Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 10/1 p. 10-15
  • Gaanong Kaiba Kayo sa Sanlibutan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gaanong Kaiba Kayo sa Sanlibutan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Masigasig sa Paglilingkod sa Larangan
  • Isang Naiibang Asal
  • Sila’y Nag-iibigan
  • Hindi Sila Tumitisod sa Isa’t-Isa
  • Ang mga Kristiyano at ang Lipunan ng Tao Ngayon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Mga Neutral na Kristiyano sa mga Huling Araw
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
  • Mga Saksi ni Jehova
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • “Panatilihing Mainam ang Inyong Paggawi sa Gitna ng mga Bansa”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 10/1 p. 10-15

Gaanong Kaiba Kayo sa Sanlibutan?

“Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid-dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: . . . ingatan ang sarili mo na manatiling walang bahid ng sanlibutan.”​—SANTIAGO 1:27.

1, 2. Sino ang nagsabi na ang mga Kristiyano ay kailangang maging iba sa sanlibutan? Bakit dapat asahan na ang mga Saksi ni Jehova ay magiging iba sa sanlibutan?

SI Jesus ang unang nagsabi na ang mga Kristiyano ay hindi dapat na maging bahagi ng sanlibutan. (Juan 15:19) At sa panalangin sa kaniyang Ama nang gabi na bago siya namatay, kaniyang sinabi: “Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita, ngunit kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” Pagkatapos, halos karakaraka, kaniyang inulit: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 17:14, 16.

2 Karamihan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay hindi nagsisikap na tuparin ang mga pananalitang iyan. Datapuwat, nakikilala ng mga Saksi ni Jehova na ang mga Kristiyano ngayon ay walang dapat piliin kundi ang manatiling hiwalay sa sanlibutan. Batid nila na si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutang ito. (Juan 14:30; 1 Juan 5:19) Ang pagiging bahagi ng sanlibutan ay nangangahulugan ng pagiging nasa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Si Santiago ay nagbabala: “Kaya’t sinumang nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) Kung gayon, dapat nating asahan na tayo’y naiiba.

3. Sa anong mahalagang mga bagay naiiba ang mga Saksi ni Jehova sa mga taong nasa palibot nila?

3 Ngunit paano naiiba ang mga Saksi ni Jehova? Sinabi ni Jesus na ang mga Kristiyano ay hindi naman aalisin sa sanlibutan sa pisikal na paraan. (Juan 17:15) At, totoo naman, ang mga Saksi ni Jehova ay namumuhay sa mga pamayanan, at karamihan sa kanila ay nagsisipag-asawa at nagkakapamilya, tulad ng sino pa man. Sila rin naman ay kailangang maghanapbuhay, sila’y nakakaranas ng implasyon, at nagbabayad ng kanilang mga buwis. Gayunman, sila ay naiiba. Sa isang artikulo tungkol sa kanila, ang editor tungkol sa relihiyon ng isang pahayagan sa Estados Unidos ay nagpaliwanag kung bakit nga ganoon ang kaniyang palagay. Sinabi niya: “Ang nagbubukod sa mga Saksi sa karamihan ng kanilang mga kritiko, marahil, ay yaong bagay na ang kanilang buong buhay​—kung paano nila ginugol ang kanilang mga oras at kanino nila ginugugol ito​—ay lubusang kasangkot ng kanilang mga paniwala.” Totoong-totoo iyan! Ang mga Saksi ni Jehova ay lubusang nakaalay sa Diyos na Jehova. Sila’y tunay na naniniwala sa kaniyang mga pangako sa Bibliya, at kanilang dinidibdib ang lahat ng mga utos sa kanila ng Diyos. (1 Juan 5:3) Kaya naman sila naiiba.

4. Ano ang mga dahilan kung kaya mahirap na maging hiwalay sa sanlibutang ito? Kaya, ano ang dapat nating gawin na lahat paminsan-minsan?

