Ang mga Tunay na Kristiyano ay mga Mangangaral ng Kaharian
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—MATEO 24:14.
1, 2. (a) Bakit ang balita ng Kaharian ay kailangan ngayon na maipahayag sa buong daigdig? (b) Anong mga tanong ang maaaring maitanong ng bawat saksi ni Jehova?
NAGHAHAYAG NG KAHARIAN NI JEHOVA. Sa loob ng maraming taon, iyan ang pangunahing layunin ng magasing Ang Bantayan. Sa katunayan, bahagi iyan ng titulo nito. At kailangan nga na ang balita ng Kaharian ay maipahayag ngayon sa buong daigdig. Bakit? Dahil sa sinabi ni Jesu-Kristo pagkatapos na banggitin ang iba pang mga bahagi na bumubuo ng “tanda” ng kaniyang di-nakikitang “pagkanarito” at ng katapusan ng sistemang ito. Sinabi ni Jesus: “Ang Mabuting Balitang ito ng kaharian ay ihahayag sa buong sanlibutan bilang patotoo sa lahat ng bansa. At kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:3, 14, The Jerusalem Bible.
2 Sa ngayon, tunay na malapit na “ang wakas.” Kung gayon, bawat nag-alay na saksi ni Jehova ay maaaring ganito ang tanong: Ano ba ang palagay ko tungkol sa pangangaral ng Kaharian? Ako ba ay palagiang nakikibahagi rito? At ang akin bang ministeryo ay isinasagawa ko nang may kasanayan at sigasig?
Ang Pagkasugo na Mangaral
3. Tungkol sa mga tagasunod ni Jesus ano ang ipinakikita ng sinabi na nasusulat sa Mateo 5:14-16?
3 Walang tunay na Kristiyano ang may karapatan na tumanggi sa gawain na pangangaral ng “mabuting balita” sa iba. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod ay hindi maitatago kung natatayo sa ibabaw ng isang bundok. Sinisindihan ng mga tao ang ilawan at inilalagay iyon, hindi sa ilalim ng isang takalang basket, kundi sa talagang lalagyan ng ilawan, at nagbibigay liwanag iyon sa lahat ng nangasa bahay. Gayundin pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:14-16) Ipinakikita niyan na ang mga alagad ni Jesus ay mga tagapangaral ng Kaharian.
4. Ano ang sinabi tungkol sa pangunahing tagapangaral ng Kaharian?
4 Tungkol sa pangunahing tagapangaral ng Kaharian, ganito ang sinasabi: “Samantalang ang ating Panginoon ay nangangaral ng kaharian Kaniyang . . . inihanda at inorganisa ang Ministeryo niyaon . . . Kaniyang pinasimulan ang makahulang ministeryo . . . at inatasan niya kapuwa ang Labindalawa at ang Pitumpo na makibahagi rito. Samantalang Siya’y nangangaral ng darating na kaharian at gumagawa ng ‘mga tanda,’ Kaniyang sinugo sila sa Kaniyang unahan taglay ang nakakatulad na balita at nakakatulad na kapangyarihan. Sa pamamagitan ng isang kahanga-hangang kurso sa mahusay na pagtuturo, . . . Kaniyang sinanay sila para sa lalong malaking pananagutan na ibibigay sa kanila pagkatapos.”—A Church History, ni Milo Mahan.
5. Tungkol sa pangangaral ng Kaharian, ano ang ginawa ni Jesus?
5 Napakainam ng ginawang pagtuturo ni Jesus sa kaniyang mga apostol at sa 70 alagad na kaniyang sinugo. (Lucas 6:12-16; 10:1-22) Gayundin, ang mismong Uliran natin ay “naparoon sa bayan-bayan at sa mga nayon, na nangangaral at naghahayag ng mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” Kasama niya ang mga apostol at ilang mga babae “na ipinaglilingkod sa kanila ang kanilang mga ari-arian.” (Lucas 8:1-3) Oo, si Jesus ay isang masigasig na tagapangaral ng mabuting balita at gumawa siya ng mga hakbang upang maitatag ang isang organisasyon sa pangangaral ng Kaharian.
6. Bago umakyat sa langit, anong pagkasugo ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?
6 Pagkaraan ng tatlo-at-kalahating-taon na ministeryo, tinapos ni Jesus ang kaniyang makalupang takbuhin. Subalit bago siya umakyat sa langit, sinugo niya ang kaniyang mga tagasunod nang ganito: “Humayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo. At narito! ako’y sumasa-inyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Oo, sila’y magiging mga tagapangaral ng Kaharian.
