Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 7/15 p. 4-7
  • Armagedon, ang Gitnang Silangan, at ang Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Armagedon, ang Gitnang Silangan, at ang Bibliya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Itinakwil na Lubusan Ba?
  • Makukumbirte ba sa Hinaharap?
  • Pag-aari sa Lupang Pangako​—“Magpakailanman”?
  • Armagedon​—Saan?
  • Armagedon—Kailan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Armagedon—Isang Magandang Balita!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • “Kikilos Ako Laban sa Iyo, O Gog”
    Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova
  • Ano ang Digmaan ng Armagedon?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 7/15 p. 4-7

Armagedon, ang Gitnang Silangan, at ang Bibliya

“ANG sentro ng buong hula,’’ ang sabi ng autor na si Hal Lindsey, “ay ang Estado ng Israel.’’ (The 1980’s Countdown to Armageddon) Mapapansin sa ‘Armageddon scenario’ ng mga pundamentalista, kung gayon, ang kanilang paniwala na ang Diyos ay may natatanging pakikitungo sa Israel. Ang paniwala nila ay na makikialam ang Diyos pagka ang mga kaaway ng Israel ay bumangon upang wasakin siya.

Subalit, ipinakikita ng Bibliya na ang bansang Judio ay itinakwil ng Diyos nang kanilang tanggihan ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. (Gawa 3:13, 14, 19) Maliwanag na sinabi sa kanila ni Jesus: “Ang kaharian ng Diyos ay aalisin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagbubunga.’’​—Mateo 21:43.

Itinakwil na Lubusan Ba?

Ang teologong sina John F. at John E. Walvoord (sinipi na ang sinabi) ay tumugon ng ganito: “Si Apostol Pablo ay malinaw na nagpahayag na ang mga pangako sa Matandang Tipan para sa Israel ay matutupad pa. Isinulat ni Pablo, ‘Ang tanong ko kung gayon, Itinakwil ba ng Diyos ang kaniyang bayan? Sa ano mang paraan ay hindi!’ (Roma 11:1, NIV.)’’ Subalit, hindi nila sinisipi ang natitirang bahagi ng talatang iyan: “Sapagkat ako rin ay isang Israelita, mula sa binhi ni Abraham, mula sa tribo ni Benjamin.’’ Ano ba ang ibig sabihin dito ni Pablo?

Hindi naniniwala si Pablo na ang mga Israelita bilang isang bansa ay mayroon pa ring pantanging kaugnayan sa Diyos, sapagkat ang apostol ay nagpahayag na “malaking dalamhati at pagdurusa ang binabata niya sa [kaniyang] puso’’ dahilan sa hindi nila pagtugon sa kabutihan ng Diyos. (Roma 9:2-5) Sa Roma 9:6 ay isinusog ni Pablo: “Gayunpaman, hindi sa bagay na ang salita ng Diyos [kay Abraham] ay nabigo. Sapagkat hindi lahat ng nanggaling sa [likas] na Israel ay talagang ‘Israel.’’’ Ganito ang ibig sabihin ni Pablo: na dahilan sa tinanggihan ng mga Judio si Kristo, hindi na sila itinuturing na Israel ng Diyos! Ang pinahirang kongregasyon ng mga tagasunod ni Jesu-Kristo ang ngayo’y tunay na “Israel,’’ ang instrumentong gagamitin ng Diyos sa pagpapala sa buong sangkatauhan.​—1 Pedro 2:9; Galacia 3:29; 6:16; Genesis 22:18.

Subalit, hindi naman itinakwil ng Diyos ang mga Judio bilang mga isahang tao, sapagkat sinabi ni Pablo: “Sapagkat ako man ay isang Israelita.’’ Oo, ang isahang mga tao sa loob ng bansang Judio, katulad ni Pablo, ay maaaring maging bahagi ng espirituwal na Israel kung kanilang tatanggapin si Kristo. Isang “nalabi’’ lamang, kakaunti lamang sa kanila, ang gumawa ng gayon.​—Roma 11:1, 5.