4 Gayumpaman, ang ganiyang pagiging hiwalay nila ay hindi popular ni madali man. Sa ating araw-araw na pamumuhay, ang panggigipit upang makiayon ka sa karamihan ay matindi. Likas na sa karamihan sa atin ang maghangad na tayo ay huwag mapaiba sa kanino pa man. Pagka bumangon ang mga isyu tungkol sa neutralidad, kailangan ang matibay na paniwala upang ikaw ay mapaiba at makasunod sa mga utos ni Jehova. (Gawa 5:29; 15:28, 29) Sa gayon, isang katalinuhan para sa bawat tao na suriin ang kaniyang sarili paminsan-minsan upang makita kung paano siya nakatayo tungkol sa pagiging hiwalay sa sanlibutan.​—2 Corinto 13:5.

Masigasig sa Paglilingkod sa Larangan

5. (a) Tungkol sa sigasig sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova, ano ang sinasabi ng mga ibang di-Saksi? (b) Ano ang ilang mga simulain sa Bibliya na nagpapakilos sa mga Saksi na maging masigasig sa gawaing ito?

5 Halimbawa, ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala dahilan sa kanilang sigasig sa pangangaral. Kaya naman dahilan dito ay ibang-iba sila. Ang iba’y humahanga sa kanila, samantalang ang iba ay nayayamot sa kanila. Ang mga misyonero sa mga organisasyong ebangheliko ay nag-ulat na saanman sila magpunta sa daigdig sila’y may nakakatagpong mga tao sa iba’t ibang pook na aktibo at masigasig na mga saksi na nagpapatotoo tungkol kay Jehova! “Makipag-usap ka nang matagalan sa halos sinumang . . . misyonero saanman sa daigdig tungkol sa lokal na mga kalagayan, at maririnig mong binabanggit ang mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng isa sa kanilang mga publikasyon. Bakit nga ang mga Saksi ay napakamasigasig sa gawaing ito? Ang dahilan ay sapagkat ang pangangaral ng mabuting balita ang kalooban ng Diyos at isang nagpapakilalang tanda ng isang tunay na Kristiyano. (Mateo 28:19, 20; Efeso 6:14, 15; Apocalipsis 22:17) Sa ngayon, ang pangangaral na ito ng mga Saksi ni Jehova ay isang pangmadlang pagpapakilala ng kanilang katapatan sa Kaharian ng Diyos at sa kanilang hangarin na matulungan ang iba na sumamba kay Jehova.​—Isaias 2:2-4; Mateo 24:14.

6. Ano ang mga ilang tanong na dapat nating itanong sa sarili upang masuri natin ang ating saloobin sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian?

6 Gaanong kahalaga sa iyo ang gawaing pangangaral? Sa sanlibutan, ang palagay ng iba ay na ang paghahanapbuhay, o pati na ang paglilibang, ang pinakamahalaga kaysa mga gawaing relihiyoso. (2 Timoteo 3:4; 1 Juan 2:16) Gayumpaman, si Pablo ay sumulat kay Timoteo: “Palaging asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito’y ililigtas mo ang iyong sarili at pati ang mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Ikaw ba’y may ganitong paniwala? Natatandaan mo ba rin ang babala ni apostol Pedro na ‘laging isaisip mo ang pagkanaririto ng araw ni Jehova’? (2 Pedro 3:12) Kung gayon, batid mo na isang apurahang gawain na kailangang gawin ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Ito’y baka magpakilos sa iyo na gumawa ng mga bagay na waring kakatwa sa mga di-Saksi.

