Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 7/15 p. 15-20
  • Isang Pamahalaan na Gumagawa ng Hindi Magagawa ng Tao

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Pamahalaan na Gumagawa ng Hindi Magagawa ng Tao
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Simulain ng Pagtubos
  • Edukasyon sa Bagong Kaayusan
  • Pagtatayo ng Isang Paraiso
  • Isang Nagkakaisang Pamilya sa Buong Mundo
  • Tinitipon sa Tunay na Pagsamba
  • “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay”
    “Narito! Ginagawa Kong Bago ang Lahat ng mga Bagay”
  • Ang Pamahalaan ng Kaharian ng Diyos—Umiiral Na sa Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Isang Kaharian na “Hindi Magigiba Kailanman”
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
  • Kaharian ng Diyos—Ang Bagong Pamamahala sa Lupa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 7/15 p. 15-20

Isang Pamahalaan na Gumagawa ng Hindi Magagawa ng Tao

“Halikayo, kayong mga tao, at tingnan ninyo ang mga gawa ng Diyos. Ang pakikitungo niya sa mga anak ng mga tao ay humihila ng pagkatakot.’’​—AWIT 66:5.

1, 2. (a) Paano nakikita sa sansinukob ang walang hanggang kapangyarihan ng Maylikha? (b) Bakit dapat tayong maniwala sa sinasabi ng makahulang Salita ni Jehova tungkol sa panahon natin?

MAY kapangyarihan si Jehova na gawin ang hindi magagawa ng tao. Bilang paghahalimbawa, hindi maubos-maisip ng tao ang lakas na nakapaloob sa bomba nukleyar; ngunit ang lakas nito ay walang-wala kung ihahambing sa pagkalaki-laking lakas na taglay ng ating sumisikat na araw. Gayunman ang araw ay isa lamang sa humigit-kumulang 200 bilyong mga bituin sa ating galaxy sa Milky Way. Tinataya ng mga astronomo na sa buong uniberso ay mayroong humigit-kumulang 100 bilyong galaxy, at bawat isa nito’y may bilyun-bilyong mga bituin. Anong pagkalaki-laking kapangyarihan ang ginamit sa paglalang ng lahat na iyan! (Isaias 40:26) Dahilan sa walang hanggang kapangyarihang ito ng Maylikha ay nagiging bale-wala ang kapangyarihan ng mga tao.​—Isaias 40:15.

2 Samakatuwid ay walang sinumang mag-aalinlangan na magagawa ni Jehova ang sinasabi niya na kaniyang gagawin. (Isaias 46:9, 10; 55:11) Dapat tayong maniwala sapagkat sinasabi sa atin ng kaniyang makahulang Salita na tayo ay malapit na sa wakas ng panahon na ipinahintulot niya sa mga tao na lumakad ng kani-kanilang sariling lakad. Ipinakikita ng kasaysayan na ang ginawa ng tao sa buhay ng kaniyang kapuwa tao at sa buhay ng mga hayop, pati na sa lupa mismo, ay isang kadustaan, isang mantsa sa sansinukob ng Diyos. Kung gayon, lubusang may karapatan si Jehova na alisin magpakailanman ang kadustaang ito.​—Hosea 4:1-3; Judas 14, 15.

3. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa malapit na hinaharap?

3 Ang nangyayari ngayon sa buong daigdig ay malinaw na ebidensiya na ang sistemang ito ng mga bagay ay tunay na nasa huling bahagi ng “mga huling araw’’ na inihula sa 2 Timoteo kabanata 3. Hindi na magtatagal at dudurugin ni Jehova ang sistemang ito at lulumpuhin ang ulo nito, si Satanas na Diyablo. Pagkatapos ay hahalinhan ito ng isang bagong sistema ng mga bagay sa lupa, na nasa ilalim ng makalangit na pamahalaan na tungkol itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ipanalanging: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’’​—Mateo 6:10; Daniel 2:44; Roma 16:20.

