Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 6/1 p. 21-24
  • Kanilang ‘Inihandog na Kusa ang Sarili Nila’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kanilang ‘Inihandog na Kusa ang Sarili Nila’
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Pakibigay Po sa mga Misyonero’
  • Ang Kanilang “Puso ang Nag-udyok sa Kanila”
  • Pinagpapala ni Jehova ang Kaniyang Bayan
  • Si Jehova ang ‘Tumatapos Nito’
  • “Saan Nanggagaling ang Salapi?”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Ang Tagapagbigay ng “Bawat Mabuting Kaloob”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Nagdudulot ng Kagalakan ang Saganang Pagkabukas-Palad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • Papaano Pinauunlad ni Jehova ang Kaniyang Gawain
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 6/1 p. 21-24

Kanilang ‘Inihandog na Kusa ang Sarili Nila’

ANG Suriname ay isang bansa sa tropiko, isa sa mahigit na 200 lupain na kung saan aktibo ang mga Saksi ni Jehova. Kamakailan, isang mag-asawang misyonero sa Suriname ang sumakay sa jeep sa layong 200-milya (320-km) upang dumalaw sa ilang mga mina ng bauxite at makipag-usap sa mga manggagawa roon tungkol sa mga layunin ng Diyos. At sila’y nakasumpong ng maraming interesado.

Sa kanilang unang hinintuan, isang manedyer ng kampo ang nagsabi: “Talagang natutuwa ako na kayo ay nakarating dito. Talagang kailangan namin ang isang bagay na katulad nito.” Pagkatapos ay nagpaskil siya sa kapetirya ng isang anunsyo tungkol sa isang pahayag sa Bibliya at sa isang slide show na gaganapin sa gabing iyon sa ganap na alas-7:30. Nang ang panahon ay dumating, 70 katao ang naroon at nakinig na puspusan sa isang pahayag kung papaano makikilala ang Diyos sa pamamagitan ng kaniyang paglalang at ng Bibliya, at pagkatapos sila’y nanood ng ilang piling mga slides na nagpapakita ng pandaigdig na gawaing pangangaral.

Pagkatapos, ang mga misyonero ay nagpakita ng mga publikasyon na tutulong sa mga nakikinig upang kumuha ng higit pang impormasyon. “Ibig ko ng isang aklat,” sabi ng isang may edad nang lalaki na pumunta sa harap. At iyon ay isang senyas sa iba. Hindi nagtagal at naubos ang dalang mga aklat ng mga misyonero, at kinailangan na ang asawang lalaki ay pumaroon sa jeep upang kumuha uli ng mga aklat, samantalang ang asawang babae naman ay abala ng paglilista ng mga numero ng tirahan ng mga ibig na sila’y pabisita.

Iyon ang unang gabi ng kanilang pagdoon. Ang mag-asawang misyonerong ito ay gumugol ng isang linggo sa lugar na iyon, at saanman sila pumunta roon ay sinasalubong sila ng mga taong interesado. Ang kanilang karanasan ay isang patotoo ng paghahangad ng marami na makapakinig sa katotohanan at matutuhan ang kalooban ni Jehova. Kaya naman upang masapatan ang hangaring iyon kung kaya libu-libong mga Saksi ni Jehova sa mga huling araw na ito ang nalulugod na sila’y maidistino sa mga bansa na gaya na nga ng Suriname upang tulungan ang lokal na mga Saksi sa pagtulong sa mga taong interesado. Kaya naman kanilang natupad ang pangako ng salmista: “Ang iyong bayan ay maghahandog na kusa ng kanilang sarili sa araw ng iyong hukbong panlaban.” (Awit 110:3) At si Jehova naman ay nagpapaulan sa kanila ng saganang pagpapala dahilan doon.

Ikaw ba ay nagnanais na magkaroon ng bahagi sa mga pagpapalang tinatamasa nila? Marahil ay iyong isasagot: ‘Ngunit kailanma’y hindi ako maaaring maging isang misyonero!’ At maaaring totoo naman iyan. Gayumpaman, marahil ay isa ka sa marami na may mahalagang bahaging nagampanan sa kahanga-hangang mga karanasan na tinatamasa ng mga misyonero sa buong daigdig. Sa papaanong paraan?

