“Lumakad Tayo Nang May Kaayusan sa Ganito Ring Ayos”
“Ayon sa atin nang naisulong, patuloy na lumakad tayo nang may kaayusan sa ganito ring ayos.”—FILIPOS 3:16.
1, 2. (a) Paanong ang ulirang mga kabataan ay pampatibay-loob? (b) Gayunman, anong mga tanong tungkol sa kanila ang sumasaisip natin?
NANG si Alisa ay mahigit lamang na dalawang taóng gulang, kinatutuwaan siya ng balana dahilan sa inaawit niya ang pangalan ng lahat ng 66 na aklat ng Bibliya, iniisa-isa niya ng bigkas ang mga pangalan ng 12 apostol, at nailalarawan niya sa pamamagitan ng pagkumpas-kumpas ang siyam na mga bunga ng espiritu ng Diyos. (Mateo 10:2-4; Galacia 5:22, 23) Nang siya’y nasa ikalimang grado na sa paaralan, siya’y nagdaraos ng isang lingguhang pag-aaral sa Bibliya sa isang batang babae na nasa ikatlong grado, na, ito naman ay nakahikayat sa kaniyang nakatatandang kapatid na lalaki na maging interesado sa Bibliya. Si Alisa at ang kaniyang munting kaibigan ay nagtakda ng isang tunguhin para sa kanilang sarili. Kanilang inaasam-asam na sila’y magiging magkapareha sa buong-panahong gawaing pangangaral bilang mga espesyal payunir pagdating ng panahon.
2 Tiyak iyan, isang kaluguran para sa kaninuman sa atin na makilala natin ang mga batang gaya ng mga ito, at malamang na kayo man ay mayroon ding nakikilalang ganiyan. Subalit, ang sumasaisip natin ay: Ano kaya ang kalalabasan nila paglaki nila? Sila kaya ay magpapatuloy sa kanilang pagsulong sa espirituwal hanggang sa sumapit sila sa kanilang tunguhin? O sila ba ay gagambalain ng mga ibang bagay at mahuhulog sa tabi ng daan?
Patuloy na Pagsulong
3. Sino ang kailangang sumulong?
3 Maliwanag na ang ganiyang mga bata ay nangangailangan ng malaking pagsulong sa espirituwal na paglaki bago marating nila ang kanilang tunguhin. Subalit tangi bang ang kabataan lamang o ang mga baguhan ang nangangailangan na sumulong? Sa katunayan pa nga, ang pagsulong ba ay kailangan lamang hanggang sa ang isa ay sumapit sa espirituwal na pagkamaygulang o naging kuwalipikado para sa isang pribilehiyo? Hindi nga. Isaalang-alang si apostol Pablo. Imbis na siya’y masiyahan na lamang sa kaniyang natamo na, sinabi niya sa kaniyang liham sa mga taga-Filipos: “Hindi sa natamo ko na iyon o ako’y sakdal na, kundi nagpapatuloy ako ng pagpapagal upang sana’y makamit ko rin ang tungkuling ibinigay sa akin ni Kristo Jesus.”—Filipos 3:12.
4. Ano ang “tunguhin” na pinagsusumikapang makamit ni apostol Pablo?
4 Maliwanag, hindi ang tinutukoy ni Pablo ay ang pagtatamo ng pagkamaygulang, sapagkat walang alinlangan na siya ay isa nang maygulang na Kristiyano. Gayunma’y sinabi niya na siya ay ‘nagpapatuloy ng pagpapagal’ sa isang bagay na hindi pa niya ‘tinatamo.’ Ano ba iyon? Nagpatuloy si Pablo nang pagpapaliwanag: “Ako’y patuloy na nagsusumikap tungo sa pagkakamit ng gantimpala ng paitaas na pagkatawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 3:14) Ang tunguhin na kaniyang pinagsusumikapang marating ay hindi lamang ang pagkamaygulang Kristiyano o upang maging kuwalipikado siya sa isang tungkulin, kundi iyon ay isang bagay na lalong dakila. Para sa kaniya at sa kaniyang mga kapuwa pinahirang mga Kristiyano, iyon ay ang “paitaas na pagkatawag,” ang pag-asang magkamit ng buhay sa langit sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.
5. (a) Bakit kailangan ang patuloy na paglaki? (b) Ano ang maaaring kasali sa “kinalilimutan ang mga bagay na nasa likuran”?
