Ang Wakas ng Lahat ng Digmaan—Matutupad Ba?
“ARMAGEDON”—Ano ang ibig sabihin ng salitang ito? Ang paksang ito ay ipinaliliwanag ng apat na sunud-sunod na labas ng Ang Bantayan para sa Hulyo at Agosto 1985, at mayroon ang mga ito ng makahulugang pabalat. Inaasahan na ang mga paliwanag na ito buhat sa Kasulatan ay makakaaliw sa inyo sa pagkaalam kung ano ang tunay na ARMAGEDON.
“HALIKAYO, kayo bayan ko, tingnan ang mga gawa ni Jehova, kung paanong gumawa siya ng kamangha-manghang mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa. Kaniyang binabali ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo ay kaniyang sinusunog sa apoy.”—Awit 46:8, 9.
Ang mga pananalitang iyan ng kinasihang salmista ay kasuwato ng taus-pusong pagnanasa ng mga tao sa lahat ng panahon. Oo, sino ba ang hindi nananabik sa araw na ang digmaan ay mawawala? Gaya ng ibig nating makita, hindi pa nawawala ang digmaan sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng tao na maalis ito. Ang digmaan ay hindi lamang umiiral kundi ito ay totoong kakilakilabot at totoong malaki ang napipinsala kung kayat sa kasaysayan ng tao ang sibilisasyon, at maging ang buhay man mismo, ay nasa panganib.
Dahilan sa malaking panganib na iyan, maitatanong natin: Bakit ba isang malaking kabiguan ang mga pagsisikap ng tao na mahadlangan ang digmaan? Talaga nga kayang hindi mapipigil ang digmaan? Oo, bakit nga nagkakaroon ng mga digmaan?
Kung Bakit Bigo ang mga Pagsisikap ng Tao
“Kung nakatira ka sa isang pamayanan na doo’y walang pulisya at ang lahat ng tao ay may mga baril at ang buhay ay palagi nang nakaumang sa panganib na ikaw ay salakayin ninuman, kung magkagayo’y malimit na magkakaroon ng barilan,” ang isinulat ng peryodista at historyador na si Gwynne Dyer. “Ganiyan ang uri ng pamayanan na kinaroroonan ng lahat ng bansa ng daigdig,” ang sabi pa niya. “Walang pulisya sa buong daigdig, kung kayat ang bawat bansa ay nagsisikap na maging sandatahan at handang gumawa ng karahasan; subalit ang uri ng karahasan na kinasasangkutan ng mga bansa ay may natatanging tawag doon. Ating tinatawag iyon na digmaan.”
Bagamat iyan ay isang simpleng paliwanag, hindi tinutukoy diyan ang maraming mga kinasasaligan ng pagkakaroon ng digmaan. Kailangan na nariyan ang gamit sa pakikidigma at pagnanasa na makidigma. Kalakip nito, mapapansin natin ang kakulangan ng batas at kaayusan sa “pamayanan,” na sa pangyayaring ito ay ang daigdig.
Ang tanyag na mga historyador na sina Will at Ariel Durant ang bumanggit kung ano ang mga pangunahing dahilan nito nang isulat nila sa kanilang aklat na The Lesson of History: “Sa kasalukuyang kakulangan ng pandaigdig na batas at damdamin ang isang bansa ay kinakailangang handa sa ano mang oras na ipagtanggol ang kaniyang sarili; at pagka ang mga intereses niya ay kasangkot kailangang pahintulutan na gamitin ang ano mang paraan na kailangan upang siya ay makaligtas. Ang Sampung Utos ay walang sinasabi pagka nakataya ang pagliligtas ng sariling buhay.”
Kung gayon, ang tagumpay o pagkabigo ng anumang pagsisikap na wakasan ang digmaan ay depende ang malaking bahagi sa kung papaano nilulutas nito ang mga kadahilanang binanggit. Ang anuman bang panukala ng tao, gaano mang kahusay iyon kung titingnan, ay naging matagumpay na sa paggawa ng gayon? Suriin natin ang mga pangyayari.