‘Pakibigay Po sa mga Misyonero’

Tulad sa nangyari sa isang batang babae na ang pangala’y April. Hindi, si April ay hindi isang misyonero, bagama’t marahil ibig niyang maging misyonero balang araw. Subalit sa ngayon siya’y napakabata pa upang maglakbay patungo sa isang lupaing banyaga at magkaroon ng gayong kapana-panabik na mga karanasan. Gayunman, ibig niyang maging bahagi ng lahat na iyon, kaya sumulat siya ng isang liham sa punung-tanggapan ng Watchtower Society sa Brooklyn: “Mayroong nagbigay sa akin ng isang dolyar sa pansirkitong asamblea. Ibig kong ibigay ito sa inyo para ibigay sa mga misyonero at matulungan sila na turuan ang mga tao tungkol kay Jehova.” Sa gayon, sa isang napakaimportanteng paraan, ang munting si April ay nagkaroon ng bahagi sa pandaigdig na gawaing misyonero. Siya’y nag-abuloy buhat sa kaniyang sariling pera upang tulungan ang mga misyonero.

Isa pang liham ang nanggaling sa isang bata na medyo may edad kaysa kay April. Siya’y sumulat: “Ako’y naglakip ng isang tseke na halagang $100 upang gamitin sa gawaing pang-Kaharian. Ito’y isang kaloob na ibinigay sa akin, kaya’t ibinibigay ko naman sa inyo . . . Ang pagpapayunir ang aking naging karera sa buhay nang may 46 na taon. Gayumpaman, hindi na magtatagal at ako’y magiging 90 anyos at kinakailangang ako’y huminto.” Ang taimtim at malaon nang lingkod na ito ni Jehova ay hindi na makapagmimisyonero. Ngunit ibig niyang magkaroon ng bahagi, at ginawa niya iyon sa pamamagitan ng pag-abuloy ng salapi.

Ang dalawang liham na ito ay nagtatampok ng isa pang paraan ng mga lingkod ng Diyos ng ‘paghahandog na kusa ng kanilang sarili sa araw ng hukbong panlaban ni Jehova.’ Kanilang tinupad ang payo ng Bibliya sa kawikaan: “Parangalan mo si Jehova ng iyong mahahalagang bagay at ng mga unang bunga ng iyong pag-aani.” (Kawikaan 3:9) Sa isang dahilan o ano pa man iyon, hindi sila makapaghandog ng kanilang sarili nang tuwiran gaya ng ginagawa ng iba. Gayumpaman, sila’y nag-abuloy ng “mahahalagang bagay” at sa ganoo’y tumulong upang ang iba’y makagawa ng gayon. Noong nakalipas na mga panahon, ang ganiyang kusang pagbibigay ay nagpapatunay ng ilang mahalagang mga simulain. Tingnan natin kung ano ang mga simulaing yaon, at kung maaari pang ikapit sa ngayon.

Ang Kanilang “Puso ang Nag-udyok sa Kanila”

Noong panahon ni Moises mayroong gawain na dapat na isagawa. Isang tabernakulo ang kailangang itayo upang maging dako ng tunay na pagsamba sa bansang Israel. Kuwalipikadong mga Israelita ang inanyayahan na mag-abuloy ng kanilang panahon at mga talento sa pagtatayo. (Exodo 35:10) At bawat isa ay inanyayahan na mag-abuloy ng anumang galing sa kaniyang materyal na mga ari-arian upang itustos doon. Ang resulta: isang pagkalaki-laking abuloy, sapagkat higit pa iyon kaysa kinakailangan. At mapapansin na ang mga abuloy ay nanggaling sa mga kusang-loob na naghandog niyaon. Ang rekord ay nagsasabi sa atin na ang kanilang “mga puso ang nag-udyok sa kanila,” ang kanilang “mga puso ang pumukaw sa kanila.” Oo, ang kanilang kontribusyon ay isang kapahayagan ng pananampalataya kay Jehova at isang pagsuporta sa layunin ng tabernakulo​—ang tunay na pagsamba.​—Exodo 35:20-29; 36:4-7.

Noong mga kaarawan ni Ezekias, isa pang gawain ang kinakailangang tapusin. Pagkaraan ng mga taon ng pagpapabaya, ang templo ay kinakailangan noon na linisin at ang mga tao ay kailangang turuan na gumalang sa kautusan ni Jehova. Sa mga Israelita ay ipinatalastas ang pangangailangan ng pag-aabuloy ng materyal na mga bagay “upang [ang mga saserdote at mga Levita] ay makapanghawakang mahigpit sa kautusan ni Jehova.” (2 Cronica 31:4) Ganiyan na lamang ang sigla ng tugon ng bayan na anupa’t sinabi ng mataas na saserdoteng si Azarias: “Si Jehova mismo ang nagpala sa kaniyang bayan.”​—2 Cronica 31:10.