5 Ito’y tumutulong sa atin na makita ang dahilan ng pagpapatuloy sa paglaki at pag-unlad sa espirituwal gaano mang katagal na tayo sa katotohanan. Pagka ang isang tao’y sumulong hangga lamang sa punto na siya’y itinuturing na maygulang, o hangga lamang sa punto na naging kuwalipikado siya para sa isang pantanging pribilehiyo, ano ang walang hanggang mapapakinabang niya roon? Ang pagkamaygulang at ang pantanging mga pribilehiyo ay hindi garantiya na mararating natin ang ating katapusang tunguhin—ang buhay na walang hanggan. Sa halip, kailangang gawin natin ang gaya ng ginawa ni apostol Pablo: ‘Kalimutan ang mga bagay na nasa likuran at tanawin ang mga bagay na hinaharap.’ (Filipos 3:13) Hindi lamang dapat nating kalimutan ang mga bagay na walang kabuluhan na marahil ay ginagawa natin bago tayo nakaalam ng katotohanan kundi dapat din tayong pakaingat na huwag maging kampante sa mga bagay na nagawa na natin sapol nang panahong iyon. Sa ibang pananalita, ang payo ay huwag maging kontento na sa iyong tinamong mga tagumpay kundi patu-patuloy na sumulong pa. Ginagawa mo ba ito, o ikaw ba, sa anupamang paraan, ay nagmamabagal?—Tingnan ang 1 Corinto 9:26.
6. Kung ihahambing ang Filipos 3:12 sa Fil 3:15, ano ang masasabi tungkol sa pagsulong?
6 Taglay ang ganitong posibilidad sa kaisipan, si Pablo ay nagpatuloy: “Kaya nga, kung ilan sa atin ang mga maygulang, magkaroon tayo ng ganitong kaisipan; at kung sa anuman nga’y naiiba kayo ng iniisip, ang Diyos ang magsisiwalat sa inyo ng nasabing saloobin.” (Filipos 3:15) Una pa rito, sa Fil 3 talatang 12, binanggit ni Pablo na hindi niya itinuturing ang kaniyang sarili bilang “pinasakdal na.” Gayunman dito ay sinabi niya “kung ilan sa atin ang maygulang,” o, “mga sakdal.” (Kingdom Interlinear) Ito’y hindi isang kontradiksiyon o pagsasalungatan. Bagkus, pinatitingkad lamang nito ang punto na kahit na ang maygulang na mga Kristiyano na gaya ni Pablo ay dapat magsaisip na hindi pa nila nararating ang pinakaultimong tunguhin, at sila’y kailangang patuloy na sumulong upang marating iyon. Kaya nga kaniyang binuo iyon sa ganitong paraan: “Sa paano man, ayon sa atin nang naisulong, patuloy na lumakad tayo nang may kaayusan sa ganito ring ayos.”—Filipos 3:16.
May Kaayusan
7. Anong “ayos” ang ipinapayo ni Pablo sa mga Kristiyano na sundin?
7 Nang himukin ni Pablo ang mga Kristiyano na “patuloy na lumakad tayo nang may kaayusan sa ganito ring ayos,” kaniya bang sinasabi sa kanila na magsaayos ng isang komportableng kaayusan ng gawain at manatili na lamang doon nang gayon hanggang sa sumapit ang panahon na tanggapin nila ang kanilang gantimpala? Ang paggawa ng gayon ay magiging katulad ng paggawa ng binanggit ni Jesus na alipin sa kaniyang talinghaga na nagbaón ng kaisa-isang talento na ibinigay sa kaniya ng kaniyang panginoon at hinintay na lamang na magbalik ang panginoon. (Mateo 25:14-30) Bagaman hindi naiwala ng alipin ang talento o siya man ay huminto sa paglilingkuran, siya’y tinawag na aliping “walang-kabuluhan” at tinanggihan siya ng panginoon. Tiyak na hindi sinasabi sa atin ni Pablo na basta manatili tayo sa mayroon na tayo dahilan sa pangamba na baka natin maiwala iyon. Ang tinutukoy niya ay ang pagsulong. Sa “ayos” maliwanag na ang sumasaisip ni Pablo ay isang takdang landasin ng pagkilos na pasulong, katulad baga ng pagkilos ng isang sundalo na hindi basta nakatayo at nagbibigay ng atensiyon kundi nagmamartsang pasulong.
