Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Pagpapatotoo sa Paaralan
“GAWIN mo ang buong kaya upang iharap ang iyong sarili na sinang-ayunan ng Diyos, manggagawa na walang anumang dapat ikahiya, na ginagamit nang tumpak ang salitang katotohanan,” ang isinulat ni apostol Pablo sa binatang si Timoteo. (2 Timoteo 2:15) Marami sa mga anak ng mga Saksi ni Jehova ang may pagkakataon na magbigay ng patotoo tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa paaralan. Hindi nila ikinahihiya na gawin ito at sila’y pinasasalamatan naman ng maraming mga ibang estudyante.
◻ Ang isang halimbawa nito ay yaong karanasan sa Martinique. Isang batang babae ang nakikilala sa paaralan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova at siya’y malimit na tinatanong ng kaniyang guro ng kaniyang opinyon tungkol sa relihiyon. Nagkaroon na siya ng maraming pagkakataon na makausap ang gurong ito, at ang guro ay tumanggap ng ilan sa mga literatura ng Watch Tower.
Isang araw ay may bumangon na diskusyon sa klase tungkol sa labis na populasyon ng lupa. Sa pagtalakay sa kung paano pahihintuin ang labis na pagdami ng tao sa lupa, binanggit ang kontrasepsiyon at ang aborsiyon. May mga estudyante na sang-ayon sa aborsiyon at mayroon naman na ayaw nito. Tinanong ng titser ang batang sister na ito ng kaniyang opinyon. At sinabi ng bata na ikalulugod niyang magbigay ng isang hustong paliwanag sa kinabukasan. Nang gabing iyon ay naghanda siya, at kinabukasan ay nagdala siya sa paaralan ng mga ilang magasing Awake! na may paliwanag buhat sa Kasulatan sa paksa ng aborsiyon. Pagkatapos na basahin niya ang materyal, nagtanong siya sa klase ng mga katanungan, at sa katapusan ng diskusyon “lahat ng naroon sa klase ay nagpahayag na sila’y laban sa aborsiyon,” aniya. May mga estudyante na sumuskribe sa magasing Awake!
◻ Isa pang karanasan ang galing sa Sweden na kung saan ang mga kapatid ay malimit na inaanyayahan na magpahayag sa mga paaralan. Isang espesyal payunir na ministro ng mga Saksi ni Jehova ang inanyayahan na magbigay ng kung ilang mga pahayag sa isang klase. Ang sabi ng guro: “Nagkaroon na kami ng ibang mga pastor na inimbitahan dito, subalit sila ay tumugtog lamang ng gitara at sinabihan nila ang mga estudyante na magpakabuti. Ayos naman iyon,” ang sabi ng titser, “pero ang ibig ko’y may matutuhan din ang aking mga estudyante.” Pagkatapos ay gumawa siya ng mga kaayusan na ang Saksi ay magdaos sa klase ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya.
Ang mga estudyante sa paaralan, pati na ang mga tao saanman sa daigdig ngayon, ay maraming mga tanong tungkol sa mga kalagayan sa daigdig o sa pamilya at mga suliranin sa lipunan na dito’y ibig nilang magtamo ng kasagutan. Anong laking pribilehiyo para sa mga Saksi ni Jehova na nag-aaral pa sa paaralan ngayon na magsumikap tungkol sa bagay na ito sa pamamagitan ng personal na pag-aaral nila at ng pag-aaral sa mga kongregasyon, upang maunawaan nila ang Bibliya at matulungan ang gayong mga tao na maalaman ang mga sagot ng Bibliya! Ang kawikaan sa Bibliya ay nagpapayo: “Huwag mong ipagkait ang mabuti sa mga karapat-dapat, kung sakaling nasa kapangyarihan ng iyong kamay na gawin iyon.”—Kawikaan 3:27.