Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 9/15 p. 5-7
  • Si Jehova—Nakasisindak Ngunit Mapagmahal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Si Jehova—Nakasisindak Ngunit Mapagmahal
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Kaniyang “mga Mata,” “mga Tainga,” at “Mukha”
  • Mga Pangitain ng Kaluwalhatian
  • Ang Karingalan ng Makalangit na Trono ni Jehova
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
  • Sulyap sa mga Nasa Langit
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2016
  • “Nagsimula Akong Makakita ng mga Pangitain Mula sa Diyos”
    Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova
  • Puwede Mo Bang Makita ang mga Espiritu?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 9/15 p. 5-7

Si Jehova​—Nakasisindak Ngunit Mapagmahal

“KAYONG mga tao, kanino ninyo ako itutulad”? ang tanong ng Diyos na Jehova. Hindi lubusang maipahahayag ng kahit na pinakamabisang pangungusap ang tungkol sa kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos na walang ano mang katulad. Siya mismo ang nag-aanyaya sa atin na malasin ang kalangitan, na nagsasabi: “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo. Sino ang lumikha ng mga bagay na ito? Yaong Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya sa pangalan. Dahilan sa kasaganaan ng dinamikong lakas, at dahil sa siya’y malakas sa kapangyarihan, walang nawawalang isa man sa kanila.”​—Isaias 40:25, 26.

Ang libu-libong mga bituin na nakikita ng ating mata ay isang kudlit lamang ng humigit-kumulang 100 bilyong mga bituin na bumubuo ng ating galaksi! Subalit alam ni Jehova ang dami at pangalan ng lahat ng bituin sa buong sansinukob! Isaalang-alang din naman ang pagkalaki-laking lakas na taglay ng lahat ng mga bituing ito. Ang ating araw ay mayroong temperatura na 27 milyong grado Fahrenheit (15 milyong grado Celsius). Anong laki marahil ang “dinamikong lakas” na ginamit ni Jehova sa paglikha ng bilyung-bilyon na mga paglalang na ito!

Ang pagkaunawa kay Jehova nang lubusan ay hindi abot ng ating limitadong mga kakayahan. Sinabi ni Elihu: “Kung tungkol sa Makapangyarihan-sa-lahat, hindi natin siya matarok; siya’y pagkarilag-rilag sa kapangyarihan . . . Kaya hayaang katakutan siya ng mga tao.” (Job 37:23, 24) Gayunman, higit pa ang nais ni Jehova kaysa sa takot lamang o sa panginginig sa kaniya. “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos ng iyong buong puso at ng iyong buong kaluluwa at ng iyong buong lakas,” ang ipinag-uutos ng Bibliya. (Deuteronomio 6:5) Subalit maaari kaya natin maibig ang sinuman na hindi natin lubusang nauunawaan? Oo, sapagkat bagamat ang tahanan ni Jehova ay doon sa kataas-taasan sa langit, siya’y mapagmahal na nakikitungo sa di-sakdal na mga tao at pinahihintulutan niya sila na magtamo ng kahit na kaunting pagkaunawa sa kaniya.​—Ihambing ang Awit 113:5-9.

Ang Kaniyang “mga Mata,” “mga Tainga,” at “Mukha”

Ang isang paraan na ginagamit ni Jehova upang tulungan tayo na maunawaan siya ay sa pamamagitan ng pagpapahintulot na siya’y ilarawan sa mga pananalitang naiintindihan ng tao. Sinabi ni apostol Pedro: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakahilig sa kanilang daing; ngunit ang mukha ni Jehova ay laban sa mga gumagawa ng masama.”​—1 Pedro 3:12; ihambing ang Exodo 15:6; Ezekiel 20:33; Lucas 11:20.

Kung sa bagay, ang mga pananalitang ito ay makasagisag, na hindi dapat na unawain nang literal, gaya pagka tinatawag ng Kasulatan ang Diyos na “isang araw,” “isang kalasag,” o “ang Bato.” (Awit 84:11; Deuteronomio 32:4, 31) ‘Ngunit hindi ba sinasabi ng Bibliya na tayo’y ginawa ayon sa kaniyang “larawan”?’ ang sabi ng iba. (Genesis 1:26, 27) Oo, ngunit kung sasabihin natin na ang Diyos ay may literal na bibig, ilong, at mga tainga, ito ay lumilikha ng malulubhang problema. Halimbawa, hindi baga ang mga pandinig ng pinakamakapangyarihang Diyos ay nagiging limitado lamang at nakaririnig lamang ito sa pamamagitan ng mga alon na naghahatid ng mga bagay na naririnig ng literal na mga tainga? Hindi, sapagkat ipinakikita ng Bibliya na “naririnig” ng Diyos kahit na ang mga pananalita na hindi sinalita ng tinig kundi yaong nasa puso ng tao. (Genesis 24:42-45) Ang kaniyang abilidad na “makakita” ay hindi rin naman dumidepende sa mga alon ng liwanag o light waves.​—Awit 139:1, 7-12; Hebreo 4:13.