Sa gayon, ang pagkukusa ng mga Israelita na magbigay ay isang patotoo ng kanilang mabuting kalagayan ng puso at ng kanilang pagsuporta sa pagsamba, at gayundin ng pagpapala ni Jehova sa kanila. Kumusta naman sa ngayon?

Pinagpapala ni Jehova ang Kaniyang Bayan

Bueno, sa ngayon mayroong isa pang pantanging gawain na dapat gawin. Inihula ni Jesus: “Ang mabuting balita ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa, at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang Bibliya ay humula rin naman ng gawaing pangangaral na ito ay kasabay ng isang gawaing pagtuturo at ang pagtitipong sama-sama sa mga tunay na mananamba. (Isaias 2:3, 4; 54:13; Zacarias 8:23; Mateo 28:19, 20; Apocalipsis 7:9) Ang mga pag-aabuloy ba ay gumaganap ng bahagi sa gawaing ito?

Oo, gumaganap ng bahagi. Halimbawa, upang mapag-aral ang isang misyonero, sa Watchtower Bible School of Gilead, at makapanatili siya roon hanggang sa matapos sa kurso, at pagkatapos ay maipadala siya sa isang bansa na kagaya ng Suriname at makapanatili roon ng maraming mga taon, libu-libong dolyar ang magagastos. Gayunman ang Watchtower Society ay nakapagsugo ng mahigit na 6,000 mga misyonero sapol nang buksan ang Gilead School.

Mangyari pa, ito’y isang bahagi lamang ng gastos na may kaugnayan sa pangangaral ng mabuting balita. Nariyan pa rin ang mga pansirkito at pandistritong mga tagapangasiwa pati kani-kanilang asawa, at ang mga manggagawa sa mga tahanang Bethel ng Samahan, na dahil sa pribilehiyo sa paglilingkod ay hindi nila masusuportahan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paghahanapbuhay. Nariyan din ang mga espesyal payunir na tumatanggap ng tulong na salapi upang sila’y makapaglingkod sa iba’t ibang teritoryo. Subalit iyan ay suporta lamang para sa mga manggagawa!

Idagdag pa rito ang gastos ng mga bagong palimbagan at mga gamit sa pagbuo ng mga aklat, pati na ang gastos sa mga bagong pasilidad ng Bethel na itinatayo sa buong daigdig kasama na ang mga Assembly Halls at ang daan-daang mga bagong Kingdom Halls. Alalahanin din ang “natatagong” gastos, tulad baga ng regular na pagpapakoreo ng mga liham na ipinadadala sa mahigit na 46,000 mga kongregasyon, at ang pag-imprenta ng maraming mga porma at dokumento na kinakailangan para sa teokratikong organisasyon. Ngayon ay makikita ninyo ang pagkalaki-laking halaga ng salapi na ginugugol sa taun-taon sa pangangaral ng “mabuting balita” at upang ang “mga tupa” ay magkaroon ng mga dako na mapagtitipunan at pakikinabangang espirituwal na pagkain.

Ang kahanga-hanga ay na pinapangyari ito ni Jehova. Sa papaano? Ang kalakhang bahagi ay sa pamamagitan ng pagpapakilos sa puso ng mga lingkod niya upang kusang mag-abuloy. Sa gayon, ang indibiduwal na mga Kristiyano ay nag-abuloy ng salapi​—at pati kanilang panahon at trabaho​—upang sumuporta ng lokal na mga proyekto tulad halimbawa ng mga Kingdom Hall at mga Assembly Hall. Maraming kongregasyon ang nagpapadala ng regular na kontribusyon sa Watchtower Society o, sa labas ng Estados Unidos, sa mga tanggapang sangay na nasa kani-kanilang bansa. Ang mga indibiduwal ay nag-aabuloy rin naman sa iba’t ibang paraan tuwiran sa Society. (Tingnan ang kahon.) Ang resulta? Kahit nga sa mahirap na mga panahong ito, pinakikilos ni Jehova ang puso ng kaniyang mga lingkod upang maghandog ng kinakailangan para matapos ang gawain na kaniyang iniatas sa kanila.