Ang Simulain ng Pagtubos

4. Paano ginamit ni Jehova sa sinaunang Israel ang simulain o prinsipyo ng pagtubos?

4 Hindi maaalis ng mga gobyerno ng tao ang kasalanan, sakit, at kamatayan. Subalit, gagawin ng gobyerno ng Diyos ang hindi magawa ng mga tao. Magkakaroon tayo ng kaunting unawa kung papaano gagana ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga pakikitungo ni Jehova sa kaniyang bayan, ang sinaunang Israel. Noon, ginamit ng Diyos ang prinsipyo ng pagtubos, o ransom. Halimbawa, kung ang isang Israelita ay naging maralita, baka ipagbili niya ang sarili niya bilang isang alipin sa isang di-Israelita. Subalit ang isang malapit na kamag-anak ay maaaring tumubos sa kaniya kung mayroon ito ng sapat na halagang itutubos.​—Levitico 25:47-49.

5, 6. (a) Papaano gumagana ang simulain ng pagtubos sa pagpapalaya sa sangkatauhan buhat sa minanang kasalanan? (b) Ang bawat isa ba‘y kusang napalalaya buhat sa kasalanan?

5 Sa ganiyan ding paraan, ang Diyos ay naglaan para sa pagtubos sa sangkatauhan buhat sa pagkaalipin sa kasalanan. Ang halaga ay kinakailangang katumbas ng nawala. (Deuteronomio 19:21) Iniwala ni Adan ang sakdal, at walang hanggang buhay bilang isang tao. Yamang wala na ngang sakdal na buhay ang makasalanang mga tao, hindi nila “matutubos kahit ang isang kapatid.’’ (Awit 49:7) Gayunpaman, inihula ng Bibliya ang pagparito ng isa na makatutubos. At ang isang iyon ay walang iba kundi si Jesu-Kristo. Isiniwalat na si Jesus dati na ay namumuhay sa langit. Ngunit ang kaniyang buhay ay inilipat sa bahaybata ni Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova. Sa ganitong paraan siya ay ipinanganak bilang isang tao. Yamang ang Diyos ang kaniyang Ama, hindi niya minana ang kasalanan na taglay ng buong sangkatauhan.​—Mateo 1:18-21; Juan 1:1, 14; 1 Pedro 2:22.

6 Samakatuwid, taglay ni Jesus ang sakdal na buhay na katumbas ng isa ring sakdal na buhay ng tao​—isa pang sakdal na buhay ng tao. Subalit di-tulad ng masuwaying si Adan, si Jesus ay nanatiling masunurin sa Diyos. At nang kaniyang ihandog ang kaniyang buhay para sa sangkatauhan tinanggap naman iyon ni Jehova bilang angkop na halagang pantubos. (Galacia 1:4) Subalit ibig bang sabihin na ang bawat isa’y kusang napalalaya buhat sa kasalanan at nagtatamo ng kasakdalan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian? Hindi, sapagkat sinasabi ng Juan 3:16: “Ganiyan na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kung kaya ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang bawat sumasampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.’’ Tangi lamang kung ating tatanggapin ang halagang pantubos at gagawin ang iniutos na gawin tungkol dito saka natin mararanasan ang pagsasauli sa kasakdalan ng ating mga katawan at mga isip sa Paraiso.​—Apocalipsis 21:4.

Edukasyon sa Bagong Kaayusan

7, 8. Anong potensiyal sa pagkatuto sa hinaharap na panahon ang taglay ng utak ng tao?

7 Ang isip ay may malaking potensiyal para sa pagkatuto, kahit na ngayon sa kasalukuyang di-sakdal na kalagayan ng tao. Subalit ito’y isa lamang munting kudlit ng maaaring matutuhan nito sa Bagong Kaayusan, na doo’y hindi na mahahadlangan ng kasalanan ang pag-andar ng isip. Sa The Brain Book ang autor ay nagsasabi ng ganito: “Sa loob ng ating mga ulo ay narito ang isa sa pinakamasalimuot na sistema sa uniberso. Ang kapangyarihan nito at kakayahan ay nakahihigit sa ano mang gawang-taong computer.’’ Sinabi pa niya: “Malimit na sinasabi na ang nagagamit lamang natin ay 10 porsiyento ng ating buong kaisipan. Ito, gaya ng napatutunayan, ay isang labis na kalkulasyon. Baka hindi pa natin nagagamit kahit na ang 1 porsiyento​—marahil 0.1 porsiyento o wala pa.’’

