Pasimula ng mga Hari sa Israel—Ang Dalawang Aklat ni Samuel
“HINDI baga ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang kaniyang mga tauhan ay nagugutom? Siya’y naparoon sa Bahay ng Diyos at kinuha niya ang banal na tinapay para kainin at binigyan pa niya nito ang kaniyang mga tauhan, bagaman mga saserdote lamang ang pinahihintulutan na kumain nito, at wala ng iba.” (Lucas 6:3, 4, The New English Bible) Sa mga salitang iyan ay pinatahimik ni Jesus ang mga ibang Fariseo na nagbibintang sa kaniyang mga alagad ng pagsira sa Sabbath dahil sa pumitas sila ng mga ilang trigo para kainin sa araw ng Sabbath.
Mayroon din siyang ipinaghalimbawa. Ang ulat na ito tungkol kay David at sa “banal na tinapay” ay nasusulat sa unang aklat ng Samuel. (1 Samuel 21:1-6, NE) Ang pagbanggit dito ni Jesus upang ibuwal ang isang pagtutol ay nagpapakita ng kaniyang kaalaman sa aklat na iyan kaya tayo rin naman ay dapat na maging bihasa sa aklat na iyan. Kasama ang Ikalawang Samuel, ito’y may impormasyon na mahalaga kay Jesus at mahalaga rin sa atin ngayon.—Roma 15:4.
Ano ba ang dalawang aklat ng Samuel? Ang mga ito’y makasaysayan at nasa Kasulatang Hebreo upang maglahad ng malaking pagbabago sa kasaysayan ng bayan ng Diyos. Dati, ang mga Israelita ay pinamamahalaan ng sunud-sunod na mga hukom. Sa dalawang aklat na ito ay inilalarawan ang pagtatapos ng panahong iyon at ang pagsisimula ng paghahari ng mga haring Israelita. Taglay nito ang mahalagang mga pangyayari at mga taong kapana-panabik na makilala. Ating nakikilala rito mismo si Samuel, ang huling hukom, at ang unang dalawang hari, si Saul at si David. Nakikilala rin natin ang mga iba pang di-malilimot na mga karakter: si Eli, ang matalino at mataktikang si Abigail, ang magiting ngunit mabait na si Jonathan, pati na ang magkapatid na sina Abisai at Joab, na matatapang sa pakikipagbaka ukol kay Jehova ngunit mararahas sa kanilang paghihiganti. (Hebreo 11:32) Ang dalawang aklat ay nagtuturo ng mga simulain na mahalaga pa rin hanggang ngayon at naglalahad ng mga pangyayari na may mga epekto pa rin sa bayan ng Diyos, oo, sa buong sangkatauhan.
Isang Hari na Nabigo
Ang unang pinahiran ni Jehova upang maging hari sa Israel ay si Saul. Mahusay ang kaniyang pasimula ngunit nang maglaon hindi siya nagpakita ng pagtitiwala kay Jehova samantalang may napipintong pagsalakay ang mga Filisteo. Kaya, sinabi sa kaniya ni Samuel na hindi magmamana ng kaharian ang kaniyang mga anak. Bagkus, sinabi ni Samuel, “Si Jehova ay hahanap para sa kaniya ng isang lalaki na nakalulugod sa kaniyang puso; at siya’y susuguin ni Jehova upang magpuno sa kaniyang bayan.” (1 Samuel 13:13, 14) Gayunman, si Saul ay nagpatuloy sa paghahari sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay.
Nang malaunan, ang unang haring ito ay pinag-utusang makidigma laban sa mga Amalecita. Hindi lubusang tinupad ni Saul ang mga utos ni Jehova at sa gayo’y hindi siya kinalugdan. Si Samuel ay kinasihan na magsabi: “Si Jehova baga ay totoong nalulugod sa mga handog na sinusunog at mga hain di gaya ng pagtalima sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa paghahain, ang pagbibigay ng pansin kaysa taba ng mga tupang lalaki.” (1 Samuel 15:22) Narito ang isang simulain na mahalaga pa rin para sa mga naglilingkod kay Jehova kung sila’y nasa pangunguna. Dahilan sa si Saul ay masuwayin, sinabi pa ni Samuel na propeta: “Yamang tinanggihan mo ang salita ni Jehova, kaya naman tatanggihan ka rin niya sa pagiging hari.” (1 Samuel 15:23) Pagkatapos, ipinakita ni Saul kung gaano na kalayo siya sa dalisay na pagsamba nang siya’y sumangguni sa isang espiritista.—1 Samuel 28:8-25.