7. Bagaman ang mga alagad ni Jesus sa pasimula ay kulang ng tumpak na kaalaman tungkol sa Kaharian, bakit sila magtatagumpay ng pagiging kaniyang mga saksi?
7 Nang si Jesus ay lilisan na lamang sa lupa, ang tanong ng kaniyang mga alagad: “Panginoon, isasauli mo ba ang kaharian ng Israel sa panahong ito?” Bilang tugon, sinabi niya sa kanila: “Hindi para sa inyo ang makaalam ng mga panahon o mga bahagi ng panahon na itinakda ng Ama para sa kaniyang sariling kapamahalaan.” Bagaman ang mga alagad ay kulang ng tumpak na kaalaman tungkol sa Kaharian, sila’y inatasan ni Jesus na maging mga tagapangaral niyaon, sapagkat sila’y tutulungan na maisagawa ang kanilang pagkasugo. “Ngunit kayo’y tatanggap ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu,” ang sabi pa ni Jesus, “at kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:6-8) Sa patnubay ng banal na espiritu, sa kalaunan ay makikilala ng mga tagasunod ni Jesus na ang Kaharian ay isang makalangit na gobyerno. (Juan 16:12, 13) At pagdating ng panahon ang mga katotohanan tungkol sa Kahariang iyan ay ibabalita “hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.”
8. Gaano katagumpay ang gawaing pangangaral noong unang siglo?
8 Ang mga saksing iyon ay gumawa ng kanilang gawain sa napakahusay na paraan. Mangyari pa, si Jehova ay sumasa-kanila, at sila’y tinatangkilik ng niluwalhating si Jesu-Kristo. (Gawa 8:1-8; 11:19-21) Hindi nga ipagtataka na sing-aga ng 60 hanggang 61 C.E. nasabi ni apostol Pablo na ang “mabuting balita” ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang sa silong ng langit’!—Colosas 1:23.
9. Gaya ng binanggit dito, ano ang pangunahing gawain ng kongregasyong Kristiyano?
9 Tungkol sa gawain na pagpapatotoo, ganito ang pagkasulat: “Ang paghahayag ng ebanghelyo ay . . . hindi isang aktibidad sa gitna ng marami na kung saan ang Iglesya ng B[agong] T[ipan] ay nakikilahok, kundi ito ang kaniyang pangunahin, ang kaniyang mahalagang aktibidad. . . . Pansining mabuti, hindi sinabi ni Jesus [sa Gawa 1:8], Kayo’y magpapatotoo sa akin, o, Kayo’y magbibigay-patotoo sa akin, kundi, Kayo’y magiging mga saksi ko. Ang paggamit ng pandiwang ‘magiging’ dito ay may kahulugan na dapat unawain na taglay ang lubos at literal na kahulugan. Ang pananalita [sa Griego] ay hindi nagsasabi lamang kung ano ang gagawin ng Iglesya, kundi kung magiging ano ang Iglesya. . . . Ang Iglesya ni Jesu-Kristo ay . . . isang kalipunan ng mga saksi na nagpapatotoo.” (Pentecost and the Missionary Witness of the Church, ni Harry R. Boer, mga pahina 110-14) Oo, ang pagpapatotoo ang pangunahing gawain ng tunay na kongregasyong Kristiyano.
Kalooban Iyon ng Diyos
10, 11. (a) Bilang saligan, paano organisado ang mga tagapangaral ng Kaharian noong unang siglo? (b) Ano ang nangyari nang bumangon ang mga bagong kalagayan?
10 Ang mga tagapangaral ng Kaharian noong unang-siglo ay tumanggap ng patnubay buhat sa isang lupong tagapamahala. Naglalakbay na mga matatanda ang naglingkod sa loob ng organisasyon, at ang mga tungkulin sa kongregasyon ay isinabalikat ng mga tagapangasiwa at ministeryal na mga lingkod. (Gawa 15:1, 2, 22-36; Filipos 1:1) Subalit ano ang nangyari nang may bumangon na mga bagong kalagayan?
