Si Adan at si Eva—Katha-katha o Totoo?
“HINDI ba isang tahasang pagsalungat sa Bibliya na sabihin na si Adan at si Eva ay nanggaling sa daigdig ng mga hayop?” Ang tanong na ito, na ibinangon ng peryodikong Romano Katoliko na La Croix, ang suliranin na napapaharap sa maraming Kristiyano. Iniisip nila kung ano nga baga ang Kristiyanismo pagka ibinangon ang tanong tungkol sa paglalang.
Para lalong maunawaan ang mga suliranin na kasangkot, ating suriin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kasalanan at kamatayan. Unang-una, balikan natin ang ulat ng mga pangyayari sa halamanan ng Eden.
Ang Kasalanan at ang Pantubos
Sa Genesis kabanata 2 binabanggit na ang Diyos ay nagbigay ng utos sa unang tao. Huwag siyang kakain ng bunga ng puno na tinatawag na “punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama.” (Genesis 2:17) Ipinaliliwanag ng The Jerusalem Bible sa talababa, na nang suwayin ng tao ang utos ng Diyos, kinuha ng tao ang isang karapatan na hindi kaniya, “ang kapangyarihang magpasiya para sa kaniyang sarili kung ano ang mabuti at kung ano ang masama at kumilos ayon doon, isang lubos na pagsasarili na doo’y tumanggi ang tao na kilalanin ang kaniyang kalagayan bilang isang nilalang.”
Sa pamamagitan ng pagsuway sa kautusan ng Diyos, si Adan ay nagkasala at nagpasok ng di-kasakdalan sa sangkatauhan, at ang ibinunga’y kamatayan gaya ng sinabi ng Diyos. Ngayong hindi na sila sakdal, walang maipamamana ang unang mag-asawa sa kanilang mga supling kundi di-kasakdalan. Lahat ng magiging mga inapó nina Adan at Eva—ang buong sangkatauhan, ay magdaranas ng kamatayan.—Genesis 3:6; Awit 51:5; Roma 5:14, 18, 19.
Papaano nga magkakaroon muli ang tao ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan gayong iniwala na iyon ni Adan? Ang prinsipyo ng “buhay sa buhay” na ipinahayag sa Kautusan ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang nagbigay-liwanag kung ano ang kinakailangan: isang sakdal na buhay ang kinakailangang ipalit sa sakdal na buhay na iniwala ni Adan. (Deuteronomio 19:21, The New English Bible) Ang batong pundasyon ng Kristiyanismo, si Jesus, ay lubusang kuwalipikado para rito. Yamang wala siyang kasalanan at siya’y sakdal, siya lamang ang makapaghahandog ng isang sakdal na buhay tao bilang “isang katumbas na pantubos para sa lahat.” (1 Timoteo 2:5, 6) Ipinakita ni Kristo na ito ang isa sa mga pangunahing layunin ng kaniyang pagparito sa lupa, nang kaniyang sabihin: “Ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa na pantubos kapalit ng marami.”—Mateo 20:28.
Ang kahilingan ding ito—na ang pantubos ay dapat na manggaling sa isa na nakahihigit sa di-sakdal na tao ang nililiwanag sa Awit 49:7, at mababasa natin ito tungkol sa kalagayan ng tao: “Walang sinuman sa kanila ang sa anumang paraan makatutubos sa kaniyang kapatid, ni makapagbibigay man sa Diyos ng pantubos para sa kaniya.” (King James Version) Bakit walang sinuman na “makatutubos sa kaniyang kapatid”? Dahil sa walang di-sakdal na buhay ang makakatumbas ng sakdal na buhay na iniwala ni Adan.
Dalawang Matinding Ebidensiya
Sa pagsusuri ng sinabi ni apostol Pablo at ni Kristo mismo tungkol sa paksang iyan, masasabi natin kung ang ulat tungkol kay Adan at kay Eva ay simboliko at kung sila’y talagang umiral o hindi.
Si apostol Pablo ay gumagawa ng paghahambing tungkol sa bahaging ginampanan ni Adan at niyaong ginampanan ni Jesus, na ang sabi: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan . . . Sapagkat kung dahil sa pagkakasala ng isang tao ay naghari ang kamatayan, sa pamamagitan ng iisang nagkasala, di lalo pa yaong mga nagsisitanggap ng lalong higit pa sa biyaya ng Diyos, at sa kaniyang kaloob ng katuwiran, sila’y mabubuhay at maghahari sa pamamagitan ng kaisa-isang tao, si Jesu-Kristo.” (Roma 5:12, 17, NE) Ganito rin ang diwa na binanggit niya sa isa sa kaniyang mga liham, na kung saan tinukoy niya si Jesus na “ang huling Adan,” sa ganito’y ipinakikita na tanging si Jesus lamang ang makatutubos sa iniwala ni Adan. Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli sa buhay espiritu sa langit, si Jesus ay makapagiging “isang nagbibigay-buhay na espiritu” alang-alang sa lahat ng mga iniligtas. (1 Corinto 15:45) Ngayon, kung si Adan ay isang simbolo lamang ng sangkatauhan, o isang “collective being,” gaya ng pagkasabi sa Pranses na Traduction Œcuménique de la Bible (Ecumenical Translation of the Bible), sa ano isasalig ni apostol Pablo ang kaniyang sinabi riyan?
