ng espirituwal na mga bagay. (Deuteronomio 6:6, 7) Ikaw ba’y isang magulang? Ang malumanay na pagmamahal mo sa iyong mga anak ay mga di-sakdal na halimbawa lamang ng damdaming ipinakikita ng “Diyos na ating Ama, na umiibig sa atin.”​—2 Tesalonica 2:16; Genesis 1:26.

Mahalagang mga Babala

Subali’t ang pagmamahal ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo sa mga kabataan ay hindi bunga ng sentimiento. Ito’y hindi bulag sa gawang masama. (Kawikaan 15:3) Ang prinsipyo na “anuman ang inihahasik ng isang tao [o isang bata], ito rin ang kaniyang aanihin” ay hindi malalabag sa pamamagitan ng malumanay na mga emosyon. Dapat alam ito ng mga kabataan at mga magulang.​—Galacia 6:7, 8.

Dahilan sa may pagtingin si Jehova sa mga kabataan, kaniyang isinali ang tuwirang mga babala sa kanila sa kaniyang Salita. Ang kinasihang kawikaan ay nagsasabi: “Ang mata na tumutuya sa kaniyang ama at humahamak sa kaniyang ina​—tutukain ito ng mga uwak sa libis at kakanin ito ng mga inakay na agila.” Oo, ang di-paggalang at pagsuway ng mga kabataan ay maaaring pagbayaran nila ng kanilang buhay!​—Kawikaan 30:17; ihambing ang Exodo 21:15, 17.

Alam na alam ni Jehova na ang mga kabataan ay may ugaling ‘magtropa-tropa.’ Kung isa kang kabataan, malamang na masasabi mong talagang nahihila ka na magsalita, manamit at kumilos na gaya ng iyong mga kababata na kasa-kasama mo. Kung ang mga kabataang ito ay mabubuti, pakikinabangan mo ang kanilang impluwensiya. Subali’t kung napalilibutan ka ng masasamang impluwensiya, ang resulta ay maaaring makapinsala nga. (Kawikaan 13:20) Ang layunin ay upang maingatan ang mga kabataan​—sa katunayan, lahat ng tao sa Israel​—laban sa pagkahawa sa masama at sa mga mapaghimagsik kung kaya ang Kautusang Mosaico ay nagtakda ng parusang kamatayan sa sukdulang mga kaso. Oo, ang isang anak na matigas ang ulo at mapaghimagsik ay pinapatay upang ‘alisin sa gitna nila ang ano mang kasamaan.’ (Deuteronomio 21:18-21) Ang mga magulang na Israelita na ibig na maingatan ang kanilang mga anak laban sa masasamang kasama ay tiyak na nagpapahalaga sa kautusang iyan.

Ipinakikita ng Bibliya kung hanggang saan nakararating ang kasamaan pagka ang mga kabataan ay nagkagaya-gaya pagka sila’y sama-sama at walang disiplina. Ang tapat na propeta ni Jehova na si Eliseo ay nakasagupa ng isang tropa ng delingkuwenteng mga kabataan nang siya’y naglalakbay galing sa Jerico patungong Bethel. Kanilang tinuya siya, niwalang-galang siya, pati kaniyang tungkuling pagkapropeta. “Umahon ka, ikaw na kalbo! Umahon ka, ikaw na kalbo!” ang sigaw nila. (2 Hari 2:23) Sa ganoong ginawa nila, marahil ang iniisip nila ay siya’y papanaw na rito sa lupa gaya ng palagay nila na nangyari sa nauna sa kaniya na si Elias. Ang totoo, hindi nila ibig na makita roon ang kinatawan ng Diyos.

Sandaling pinagtiisan ni Eliseo ang kanilang mga panunuya at panlilibak. “Sa wakas,” ang sabi ng rekord, “siya’y lumingon sa likuran niya at kaniyang nakita sila at sinumpa niya sila sa pangalan ni Jehova. Nang magkagayo’y dalawang osong babae ang lumabas sa gubat at pinagluray-luray ang apatnapu’t-dalawang bata sa kanila.” Marahil ay naisip ng mga magulang ng mga batang iyon na kung sana’y nadisiplina at naturuan nila na igalang ng mga batang iyon ang kanilang matatanda! (2 Hari 2:24; Levitico 19:32) Subali’t huli na ang lahat! Inani nila ang bunga ng kanilang pagpapabaya.