8 Guni-gunihin lamang kung ano ang magagawa ng utak ng mga tao pagka lubusan nang napasauli ito sa kasakdalan sa Bagong Kaayusan. Isip-isipin lamang ang lahat ng kabigha-bighaning mga bagay na inilagay ni Jehova sa lupang ito na maaari nating matutuhan, tulad baga ng mga hayop, mga isda, at mga halaman. Isip-isipin din ang tungkol sa maaaring matutuhan may kaugnayan sa kagila-gilalas na sansinukob na ito na may bilyun-bilyong mga galaxy. Pag-isipan din ang lahat ng matutuhan sa sining, musika, gawang-kamay, at mga iba pa.

9. Anong uri ng edukasyon ang lubusang pakikinabangan sa Bagong Kaayusan?

9 Mayroong isa pang uri ng edukasyon sa Bagong Kaayusan na magdudulot ng pinakamalaking kapakinabangan sa lahat. Sinabi ni Jesus: “Silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’’ (Juan 6:45) Ito ang pinakamataas na uring edukasyon. At lahat ng mga sakop ng Kaharian ng Diyos, kasali na yaong mga makaliligtas sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay, ay makikinabang dito. (Apocalipsis 7:9, 14) Ang mga iba pang masasakop ng Kaharian ay tinutukoy sa Juan 5:28 at 29, na kung saan sinabi ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na lahat ng mga nasa libingang pang-alaala ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.’’ Ang pagbuhay-muli sa bilyun-bilyong mga taong nangamatay na​—na talagang imposibleng magawa ng mga tao​—ay nangangahulugan na isang napakalawak na gawaing pagtuturo ang kinakailangang gawin may kaugnayan sa kanila.

10. Paano isasagawa ang pagtuturo sa Bagong Kaayusan?

10 Sa ngayon ay maraming nagkakasalungatang sistema ng edukasyon. Subalit sa Bagong Kaayusan, ang makalangit ng gobyerno ng Diyos ay maglalaan ng isang pambuong daigdig na sistema ng edukasyon upang turuan ang mga tao ng katotohanan tungkol kay Jehova sa isang nagkakaisang paraan. Isang bahagi nito ang pagtuturo sa mga tao ng tungkol sa wastong pakikisama sa kanilang kapuwa. Hindi magtuturo doon ng pagmamataas nang dahil sa lahi, sa bansa, o sa lipunan na kinabibilangan ng isang tao. Sa halip, ang mga tao sa lupa ay matututo na mag-ibigan sa isa’t-isa, at gumalang sa kanilang kapuwa. Ang resulta ng gayong edukasyon ay binagong mga pagkatao at mababanaag sa mga ito ang pagkagaling-galing na mga katangian ni Jehova. ​—Gawa 10:34, 35; Colosas 3:9-12.

11, 12. Paano natin matitiyak na ang ganiyang edukasyon sa Bagong Kaayusan ay magtatagumpay sa layuning ito?

11 Talaga kayang gagana ang ganiyang edukasyon? Matitiyak natin na talagang gagana. Ang isang dahilan ay sapagkat hindi maaaring magsinungaling si Jehova, kaniyang gagawin ang sinabi niya. (Tito 1:2) Isa pa, ang ganitong uri ng edukasyon ay gumagana na sa mismong sandaling ito! Si Jehova ay mayroon nang isang pambuong daigdig na organisasyon sa pagtuturo na nagtuturo sa milyun-milyong mga tao ng tungkol sa kaniyang gobyernong pang-Kaharian at sa mga kahilingan nito. Ito’y nagaganap na sapagkat naghahari na ang Kaharian sapol pa nang magsimula noong 1914 ang “mga huling araw.’’