8. Ano ang dapat nating pag-isipan tungkol sa ating paglilingkod sa Diyos?
8 Ang payo ni Pablo ay dapat tumulong sa atin na makilala ang kahalagahan ng patuloy at puspusang pagsisikap na umabante, mapahusay pa ang ating mga ginagawa sa paglilingkuran kay Jehova. “Ayon sa atin nang naisulong,” maging tayo man ay mga hinirang na mga matatanda, ministeryal na mga lingkod, mga payunir, o mga mamamahayag, ang pangunahing dapat nating pag-isipan ay mapahusay pa ang kalidad o uri at, kung maaari, ang dami ng ating paglilingkod. Pakaingat tayo na huwag mahulog sa kaisipan na gaya ng sa masuwaying mga Israelita noong kaarawan ni Malakias na nag-aakala noon na tama na sa kanila ang maghandog ng may depektong mga hain kay Jehova. Subalit ano ang damdamin ni Jehova tungkol doon? “Oo, inyong dinala iyon [ang pilay at maysakit na mga hayop] bilang isang handog,” sinabi niya. Pagkatapos ay isinusog pa niya: “Ito kaya’y malugod kong tatanggapin sa inyong kamay?”—Malakias 1:13.
9. Paanong ang payo ni Pablo sa Roma 12:6-8, 11 ay may kaugnayan sa pagsulong?
9 Bagkus, kailangang pakadibdibin natin ang ating paglilingkod sa Diyos. Gaya ng ipinaalala ni Pablo sa mga taga-Roma, anumang pribilehiyo ng paglilingkuran ang maibigay sa atin, ‘dibdibin natin iyon,’ na “puspusang gawin” at huwag ‘magpatigil-tigil sa ating gawain.’ (Roma 12:6-8, 11) Ang pagpapatigil-tigil ay pag-iistambay nang walang anumang pakay, hindi sumusulong tungo sa anumang tiyak na tunguhin. Kapuna-puna, ang salitang Griego na ginamit dito ay literal na nangangahulugang “tamad” (slothful), isang angkop na angkop na salitang ikapit. Ipinakikita ng isang report na, bagama’t maaari siyang gumawa ng mabilis na pagkilos, sa isang yugto ng panahon na 168 oras, ang isang sloth ay natulog o nanatiling walang anumang kagalaw-galaw sa loob ng 139 na oras—83 porsiyento ng panahon. Hindi nga kataka-takang sa atin ay ipayo na huwag maging “tamad” kundi “maging maningas sa espiritu” at “magpaalipin kay Jehova”! Ano ang tutulong sa atin na gawin ito?
10. Bakit tayo dapat maging lubhang interesado sa payo ni Pablo kay Timoteo sa 1 Timoteo 4:12-16?
10 Sa 1 Timoteo 4:12-16 ay inisa-isa ni apostol Pablo ang mga bagay na dapat gawin ni Timoteo upang ang kaniyang pagsulong ay “mahayag sa lahat ng tao.” Nang panahong iyon, ang alagad na si Timoteo ay hindi isang bata ni isang baguhan man. Sa katunayan, noon ay naging kasa-kasama na siya ni Pablo nang may sampung taon at may malaking responsabilidad at awtoridad na ipinagkatiwala sa kaniya sa kongregasyong Kristiyano, tiyak na dahilan sa pagsulong na nagawa na niya hanggang sa puntong iyan. Gayunman, nagbigay pa rin si Pablo ng maraming payo kay Timoteo. Maliwanag, nangangailangan na tayo ay magbigay ng matamang pansin sa sinabi ni Pablo.
Maging uliran sa pagsasalita at sa paggawi
11, 12. (a) Sa pagsulong, ano ang unang bahagi na dapat nating bigyang-pansin? (b) Bakit ito lalong mahalaga kaysa pagsulong sa kaalaman o sa mga kasanayan sa trabaho?
11 Una, sa 1 Tim 4 talatang 12, sinabi ni Pablo: “Huwag hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan. Bagkus, sa mga sumasampalataya ay maging uliran ka sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisang-asal.” Ipinagugunita sa atin ng binanggit na ito ang “mga bunga ng espiritu,” na inisa-isa ni Pablo sa Galacia 5:22, 23. Sino ang makapagtatatuwa na bawat isa sa atin ay nangangailangan na magsibol ng bungang ito nang lalong malawakan sa ating buhay? Karamihan sa atin ay gumagasta nang malaking pagsisikap upang matutuhan at masaulo ang siyam na mga bunga ng espiritu, at turuan ang mga kabataan at ang mga baguhan na gayon din ang gawin. Subalit sila ba ay gumagasta ng halos gayunding pagsisikap upang mapaunlad ang mga ito? Idiniin ni Pablo ang punto na yaong mga maygulang ay dapat maging uliran sa mga bagay na ito. Tiyak iyan, ito’y isang bahagi ng ating buhay na kung saan lahat tayo ay madaling makagagawa ng pagsulong.