11 Bueno, isaalang-alang ang naganap hindi pa nagtatagal pagkatapos ng Pentecostes ng 33 C.E. Mga Judiong nagsasalita ng Griego ang nagsimulang nagreklamo laban sa mga Judiong nagsasalita ng Hebreo “dahil sa ang kanilang mga balong babae ay kinaliligtaan sa pang-araw-araw na pamamahagi.” Upang lutasin ang problema, ang mga apostol ay humirang ng “pitong sertipikadong mga lalaki” upang mag-asikaso sa pamamahaging ito ng pagkain. (Gawa 6:1-8) Tungkol dito ay mababasa natin: “Sa simula, ang inaasikaso lamang ay ang araw-araw na pamamahagi ng pagkain sa paraan na walang paboritismo, ayon sa sinabi sa atin, kung kaya hinirang ang ‘pito,’ ngunit, mangyari pa, ang mga ibang tungkulin ay idaragdag habang lumilitaw ang mga pangangailangan, sapagkat bagaman ang mga simulain ng bagong pananampalataya ay di-nababago, ang organisasyon at sistema ng pamamalakad, na kailangang mapatatag at mapalawak sa pinakamabisang paraan, ay inilaan sa karunungan at praktikal na karanasan ng hahaliling mga salinlahi . . . Ang pagbabagay at pagbabago ng mga detalye . . . ay kailangan sa anumang dakilang organisasyon.”—Hours With the Bible, New Testament Series, tomo II, ni Cunningham Geikie.
12. (a) Ano ang nakatulong sa pag-unlad ng sinaunang Kristiyanismo? (b) Saan at paanong ang mga tagasunod ni Jesus ay tinawag na mga Kristiyano?
12 Ang panalangin na kalakip ng pagtitiwala sa Diyos, lakip na ang “karunungan at praktikal na karanasan” ng lupong tagapamahala, ay may bahagi at nakatulong sa pag-unlad ng sinaunang Kristiyanismo. At tunay nga na ang mga bagay-bagay noon ay nagaganap ayon sa kalooban ng Diyos. Halimbawa, ang mga unang tagasunod ni Jesus ay sinasabing bahagi ng “Daan.” (Gawa 9:1, 2) Subalit marahil sing-aga ng 44 C.E. sa Antioquia, Siria, “niloob ng Diyos na ang mga alagad ay pasimulang tawagin na mga Kristiyano.” (Gawa 11:26) Ito’y isang bigay-Diyos na pangalan na agad nilang tinanggap.—1 Pedro 4:16.a
13. Kung paanong ang mga Saksi ni Jehova ay gumagamit ngayon ng modernong mga paraan ng paglalathala, ano naman ang ginamit ng mga sinaunang Kristiyano sa kanilang pangangaral ng Kaharian?
13 Sa gitna ng mga sinaunang Kristiyanong iyon, ang mga iba pang pangyayari ay pawang kalooban din ng Diyos. Halimbawa, kung paanong ngayon ay gumagamit ang mga Saksi ni Jehova ng modernong mga pamamaraan ng paglalathala, gayundin na ang mga sinaunang Kristiyano ang kauna-unahang gumamit ng codex—isang tunay na pagpapala nga sa kanilang masigasig na gawaing pangangaral ng Kaharian. Tungkol sa bagay na ito, si C. C. McCown ay sumulat: “Ang mga aklat relihiyoso ng mga Kristiyano, kapuwa ang Matandang Tipan at ang bagong mga kasulatan . . . ay hindi para sa libangang pagbabasa ng mga nakaririwasa sa buhay. Ibig ng mga manggagawang anak-pawis na mapakinabangan nila nang husto ang isang aklat. Sila at ang masusugid na mga misyonerong Kristiyano ay nagnanais na buong bilis na makatukoy sa ganoo’t-ganitong teksto na patotoo, nang hindi kailangang magkadkad pa ng balu-balumbon ng papiro.”—The Biblical Archaeologist Reader, pahina 261.