Anong konklusyon ang masasabi natin? Ito, na gaya noong mga kaarawan ni Ezekias, “Si Jehova mismo ang nagpala sa kaniyang bayan.” Kaniyang ipinakita ang kaniyang suporta sa isang paraan na kamangha-mangha para sa gawain na kanilang ginagawa. Gayundin, habang sinusunod ng bayan ni Jehova ang Kaniyang kaayusan noong kaarawan ni Moises, makikita natin na sa ngayon ang bayan ni Jehova ay 100 porsiyento na nagtataguyod ng gawaing pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at ng pagtitipon sa mga interesado. Sila’y nag-aabuloy, hindi dahilan sa magarbong mga talumpati ng propesyonal na mga mangingilak ng abuloy, kundi dahilan sa ang kanilang mga puso “ang pumukaw sa kanila,” oo, “nag-udyok sa kanila.”

Si Jehova ang ‘Tumatapos Nito’

Noong unang siglo si apostol Pablo ay gumawa ng gawaing misyonero at nagkaroon ng kahanga-hangang mga karanasan​—tulad niyaong naranasan ng mag-asawang misyonero sa Suriname. Siya man din ay malimit na sinusuportahan ng mga abuloy ng kaniyang mga kapananampalataya. Ang isang kongregasyon na namumukod-tanging matulungin ay yaong sa Filipos. Sa gayon, nang siya’y sumulat sa kanila, si Pablo ay naudyukan na magsabi: “Aking pinasasalamatan ang aking Diyos sa tuwina tuwing maaalala ko kayo sa aking mga panalangin para sa lahat sa inyo, samantalang inihahandog ko ang aking mga pagsusumamo nang may kagalakan, dahilan sa abuloy na ginawa ninyo alang-alang sa mabuting balita mula noong unang araw hanggang sa mga sandaling ito. Sapagkat ako’y nagtitiwala sa mismong bagay na ito, na siya na nagsimula ng isang mabuting gawa sa inyo ang tatapos nito hanggang sa araw ni Jesu-Kristo.”​—Filipos 1:3-6; 4:16.

Ang mga Kristiyano, sa ngayon, ay mayroon ding ganiyang pampatibay-loob. Bilang katuparan ng ipinangako ni Jehova, pinakilos niya ang kaniyang bayan na ‘ihandog na kusa ang kanilang sarili’ sa maraming iba’t ibang paraan sa paglilingkod sa kaniya. Ang mga Saksi ni Jehova sa gayon ay ‘nagpapasalamat na lagi sa kanilang Diyos’ at sila’y nagtitiwala na si Jehova, na nagpaunlad ng ganiyang napakainam na espiritu sa kaniyang modernong mga lingkod, ay siyang tatapos sa kaniyang gawain.

[Kahon sa pahina 24]

Kung Paano Nag-aabuloy ang Iba sa Gawaing Pangkaharian

Mga Kaloob: Mayroong mga tuwirang nagkakaloob at nag-aabuloy sa Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, o sa mga tanggapang sangay sa bansa na kinatitirhan nila. Ang gayong pagkakaloob ay dapat na may kasamang maikling liham na nagsasabi na ang pera ay ibinibigay bilang isang kusang abuloy o donasyon.

Mga Kaloob na May Pantanging Probisyon: Sa ilalim ng kaayusang ito, ang mga nagdudonasyon ng salapi ay may pantanging kaayusan na sakaling kailangan nila ang iba nito o lahat nito sa panahon na kanilang kinabubuhay, ito’y ibabalik sa kanila. O, upang maiwasan ang gastos at kawalang-kasiguruhan ng asunto sa hukuman, may mga taong nagbibigay sa Society ng mga accion, bono o ari-ariang lupa. Ang iba naman ay gumagawa ng gayong mga pagkakaloob, at iniririserba sa sarili ang mga karapatan doon habang sila’y nabubuhay.

Siguro: Marami ang ginawang binipisyario ang Watch Tower Society ng kanilang polisa sa siguro na panghabang-buhay.

Testamento: Ang iba naman, sa tulong at payo ng kanilang mga abugado, ay ginawang binipisyario ng kanilang mga testamento ang Society.

Higit na impormasyon o payo tungkol sa ganiyang mga bagay ang maaaring kamtin sa pamamagitan ng pagsulat sa lokal na tanggapang sangay ng Society, o sa sumusunod na mga address: Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, Office of the Secretary and Treasurer, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201.

[Larawan sa pahina 23]

Ang mga lingkod ni Jehova ay kusang sumusuporta sa pagsulong ng Kaharian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share