Buhay at Ministeryo ni Jesus
Nagdadalangtao Ngunit Walang Asawa
SI Maria ay nasa ikatlong buwan ng pagdadalangtao. Maaalaala mo na sa pagsisimula ng kaniyang pagdadalangtao ay nakipisan siya kay Elizabeth, subalit ngayon ay bumalik na siya uli sa Nasareth. Hindi na magtatagal at mabubunyag sa madla ang kaniyang kalagayan sa kaniyang sariling bayan. Tunay na siya’y nasa isang maselang na kalagayan!
At ang lalong nagpapalubha sa kalagayang iyon ay ang bagay na si Maria’y nakatipan na maging asawa ng karpenterong si Jose. At batid niya na, sa ilalim ng batas ng Diyos sa Israel, ang isang babae na nakatipang maging asawa ng isang lalaki, subalit kusang nakipagtalik sa ibang lalaki, ay kailangan batuhin hanggang sa mamatay. Paano nga niya maipapaliwanag kay Jose ang kaniyang pagdadalangtao?
Yamang si Maria ay tatlong buwang napawalay, matitiyak natin na si Jose ay sabik na makapiling siya. Pagkikita nila, malamang na ibinalita ni Maria iyon sa kaniya. Marahil ay gagawin niya ang lahat upang ipaliwanag na ang kaniyang dinadalangtao ay sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos. Subalit, gaya ng inyong maguguni-guni, ito ay napakahirap para kay Jose.
Batid ni Jose ang marangal na pagkababae ni Maria. At sa malas ay malaki ang pag-ibig niya rito. Gayunman, anoman ang gawing paliwanag ni Maria, talagang para siyang sinipingan ng ibang lalaki. Magkagayunman, hindi ibig ni Jose na si Maria’y batuhin hanggang sa mamatay o mapabilad sa kahihiyan. Kayat ipinasiya niya na lihim na hiwalayan ito nang araw na iyon. Noong panahong iyon, ang mga magkakatipan ay itinuturing na kasal na, at deborsiyo ang kailangan upang mapawalang-bisa ang isang tipanan.
Nang maglaon, samantalang pinag-iisipan ang mga bagay na ito ni Jose, siya’y nakatulog. Ang anghel ni Jehova ay napakita sa kaniya sa panaginip at ang sabi: ‘Huwag kang mangamba na iuwi sa iyong tahanan si Maria bilang iyong asawa, sapagkat siya’y nagdadalangtao sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos. At ang sanggol ay panganganlan mo na Jesus, sapagkat kaniyang ililigtas sa kanilang mga kasalanan ang kaniyang bayan.’
Nang magising si Jose, anong laki ng kaniyang pasasalamat! Walang atubiling ginawa niya ang sinabi ng anghel. Kaniyang dinala si Maria sa kaniyang tahanan. Ang ganitong pangmadlang aksiyon ang nagsisilbing seremonya sa kasal, at nagbibigay ng patalastas na si Jose at si Maria ay kasal na. Subalit si Jose ay hindi sumiping kay Maria habang ipinagbubuntis niya si Jesus.
Narito! Si Maria ay kagampan na, ngunit isinasakay siya ni Jose sa isang asno. Saan sila pupunta at bakit sila maglalakbay gayong si Maria ay malapit na malapit nang manganak? Lucas 1:39-41, 56; Mateo 1:18-25; Deuteronomio 22:23, 24.
◆ Ano ang nasa kaisipan ni Jose nang kaniyang mabalitaan na nagdadalangtao si Maria, at bakit?
◆ Paano nga mahihiwalayan ni Jose si Maria gayong hindi pa naman sila kasal?
◆ Anong aksiyon na hayag sa madla ang nagsilbing seremonya ng kasal para kay Jose at kay Maria?