Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 7/1 p. 4-7
  • Armagedon—Ang Maling Pagkakilala Rito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Armagedon—Ang Maling Pagkakilala Rito
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Isang Lugar sa Mundo
  • Hindi Giyera ng mga Bansa sa Lupa
  • Hindi Digmaang Nuklear
  • Hindi Patuluyang Labanan ng Mabuti at Masama
  • Hindi Pagbagsak ng Ekonomiya ng Daigdig
  • Hindi Digmaan sa Gitnang Silangan
  • Saligan ng Pag-asa
  • Armagedon—Kailan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Armagedon—Isang Maligayang Pasimula
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Ano ang Digmaan ng Armagedon?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Magsisimula Ba sa Israel ang Armagedon?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
    Iba Pang Paksa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 7/1 p. 4-7

Armagedon​—Ang Maling Pagkakilala Rito

Hindi kalayuan sa Haifa ang pupuntahan mo. Nagmabilis ang kotse mo at lumampas sa Ilog Kishon hanggang sa natatanaw mo ang libis. Lumusot ka sa pagitan ng bundok ng Carmelo at ng mga burol ng Galilea, at walang anu-ano’y narating mo ang libis​—ang Kapatagan ng Esdraelon. Patungo ka sa gawing timog nang matanaw mo ang isang burol na patag ang taluktok. Ito ang pakay mo! Ang bundok ay Megiddo, na pinagkunan ng salitang Armagedon.

ANG Armagedon ay natatakpan ng hiwaga at maraming maling akala tungkol dito. Sagana ang mga kuru-kuro tungkol dito. Ngunit, ang salitang Armagedon ay galing sa Har-Magedon, o Bundok ng Megiddo.a Ito’y isang salita sa Bibliya na nasa Apocalipsis 16:16, na nagsasabi: “At kanilang tinipon sila sa dako na tinatawag sa Hebreo na Har-Magedon [o, Armagedon].”

Sino ba ang tinitipon sa Armagedon at bakit? Sumasagot ang Apocalipsis 16:14: “Ang mga hari ng buong tinatahanang lupa” ay tinitipon “sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”

Ang mga sagot na iyan ay nagbabangon ng mga iba pang tanong. Kanino nakikipagbaka “ang mga hari,” at sa anong suliranin? Saan sila makikipagbaka? Sila ba’y gagamit ng mga armas nuklear? Maaari bang mahadlangan ang digmaan? Sa talaga, ano nga ba ang Armagedon?

Hindi Isang Lugar sa Mundo

Ang Armagedon ay hindi isang lugar sa lupa. Walang bundok ngayon na may ganiyang pangalan​—bagama’t ngayon hanggang sa araw na ito ay mayroong isang bunduk-bundukan na tinatawag na Megiddo. Para sa tunay na kahulugan ng Armagedon bumalik tayo sa kasaysayan ng digmaan na naganap sa palibot ng lugar ng Megiddo.

Ang Megiddo ang naging larangan ng ilan sa pinakamalulupit at pangkatapusang mga digmaan sa kasaysayan ng Gitnang Silangan. Nagsimula ang lahat ng ito noong ikalawang milenyo B.C.E. nang ang haring Ehipsiyo na si Thutmose III ay nagtagumpay sa mga Palestinio at mga hari ng Sirya, at hanggang sa lumipas ang mga siglo at sumapit ang taóng 1918 nang ang mariskal de-kampo ng Britaniya na si Viscount Allenby ay magwagi sa mga Turko.

Ngunit lalong mahalaga sa mga mag-aara̗l ng Bibliya, sa Megiddo naganap ang mga tagumpay ng mga Israelita sa ilalim ng pangunguna ni Hukom Barak nang magtagumpay ito sa malakas na hukbong Cananeo ni Haring Jabin na pinangunahan ng punung-digmaan na si Sisera. Ang Diyos na Jehova ay namagitan at pinapangyaring magtagumpay ang mga Israelita.​—Hukom 4:7, 12-16, 23; 5:19-21.

Kung gayon, ang Armagedon ay isang mahalagang labanan, na isa lamang ang magtatagumpay.