12 Magbuhat nang panahong iyan, ang hula ng Mateo kabanata 25 ay natutupad. Ipinakikita nito na si Jesus ay naghahari na sa Kaharian samantalang ang mga kaaway ng Diyos ay naririto pa sa lupa. Sinasabi ng Mat 25 talatang 32: “Lahat ng bansa ay titipunin sa harap niya, at kaniyang pagbubukdin-bukdin ang mga tao, gaya ng isang pastol na nagbubukud-bukod ng mga tupa sa mga kambing.’’ Ang tulad-tupang mga taong ito ay tinuturuan na ngayon ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang lumalawak, na nakikitang organisasyon. Pagkatapos na maunawaan nila ang itinuturo sa kanila, sila’y gumagawa ng pagbabago sa kanilang mga pagkatao at iniaayon ito sa wangis ng Diyos. At dahil sa ang edukasyong ito ay gumagawa ng pagbabago sa angaw-angaw na mga tao kahit na ngayon pa, tiyak na ito’y magagawa rin nito nang lalong malawakan pagka umiiral na ang Bagong Kaayusan ng Diyos.

Pagtatayo ng Isang Paraiso

13. Anong malawak na gawang pagtatayo ang magaganap sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian?

13 Ang isa pang uri ng gawain sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ay ang pagtatayo ng isang paraiso sa lupang ito. At sa Paraiso ay walang miserableng mga tirahan o karalitaan. Ang ibig ng mga tao ay disenteng mga tahanan at sariling lupa na may tanim na mga punungkahoy, mga namumulaklak na halamanan, at mga hardinan. Ang mga taong nahahandang turuan ng Diyos ay magkakamit niyan. Inihula ng Isaias 65:21 at 22: “Sila’y tunay na magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; sila’y tunay na mag-uubasan at magsisikain ng mga bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain. . . . Ang aking mga pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay.’’

14, 15. Bakit natin matitiyak na ang mga lingkod ni Jehova ay makapagtatayo ng isang paraiso?

14 Huwag mag-alinlangan sa magagawa ni Jehova sa pamamagitan ng may pagkukusang mga puso at mga kamay ng kaniyang mga lingkod sa Bagong Kaayusan. Kahit na ngayon ang daigdig ng konstruksiyon ay gulát na gulát sa nagagawa ng mga Saksi ni Jehova sa pagtatayo ng mga gusali, tulad halimbawa ng pagkabilis-bilis itayong mga Kingdom Hall. Pagkatapos na maitayo ang isa nito sa Estados Unidos, isang editorial ng pahayagan ang nagsabi: ‘Isang bagay na lalong mahalaga kaysa isang gusali ang naitayo ng 2,000 boluntaryo. Ang mga lider sibiko ay dapat na matamang magsuri tungkol sa nagawa noong nakaraang dulo-ng-sanlinggo. Ang sigasig, pagtatalaga at hangaring marating ang isang tunguhin ang pinagsama-sama at kagila-gilalas ang resulta. Kung ang ating lokal na mga grupo ay tutulad dito, ang ano mang tunguhin​—maging iyon ay re-cycling o pagkukumbirte ng basura sa abono, o pagsugpo sa krimen, o pagpapaunlad ng pamayanan​—ay maaaring marating. Isang grupo ng mga manggagawa ang nagpatunay na ang potensiyal ay naroroon mismo sa loob ng kaluluwa pagka ang isang komunidad ay nagkakaisa-isa. Inaasahan natin na ang Kingdom Hall ang bukal ng inspirasyon sa kongregasyon ng mga Saksi. Ang pagtatayo nito ay isa na ngang inspirasyon sa ating lahat.’