7. Anong hakbang ang kinuha ng iba tungkol sa gawaing pangangaral? Bakit?

7 Halimbawa, si John, isang guro sa paaralan sa Ghana, ay totoong nagpahalaga sa Kasulatan. Kaya’t siya’y nagbitiw sa kaniyang pagkaguro upang makagugol nang higit pang panahon sa pagbabalita sa iba ng tungkol sa Kaharian. Si Brian, isang binatilyong taga-Inglatera, ay tumanggi sa pagkakataon na makapag-aral sa isang unibersidad upang siya’y maging isang buong-panahong mangangaral; at si Eve, isang dalagitang Amerikana, ay huminto ng pag-aaral sa kolehiyo pagkaraan ng ilang semestro ng dahil sa ganiyan ding kadahilanan. Ang mga kabataan bang ito ay hindi praktikal sa kanilang buhay o sila ba’y mga mangmang? Oo, sa kanino man na nagpapahalaga sa Bibliya, ang ginawa nila ay makatuwiran at matino. Hindi nila isinapanganib ang kanilang kinabukasan, sa halip sila’y mga segurista pa nga. Gaya ng sinabi ni Pablo, ang gawain na kanilang pinili ay nagdadala ng kaligtasan, ‘kapuwa sa kanila at sa mga nakikinig sa kanila.’​—1 Timoteo 4:16.

Isang Naiibang Asal

8. Anong simulain ng Bibliya sa Hebreo 1:9 ang tumutulong din upang maging iba ang mga Saksi ni Jehova?

8 Narito ang isa pang simulain na nagpapakilalang ang mga Kristiyano ay naiiba sa sanlibutan: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan.” (Hebreo 1:9) Sa konteksto, ang mga salitang ito ay si Jesu-Kristo ang kinauukulan, subalit kinikilala ng mga Saksi ni Jehova na ang mga ito ay isang pamantayan para sa mga Kristiyano rin naman. (1 Pedro 2:21) Kailangang ibigin natin ang sinasabi ng Diyos na matuwid at kapootan ang sinasabi ng Diyos na masama.

9. (a) Ano ang ilang mga anyo ng kasamaan? (b) Paano naiiba ang saloobin ng kongregasyong Kristiyano sa saloobin ng sanlibutan kung tungkol sa kasamaan?

9 Tinukoy ni apostol Pablo ang ilan sa mga kasamaang ito nang kaniyang sabihin: “Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping nang paghiga sa mga kapuwa lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang masasakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga mapagmura, ni ang mga mangingikil ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Sa ngayon, ang sanlibutan ay totoong maluwag sa pagkakapit ng disiplina, lalung-lalo na kung tungkol sa moralidad. Subalit ang mga pamantayan ng Bibliya ay hindi maaaring luwagan. Ang Bibliya ay nagsasabi na sinumang Kristiyano na nasasangkot sa mga gawang imoralidad ay dapat na pagpakitaan ng pag-ibig at tulungan upang magbago ng kaniyang lakad. (Galacia 6:1; Santiago 5:19, 20) Kung siya’y tatanggi na magbago, kung gayo’y dapat siyang iwasan ng mga Kristiyano.​—1 Corinto 5:9-13.

10. Bakit kailangan ng mga Saksi ni Jehova na ingatan ang sarili nila upang huwag mahawa sa mga gawang kasamaan?

10 Ang sabi ng iba ang ganito raw paraan ng pakikitungo sa mga bagay ay salat sa pag-ibig o isang pagkapanatiko. Mas ibig nila ang lalong liberal na paraan ng sanlibutan. Ganiyan ba rin ang paniwala mo? O natatalos mo ba na ang ganiyang mga pagkilos ay nagpapakita ng kakulangan ng pag-ibig sa nagkasala at hindi pagkapoot sa kaniyang mga nagawang kasamaan? At nauunawaan mo ba na ang kongregasyong Kristiyano ay kailangang kumilos sa ganitong paraan kung nais na ito’y manatiling Kristiyano? Sinabi ni Santiago: “Ang relihiyon na sinasang-ayunan ng Diyos na ating Ama bilang dalisay at walang kapintasan ay ito: . . . ang pag-iingat ng isa na huwag mahawa sa sanlibutan.” (Santiago 1:27, New International Version) Paano nga makapagsasabi ang isang grupo na taglay niya ang tunay na relihiyon kung pinapayagan naman niya na siya’y mahawahan ng malubhang kasalanan?