Nagtagumpay na Hari
Ang humalili kay Haring Saul ay si David, anak ni Jesse. Si David ay naiiba kay Saul. Sa kaniyang kabataan, siya’y may pagtitiwala kay Jehova nang kaniyang paslangin ang higanteng Filisteo, si Goliat. At, nang siya’y tumakas para iligtas ang kaniyang buhay dahil sa kinainggitan siya ni Saul, siya’y patuloy ring tumalima kay Jehova sa lahat ng bagay. Hindi lamang miminsan na kung ginusto niya’y napatay sana niya si Saul. Ngunit siya’y nagpigil, hinintay niya ang takdang panahon ni Jehova para siya’y maghari. Sa mahirap na panahong ito nangyari na ibinigay sa kaniya ni Ahimelech na saserdote ang tinapay na tinutukoy sa pangyayari na binanggit ni Jesus sa mga Fariseo.
Dumating ang panahon na si Saul ay namatay ay si David ay nagsimulang naghari. Subalit sa pasimula walang tumanggap sa kaniya kundi ang kaniyang sariling tribo, ang Juda. Ang mga ibang tribo ay patuloy na sumunod sa isang anak ni Saul, si Is-boseth. Ngunit si David ay hindi nagpakita na siya’y mapaghiganti sa kaniyang karibal. Nang sa wakas ay mapaslang si Is-boseth, ipinapatay ni David ang mga nagsipatay sa kaniya. At nang ang dakilang heneral ni Is-boseth, si Abner, ay paslangin, iniutos niya na magdalamhati ang bayan. (2 Samuel 3:31-34; 4:9-12) Ang gayong pagpapakumbaba, pagtitiyaga, pagtitiis at pagtitiwala kay Jehova ay tunay na kailangan ng mga lingkod ni Jehova sa anumang panahon.
Ang “Anak ni David”
Nang sa wakas ay maging hari sa isang nagkaisang bansa si David, ang unang naisip niya ay magtayo ng permanenteng dako para sa kaban ng tipan, ang sagisag ng pagkanaroroon ni Jehova sa Israel. Ito’y hindi sinang-ayunan ni Jehova, ngunit bilang pagkilala sa katapatan ni David ay nakipagtipan siya kay David ng ganito: “Ang iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay tunay na mapapatatag sa panahong walang takda; ang iyong trono ay matatatag hanggang sa panahong walang takda.”—2 Samuel 7:16.
Si David nga ay naging isang mahalagang kawing sa patu-patuloy na angkang iyan mula kay Adan, lagusan kay Abraham, Isaac, Jacob at Juda hanggang sa ipinangakong Mesiyas. (Genesis 3:15; 22:18; 26:4; 49:10) At sa wakas, pagparito noon ng Mesiyas, siya’y magiging isang inapo ni David. At gayon nga si Jesus, kapuwa sa panig ng kaniyang ama-amahan at sa panig ng kaniyang ina. (Mateo 1:1-16; Lucas 3:23-38) Sa mga Ebanghelyo, malimit na siya’y tinatawag na “Anak ni David.”—Marcos 10:47, 48.
Bilang opisyal na “Anak ni David,” si Jesus ang tagapagmana ni David. Ano ba ang kaniyang minana? Si anghel Gabriel ay nagsabi kay Maria: “Ang isang ito [si Jesus] ay magiging dakila at siya’y tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya’y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Muling tinipon at pinagkaisa ni David ang lahat ng mga lingkod ng Diyos sa isang kaharian, gaya ng inilalarawan sa aklat ng Ikalawang Samuel. Kaya’t si Jesus ay nagmana ng paghahari sa buong Israel.