Naging ugali na ng makasanlibutang mga kabataan na manudyo sa mga guro, magulang at sinuman na may autoridad. Malimit, ang mga manunulat ng iskrip sa telebisyon ay binabayaran ng malalaking halaga upang kanilang ilarawan na ang mga bata ay matatalino at ang mga matatandang tao ay mga tanga. Ang mga kabataang Kristiyano ay napalilibutan ng mga taong walang galang at hindi mabubuting kasama. Nakalulungkot sabihin, ang iba ay apektado ng lahat na ito. Subali’t hindi nga dapat mangyari ito sa iyo. Paunlarin mo sa iyo ang kapaki-pakinabang na paggalang sa matatandang tao at lalo na sa iyong mga magulang.

Tagubilin sa mga Magulang

Kung isa kang magulang, ang saloobin at asal ng iyong anak ay dapat mong pag-isipan, sapagka’t tunay na ibig mong ang anak mo’y ‘umani ng ukol sa espiritu.’ Kayong mga magulang, paano ba gumagawi ang inyong mga nakababatang anak sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova? Sila ba’y nagpapakita ng nararapat na paggalang sa iba? Paano sila tumutugon pagka kinakausap ng matatandang tao? Sila ba’y disiplinado pagkatapos ng miting, o sila ba’y patakbu-takbo o nagtatakbuhan sa palibot ng Kingdom Hall? Paano ka tumutugon pagka itinawag-pansin sa iyo ng isang attendant na ang anak mo’y nagiging sanhi ng pagkagambala o kaya’y ng isang mapanganib na kalagayan? Natatalos mo kaya na ang mga binhi ng kawalang-galang at ng kagaslawan, kung pababayaan ngayon dahilan sa inaakala mong ang iyong mga anak ay ‘totoong napakabata upang matuto,’ ay maaaring humantong sa pag-aani mo ng masaklap na bunga ng paghihimagsik?

Ang mga tanong na gaya nito ay nagbibigay sa mga magulang na Kristiyano ng mga bagay na mapag-iisipan. Sa salita at sa halimbawa, tulungan nila ang kanilang mga anak na ‘maghasik sa espiritu.’

Kailangang Pakaingat

Kung isa kang kabataan, ikaw ay ‘maghasik ukol sa espiritu.’ Kailangan dito ang pag-iingat at mahusay na pagpapasiya.

Halimbawa, ang mga ibang kabataan ay naimpluwensiyahan ng masasamang pánoorin na napapanood sa de-seryeng mga drama sa telebisyon. Ang mga programang ito ay tulad ng isang kurso sa pagsasanay sa makamundong kaisipan at ng pagpapaunlad ng di-nararapat na mga pita. Samantalang dati ang mga dramang ito ay nakapuntirya sa nababagot na mga ginang ng tahanan, ngayon ay mga kabataan ang lalong higit na inaasinta. Kaya, mga kabataan, tanungin ang inyong sarili: Posible kaya na panoorin ang gayong mga palabas at masunod pa rin ang payo ng Bibliya na, “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan”? Tandaan na sinabi pa ni apostol Juan: “Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama; sapagka’t lahat ng nasa sanlibutan​—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang mapasikat na pagpaparangalan ng kabuhayan​—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan.” At huwag kalilimutan na “ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon.” Kung ibig mo ng buhay, itakuwil mo ang makasanlibutang mga pita.​—1 Juan 2:15-17.

Kung isa kang mahilig sa mga dramang de-serye, ang dahilan ba’y napopoot ka sa sanlibutan at hindi mo ibig maging bahagi nito? O ang dahilan ba’y lihim na hinahangad mo ang gayong istilo ng pamumuhay? Isang kabataang Kristiyano, isang buong-panahong ministro, ang nawili ng panonood ng mga palabas na ito at sumaisip niya, ‘Aba, kung bawal na gawin ko ang mahahalay na bagay na ito, puede ko naman marahil panoorin ang iba sa paggawa nito.’ Ganiyan ba ang nangyayari sa iyo? Kung gayon, ano bang uri ng mga binhi ang napapapunla sa iyong puso? Ano ang maaasahan mong aanihin mo pagsapit ng mga sandali ng tukso?