11. Paano apektado ng mga pamantayang Kristiyano ang pananalita ng Kristiyano?

11 Ang isang Kristiyano na ‘napopoot sa masama’ ay higit pa riyan ang ginagawa. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pakikiapid at ang anumang uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal; o ang nakahihiyang asal o ang walang kawawaang pagsasalita o ang masagwang pagbibiro.” (Efeso 5:3, 4) Samakatuwid ang tunay na mga Kristiyano ay kilala sa gitna ng kanilang mga kasamahan sa hindi paggamit ng masasamang pananalita, ng masasagwang pagbibiro, o pagkakatuwaan dahilan sa mga pag-uusap ng mga bagay na mahahalay. Ang malinis na mga kaisipan at malinis na mga pananalita ay bihirang-bihira sa ngayon.

12. Paanong ang mga Saksi ni Jehova ay naiiba sa sanlibutan kung tungkol sa libangan?

12 Ang mga Saksi ni Jehova ay naiiba rin kung tungkol sa libangan. Yamang “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng masama,” sila’y natutong magpakaingat kung tungkol sa libangan na iniaalok ng sanlibutan. (1 Juan 5:19) Kanilang iniiwasan na lubusan ang maraming laro na nauuso sa mga parti, ang mga magasin, videos, pelikula, musika, at mga panoorin sa telebisyon na makademonyo o pornograpiko, o ang itinatampok ay karahasan sa maysakit at napakasamang sanlibutang ito. Sila’y nagpapakaingat din naman sa tinatawag na libangang pampamilya na nagtataguyod ng pagkahandalapak o kawalang disiplina na iniiwasan ng mga Kristiyano. (1 Corinto 15:33) Sinuman na nagpapahalaga sa Bibliya ay hindi maglilibang sa mga bagay na iniutos na huwag man lamang babanggitin sa gitna ng mga Kristiyano.

13. Isa bang pagkamakitid-isip kung hihigpitan natin ang ating sarili sa libangan? Ipaliwanag.

13 Ganito ba ang opinyon ninyo? O inaakala mo na ang ganiyang mga paniwala ang nagpapaging makitid-isip o labis na mahigpit sa mga Saksi ni Jehova? Kung gayon, pag-isipan ito: Pagka ang isang ipinagbíbilíng pagkain ay natuklasan na nakasásamâ at agad-agad inalis sa mga binibilhang tindahan, ang mga mamimili ay hindi nagrireklamo na sinusupil ang kanilang kalayaan dahilan sa hindi na nila maaaring bilhin ang gayong pagkain. Bagkus, sila’y magpapasalamat pa nga na mailigtas sila sa pagkalason sa gayong pagkain. Ang mga Saksi ni Jehova, sa gayunding paraan, ay hindi nagrireklamo na ang kanilang kalayaan ay sinusupil pagka ang nagagawang kasamaan ng maraming makasanlibutang paglilibang ay itinawag-pansin sa kanila. Bagkus, sila’y nagpapasalamat pa nga na sila’y nailayo sa panganib na idinudulot ng gayong polusyon.

Sila’y Nag-iibigan

14. Ayon kay Jesus, anong katangian ang palatandaan na ang pamayanang Kristiyano ay naiiba sa sanlibutang nakapaligid?

14 Narito pa ang isang bahagi ng pagiging hiwalay ng Kristiyano sa sanlibutan. Nang gabi bago siya namatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.” (Juan 13:35) Bakit ang pag-ibig ay magiging isang tanda sa mga tagalabas? Sapagkat, bilang kabuuan, ang kalagayan sa daigdig ngayon ay kagayang-kagaya ng sinabi ni Pablo na iiral: “Ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, . . . walang katutubong pagmamahal.” (2 Timoteo 3:2, 3) Sa ganiyang kapaligiran, ang isang pambuong daigdig na pamayanan ng mga taong nag-iibigan ay magiging isang kababalaghan. Ang ganiyang pagkakapatiran ay umiiral sa gitna ng mga Saksi ni Jehova.​—1 Pedro 2:17.