Ang sakdal na tao ay kawangis kung gayon, hindi ng pisikal na katawan, kundi ng mga katangian ng Diyos na gaya ng pag-ibig at katarungan. At lalo nang naipakikita ng mga Kristiyano ang ganiyang mga katangian pagka sinusunod nila ang payo ni apostol Pablo, na nagsabi: “Magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.”​—Colosas 3:10.

Mga Pangitain ng Kaluwalhatian

Noong sinaunang panahon, may mga lingkod si Jehova na binigyan ng pribilehiyo na tumanggap ng kinasihang mga pangitain ng makalangit na kaluwalhatian ni Jehova. Si Ezekiel ay isa na sa mga ito. (Ezekiel 1:1) Ang nakita niya sa pangitain ay hindi kayang ilarawan! Si Ezekiel ay gumamit ng mga metapora at mga paghahambing, malimit na sinasabi niya na ang kaniyang nakita ay “nakakatulad” ng nakikilalang materyal na mga bagay. Halimbawa, sinabi ng propeta:

“May kawangis ng isang trono na tulad ng batong sapiro. At sa ibabaw ng kawangis ng trono ay may kawangis ng isang nakakatulad ng makalupang tao sa itaas niyaon, doon sa ibabaw. At ako’y nakakita ng parang pinaghalong ginto’t pilak na metal na nagbabaga, na parang anyong apoy sa palibot niyaon, na nakikita mula sa kaniyang mga balakang at paitaas; at mula sa kaniyang mga balakang at paibaba ay nakakita ako ng parang anyo ng apoy, at siya’y may kaningningan sa buong palibot. Mayroon iyon ng parang anyo ng bahaghari na nasa alapaap kung kaarawan ng bumubuhos na ulan. Gayon ang anyo ng kaningningan sa palibot. Iyon ang anyo ng wangis ng kaluwalhatian ni Jehova.”​—Ezekiel 1:26-28.

Anong di-masayod na kaluwalhatian ang inilarawan ni Ezekiel! Nagkaroon din ng ganoong katulad na pangitain ni Jehova si apostol Juan, at siya’y sumulat: “Narito! may isang trono na nalalagay sa langit, at may isang nakaupo sa trono. At ang nakaupo ay, ang anyo, gaya ng isang batong jasper at isang mamahaling bato kulay-pula, at sa paligid nito ay may bahaghari gaya ng anyo ng ismeralda.” (Apocalipsis 4:1-3) Bagamat si Jehova ay inilalarawan sa ganiyang kaningningan, siya’y hindi inilalarawan na isang malupit na Diyos. Bagkus, ang kapaligiran ay kalmado, mapayapa na gaya ng bahaghari.​—Ihambing ang Genesis 9:12-16.

Ang bagay na pinayagan ng Diyos na ipakita ang ganiyang limitadong mga tanawin tungkol sa kaniyang makalangit na kaluwalhatian ay nagpapatunay na ang kaniyang mga hangarin sa tao’y mapayapa. Kaya, kung gayon, ang mga umiibig sa Diyos ay maaaring magtiwala na makalalapit sa kaniya bilang ang maibiging “Dumirinig ng Panalangin.”​—Awit 65:2.

Tungkol sa Diyos ay sinabi ng taong si Job: “Narito! Ang mga ito ay mga gilid lamang ng kaniyang mga daan, at anong pagkarahan-rahan ng bulong na narinig sa kaniya!” (Job 26:14) Oo, pagkarami-rami ang maaaring matutuhan tungkol sa Diyos na Jehova na nagbibigay ng pagpapala sa kaniyang mga lingkod, ang pag-asa na mabuhay nang walang-hanggan. (Juan 17:3) Subalit kahit na ang “panahong walang takda” ay hindi sapat upang ating “matalos ang gawa na ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.”​—Eclesiastes 3:11.

Datapuwat, ang talagang nalalaman o natututuhan ng mga taong tapat-puso ay maaaring mag-udyok sa kanila na umibig at sumunod kay Jehova. (1 Juan 5:3) Isa ka ba sa gayong mga tao? Ang pagsunod sa Diyos ay hindi laging madali. Subalit pagka talagang nakilala mo ang Diyos na Jehova at ang kaniyang maibiging mga daan, hindi mahirap ang sumunod. Kung gayon, disidido ka bang makilala nang higit pa ang nakasisindak ngunit mapagmahal na Diyos na ito?

[Larawan sa pahina 6]

Mga taong tulad ni Ezekiel at ni Juan ang nakakita ng mga pangitain na nagbibigay sa atin ng bahagya lamang kaalaman tungkol sa nakasisindak na kaluwalhatian ni Jehova

[Larawan sa pahina 7]

Ang paglikha at pagbibigay-pangalan ng Diyos sa mga bituin ay nagbibigay ng kaunting kaalaman sa kaniyang walang-hanggang kapangyarihan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share