Pagsasabog ng Liwanag sa Gitna ng Salimuot na Dilim sa Lupa
“Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng masalimuot na dilim ang mga bayan; ngunit sisikat sa iyo si Jehova, at makikita sa iyo ang kaniya mismong kaluwalhatian.”—ISAIAS 60:2.
1. Anong tiyak na sagot ang maibibigay sa mga tanong na ibinangon dito?
ITO’Y maligayang mga araw na kabuhayan natin! ‘Maligayang mga araw?’ marahil ay may magtatanong ng ganiyan. ‘Paano ninyo masasabi iyan, gayong ang buong daigdig ay ngangapa-ngapa at baha-bahagi sa pulitika, sa kabuhayan, at sa relihiyon, sa gitna ng kalungkutan na nanggagaling sa nagbabantang digmaang nuklear na nakaharap sa mga bansa?’ Subalit maligayang mga araw nga ito—dahilan sa mabuting balita na ngayon ay ipinangangaral sa buong lupa, na nagbibigay ng liwanag sa mga taong gutom sa katotohanan tungkol sa kahulugan ng ating mga panahon at sa maligayang pag-asa ng higit pang maniningning na mga araw na maaaring masaksihan nila!
2. (a) Anong mga salitang pampatibay-loob ang ibinibigay ni Jehova sa Isaias kabanatang 45 at 60? (b) Sino ang “babae” ng Diyos?
2 Ang Bukal ng ating kahanga-hangang pag-asa ay walang iba kundi ang Soberanong Panginoong Jehova, ang dakilang Maylikha ng langit at lupa. (Isaias 45:12, 18) Siya ang nag-uutos ayon sa Isaias kabanatang 60, talatang 1: “Bumangon ka, Oh babae, pasikatin mo ang liwanag, sapagkat dumating ang iyong liwanag at sumikat sa iyo ang mismong kaluwalhatian ni Jehova.” Sino ba ang ‘babaing’ ito? Siya’y hindi isang walang-buhay na Statue of Liberty; hindi rin siya sinumang babae na nagkakampaniya para sa kalayaan ng mga babae. Bagkus, siya ang masigla, sumusulong, na makalangit na organisasyon ng Diyos na Jehova, ang kaniyang tapat na katulong na binubuo ng laksa-laksang tapat na mga anghel at ngayon ay kasali na rito ang binuhay-muling “mga banal”—yaong mga nagpatunay na sila’y tapat hanggang kamatayan bilang pinahirang mga Kristiyano dito sa lupa.—Apocalipsis 11:18; 2:10.
3. Papaanong ang babae ng Diyos ay (a) “bumangon,” at (b) ‘nagpasikat ng liwanag’?
3 “Bumangon ka, Oh babae,” ang utos ni Jehova. Naging masunurin ang makalangit na organisasyon ng Diyos at bumangon buhat sa siglu-siglo na ang tagal na kalagayang pagkabaog at pagkailang tungo sa kalagayang pagkamabunga. Noong 1914 ay kaniyang isinilang ang Mesianikong Kaharian. (Apocalipsis 12:1-5) Sapol noong 1919 ang mga nalalabi pa ng kaniyang pinahirang mga anak sa lupa ay dinala niya sa isang “lupain,” o kalagayan, ng maligayang kaunlaran sa espirituwal. (Isaias 66:8) Isa pa, ang makalangit na organisasyon ng Diyos ay ‘nagpasikat ng liwanag’ tungkol sa kahanga-hangang mga hula sa Kaharian. Ang kaniyang pagkarami-raming anak ay ‘tinuturuan ni Jehova.’—Isaias 54:1, 13.
Liwanag sa Gitna ng Salimuot na Dilim
4. Ano ang sinasabi ni Jehova na malaking pagkakaiba ng bayan ng Diyos at ng mga bansa sa lupa?
4 “Dumating ang iyong liwanag,” ang sabi ni Jehova. Oo, “ang mismong kaluwalhatian ni Jehova” ay sumikat sa kaniyang makalangit na organisasyon, at ito’y mababanaag sa kamangha-manghang paraan sa mga lingkod ni Jehova na ibinalik sa kanilang dating kalagayan sa lupa. Datapuwat, susunod ay ipinakikita ni Jehova ang isang malaking pagkakaiba, na nagsasabi: “Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng masalimuot na dilim ang mga bayan.” (Isaias 60:2) Hindi ba angkop na angkop na inilalarawan niyan ang mga kalagayan sa buong lupa sapol noong 1914?