Makukumbirte ba sa Hinaharap?

Datapuwat, may mga umaasang magkakaroon ng biglaang pagbabago ang kalooban ng lahat ng likas na mga Judio. “Ang malaking kapighatian, na kasunod ng kaligayahan ng Iglesiya,’’ ayon sa isang manunulat na pundamentalista, “ang paraan na gagamitin sa pagkumbirte sa Israel [sa Kristiyanismo].’’ Mapupuna na sinasabi ni Pablo sa Roma 11:25, 26: “Ang pagpurol ng mga pandama ay nangyari sa isang bahagi sa Israel hanggang sa pumasok ang ganap na bilang ng mga tao ng mga bansa, at sa ganitong paraan ang buong Israel ay maliligtas.’’

Ang ibig bang tukuyin dito ni Pablo ay isang lansakang kumbersiyon ng mga Judio? Paano nga magkakagayon, gayong siya mismo ang nagsabi na isang nalalabi lamang ng mga Judio ang tatanggap kay Kristo? (Roma 11:5) Totoo, sinabi nga ni Pablo na ang mga Judio ay daranas ng isang espirituwal na “pagpurol ng mga pandama’’ hanggang sa “ang ganap na bilang’’ ng mga Hentil ay mapalakip sa kongregasyong Kristiyano.a Gayunman, ang Griegong iskolar na si Richard Lenski ay nagpapatotoo na dito ang salitang “hanggang sa’’ ay hindi laging nagpapahiwatig ng kombersiyon sa bandang huli. (Ihambing ang paggamit ng “hanggang sa’’ sa Gawa 7:17, 18 at Apocalipsis 2:25.) Ang talagang ibig sabihin ni Pablo ay na ang mga pakiramdam ng likas na mga Judio ay mananatiling ‘mapurol’ hanggang sa wakas. Subalit, binubuo ng Diyos “ang ganap na bilang’’ ng espirituwal na Israel (144,000) sa pamamagitan ng paglalakip sa kongregasyong Kristiyano ng sumasampalatayang mga Hentil. “At sa ganitong paraan [hindi sa pamamagitan ng pagbabalik-loob ng bansang Judio] lahat ng [espirituwal] na Israel ay maliligtas.’’

Pag-aari sa Lupang Pangako​—“Magpakailanman”?

Datapuwat, kumusta naman ang lupain na kinaroroonan ng Estado ng Israel? Ang Diyos ba ay may pantanging interes doon? Marami, tulad halimbawa ng Protestanteng teologo na si William Hurst, ang may gayong akala. Ang sabi ni Hurst: “Walang bahagi ng lupain sa balat ng mundo ang higit na pinagmimithiang makamit o patuloy na tumatawag ng pansin ng lipunan ng mga bansa kaysa sa lupain ng mga Judio.’’ Kaniyang sinipi ang Genesis 13:14, 15, at ipinagugunita sa atin na nangako ang Diyos na ibibigay ang lupaing ito sa binhi ni Abraham “magpakailanman.’’​—King James Version.

Obligado ba ang Diyos na Jehova na iligtas ang lupain ng Israel sa pananakop ninuman? Kung gayon, ang isang “Armagedon’’ sa Gitnang Silangan ay posible. Subalit, ang sinabi lamang ng Diyos kay Abraham ay na uukupahan ng kaniyang mga supling ang lupaing ito, hindi magpakailanman, kundi sa loob ng “walang takdang’’ yugto ng panahon.b (Genesis 13:14, 15) Sa kanilang pagtatakwil kay Jesu-Kristo, kanilang iniwala ang kanilang karapatan sa lupaing ito​—at ang proteksiyon na ibinibigay ng Diyos.

Armagedon​—Saan?