15 Ang ganitong kasipagan at kasanayan ng mga lingkod ni Jehova ay gagamitin nang lalong malawakan sa Bagong Kaayusan ng Diyos. At anong kapana-panabik na lahat ng mga pangit na lugar ay maalis na at matayuan iyon ng magagandang tahanan at mapaganda ang kapaligiran! Anong laking kasiyahan na malaman na sa araw-araw dahilan sa iyong pagsisikap ang lupa ay palapit nang palapit na maging isang pangglobong paraiso!

Isang Nagkakaisang Pamilya sa Buong Mundo

16. Bakit ang mga tao sa Bagong Kaayusan ay hindi kailanman pagbabantaan ng ano mang karahasan?

16 Ang mga tao sa Bagong Kaayusan ay hindi na pagbabantaan ng krimen, gulo, o digmaan. Ang Awit 46:9 ay nagsasabi: “Pinatitigil [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.’’ Ang “Prinsipe ng Kapayapaan,’’ si Jesu-Kristo, ang magpapatupad ng walang hanggang kapayapaan sa buong globo, sapagkat “ang kasaganaan ng malaprinsipeng pamamahala at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.’’ (Isaias 9:6, 7) Ngayong may tunay na kapayapaan na, at ang buong sangkatauhan ay naturuan na sa matataas na pamantayan ng pamumuhay, lahat ay magkakaisa-isa na at pagbubuklud-buklurin ng pag-ibig. Sa gayon, hindi na iiral ang ano mang pambansang mga hangganan na gumagawa ng pagbabaha-bahagi.

17. Paanong kahit na ngayon ay umiiral ang kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng mga lingkod ng Diyos?

17 Ang ganiyan bang mga pangako ay pagkainam-inam upang magkatotoo? Hindi, sapagkat ang kapayapaan at pagkakaisa ay umiiral na sa gitna ng mga napasasakop ngayon sa pamamahala ng Kaharian! Pag-isipan ito: Mahigit na dalawa at kalahating milyong mga Saksi ni Jehova ang nakakalat sa buong lupa. Gayunman, kanila nang tinutupad ang Isaias 2:4, na nagsasabi: “at papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikidigma.’’ Kailanpaman ay hindi kusang kikitlin ng mga Saksi ni Jehova ang buhay ng kanilang mga kapatid, o sinupaman, sa ano mang bansa. Gaya ng sabi ng peryodikong Italyano na Il Corriere di Trieste: “Sila’y handang humarap sa kamatayan imbes na labagin ang pangunahing utos . . . HUWAG KANG PAPATAY!’’ Dahilan sa pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay may tunay na kapayapaan at pagkakaisa, na imposibleng taglayin ng sanlibutang ito. At ang bagay na angaw-angaw sa kanila ang nagtatamasa ng buhay sa ganitong kalagayan sa gitna ng naglalaban-labang sanlibutang ito ay nagpapatunay sa mga bagay na magaganap pagka ang Kaharian ng Diyos ang namamahala na sa buong lupa.​—Juan 13:34, 35; 1 Juan 3:10-12.

18, 19. Ano ang iba pang mga napapakinabangan ng mga taong sumusunod sa matataas na pamantayan ng Diyos?

18 Bukod sa pandaigdig na kapayapaan at pagkakaisang ito, ang bunga ng pagsunod sa matataas na pamantayan ng Diyos ay mga tao na nagmamalasakit sa kanilang kapuwa at sa pag-aari ng kanilang kapuwa. Kaya sila’y ‘namumuhay nang marangal sa lahat ng bagay.’ (Hebreo 13:18) Tungkol dito, isang kolumnistang Pranses-Canadiano na sumulat sa Le Journal de Montreal, ang nagsabi ng ganito tungkol sa mga Saksi ni Jehova: “Kung sila ang tanging mga tao sa daigdig, hindi na natin ikakandado ang ating mga pintuan kung gabi at hindi na tayo magkakabit ng mga alarma sa magnanakaw.’’