5. Bakit ang huwad na relihiyon ay walang maialok na lunas para sa mga problema sa panahong ito ng mga armas nuklear?
5 Ang Sangkakristiyanuhan lalung-lalo na ang tumanggi sa makahulang ‘tanda ng pagkanaririto ni Jesus at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.’ Kaya naman, siya’y ngangapa-ngapa sa makapal na kadiliman sa espirituwal. Ipinakilala ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan na sila’y bahagi ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang Babilonyang Dakila—malayung-malayo sa liwanag ng katotohanan. (Mateo 24:3-14; Apocalipsis 17:3-6) Ang makasanlibutang relihiyon ay walang naibigay na lunas para sa mga problema ng panahong ito na nagbabanta ang digmaang nuklear, at hindi rin niya maalis ang masalimuot na kadiliman, ang kawalang pag-asa na nakabitin sa ibabaw ng sangkatauhan. Ang pagsangkot ng huwad na relihiyon sa pamamalakad ng pulitikal na mga bansa ang sa wakas aakay sa kaniya tungo sa kaniyang sariling pagkapuksa.—Apocalipsis 17:16, 17.
6, 7. (a) Paanong ang kaluwalhatian ni Jehova ay ‘sumikat’ noong mga taon ng 1919-31? (b) Sa anong sukdulan umabot ito noong 1931?
6 Ibang-iba naman, ganito ang sinasabi ni Jehova sa kaniyang makalangit na organisasyon: “Sisikat sa iyo si Jehova, at makikita sa iyo ang kaniya mismong kaluwalhatian.” (Isaias 60:2) Ang kaluwalhatiang ito ay mababanaag sa pinahirang mga Kristiyano na narito sa lupa, upang sila naman ay ‘magpasikat ng kanilang liwanag sa harap ng mga tao.’ (Mateo 5:16) Ang mga taóng 1919 hanggang 1931 ay maligayang mga taon para sa pagpapasikat ng liwanag ng Kaharian, samantalang iwinawaksing lubusan ng bayan ng Diyos ang natitira pang maka-Babilonyang mga doktrina, kaisipan, at mga kaugalian. Sa loob ng mga taóng iyan, ang munting nalabi ng mga tunay na Kristiyano ay nagsimulang magbigay ng tiyak na sagot sa tanong na: “SINO ANG MAGPAPARANGAL KAY JEHOVA?”—yamang ito ang pamagat ng pinag-aaralang artikulo sa labas ng The Watch Tower noong Enero 1, 1926.
7 Pagkatapos, noong 1931, ang kaluwalhatian ni Jehova ay lalong nakita sa kaniyang “lingkod,” nang kanilang tanggapin ang pangalan na siya mismo ang nagbigay sa kanila—MGA SAKSI NI JEHOVA. (Isaias 43:10, 12) Sa loob ng 12 mabunga’t magawaing mga taon hanggang noong 1931, ang mga mangangaral ng Kaharian ay sumulong ang bilang mula sa mga iilan-ilan lamang tungo sa mga libu-libong masisigasig na mga saksi.
Higit Pang ‘Pagsikat’
8, 9. (a) Noong 1931, anong isa pang grupo ang itinawag-pansin ng The Watchtower? (b) Ayon sa Kasulatan, paano ‘tinandaan’ ang mga ito?