14. Ang mga apostol ni Jesus ay sabik na mangaral sa ilalim ng anong mga kalagayan?
14 Ang ‘buong bilis na pagtukoy sa ganoo’t-ganitong teksto na patotoo’ ay napakahalaga dahilan sa mga paraan sa pangangaral ng Kaharian na ginagamit noon ng mga sinaunang Kristiyano. Mangyari pa, kung minsan sila’y gumagamit ng impormal na pagpapatotoo sa mga tao, gaya ng malimit din na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Tungkol dito ay ganito ang pagkasabi: “Ang isang bagay na kakatuwa sa pangangaral ng mga apostol ay yaong insidental o impormal na katangiang yaon. Ang apostol ay hindi naghihintay ng isang dakilang pagkakataon. Ang kaniyang natatanging okasyon ay, tulad ng kay Pablo nang iharap kay Felix, pagka siya’y isang bilanggo na dinala sa harap ng isang namamahalang pinuno at magpatotoo tungkol sa kaniyang sarili at sagutin ang paratang na siya’y lumalabag sa mga batas. Siya’y may lahat ng pagkakataon, at ito’y samantalang siya’y nasa bilangguan, nasa tabi ng daan, at nasa tahanan ng mga nagpapatuloy sa kaniya at kung saan maaari siyang magpalipas ng magdamag. . . . Kaniyang inaakala na ang kaniyang balita ay lalong higit na para sa isahang mga tao, bagama’t siya’y handa na dalhin iyon sa karamihan. Maaari niyang harapin ang anumang uri ng mga tagapakinig. Hindi niya nakakalimutan ang halimbawa ni Kristo, . . . [na] ang stoa [pinaka-pulpito] ay ang maalikabok na kalye, o ang siksikang lansangan, o ang mabatong dalampasigan ng Judiong Galilea . . . [Ang mga apostol] ay hindi nakalilimot na kaniyang binigyan sila ng may pasimula pa lamang ng kanilang pagsasama ng mga pantanging tagubilin tungkol sa pinakamahuhusay na paraan ng pangangaral ng kaniyang mga turo, at ang mga unang araling ito ay pinagtibay pa niya sa pamamagitan ng mga iba pa, at, sa mga sandaling bago siya umakyat sa langit, binanggit niya na ang sanlibutan ang kanilang larangan at ang bawat nilalang ang kanilang tagapakinig.”—History of the Christian Church, ni John F. Hurst, tomo I, pahina 96.
“Sa Bahay-Bahay”
15. Paanong isinagawa ng mga apostol ang pangangaral noong mga araw pagkatapos ng Pentecostes ng 33 C.E.?
15 Pagkatapos ng Pentecostes ng 33 C.E. noong mga araw na kasunod nito, ang mga alagad ni Jesus ay gumagamit na ng isang napakahusay na paraan ng pangangaral ng “mabuting balita.” Pagkatapos na ang pinag-usig na mga apostol ay malagay sa kahihiyan dahilan sa pangalan ni Jesu-Kristo, ano ang kanilang ginawa? Aba, “araw-araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang lubay ng pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus”! (Gawa 5:41, 42) Oo, ang mga apostol ay nagpatotoo sa bahay-bahay.
16. Sa anong uri ng pangangaral sinanay ni Pablo ang matatanda sa Efeso?
16 Nang maglaon, ipinagunita ni apostol Pablo sa hinirang na matatanda sa Efeso: “Hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng anumang bagay na mapapakinabangan o ang pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay. Kundi ako’y lubusan na nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa harap ng Diyos at sa pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” (Gawa 20:20, 21) Hindi ibig sabihin ni Pablo na siya’y nagtuturo sa hinirang na matatanda sa kanilang mga tahanan. Bagkus, siya’y nagpapatotoo sa di-sumasampalatayang mga Judio at Griego tungkol sa pagsisisi sa harap ng Diyos na Jehova at sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. Tiyak, tinuruan din ni Pablo ang mga matatandang ito kung paano magpapatotoo sa bahay-bahay.