19 Ang tapat na mga sakop na ito ng gobyerno ng Diyos ay walang problema sa krimen sa gitna ng kanilang lipunan, bagamat ito’y laganap sa buong daigdig. Isa pa, yamang sila’y sumusunod sa matataas na pamantayang moral ng Bibliya, sila’y walang problema sa mga sakit sa babae o sa abortion na laganap sa lahat ng bansa. Ang pag-aasawa ay lubhang iginagalang ng mga lingkod ni Jehova, na kabaligtaran ng maluwag na pakikitungo ng sanlibutan sa kaayusan ng pag-aasawa. Bakit nakasusunod ang mga Saksi ni Jehova sa gayong mga pamantayan? Sapagkat si Jehova ang umaakay sa kaniyang tapat na mga mananamba, at “sa Diyos lahat ng bagay ay posible.’’​—Mateo 19:26.

Tinitipon sa Tunay na Pagsamba

20. Ano ang pinakamahalagang kilusan sa modernong panahon?

20 Sa alam man o hindi ng mga tao, ang pangglobong pagtitipon sa tulad-tupang mga tao at pagdadala sa kanila sa organisasyon ni Jehova ang pinakamahalagang kilusan sa modernong panahong ito. Katuparan ito ng hula sa Isaias 2:2, 3: “At mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova [ang itinaas na tunay na pagsamba sa kaniya] ay matatag na matatayo sa itaas ng taluktok ng mga bundok, at tiyak na matataas sa itaas ng mga burol; at huhugos doon ang lahat ng bansa. At maraming bayan ang tiyak na paparoon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, . . . at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan.’’’

21. Ano ang ipinag-anyaya sa mga taong tapat-puso?

21 Aming inaanyayahan ang lahat ng tapat-pusong mga tao na maging bahagi ng kahanga-hangang pandaigdig na kilusang ito tungo sa tunay na pagsamba at matuwid na pamahalaan. Tamasahin ninyo ang mga pagpapala na sa mismong sandaling ito ay nilalasap ng mga taong nakikisama sa mga lingkod ng Diyos na tinuturuan ng kaniyang mga batas at mga simulain. Pasakop kayo sa pamahalaan ng Kaharian na sa malapit na hinaharap ay siyang magsasauli ng paraiso sa lupang ito. Magtiwala kayo sa Kaharian at hindi sa mga panukala ng sanlibutang ito, sapagkat ang Awit 127:1 ay nagsasabi: “Maliban sa si Jehova mismo ang magtayo ng bahay, walang kabuluhan na nagpapagal ang mga tagapagtayo nito.’’ Tumugon kayo sa paanyaya ng Awit 66:5: “Halikayo, kayong mga tao, at malasin ninyo ang mga gawa ng Diyos. Ang kaniyang pakikitungo sa mga anak ng mga tao ay humihila ng pagkatakot.’’ Kayat lumapit kayo sa Diyos na nagbibigay ng kasiguruhan tungkol sa pinakamagaling na gobyerno para sa sangkatauhan, ang gobyerno na makagagawa ng hindi magawa ng tao, ang pamahalaan na malapit na malapit nang maging tanging kaisa-isang pamahalaan sa lupang ito.

Paano Ninyo Sasagutin?

◻ Bakit natin matitiyak na matagumpay na maisasagawa ni Jehova ang kaniyang mga layunin?

◻ Paano gumagawa ang simulain o prinsipiyo ng pagtubos sa pagpapalaya sa tao buhat sa kasalanan?

◻ Ano ang gagawin sa Bagong Kaayusan na malawak na pagtuturo at pagtatayo?

◻ Ano ang ebidensiya ngayon na ang kapayapaan, pagkakaisa, at pag-iibigan ay iiral sa buong lupa sa Bagong Kaayusan?

[Larawan sa pahina 17]

Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, ang mga taong maibigin-sa-katotohanan ay “tuturuan ni Jehova”

[Larawan sa pahina 19]

Ang kapayapaan at pagkakaisa ay umiiral na sa gitna ng mga taong napasasakop sa pamahalaan ng Kaharian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share