Pansinin din ang isa pang katotohanan tungkol kay David na iniuulat sa unang aklat ng Samuel: “Si David nga ay anak niyaong Ephrateo na taga-Bethlehem ng Juda na ang pangala’y Jesse.” (1 Samuel 17:12) Ito’y hindi lamang isang walang kabuluhang pangungusap sa kasaysayan. Ang Mesiyas, bilang “Anak ni David,” ay isisilang sa Bethlehem: “Ngunit ikaw, Bethlehem Ephrata, na maliit upang lumagay sa libu-libo sa Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magpupuno sa Israel, na ang pinagbuhatan niya ay mula nang sinaunang mga panahon, noong mga kaarawan ng panahong walang takda.” (Mikas 5:2) Mangyari pa, tinupad ni Jesus ang kahilingang ito bilang Mesiyas.—Mateo 2:1, 5, 6.
Mga Pangyayari na Bumago sa Kasaysayan
Marami sa mga dakilang bagay na ginawa ni David ang nagkaroon ng namamalaging epekto. Halimbawa, may ilang milya lamang ang layo sa Jerusalem ng lugar na kinalakhan ni David. Nang siya’y isang bata ang lunsod ay hawak ng mga Jebuseo, at marahil malimit na hinahangaan ni David ang halos di-magagaping puwesto nito sa isang matarik na bundok na tinatawag na Bundok ng Sion. Ngayon, bilang hari, higit pa ang magagawa niya kaysa hangaan lamang ito. Ang ikalawang aklat ng Samuel ay bumabanggit ng kung paano, sa kabila ng pangungutya ng mga Jebuseo, “nabihag ni David ang moog ng Sion, samakatuwid nga, ang Lunsod ni David.” (2 Samuel 5:7) Sa gayo’y napatanyag sa kasaysayan ng daigdig ang Jerusalem—pabagu-bago—sapol noon.
Ito’y naging kabisera ng kaharian ni David at nagpatuloy na gayon para sa makalupang mga hari na inilagay roon ng Diyos sa loob ng daan-daang taon. Nang unang siglo, ang “Anak ni David,” si Jesus, ay nangaral doon. Sa Jerusalem sumakay sa isang asno si Jesus upang ang kaniyang sarili ay iharap na Hari sa mga Judio. (Mateo 21:1-11, Mat 21:42–22:13; Juan 7:14) At sa labas ng mga pintuang-bayan ng Jerusalem inihandog niya ang kaniyang buhay para sa sangkatauhan, at pagkatapos nito’y binuhay siyang mag-uli at umakyat sa langit, matiyagang naghihintay—gaya rin ni David—na sabihin ni Jehova kung kailan magsisimula siya bilang Hari.—Awit 110:1; Gawa 2:23, 24, 32, 33; Hebreo 13:12.
Ang paghahari ni David sa Jerusalem ay nagpapagunita rin sa atin na ang kaniyang inapo, si Jesus, ay nagpupuno ngayon sa Jerusalem, ang “makalangit na Jerusalem.” (Hebreo 12:22) At ang lokasyon ng makalangit na Jerusalem na iyan sa kalangitan ay tinatawag na “Bundok ng Sion,” nagpapagunita sa atin ng dakong kinaroroonan ng orihinal na lunsod.—Apocalipsis 14:1.
Nang magtatapos na ang kaniyang paghahari si David ay nagsagawa ng di-iniuutos na pagbilang sa mga mamamayan ng bansa. Bilang parusa ay sinalot ni Jehova ang bansa, at ang anghel na may dalang salot ay huminto sa wakas nang makarating sa giikan ng isang Jebuseo na nagngangalang Arauna. Binili ni David ang lupain ni Arauna at nagtayo roon ng isang dambana kay Jehova. (2 Samuel 24:17-25) Nagkaroon din ng mahalagang resulta ang ginawang ito. Ang lupaing iyan ang pinagtayuan ng templo ni Solomon at nang magiba ito ay diyan uli itinayo ang templo. Daan-daang taon na ito ang naging sentro ng tunay na pagsamba sa buong daigdig. Si Jesus ay nangaral doon sa templo ni Herodes, na doon din itinayo sa dating kinaroroonan ng giikan ni Arauna na Jebuseo.—Juan 7:14.