8 Datapuwat, si Jehova kaya ay “sisikat” doon lamang sa mga pinahiran na kabilang sa ‘munting kawan ng mga tagapagmana ng Kaharian’? (Lucas 12:32) Hindi, sapagkat noong mga taóng 1931 hanggang 1938 ay lalong nag-ibayo ang kaliwanagan, nang pasimulan ng The Watch Tower ang pagtatawag-pansin sa isa pang grupo. Ang artikulong aralin sa labas nito ng Setyembre 1, 1931, ay pinamagatang “MAN WITH THE WRITER’S INKHORN” (ANG TAONG MAY TINTERO NG MANUNULAT), at ito’y batay sa Ezekiel 9:1-11. Pagkatapos na ipakilala ang “manunulat” bilang ang pinahirang nalabi, ganito ang sabi ng The Watch Tower:
9 “Iniutos na maglagay ng ‘tanda sa mga noo ng mga taong nagbubuntung-hininga, at naghihinagpis dahilan sa lahat ng kasuklam-suklam na ginagawa sa gitna’ ng Sangkakristiyanuhan. . . . Tinutukoy ng Panginoon ang isang uri ng mga tao na kaniyang ‘ililigtas sa panahon ng kabagabagan at pananatilihing buháy at pagpapalain sa lupa.’ (Awit 41:1, 2) Tiyak na ito ay ang uri ng mga tao na malimit na tinutukoy pagka sinasabing ‘ang angaw-angaw na ngayo’y nabubuhay ay hindi na mamamatay kailanman’.” Sa ngayon, nakatutuwang makita na angaw-angaw ng mga taong ito ang nilalagyan ng tanda para sa kaligtasan, samantalang nagbibihis sila ng tunay na pagkataong Kristiyano, yamang sila’y nag-alay na ng sarili kay Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus.—Genesis 22:15-18; Zefanias 2:1-3; Efeso 4:24.
10, 11. (a) Paanong si Jehu ay lumarawan kay Jesus? (b) Ipakilala kung sino ang modernong-panahong “Jehonadab.”
10 Lalo nang kapuna-puna ang mga araling artikulo sa mga labas ng Watchtower ng Hulyo 1 hanggang Agosto 1, 1932. Tumutukoy sa Ikalawang Hari kabanatang 9 at 10, ipinakikita ng mga ito kung paanong si Haring Jehu ay lumarawan sa inatasan ni Jehova na Tagapuksa, ang Haring si Jesu-Kristo, na kinakatawan sa lupa ng pinahirang nalabi, na nagbibigay-babala sa iba tungkol sa dumarating na pagsasagawa ng inihatol ni Jehova. Subalit sino ang mga inilarawan ng kasama ni Jehu, si Jehonadab? Sumasagot ng ganito ang The Watchtower:
11 “Si Jehonadab ay kumatawan o lumarawan sa uri ng mga tao ngayon sa lupa sa panahon na ang gawaing Jehu ay nagaganap na . . . hindi kasuwato ng organisasyon ni Satanas, na naninindigan sa panig ng katuwiran, at siyang mga ililigtas ng Panginoon sa panahon ng Armagedon, sila’y itatawid sa kapighatiang iyon, at bibigyan sila ng buhay na walang hanggan sa lupa.” Pagkatapos ay ipinakita ng The Watchtower na ang mga ito ang ‘pinagpala ng Ama’ sa talinghaga ni Jesus ng ‘mga tupa at mga kambing.’ (Mateo 25:31-46) Sinasabi niyaon: “Ang mga ito ang bumubuo ng uring ‘tupa’ na tumatangkilik sa pinahirang mga lingkod ng Diyos, sapagkat alam nila na ang pinahiran ng Panginoon ang gumagawa ng gawain ng Panginoon.”
12. Anong kapana-panabik na katotohanan ang inihayag noong 1935?
12 Ang mga silahis na ito ng makahulang liwanag ang naghanda ng daan para sa makasaysayang pahayag tungkol sa “The Great Multitude” (Ang Lubhang Karamihan), na binigkas noong Mayo 31, 1935, ng pangulo ng Watch Tower Society, si J. F. Rutherford, sa Washington, D.C., sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Anong kapana-panabik na paghahayag iyon ng makalangit na katotohanan! Tinalakay noong panahong iyon ang matibay na patotoo na nagpapakilala sa “lubhang karamihan” na binabanggit sa Apocalipsis 7:9 at ikinapit iyon sa “mga ibang tupa” ng Panginoon na tinutukoy sa Juan 10:16, at tumutukoy rin sa uring Jehonadab, sa mga tinandaan sa kanilang mga noo para makaligtas, sa angaw-angaw ngayon na nabubuhay na hindi na kailanman mamamatay, at sa “mga tupa” na ibinubukod buhat sa “mga kambing” at magsisipagmana ng buhay na walang hanggan sa makalupang sakop na Kaharian ng Diyos. Lahat na ito ay tinalakay sa The Watchtower, Agosto 1 at 15, 1935.