Sa Apocalipsis 16:14, 16 ipinakikita ng Bibliya na kinasihan-ng-demonyong propaganda ang hihila sa mga lider ng daigdig “sa digmaan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.’’ Isinusog pa nito: “At kanilang tinipon sila sa dako na tinatawag sa Hebreo na Har–Magedon.’’ Hindi ba ito nagpapatunay ng isang pangkatapusang digmaan sa Gitnang Silangan? Hindi, sapagkat walang talagang lugar na tinatawag na “Har–Magedon’’ (sa literal, “Bundok ng Megiddo’’). Noong sinaunang panahon sa Bibliya, mayroon isang siyudad sa Gitnang Silangan na tinatawag na Megiddo. Ito’y nasa kapatagan na makikita sa pabalat ng magasing ito. Malapit sa Megiddo naganap ang maraming mahalagang mga labanan. Subalit noon, at hanggang sa ngayon, ay walang bundok doon. Samakatuwid ang “Har–Magedon,’’ o “Armagedon,’’ ay isang simbolikong lugar. Simbolo ng ano?

Ipinakikita ng hula ni Ezekiel na ang Armagedon ay gaganapin dahil sa pagsalakay sa “Israel’’ ng isang hukbo na binubuo ng mga bansa. Ang mga sumasalakay ay pinangungunahan ni ‘Gog ng Magog,’ na ang mga hukbo ay nanggagaling sa “kadulu-duluhang bahagi ng hilaga.’’ Sino ba ang “Gog’’ na ito? Ang pundamentalistang teologong si Hal Lindsey ay may pagtitiwalang nagsasabi (gaya rin ng iba): “Mayroon lamang iisang bansa sa ‘kadulu-duluhang hilaga’ ng Israel​—ang U.S.S.R.’’ Kaniya ring sinasabi na ang bumubuo ng “hukbo’’ ni Gog (tinatawag na Meshech, Tubal, Persia, Ethiopia, Put, Gomer, at Togarmah sa Bibliya), ay mga kaalyada ng mga Soviet, unang-una ang mga bansang Arabe.​—Ezekiel 38:1-9, 15.

Ang mga bansang kakampi ni Gog ay hindi prominente sa daigdig noong kaarawan ni Ezekiel. Ang hula ay matutupad kung gayon sa “katapusang bahagi ng mga taon,’’ pagka ang sinaunang mga kaaway ng Israel ay wala na rito sa lupa. (Ezekiel 38:8) Samakatuwid, ang nakatago at malayong “lupain ng Magog’’ ni Gog ay hindi lumalarawan sa tanyag at di-malayong Union Soviet.

Sino, kung gayon, ang nananahan sa isang ‘malayong’ lupain at poot na poot sa bayan ng Diyos? Sa Apocalipsis 12:7-9, 17, ang Bibliya ay sumasagot: “Sumiklab ang digmaan sa langit: Si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon . . . At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.’’ Ano ang naging epekto ng pagpapalayas kay Satanas sa langit tungo rito sa lupa? Ganito ang sabi ng Bibliya: “At ang dragon ay nagalit sa babae [ang makalangit na organisasyon ng Diyos], at humayo upang makidigma sa mga natitira pang bahagi ng kaniyang binhi, na gumaganap ng kautusan ng Diyos at may gawain na pagpapatotoo kay Jesus.”

Ang “Gog” ay si Satanas. Malaon nang panahon na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay nakikipagdigma sa nalabi ng espirituwal na Israel​—ang pinahirang kongregasyong Kristiyano. (Galacia 6:16) Ang mga Kristiyanong ito ay nakapangalat sa buong lupa; sila’y hindi matatagpuan sa ano mang lokasyon na nasa kalagitnaan ng lupa at maaaring salakayin ng sama-samang hukbo sa Gitnang Silangan. Subalit gaya ng inihula ni Ezekiel, sila ay “nananahan sa katiwasayan’’ sa ilalim ng proteksiyon ng Diyos. (Ezekiel 38:11) Ang kasalukuyang likas na Israel, na napalilibutan ng kaaway na mga bansa at dumadanas ng mga kahirapan bilang isang bansa, ay hindi masasabing “tumatahan sa katiwasayan.’’