15. Ano ang mga ilang kalagayan na kung saan ang mga Saksi ni Jehova ay may pagkakataon na magpakita ng pag-ibig sa isa’t-isa?

15 Ang pag-ibig na ito ay totoong kapuna-puna at kadalasan nagkukomento ang mga tagalabas tungkol dito pagka ang mga Saksi ay nagtitipun-tipon sa kanilang mga kombensiyon. Pagka may sumapit na mga malulubhang kapahamakan, ang mga Saksi ay dagling sumasaklolo, sila’y tumutulong sa kanilang mga kapatid. At sa loob ng kongregasyon, ang tunay na mga Kristiyano ay nagpapakita ng pag-ibig at konsiderasyon sa isa’t-isa. Kahit na sakaling mayroong mga problema tungkol sa personalidad, pinagsisikapan din nila na ‘maging matiisin at magpatawad sa isa’t-isa nang sagana.’​—Colosas 3:12-14.

Hindi Sila Tumitisod sa Isa’t-Isa

16. (a) Anong kalagayan ang tinalakay ni Pablo na nagbigay sa unang-siglong mga Kristiyano ng magandang pagkakataon na ipakita ang laki ng pag-ibig nila sa isa’t-isa? (b) Anong simulain ang kaniyang ipinaliwanag na kumakapit sa maraming bagay sa ngayon?

16 Dahil sa ganiyang pag-ibig ay naiiba ang mga Saksi sa isa pang paraan. Sa ngayon, marami ang nababahala tungkol sa kanilang mga karapatan at masikap sila ng pagtatanggol ng mga ito. Subalit, si apostol Pablo ay bumanggit ng isang naiibang pamantayan: “Itaguyod natin ang mga bagay na gumagawa ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa iba’t-isa.” (Roma 14:19) Sa konteksto, ang tinutukoy ni Pablo ay yaong problema na umiiral noon tungkol sa pagkain. Ang mga Kristiyano, di-tulad ng mga Judio sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ay malaya na kumain ng anumang ibig nila habang iniiwasan nila ang pagiging matakaw. Gayunman, mayroong iba na mula pa sa pagkabata ay naniniwala na mayroong mga pagkain na nakasusuklam, at sila’y nabahala nang kanilang makitang ang gayong mga pagkain ay kinakain ng kanilang mga kapuwa Kristiyano. Iginiit ba ng mga ibang Kristiyanong iyon ang kanilang karapatan na kumain ng anuman na maibigan nila? Hindi nga kung ang payo ni apostol Pablo ang sinunod nila. Sinabi niya: “Mabuti ang huwag kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anuman na katitisuran ng iyong kapatid.” (Roma 14:21) Anong kaibig-ibig na payo! Nakikita mo ba kung paano ito aakay sa atin sa mga ibang bagay naman?

17, 18. (a) Paano maikakapit ang simulain sa Roma 14:21 kung tungkol sa matapang na inumin? (b) Paano maikakapit ito kung tungkol sa damit? (c) Ano pa ang naiisip mong ibang larangan na kung saan ang pagkakapit ng simulain ding ito ay tutulong sa atin na magpakita ng pag-ibig sa isa’t-isa?

17 Halimbawa, pinapayagan ng Bibliya ang mga Kristiyano na uminom ng inuming de-alkohol sa katamtamang dami. (1 Timoteo 3:8; 5:23) Subalit ang iba ay madaling maapektuhan ng matapang na alak. Ang iba naman ay hindi sanay dito o hindi nila kaya ito. Kung ikaw ay nasa isang handaan na kasama ang isang tao na katulad niyaon, iyo bang hihilahin o hihiyain siya para makisama sa iyo sa pag-inom ng matapang na inumin? O sa ganang iyo ay tatanggihan mo na ang gayong pag-inom upang huwag siyang magkaroon ng mga problema?