Hindi Giyera ng mga Bansa sa Lupa

Ang suliranin sa labanan ng Armagedon​—ang pamamahala sa daigdig​—ang malaking isyu o usapin sa ngayon. Subalit, bagama’t ang dalawang superpower ay nagpapaligsahan ngayon para sa pananakop sa daigdig, ang Armagedon ay hindi magiging isang digmaang pandaigdig, na ang isa’y kalaban ng kabilang panig. Oo, ang daigdig ay dumaraan ngayon sa isang kakila-kilabot na pagpapaligsahan sa armas sa buong kasaysayan, kaya naman nagsabi ng ganito ang India Today: “Lahat na ito ay nagtutulak sa planetang ito sa kalagim-lagim na Armagedon​—ang katapusang digmaan ng mga bansa.” Subalit ang Apocalipsis 16:14 ay nagpapatunay na “ang mga hari sa buong tinatahanang lupa” ay magtitipun-tipon upang lumabang nagkakaisa sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”

Samakatuwid, ang Armagedon ay hindi digmaan ng tao. Ito’y digmaan ng Diyos. Sa Armagedon lahat ng mga bansa sa lupa ay magkakaisa-isa sa paglaban sa ‘mga hukbo ng langit’ sa ilalim ng “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” si Kristo Jesus. Siya ang matuwid na hari ng daigdig sapagkat pinapangyari rin ng Diyos na “sumailalim ang lahat ng bagay sa mga paa [ni Kristo].”​—Apocalipsis 19:14, 16; Efeso 1:22.

Hindi Digmaang Nuklear

Para sa marami, ang digmaang nuklear ay kakila-kilabot na pag-isipan. Mayroong 40 siyentipiko na gumawa ng sama-samang pag-aaral noong 1983 at kanilang tinataya na sa isang digmaang nuklear isang katlo hanggang kalahati ng buong populasyon ng daigdig ang mamamatay sa isang iglap. Ang kanilang report, na nalathala sa magasing Science, ay naglalarawan ng kalagim-lagim na kinabukasan para sa mga makakaligtas. Ito’y nagbabala: “Sa isang digmaang nuklear ng mga superpower, magkakaroon ng mga pagbabago sa kapaligiran na sapat upang lumipol sa malaking bahagi ng mga halaman at mga hayop sa Lupa. Kung gayon, maaaring posible ang pagkalipol ng Homo sapiens.”

Payagan kaya ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, ang gayong kakilabutan? Hindi! Hindi niya nilalang ang lupa “para sa walang kabuluhan,” kundi kaniyang “nilalang ito upang tahanan.” (Isaias 45:18) Sa Armagedon pangyayarihin ng Diyos na ‘mapahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa,’ at hindi ito mapupuksa sa pamamagitan ng digmaang nuklear.​—Apocalipsis 11:18.

Hindi Patuluyang Labanan ng Mabuti at Masama

May mga pinuno ng relihiyon na naniniwala na ang Armagedon ay isang patuluyang pagbabaka ng mga puwersa ng kabutihan at kasamaan, maging iyon man ay sa buong daigdig o sa kaisipan lamang. “Ang Armagedon ay nagaganap sa mga ibang panig ng daigdig araw-araw,” ang sabi ng isang komentarista sa Bibliya. Papaano nga mangyayari ito gayong sinasabi ng Bibliya na ang Armagedon ay magdadala ng mabilis na pagkapuksa sa lahat ng mga masasamang bansa at mga bayan? Si Kristo Jesus, bilang pinahirang Hari ng Diyos sa Armagedon, ang “dudurog sa kanila ng pamalong bakal, na animo sila’y isang sisidlan ng magpapalyok.”​—Awit 2:9; tingnan din ang Kawikaan 2:21, 22; Apocalipsis 19:11-21.

Hindi Pagbagsak ng Ekonomiya ng Daigdig

Ang pinakamalalakas na pamahalaan ng daigdig ay nangangamba na ang di-pagbabayad ng utang ng Third World ang magiging dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya ng daigdig na tinatawag ng magasing Business Life na isang “Economic Armageddon.” Ang pagbagsak ng mga bangko ng daigdig ay tunay na kalunuslunos nga, subalit hindi ito ang Armagedon. Ang Armagedon na tinutukoy ng Bibliya ay isang pambuong daigdig na kalagayang tumutukoy sa digmaan, hindi sa ekonomiya. Ganito ang pagkalarawan dito ng propetang si Jeremias: “May pakikipag-alitan si Jehova sa mga bansa. Siya’y hahatol sa lahat ng laman. Kung tungkol sa mga balakyot, kaniyang ibibigay sila sa tabak.”​—Jeremias 25:31.