12 Marahil, sa isang pangangahulugan, ang mga katangiang ito ay higit na nagpapakilala ng ating espirituwal na pagsulong kaysa ating kaalaman at kasanayan sa trabaho, sapagkat ang binanggit na una ay mga bunga ng espiritu ng Diyos, samantalang ang binanggit na huli ay kadalasang may kaugnayan sa mga likas na kakayahan ng isang tao at sa kaniyang pinag-aralan. Ang mga eskriba at mga Fariseo noong kaarawan ni Jesus ay may malaking kaalaman sa Kasulatan, at sila’y totoong maingat sa pagtupad ng masalimuot na mga detalye ng Kautusan. Gayumpaman, sila’y hinatulan ni Jesus, na ang sabi’y: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mapagpaimbabaw! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng anis at ng komino, ngunit inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bahagi ng Kautusan, samakatuwid baga, ang katarungan at kaawaan at pananampalataya.” (Mateo 23:23) Anong pagkahala-halaga nga na tayo ay magpatuloy na sumulong sa pagpapaunlad ng “mahahalagang bagay” na ito sa ating buhay!
Pagsasagawa ng pagbabasa, pagpapayo, at pagtuturo
13. Paano makikinabang sa payo ni Pablo sa 1 Timoteo 4:13 ang hinirang na mga tagapangasiwa?
13 Pagkatapos, ipinayo ni Pablo kay Timoteo na “patuloy na isagawa niya ang pagbabasa sa madla, ang pagpapayo, ang pagtuturo.” (1 Timoteo 4:13) Sa mga ibang lugar ng kaniyang mga liham, binanggit ni Pablo na si Timoteo ay isang mahusay at tapat na ministro. (Filipos 2:20-22; 2 Timoteo 1:4, 5) Gayunman ay pinayuhan niya si Timoteo na patuloy na magbigay-pansin sa mahalagang mga pananagutang ito ng isang tagapangasiwa. Kung isa kang hinirang na tagapangasiwa sa kongregasyon, iyo bang ‘patuloy na isinasagawa’ ang mga bagay na ito? Halimbawa, iyo bang dibdibang sinusunod ang mga mungkahi na nasa Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at sinisikap mong pagtagumpayan ang iyong mga kahinaan, o inaakala mo ba na ang payong ito ay para lamang sa mga baguhan? Iyo bang pinag-aaralan ang Bibliya at ang mga publikasyon ng Samahan nang buong ingat upang ikaw ay magkaroon ng kakayahan na magpayo nang “may buong pagbabata at sining ng pagtuturo”?—2 Timoteo 4:2; Tito 1:9.
Huwag pabayaan ang kaloob na paglilingkod
14. Paano natin maipakikitang tayo’y sumusulong sa ating ministeryo sa larangan?
14 Samantalang kakaunti lamang ang inaatasan na magturo sa kongregasyon, lahat ng Kristiyano ay sinusugo ni Jesu-Kristo na makibahagi sa pagpapatotoo sa Kaharian at sa paggawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Kasali na rito ang pagtuturo sa mga taong tapat-puso ng katotohanan ng Bibliya, na ipinapayo sa kanila na gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay at sila’y manindigan sa panig ni Jehova. Ikaw ba ay ‘patuloy na nagsasagawa’ ng lahat ng kinakailangan upang mapasulong ang iyong mga kakayahan bilang ministro? Ikinakapit mo ba nang puspusan ang mga mungkahi na ibinibigay ng Ating Ministeryo sa Kaharian at sa lingguhang Pulong sa Paglilingkod upang ‘gawin ang gawain ng isang ebanghelisador, na lubusang ginaganap ang iyong ministeryo’?—2 Timoteo 4:5.
15. Ano ang “kaloob” kay Timoteo, at ano naman yaong kaloob sa ngayon?
15 Dati na, si Pablo ay nagbigay kay Timoteo ng ganitong paalaala: “Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo na ibinigay sa iyo sa pamamagitan ng hula at nang ipatong sa iyo ng lupon ng nakatatandang mga lalaki ang kanilang mga kamay.” (1 Timoteo 4:14) Maliwanag, sa pamamagitan ng pagpapakilos ng banal na espiritu, si Timoteo ay inatasan at pagkatapos ay hinirang sa isang natatanging paglilingkuran sa kongregasyon Kristiyano. (1 Timoteo 1:18; 2 Timoteo 1:6) Gayundin naman, sa ngayon ay marami na nasa organisasyon ang nakapagpasulong ng kanilang mga bigay-Diyos na kakayahan, at ang resulta’y hinirang sila na maging mga naglalakbay na tagapangasiwa, misyonero, regular o espesyal na mga payunir, elders, at iba pa. Kahit na walang natatanging paghula o pagpapatong sa kanila ng kamay, ang payo na “huwag pabayaan ang kaloob na nasa iyo” ay kumakapit na may ganoon ding bisa.