Gayunman, ang pinakamahalagang patotoo tungkol sa ulat ng Genesis hinggil kay Adan at kay Eva ay yaong nanggaling kay Kristo mismo, na kaniyang binanggit ito nang tanungin ng mga pinunong relihiyoso noong kaniyang kaarawan. Sinabi niya: “‘Hindi baga ninyo nabasa [sa Genesis] na ang Maylikha ang sa pasimula ay gumawa sa kanila na lalaki at babae?’; at sinabi pa, ‘Kaya naman iiwan ng isang lalaki ang kaniyang ama at ina, at siya’y makakaisa ng kaniyang asawa; at ang dalawa ay magiging iisang laman. . . . Ang pinagsama ng Diyos, huwag paghiwalayin ng tao.’” (Mateo 19:4-6, NE) Maiisip kaya natin na ang kaniyang turo tungkol sa kabanalan ng pag-aasawa ay isasalig ni Jesus sa isang bagay na guniguni o alamat lamang?
Karunungan ng Sanlibutan o Karunungan ng Diyos?
Ang Pranses na paring Jesuita na si Teilhard de Chardin ang nagpapangyari ng isa sa pinakamalalaking pagbabago sa kaisipang Katoliko. Kaniyang itinuring na ang ebolusyon ay isang baitang-baitang na pag-akyat sa buhay espiritu. Ayon sa kaniyang teoriya, unti-unting nagkaanyo ang buhay, dumaan sa mga yugto ng pagkahayop at pagkatao, at sa wakas ay nagkaisa sa isang pinagsasalubungang wakas—si Kristo. Bagama’t sa simula’y tinanggihan ito ng simbahan, sa wakas ay sinang-ayunan ang teoriyang iyan ng maraming pinunong Katoliko. Subalit, maliwanag na ito’y laban sa ebidensiya na ibinibigay ng Kasulatan at isang pag-upasala sa Diyos, sapagkat itinatatuwa ang pantubos para sa mga tao upang makamit uli ang sakdal na buhay tao.
Ang huwad na teoriyang ito ay naghatid ng maraming masasamang bunga para sa simbahan. Gaya ng ipinaliwanag sa aklat na L’épopée des adamites (The Epic of the Adamites) ni Jean Rondot: “Lahat ng sedisyon o paghihimagsik sa Iglesya, sa gitna ng klero at lego, ay literal na nagdagsaan dahilan sa butas na nilikha ni Teilhard. Ngayon na nabigyang-daan ang kalayaan sa interpretasyon ng Kasulatan (kahit na binabago niyaon ang diwa ng teksto), bakit hindi samantalahin ito at magtayo ng isang bagong relihiyon ayon sa kani-kaniyang gusto?”
Ang ibinunga ng ganito ay lalung-lalo nang makikita ngayon. Noong 1980 isang surbey na isinaayos ng isang institusyong Pranses ang nagpakita na 40 porsiyento lamang ng mga Katolikong Pranses ang naniniwala kay Adan at kay Eva at sa orihinal na kasalanan. Pumasok din ang pagdududa sa mga ibang mahalagang bagay, sapagkat 59 porsiyento lamang ng mga Katoliko sa Pransiya ang ngayo’y naniniwala sa pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo na mahalagang aral Kristiyano.
Sa hindi pagsunod sa turo ng Kasulatan, ang iba’t ibang relihiyon na sa teoriya ng ebolusyon sumusunod ay nagsisiwalat na ang hinahangad nila higit sa lahat ay yaong mga pilosopya na popular at uso. Si Pablo ay nagbabala sa mga sinaunang Kristiyano laban sa ganiyang kaisipan. Ipinaalaala niya sa mga taga-Corinto na ang Kristiyanismo ay walang halo na mga ideya o pilosopya na uso noong kaniyang kaarawan. Siya’y sumulat: “Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang escriba? Nasaan ang debatista ng sistemang ito ng mga bagay? Hindi baga ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan? . . . Sapagkat kapuwa ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda at ang mga Griego ay humahanap ng karunungan; ngunit ipinangangaral namin si Kristong ibinayubay sa tulos, . . . ngunit sa mga bansa ay kamangmangan.”—1 Corinto 1:20-23.
Gayundin ngayon, ang “karunungan ng sanlibutan” ay hindi makakaakay sa tao sa kaalaman sa Diyos ni sa pagtatamo ng Kaniyang pagsang-ayon. (Ihambing ang Juan 17:3.) Ang kaligtasan na nagbubunga ng buhay na walang hanggan ay para sa lahat ng mga lubusang tumatanggap sa hain ni Kristo, ang pantubos na kaniyang ibinayad upang mapabalik ang sakdal na buhay na iniwala ni Adan. Sa pamamagitan lamang ng haing ito makalalapit ang mga tao sa Diyos at mapatatawad ang kanilang mga kasalanan. Kumbinsido tungkol dito si apostol Pedro nang kaniyang ipahayag sa harap ng mga pinunong relihiyoso na nagkakatipon sa Jerusalem: “Sa kanino mang iba [maliban kay Jesus] ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na sukat nating ikaligtas.”—Gawa 4:12.
Daan-daan libong mga tao ang nananalig sa gayong “nagbibigay-buhay na espiritu.” Sila’y sabik na naghihintay sa malapit na hinaharap pagka ang Paraiso ay naisauli na sa lupa at kanilang malalasap ang katuparan ng pag-asang iniwala ni Adan, ang pananatiling buháy magpakailanman sa lupa. Kung wala ka pa ng mahalagang kaalamang ito sa Bibliya, makakamit mo ito sa pamamagitan ng pakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, libre, at pagdalo sa kanilang mga pulong Kristiyano. Sa gayo’y malalaman mo kung ano ang kahilingan upang maging isa sa mga alagad ni Jesus. Sa pamamagitan niya, “ang huling Adan,” maaari kang magtamo ng kagila-gilalas na mga pagpapala buhat sa Diyos.—1 Corinto 15:45; Apocalipsis 21:3, 4.
[Larawan sa pahina 6]
Si Jesus ang katumbas ng sakdal na taong si Adan