18 Narito ang isa pang halimbawa: ito’y tungkol sa pananamit. Ang Bibliya ay hindi bumabanggit ng anumang uri ng damit na dapat isuot ng isang Kristiyano, bagama’t sinasabi nito na ang damit ay kinakailangang maging mahinhin at malinis. (1 Timoteo 2:9) Sa ngayon, ang karamihan ng bansa ay mayroong mga pamantayan sa pagdadamit na itinuturing na maaaring gamitin sa pormal na lipunan. Karaniwan na, ipinahihintulot ng pamantayang ito ang makatuwirang pagkasarisari, subalit ang anumang may lubhang pagkakaiba dito ay waring labis na malasarili, malibog, kakatwa. Ang mga Kristiyano, kapuwa ang mga lalaki at mga babae, ay dapat magsaalang-alang nito. Handa ka bang lagyan ng hangganan ang iyong kalayaan kung tungkol sa pananamit alang-alang sa mabuting balita at upang huwag makatisod sa iyong mga kapatid?

19-21. (a) Bakit ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na manatiling hiwalay sa sanlibutan? (b) Sa ano pang larangan kailangang magsumikap tayo na maging hiwalay sa sanlibutan?

19 Oo, tama ang sinabi ni Jesus na ang mga Kristiyano ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Sa pangangaral ng mabuting balita, sa pag-iwas sa masama, at dahil sa pag-ibig at konsiderasyon sa isa’t-isa, ang mga Saksi ni Jehova ay talagang naiiba. Ang pagkahiwalay na ito ay nagdadala ng mga pagpapala sa mga Saksi, huwag nang sabihin pa ang proteksiyon buhat sa maraming mga suliranin na umiiral sa daigdig ngayon.

20 Iyo bang minamahalaga at pinayayabong pa sa iyong buhay ang pagiging hiwalay na ito? Alalahanin, kung ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naghihiwalay ng kanilang sarili, sila’y mahahawig sa sanlibutan, na ang Diyos ay si Satanas na Diyablo. (2 Corinto 4:4) Kanilang iwawala ang malinaw na pagkakakilanlan sa kanila bilang isang ‘bayang banal,’ at hindi mananatiling ‘walang bahid ng sanlibutan.’ Sa gayon, sila’y hindi magkakaroon ng “dalisay, walang dungis na relihiyon, sa paningin ng Diyos.” (Santiago 1:27, The Jerusalem Bible; 1 Pedro 1:14-16) Kung masumpungan mo na ibig mong maging lalong katulad ng sanlibutan, alalahanin ang payo sa Santiago 4:4.

21 Si apostol Pablo ay humula na isa pang gawi ang mananaig sa sanlibutan ngayon. Sinabi niya na ang mga tao’y magiging “maibigin sa salapi.” (2 Timoteo 3:1, 2) Bilang katuparan ng kaniyang sinabing ito, ang paghanap ng salapi ay isang napakatinding hangarin ngayon kung kaya’t para sa marami ito ang pinakamatinding impluwensiya sa kanilang buhay. Ang mga Kristiyano ba ay naiiba rin sa bagay na ito? Posible ba na mabuhay sa daigdig na ito sa ngayon na hindi ka nagiging isang ‘mangingibig sa salapi’? Iyan ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo.

Naaalaala Mo Ba?

◻ Bakit aasahan na ang Kristiyano ay mapapaiba sa sanlibutan?

◻ Anong mga teksto sa Kasulatan ang tumutulong sa mga Saksi ni Jehova na magkaroon ng wastong pangmalas sa gawaing pangangaral?

◻ Sa anong iba’t ibang paraan nagiging iba sa sanlibutan ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagkakapit sa Hebreo 1:9?

◻ Ano ang epekto sa kanilang asal ng pagkakapit ng simulain na ipinaliliwanag sa Roma 14:21?

[Larawan sa pahina 13]

Ang mga Saksi ni Jehova ay natutong magpakaingat tungkol sa libangan na iniaalok ng sanlibutan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share