Hindi Digmaan sa Gitnang Silangan

“Balang araw, ang huling digmaan ay magaganap sa Gitnang Silangan,” ang sabi ng kilalang mangangaral na si Billy Graham. Sa bagay na ito, kaniyang ipinapahayag ang kuru-kuro ng marami sa kaniyang mga kapuwa mangangaral. Naniniwala rin si Graham na ang Armagedon ay maaaring antalahin. “Sa palagay ko ang daigdig ay talagang patungo sa sandaling ito sa Armagedon,” aniya, “at maliban na magising tayo sa espirituwal at bumaling sa Diyos, baka ang daigdig ay mapaharap sa Armagedon sa mismong dekadang ito.”

Ang rehiyon ng Megiddo ay hindi pagkakasiyahan ng lahat ng “mga hari sa lupa at kanilang mga hukbo.” (Apocalipsis 19:19) Samakatuwid, itinutumba nito ang anumang turong pundamentalista na ang Armagedon ay magiging isang digmaang pandaigdig sa literal na kapatagan ng Megiddo, di ba? Ipinakikita ni propeta Jeremias na ang Armagedon ay sasakop hanggang sa “kadulu-duluhang bahagi ng lupa” at ang mga masasawi ay “mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.”​—Jeremias 25:32, 33.

At yamang ang Armagedon ay nangangahulugang “ang digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” walang sinumang makahahadlang dito. Walang magagawa ang tao upang antalahin ito. Si Jehova ay may “takdang panahon” para sa pagsisimula ng digmaan. “Hindi ito mababalam.”​—Apocalipsis 16:14; 11:18; Habacuc 2:3.

Saligan ng Pag-asa

Ang Armagedon ay hindi dapat katakutan ng mga taong umiibig sa katuwiran. Bagkus, maaaring maging saligan ito ng pag-asa. Sinasabi ng Bibliya: “At nakita kong ang langit ay nabuksan, at, narito! isang maputing kabayo. At ang isang nakaupo roon ay tinatawag na Tapat at Totoo, at siya’y humahatol at nagsasagawa ng matuwid na pakikidigma.” (Apocalipsis 19:11) Ang digmaan ng Armagedon ang lilinis sa buong lupa ng lahat ng kabalakyutan at ito’y magbibigay-daan para sa pagsasauli ng matuwid na mga kalagayan.​—Isaias 11:4, 5.

Mahigit nang isang daang taon na ang tinig ng mga Saksi ni Jehova ay naririnig na nagbabalita ng sa hinaharap ay tagumpay ng Diyos sa balakyot at ayaw sumukong mga tagapamahala ng sistemang ito. Lalung-lalo na sapol ng taóng 1925 ang mga Saksi ay nagkaroon ng malinaw na pagkakilala kung ano nga ba ang Armagedon at sila’y hindi tumatahimik ng pagbabalita nito. Nais nila na tulungan ang mga tao na makaligtas sa Armagedon, at hindi mangamatay. Kaya’t hinihimok nila ang lahat na nakikinig na sundin ang payo ng Joel 2:31, 32, na bumabanggit ng “pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova,” at isinusog pa: “Lahat ng tatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”

Ang iba naman ay baka magtatanong pa rin: Bagama’t ang Armagedon ay sa buong globo, magsisimula kaya ito sa Gitnang Silangan? Papaano ngang ang isang Diyos ng pag-ibig ay magpapasapit ng Armagedon? Tunay na kapayapaan kaya ang kasunod ng Armagedon? Basahin ang susunod na tatlong labas ng Ang Bantayan, sapagkat tatalakayin nito ang mga tanong na iyan.

[Talababa]

a Si Kittel, gayundin sina McClintock at Strong, mga iskolar sa wika ng Bibliya, ay walang tiyak na kaalaman tungkol sa kahulugan ng salitang “Megiddo,” ngunit sinasabi nila na ang salita ay maaaring mangahulugang “assembly” o “dako ng mga hukbo.”

[Kahon sa pahina 6]

Ano ang Armagedon?

Ang Armagedon AY HINDI . . .

◆ isang lugar sa mundo

◆ giyera ng mga bansa

◆ digmaang nuklear

◆ pagbagsak ng ekonomiya ng daigdig

◆ labanan ng mabuti at masama

◆ digmaan sa Gitnang Silangan

Ang Armagedon AY . . .

◆ ang kalagayang pambuong daigdig na doon lahat ng mga bansa sa lupa ay makikipagbaka sa Anak ng Diyos, si Kristo Jesus, at sa kaniyang hukbo ng mga anghel sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”

[Larawan sa pahina 7]

Sa Armagedon ang Hari ng Diyos, si Jesu-Kristo, ‘ang dudurog sa lahat ng mga masasamang bansa sa pamamagitan ng pamalong bakal, gaya ng sisidlan ng isang magpapalyok kaniyang dudurugin sila.’​—Awit 2:9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share