Oo, sa dalawang aklat ni Samuel ay ipinakikilala sa atin ang tunay na mga tao at ipinaliliwanag ang mahalagang mga simulain. Ipinakikita kung bakit ang unang hari ng Israel ay isang kabiguan at kung bakit ang kaniyang ikalawang hari, sa kabila ng mga pagkakamali, ay nagtagumpay. Tayo’y dinadala nito sa isang mahalagang bahagi sa kasaysayan, ang pasimula ng mga haring tao sa gitna ng bayan ng Diyos. Ating napagmasdan na ang Jerusalem ay naging punong-lunsod ng kahariang iyon at napag-alaman natin ang tungkol sa pagbili sa dakong pinagtayuan ng, sa loob ng daan-daang taon, templo ng tunay na pagsamba sa daigdig. At natutuhan natin ang isang mahalagang palatandaan upang makilala ang darating na Mesiyas. Siya’y kailangang maging isang “Anak ni David.”
Oo, ito’y kahanga-hangang mga aklat. Bawat Kristiyano ay dapat magbasa nito para sa kaniyang sarili.
[Kahon sa pahina 29]
“Nanghula na Gaya ng Isang Propeta”
Ano ang ibig sabihin ng Bibliya sa pagsasabing: “Ang espiritu ng Diyos ay dumating sa kaniya [kay Saul], at siya’y lumakad at nagpatuloy na nanghula na gaya ng isang propeta”?—1 Samuel 19:23.
Pagka ang mga propeta ni Jehova ay nagsasalita noon ng mga pasabi ng Diyos, sila’y nasa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu na ‘pumupuspos sa kanila ng kapangyarihan’ at umaakay sa kanila na magsalita nang buong tindi na taglay ang damdamin na pambihira noon. (Mikas 3:8; Jeremias 20:9) Marahil ang kanilang paggawi noon ay parang kakatuwa—marahil parang hindi matino—sa iba. Gayunman, minsang mapatunayan na ang kanilang sinasabi’y galing kay Jehova, ito’y pinakikinggan ng mga taong may takot sa Diyos.—Ihambing ang 2 Hari 9:1-13.
Sa gayon, noon ay kumilos si Saul sa isang pambihirang paraan na nagpapagunita sa mga nagmamasid ng tungkol sa nabagabag na damdamin ng isang propeta na magsasalita buhat kay Jehova. Sa pagkilos nang ganoon, hinubad niya ang lahat ng kaniyang damit at magdamag na siya’y walang damit. (1 Samuel 19:23, 24) Baka ito’y nagpapakilala lamang na siya’y isang tao na walang kapangyarihan o autoridad pagka siya’y gumagawa laban sa mga layunin ng Diyos na Jehova. Minsan nang si Haring Saul ay magsalita na “gaya ng isang propeta,” pinurbahan niyang patayin si David sa pamamagitan ng isang sibat.—1 Samuel 18:10, 11.
[Kahon sa pahina 30]
“Masamang Espiritu Mula kay Jehova”
“At ang espiritu ni Jehova ay humiwalay kay Saul, at isang masamang espiritu mula kay Jehova ang bumagabag sa kaniya.” (1 Samuel 16:14) Alam mo ba kung ano ang kahulugan nito?
Hindi ibig sabihin na literal na nagsugo si Jehova ng isang masamang espiritu upang bumagabag kay Saul. Bagkus, nang alisin ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu, si Saul ay inalihan ng isang masamang espiritu, o isang panloob na lakas ang nag-udyok sa kaniya na gumawa ng masama. (Ihambing ang Mateo 12:43-45.) Bakit si Jehova ay tinutukoy bilang pinagmulan ng masamang espiritung ito? Sapagkat pinapangyari niya na si Saul ay madala ng mga maling pita, o mga silakbo ng damdamin nang kaniyang alisin dito ang kaniyang banal na espiritu. Ang “masamang espiritu” na ito ang bumagabag kay Saul at, nang minsan, umakay sa kaniya na kumilos na parang baliw.
[Mga larawan sa pahina 28]
GOLIAT
DAVID
SAUL
SAMUEL