Kakulangan ng Pandaigdig na Kaayusan
Noong nakaraan marami na ang nagawang pagtatangka na lumikha ng isang ahensiyang pandaigdig na may lakas na magsilbing pulisya sa mga bansa at magpanatili ng pandaigdig na batas at kaayusan. Ang Liga ng mga Bansa, halimbawa, ay itinatag nang matapos ang Digmaang Pandaigdig I upang tiyakin na hindi na uli mapapasangkot sa digmaan ang daigdig. Subalit ito ay nauwi lamang sa bulâ nang magsiklab ang Digmaang Pandaigdig II. Pagkatapos, noong 1945, ang organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa ay itinatag, at ito’y pinuri at ipinagbunyi ng mga klerigo ng Sangkakristiyanuhan bilang ang pag-asa ng sangkatauhan para sa kapayapaan. At ano ba ang kinahinatnan nito? Minsan pang sumasagot ang kasaysayan. “Mahigit na apat na milyong mga tao ang nasasangkot ngayon sa iba’t-ibang digmaan, mga himagsikan at mga giyera sibil. . . . Sa pagitan ng isang milyon at limang milyong katao ang namamatay sa mga labanang ito,” ayon sa pag-uulat ng The New York Times noong 1984. Sa ngayon ay kakaunting mga tao ang naniniwala na ang UN ay may kakayahan na mahadlangan ang mga digmaan at mga pagbabaka-baka. Bagamat ito’y umiiral ay nangangamba rin na magsiklab ang ikatlong digmaang pandaigdig o ang isang digmaang nukleyar.
Lumulubha ang Panganib at Igtingan
Ang isang dahilan kung kaya ang mga ahensiya na gaya baga ng UN ay walang lakas na makahadlang sa digmaan ay sapagkat ang mga bansa sa buong daigdig ay lubusang nakatalaga sa soberaniya at mga karapatan ng kanilang bansa. Wala silang gaanong pagmamalasakit na sumunod sa mga tiyak na alituntunin ng paggawi. Upang makamit ang kanilang mga layunin, ang mga ibang bansa ay lubusang naniniwala na may dahilan silang gumamit ng ano mang paraan na inaakala nilang nararapat gamitin—mga lansakang pagpatay, asasinasyon, pagha-hijacking, mga pagpapasabog ng bomba, at iba pa—at kalimitan ang mga taong walang kinalaman doon ang mga biktima. Maging ang pangunahing bansa ng daigdig ay malimit na sukdulang nagtutulakan sa isa’t-isa upang sila’y makapanatili at maitaguyod ang kanilang mga kapakanan bilang mga bansa. Hanggang kailan pa kaya gagawi ang mga bansa ng ganiyang walang saysay na pagkilos? Ilan pa kayang mga Falklands, Afghanistans, Grenadas, Korean 007’s, at iba pa ang magaganap at sa katapus-tapusan ay mapasangkot ang daigdig sa isang malaking digmaan? Hindi mahirap na makita kung bakit ang nasyonalismo at ang pagtataguyod ng sariling kapakanan ang naging pangunahing hadlang sa pagsisikap na wakasan ang digmaan.
Sandatahan at Handa
Sa kasalukuyan ay alam na alam na natin na ang mga arsenal ng mga superpowers ay punung-puno ng mga armas nukleyar na maaaring makapuksa sa lahat ng tao sa lupa nang kung ilan-ilang beses. Subalit kumusta naman ang mga ibang bansa? Sang-ayon sa isang report ng gobyerno ng E.U., ang nagpapaunlad na mga bansa sa daigdig, bagamat naghihirap sa kanilang kabuhayan, ay gumugol ng mahigit na $230 bilyon noong nakaraang sampung taon sa pagbili ng pinakaadelantadong mga eroplano, missiles, at mga tangke. Ang resulta? “Ito’y umabot na sa punto ngayon na marami sa mga nagbilihang ito ang mayroong mga suliranin na kung saan ilalagay ang lahat ng kanilang mga bagong armas na iyan.” Ang mga bansang ito ay literal na armado mula ulo hanggang paa, wika nga. Bagamat sila’y mayroong tinatawag na mga antigong armas sila’y sabik na sabik at handang gamitin ang mga armas na ito.
May Dahilan Bang Umasa?
Ang paulit-ulit na pagkabigo ng pagsisikap ng tao na wakasan ang digmaan ay nagpapatingkad lamang sa katotohanan ng Bibliya na “wala sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang mga hakbang.” (Jeremias 10:23) Bagamat gustong makita ng tao ang pagwawakas ng digmaan, hindi nila alam kung paano mangyayari ito. Kung gayon, kumusta naman ang pangako na ‘patitigilin na ang digmaan sa kadulu-duluhan ng lupa’? Ito ba’y isang pangako upang gisingin lamang ang pag-asa o tayo’y paasa-asahin nang walang dahilan? Hindi. Sapagkat tinitiyak sa atin ni Jehova ang katuparan ng kaniyang mismong pangako: “Hindi magbabalik sa akin nang walang bunga.” (Isaias 55:11) Kung gayon, papaano ngang matutupad ang pangakong ito? Ano ang matibay na saligan upang tayo’y maniwala na magtatagumpay ang Diyos kung saan paulit-ulit na nabigo ang tao?