13. Ano pa ang ipinahiwatig noong 1938?
13 Sa mga taóng sumunod, ang organisasyon ng Diyos ay nagbigay ng malaking atensiyon sa “malaking pulutong” at sa kanilang dakilang pag-asa na makaligtas tungo sa isasauling Paraiso sa lupa. Noong Setyembre 9-11, 1938, ang mga Saksi ni Jehova ay nagkombensiyon sa London, Inglatera, at dalawang pangunahing mga pahayag ang inihatid sa pamamagitan ng tuwirang mga koneksiyon sa telepono sa mga ibang kombensiyon sa buong daigdig. Batay sa mga dating utos na na ibinigay sa mga tao, isa sa mga pahayag na ito, na pinamagatang “Fill the Earth” (Punuin ang Lupa) ang nagpahiwatig na ang “mga Jonadab” na makakaligtas sa malaking kapighatian ay maaaring, sa loob ng isang takdang panahon, magsipag-asawa at mangag-anak sa Bagong Kaayusan pagkatapos ng Armagedon.—Genesis 1:28; 9:1, 7; tingnan ang The Watchtower, Oktubre 15 at Nobyembre 1, 1938.
14. Pinasulong ba ni Jehova ang kaniyang bayan noong mga taóng iyon?
14 Sa loob ng mga taóng yaon, ang Panginoon ng pag-aani, si Jehovang Diyos, ay nagpatuloy ng pagtitipon at pagsusugo ng higit pang mga manggagawa. Kaya ang mga mamamahayag sa larangan ay sumulong hanggang sa umabot ng 50,000 noong 1938.—Mateo 9:37, 38.
“Mga Hari” at “mga Bansa”
15, 16. Paano nakibahagi ang “mga hari” sa katuparan ng Isaias 60:3-10 (a) noong sinaunang panahon, at (b) sa modernong panahon? (c) Paano ngayon naglilingkod na kasama ng “mga hari” ang “mga tagaibang lupain”?
15 Ang gawaing pagtitipong ito ay buong kagandahang inilalarawan sa Isaias kabanatang 60, talatang 3 hanggang 10. Dito ay may tinutukoy si Jehova na “mga hari” may kaugnayan sa ‘pagsikat’ ng Sion at siyang mga naglilingkod sa organisasyong iyon na katulad ng isang asawang babae. Nang ang sinaunang bayan ng Diyos ay bumalik buhat sa pagkabihag sa Babilonya, si Haring Dario na Medo at si Haring Ciro ng Persia ang nanguna sa paggawa ng mga paglalaan para sa pagsasauli ng pagsamba kay Jehova sa Jerusalem. (Daniel 5:30, 31; 9:1; Ezra 1:1-3) Dito, sila’y angkop na lumarawan sa Makapangyarihan-sa-lahat na Hari, si Jehova, at sa kaniyang hinirang na Hari, si Jesus, na nangunguna sa pagsasauli ng tunay na pagsamba sa gitna ng bayan ni Jehova sa modernong panahon. (Apocalipsis 11:15, 17) Bukod diyan, isang pinahirang nalabi ng mga tunay na mananamba—na umaasang magiging “mga hari,” “mga tagapagmanang kasama ni Kristo”—ang nagsisipanguna sa gawaing pagpapatotoo sa modernong panahong ito. Kasama nilang naglilingkod ang “mga tagaibang lupain”—yaong mga hindi kabilang sa espirituwal na Israel, subalit nagiging mga makalupang sakop ng Kaharian at kahit na ngayon pa ay nakikibahagi sa gawaing teokratiko sa buong lupa.—Roma 8:17; ihambing ang Isaias 61:5, 6.
16 Si Jehova na rin ang nag-aanyaya sa atin: “Imulat mo ang iyong mga mata sa buong palibot!” Sa tinipong mga tagapagmana ng Kaharian ay sumasama ngayon ang “malaking pulutong . . . buhat sa lahat ng bansa”! (Apocalipsis 7:9; Zacarias 8:23; Isaias 2:2, 3) ‘Ang mga papuri kay Jehova ay kanilang ipinamamansag,’ sa kanilang masigasig na paglilingkod. Sila’y nakikibahagi rin naman sa mga proyektong tulad ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall para sa pagsamba—at ang iba sa mga ito ay naitatayo sa loob lamang ng dalawang araw. Sila’y naglilingkod bilang mga “ministro,” sa buong-pusong pagtangkilik sa pambuong-lupang pagpapalawak ng mga intereses ng Kaharian.—Isaias 60:4-7.