‘Maghasik na Ukol sa Espiritu’

Mga kabataan, pinadadaling mabuti ng sanlibutan ang ‘paghahasik ukol sa laman.’ May labanan ngayon para masupil ang iyong puso, at ang malahiningang paglaban mo upang mahadlangan ito ay hindi sapat. Gaya ng pagkasabi ni apostol Pablo: “Ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman, nguni’t ang naghahasik ukol sa espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan buhat sa espiritu.”​—Galacia 6:8.

May kasabihan na ‘ang pinakamagaling na depensa ay ang mauna kang sumalakay.’ Kung ibig mong malabanan “ang pita ng laman” sa mga araw na ito ng kabalakyutan, lagi kang sumalakay! Maghasik ka ukol sa espiritu. Ang puso mo’y punuin ng pag-asa, plano at mga lunggatiin upang maalis ang mga pita ng laman.

May pagkakaiba ba ang iyong mga tunguhin at yaong sa mga kaklase mong makasanlibutan? Kailangan na mayroong pagkakaiba, kung minamahalaga mo ang ‘paghahasik ukol sa espiritu.’ Malamang, marami sa iyong mga kamag-aral ang nagbabalak na tapusin na ang kanilang pag-aaral, magtrabaho at kumita ng malaking salapi. Komusta ka naman? Ang isinasaisip ay espirituwal na mga bagay, bakit hindi ka magplanong pumasok sa buong-panahong paglilingkod, baka balang araw ay matawagan kang maglingkod sa tahanang Bethel o bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa o isang misyonero?

Huwag makontento na basta napadadala ka sa agos, na tinutularan ang kaisipan ng sanlibutan na ‘puede ka sa relihiyon mo, nguni’t panatilihin mo sa kaniyang dako, at puede ka ring magpatuloy sa iyong karera.’ Ang ibig sabihin ng sanlibutan ng ‘kaniyang dako’ ay ang huling dako sa iyong buhay. Kung ganiyan ang kaisipan mo, ang paglilingkuran mo’y dalawang panginoon, at sinabi ni Jesus na walang sinumang magtatagumpay sa ganiyan.​—Mateo 6:24.

Baka mga taon pa ang bibilangin bago ka makatapos ng pag-aaral. Subali’t kailanman ay hindi napakaaga na magsimula ng paghahasik ng mga binhing ukol sa espiritu sa iyong buhay. Ang mga kursong pinag-aaralan mo sa paaralan ngayon ay maaaring magkaroon ng kaugnayan sa iyong pagpapayunir sa hinaharap kung masasangkapan ka nito para sa isang hanapbuhay balang araw.

Samantala, ibuhos mo ang iyong pagsisikap na matulungan ang iyong pamilya na makapaglingkod kay Jehova nang sama-sama. Ipakita mo na ikaw ay sabik na maghanda para sa mga pulong Kristiyano at daluhan mo ang mga ito. Ibuhos mo ang iyong atensiyon sa sinasabi sa mga pulong at ipakipag-usap ang mga puntong ito sa iyong mga magulang pagkatapos. Palagian at masigasig na makibahagi ka sa ministeryo sa larangan. Magtakda ng mga tunguhin sa iyong ministeryo, sa pantahanang pag-aaral sa Bibliya, o sa pag-aauxiliary payunir sa mga buwan ng tag-araw. Dagling tumugon ka sa pagsisikap ng iyong mga magulang na sanayin ka.

Mga kabataan, kayo ba ay naghahasik sa laman o sa espiritu? Maging taimtim ng pakikitungo sa sarili. Magtakda kayo ng espirituwal na mga tunguhin at ‘maghasik ukol sa espiritu’ ngayon. At gawin iyan habang may panahon pa para sa pag-aani ng buhay na walang hanggan!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share