Datapuwat, ipinakikita ng Bibliya na ang daigdig ay magdadaan sa isang malaki at biglaang pagbabago. Ang “Babilonyang Dakila,’’ ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay biglang wawasakin. (Apocalipsis, kabanata 18) Sa ganitong pagbagsak ng huwad na relihiyon, ang nalalabing mga tunay na Kristiyano ay magtitinging mahina, at si Satanas, o si “Gog,’’ ay maaakit na kumilos upang puksain sila. Pangyayarihin niya na sa ilalim ng impluwensiya ng mga demonyo, “ang mga hari sa buong tinatahanang lupa’’ ay matipong sama-sama sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat’’ sa Har–Magedon.​—Ezekiel 38:12-16; Apocalipsis 16:14, 16.

Samakatuwid, ang “Har–Magedon’’ ay hindi isang maliit na lugar sa Gitnang Silangan. Bagkus, ito ay isang kalagayan ng daigdig. Ang buong daigdig ay magkakaisa-isa sa pagsalansang nito sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga saksi. (Isaias 43:10-12) Ang buhong na pag-atake ni Satanas sa mga tunay na Kristiyano​—hindi isang labanan ng mga bansa sa isang lugar sa Gitnang Silangan​—ang pumupukaw sa Diyos upang ipaglaban ang Kaniyang bayan!​—Ezekiel 38:18-23; Zacarias 2:8.

Ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay higit pa ang ginagawa kaysa isang pagmamatyag lamang sa Gitnang Silangan. Ang pangunahing pinagsisikapan nila ay ipaliwanag sa mga tao ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa dumarating na digmaang ito. Ang mga Saksi ni Jehova ay nagkamit ng kabantugan sa buong daigdig dahilan sa walang takot na pagdadala ng pasabing ito sa mga tahanan ng mga tao. Gayunman, baka nagtataka ka kung bakit ang isang Diyos ng pag-ibig ay magpapasapit ng ganiyang digmaan. Posible ba na makaligtas dito? Ang aming susunod na dalawang labas ng Ang Bantayan ang tatalakay sa mga tanong na ito.

[Mga talababa]

a Hindi kinikilala ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na isang tiyak na bilang, ayon sa Bibliya 144,000, ang bumubuo ng espirituwal na Israel. (Apocalipsis 7:4) Bilang resulta, maling sinasabi ng iba na si Pablo raw ay humula ng maramihang kumbersiyon ng mga Judio at ng “buong sanlibutang pagano.’’ (The Jerusalem Bible) Ang paghahalimbawa ni Pablo sa punong olivo sa Roma, kabanatang 11, ay walang gaanong kabuluhan kung hindi isang tiyak na bilang ang tinutukoy.

b Bagaman ang salitang Hebreo na ‘oh·lam ay isinasalin ng iba na “magpakailanman,’’ ayon sa isang autoridad sa Hebreo na si William Gesenius, ito’y nangangahulugan ng “nakatagong panahon, alalaong baga, malabo at mahaba, at ang pasimula o katapusan ay walang katiyakan o walang takda.’’ Isinusog pa ng Nelson’s Expository Dictionary of the Old Testament: Kung kasama ang pang-ukol na ‘ad, ang salita ay maaaring mangahulugan ng ‘sa walang takdang hinaharap.’’’​—Ihambing ang Deuteronomio 23:3; 1 Samuel 1:22.

[Larawan sa pahina 5]

Ang mga pangyayari ba ngayon sa Gitnang Silangan ay patiuna ng Armagedon?

[Larawan sa pahina 6]

Ang Jerusalem ba ang magbibigay-daan sa mga pangyayaring hahantong sa Armagedon?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share