17, 18. (a) Anong nakatutuwang ‘paglipad’ ang nagaganap ngayon? (b) Sa Palestina sa pana-panahon, sa ano ipinaghahalimbawa ang ‘paglipad’ na ito?
17 Pagkatapos ay isinusunod ni Jehova ang ganitong mahalagang tanong: “Sino ang mga ito na nagsisilipad na parang alapaap, at parang mga kalapati sa kanilang mga bahay-kalapati?” Ang unang pumapasok sa organisasyon ng Diyos ay ang kaniyang “mga anak buhat sa malayo,” na lubusang humihiwalay sa lahat ng maka-Babilonyang relihiyon. Ang mga pinahirang ito ay nagdadala ng mahalagang mga bagay, nag-aalay ng lahat ng taglay nila “sa pangalan ni Jehova,” ang kanilang Diyos. Bilang ang “Banal ng Israel,” kaniyang inilagay sa kanila ang kaniyang pangalan at pinaganda sila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pribilehiyo ng paglilingkod sa kaniya bilang kaniyang mga saksi. Sila’y nangunguna sa pagdakila sa pangalan ng kanilang Soberanong Panginoon, si Jehova, bilang ang pinakamaningning, pinakamaluwalhati, pinakadakilang pangalan sa buong sansinukob.—Isaias 60:8, 9.
18 Nakatutuwa naman, ang pinahirang nalabi ay hindi nag-iisa sa bagay na ito. Magiging may kahirapan nga kung sila’y nag-iisa! Ang tumatandang pangkat na ito ay patuloy na lumiliit habang isa-isa nilang natatapos nang may katapatan ang kanilang makalupang takbuhin. Sila’y mayroon na lamang ngayon na humigit-kumulang 9,000. Subalit mayroong mga iba, na umaabot sa bilang na angaw-angaw, ang nagliliparan na gaya ng mga kalapati patungo sa kanilang “bahay-kalapati,” at nakakasumpong ng kanlungan sa organisasyon ng Diyos. (NW; The New English Bible) Sila’y tulad ng mga kawan ng kalapati na nakikita sa Palestina sa pana-panahon—nagliliparan na gaya ng alapaap, pagkarami-rami na anupa’t kanilang pinadidilim ang kalangitan.
‘Nakabukas na mga Pintuang-Bayan’
19. Bakit nakabukas palagi ang “mga pintuang-bayan” ng organisasyon ni Jehova, at paano tumutugon ang “mga hari” at “mga tagaibang lupain”?
19 May kaawaan na binuksan ni Jehova ang mga pintuang-bayan ng kaniyang organisasyon, na ngayon ay pinagsasalitaan niya ng ganito: “Ang iyong mga pintuang-bayan ay mabubukas na lagi; hindi masasara maging sa araw man o sa gabi, upang dalhin sa iyo ang kayamanan ng mga bansa.” Ganiyan na nga ang nangyayari ngayon samantalang ang maibigin sa kapayapaan na “malaking pulutong” ay patuloy na dumarami. May kagalakan na ginagamit ng “mga tagaibang lupain” na ito ang kanilang panahon, lakas, at mga ari-arian sa “banal na paglilingkod araw at gabi.” Kanilang sinasamantala ang “malaking pintuan na patungo sa gawain” at nakikibahaging kasama ng mga may pag-asang maging mga hari sa pagdadala ng kabigha-bighaning kapurihan sa pangalan ni Jehova.—Isaias 60:10, 11; Apocalipsis 7:4, 9, 15; 1 Corinto 16:9.
20. (a) Sino ang “magigiba”? (b) Anong nakatutuwang pagkakaiba ang napapansin natin dito?