16. Ano ang makahahadlang upang huwag nating mapabayaan ang “kaloob” sa atin?
16 Ang pagpapabaya sa isang bagay, ayon sa diksiyunaryo, ay nangangahulugan ng pagbibigay ng bahagyang atensiyon doon o iiwanan na lamang iyon nang hindi nagagawa dahilan sa kapabayaan. Pagka ang isang bagay ay naging karaniwan na, iyon ay madaling napapabayaan. Ito’y maaaring mangyari kung tayo’y hihinto ng pagsulong, o pag-unlad, at ipagwawalang-bahala natin ang mga gawaing iniatas sa atin. Kaya naman, makikinabang tayo sa sinabi ni Pablo sa Colosas 3:23, 24: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong-kaluluwa gaya ng kay Jehova ginagawa, at hindi sa mga tao, yamang nalalaman ninyo na kay Jehova kayo tatanggap ng nararapat na gantimpalang mana. Magpaalipin kayo sa Panginoon, si Kristo.”
Ang Patuloy na Pagsisikap ay Nagdadala ng mga Pagpapala
17. Sa paano lamang natin makikita ang resulta ng ating mga pagsisikap?
17 Pagka tayo’y nagbigay ng matamang pansin sa mga bagay na tinalakay na, matitiyak natin na tayo’y hindi mahuhulog sa silo ng pagiging kampante o kasiyahan-sa-sarili. “Bulaybulayin mo ang mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng tao,” sabi ni Pablo. (1 Timoteo 4:15) Ang “pagsulong,” mangyari pa, ay hindi sa layuning magpasikat o gulatin ang iba. Pagka tayo, mga bata at matatanda, ay lumaki at umunlad sa espirituwal, tayo’y nagdadala ng kagalakan at pampatibay-loob sa lahat ng nakakasama natin, gaya ng kabataang si Alisa at ng kaniyang kaibigan, na binanggit sa may bandang unahan ng artikulong ito.
18. Anong dobleng pagpapala ang naghihintay sa atin kung masikap na ikakapit natin ang payo ni Pablo?
18 Isang masaganang pagpapala ang naghihintay sa atin kung ikakapit natin nang buong sikap ang payo ni Pablo: “Palaging asikasuhin mo ang iyong sarili at ang iyong turo,” ang sabi ni Pablo. “Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito’y ililigtas mo ang iyong sarili at pati ang mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Oo, sa pamamagitan ng palaging pagsusuri sa ating sarili upang alamin kung atin ngang ginagawa ang itinuturo natin sa iba na gawin nila, samakatuwid baga, upang sumulong, lumaki, at umunlad sa espirituwal, ating maiiwasan ang kasawian ng ‘pagtatakwil sa atin sa paanuman.’ (1 Corinto 9:27) Bagkus, ang maligayang pag-asa na magkamit ng buhay sa ipinangako ng Diyos na Bagong Kaayusan ay tiyak na kakamtin natin at ng mga taong nagkaroon tayo ng masayang pribilehiyo na tulungan. Sa gayon, ukol sa ating ikapagpapala at sa ikapagpapala ng iba, at sa ikapupuri ng Diyos na Jehova: “Patuloy na lumakad tayo nang may kaayusan sa ganito ring ayos”!—Filipos 3:16.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang wakas na “tunguhin” na dapat nating isaisip? Paano natin pinagsusumikapang makamit ito? (Filipos 3:12, 13)
◻ Ano ang “ayos” na dapat nating sundin sa ating paglakad? (Filipos 3:16)
◻ Bakit tayo kailangang patuloy na humusay sa ating Kristiyanong paggawi at pagsasalita? (1 Timoteo 4:12)
◻ Paanong ang mga matatanda, ministeryal na mga lingkod, at iba pa ay makasusulong sa kanilang kahusayang magturo? (1 Timoteo 4:13)
◻ Ano ang kailangan nating gawin upang huwag mapabayaan “ang kaloob” na ipinagkatiwala sa atin? (1 Timoteo 4:14)
[Larawan sa pahina 14]
Ang tunguhin ni Alisa at ng kaniyang inaaralan ng Bibliya ay ang buong-panahong ministeryo