20 Pagkatapos, ganito ang sinasabi ni Jehova sa kaniyang organisasyon: “Sinumang bansa at sinumang kaharian na hindi maglilingkod sa iyo ay malilipol; at ang mga bansa ay walang pagsalang magigiba.” Lahat ng mapagmataas at makasanlibutang mga bansa at iba pang mga mananalansang ay ibabagsak sa Armagedon. Bilang lubusang pagkakaiba, pinagaganda naman ni Jehova ang kaniyang sariling santuaryo ng pagsamba. Kaniyang ‘niluluwalhati ang mismong dako ng kaniyang mga paa,’ ang makalupang looban ng kaniyang dakilang espirituwal na templo ng pagsamba, samantalang tinitipon niya roon ang patuloy na dumaraming malaking pulutong. Sa pamamagitan ng isa pang propeta, ganito ang sinasabi ni Jehova: “Aking uugain ang lahat ng bansa, at ang kanais-nais ng mga bagay ng lahat ng bansa ay darating; at ang bahay na ito ay pupunuin ko ng kaluwalhatian.” (Hagai 2:7) Subalit ang mga mang-uusig, mga apostata, at iba pang mga walang-galang na mananalansang ay mapipilitan na ‘yumukod’—at kilalanin nang may pagkasiphayo na ang mga Saksi ni Jehova ang talagang kumakatawan sa organisasyon ng Diyos—“ang lunsod ni Jehova, ang Sion ng Banal ng Israel.”—Isaias 60:12-14.
21, 22. (a) Anong kasiguruhan ang binibigay dito ni Jehova? (b) Sa simbolikong paraan, paano ‘sinisipsip [ng kaniyang bayan] ang gatas ng mga bansa’? (c) Ano pang kapana-panabik na paksa ang pag-aaralan natin?
21 Hindi kailanman iiwanan ni Jehova ang kaniyang tulad-asawang katulong gaano mang pagdusta ang gawin ng mga mananalansang sa kaniyang ‘mga anak na lalaki at mga anak na babae’ dito sa lupa. Bagkus, ganito ang sinasabi niya sa kaniyang tapat na organisasyon: “Gagawin kitang isang kapurihan hanggang sa panahong walang takda, isang kagalakan ng maraming sali’t salinlahi. At sisipsipin mo ang gatas ng mga bansa.” Sa simbolikong paraan ay gagamitin ng makalupang mga kinatawan ng organisasyon ng Diyos ang lahat ng maaaring gamiting mga kagamitan at kayamanan sa pagpapasulong ng tunay na pagsamba. Kanilang ginagamit sa praktikal na paraan ang modernong mga pasilidad ng komunikasyon, transportasyon, at pag-iimprenta upang maipangaral ang mabuting balita. Ang pangangalaga at pagpatnubay na nanggagaling kay Jehova ay nadarama ng mga Saksi ni Jehova sa gawaing ito. Ang mga ito, sa paglilingkod na kaisa ng makalangit na organisasyon ni Jehova, ay nagagalak sa katuparan ng kaniyang ipinangako: “Tiyak na malalaman mo na ako, si Jehova, ang iyong Tagapagligtas at ang Makapangyarihan ng Jacob ang iyong Manunubos.”—Isaias 60:15, 16.
22 Ano pang pampatibay-loob ang ibinibigay sa atin ni Jehova sa Isaias 60:17-22? Iyan ang kapana-panabik na paksa ng ating susunod na pag-aaral.
Kabuuan ng mga Tanong
◻ Anong lubusang pagkakaiba ng liwanag at salimuot na dilim ang nakikita ngayon?
◻ Anong patuloy at umuunlad na ‘pagsikat ng liwanag’ ang nasaksihan noong 1919-38?
◻ Paano natutupad sa modernong panahon ang Isaias 60:8?
◻ Paanong ang “mga hari” at “mga tagaibang lupain” ay pumapasok sa ‘nakabukas na mga pintuang-bayan’?
[Kahon sa pahina 13]
“Kasindak-sindak na mga pamuksang armas ang mabilis na dumarami. . . . Ang paligsahan sa armas ay nakarating na sa malawak na karagatan at malayong kalawakan. Balintuna na ang pagbibili ng armas ay isa sa mga ilang mauunlad na industriya sa panahon ng pagdadahop sa kabuhayan at ng kapanglawan.”—UN Secretary General, si Mr. Javier Perez de Cuellar
“Sa ilalim ng pinto namin noong isang araw ay may nag-iwan ng isang papelito na may nakalimbag na mensahe. ‘Tayo ba’y malapit na sa Armagedon?’ ang karatulang nakapaibabaw sa nakalarawang langit at mga silahis ng kidlat. Dati’y pagtatawanan lamang ang ganiyang mensahe. Ngayon, biglang-bigla na parang hindi na nakakatawa iyan.”—Haynes Johnson, The Washington Post