17. Ano ang sabi ng iba’t ibang iskolar tungkol sa bahay-bahay na ministeryo ni Pablo sa Efeso?
17 Tungkol sa ministeryo ng apostol sa Efeso, ganito ang sabi: “Ang karaniwang kinaugalian ni Pablo ay ang magtrabaho sa kaniyang hanapbuhay buhat sa pagsikat ng araw hanggang alas 11 n.u. (Gawa 20:34-35) at sa oras na ito ay natapos na ni Tirano ang kaniyang pagtuturo; pagkatapos mula sa alas 11 n.u. hanggang alas 4 n.h. ay nangangaral sa bulwagan, nakikipagpanayam sa mga katulong at nakikipag-usap nang sarilinan sa mga kandidato, nagpaplano ng mga ekstensiyon sa interyor; at pagkatapos kahuli-hulihan ay bahay-bahay na dinadala ang ebanghelyo at ito’y tumatagal buhat sa alas 4 n.h. hanggang sa kalaliman ng gabi (Gawa 20:20-21, 31).” (A. E. Bailey) Ang sabi naman ng mga ibang iskolar: “Siya’y hindi kontento sa basta pagpapahayag sa pangmadlang asamblea, at kinaligtaan na niya ang mga iba pang pamamaraan, kundi masigasig na isinagawa niya ang kaniyang dakilang gawain sa pribado, sa bahay-bahay, at literal na dinala niya sa tahanan ang katotohanan ng langit sa bahay-bahay at sa mga puso ng mga taga-Efeso.” (A. A. Livermore) “Sa madla at sa bahay-bahay, sa lunsod at sa buong lalawigan, kaniyang ipinangaral ang ebanghelyo.” (E. M. Blaiklock) “Kapuna-puna na ang pinakadakilang mangangaral na ito ay nangaral sa bahay-bahay at ang kaniyang mga pagdalaw ay hindi niya ginawang basta mga sosyal na pagdalaw lamang.”—A. T. Robertson.
18. (a) Bakit mo masasabing mayroong matatag na saligan sa Kasulatan ang ministeryo sa pagbabahay-bahay ng mga Saksi ni Jehova? (b) Tulad ni Jesus at ng kaniyang mga unang alagad, saan at paano ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang balita ng Kaharian?
18 Ang bahay-bahay na pagpapatotoo ang ginawa ng mga apostol ni Jesus noong 33 C.E. Ito’y bahagi ng ministeryo ni Pablo sa Efeso at tiyak na saanman. Samakatuwid ay mayroong matatag na saligan sa Kasulatan ang bahay-bahay na ministeryo ng mga Saksi ni Jehova. At ito’y totoo rin tungkol sa iba’t iba pang mga paraan na kanilang ginagamit upang maipangaral ang balita ng Kaharian. Kapuna-puna, ganito ang sabi ng McClintock and Strong’s Cyclopedia: “Ang ating Panginoon at ang kaniyang mga apostol ay nakasumpong ng mga dako na mapangangaralan saanman nagkakatipon ang mga tao. Ang tabi ng bundok, ang mga tabing-dagat at mga tabing-ilog, ang kalye, ang pribadong mga tahanan, ang portiko ng Templo, ang sinagogang Judio, at marami pang ibang mga lugar na maaaring gamitin sa pangangaral ng Ebanghelyo.” (Tomo VIII, pahina 483) Tulad ni Jesus at ng kaniyang mga unang alagad, ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral ng balita ng Kaharian sa “kalye, pribadong mga tahanan, . . . at mga iba pang lugar.” Halimbawa, sila’y namamahagi sa mga kalye ng mga magasin (Ang Bantayan at Gumising!) at sila’y kilalang-kilala sa kanilang bahay-bahay na pagpapatotoo.
19. Paano ginagawa ang mga pasiya tungkol sa mga paraan ng pangangaral na ginagamit ngayon ng mga Saksi ni Jehova?
19 Ang iba’t ibang bahagi ng ministeryo na ngayo’y ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ay matatag nang ginagamit noon pa mang unang siglo, at, bukod dito, angkop naman para sa kasalukuyang Lupong Tagapamahala ng pinahirang mga Kristiyano na magpasiya kung anong mga paraan ng pangangaral ang angkop na gamitin sa panahong ito. Ang gayong mga pasiya ay maaaring nakasalig sa “karunungan at praktikal na karanasan” ng mga lalaking ito. Subalit, ang malaking bahagi ng kanilang gawain ay ang gumawa ng mga pasiya gaya ng lupong tagapamahalang Kristiyano noong unang siglo. Sa pamamagitan ng panalangin ay hinihiling sa Diyos ang kaniyang patnubay at pag-akay sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, at mga batayan sa Kasulatan ang sinusunod pagka nagpapasiya kung anong mga paraan sa pangangaral ang pinakaangkop na gamitin sa “mga huling araw” na ito.—2 Timoteo 3:1; Gawa 15:23, 28.
20. (a) Bakit matitiyak natin na may pagsang-ayon ang Diyos sa mga paraan ng pangangaral na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova? (b) Ano ang dapat na maging saloobin ng lahat na mga lingkod ni Jehova kung tungkol sa pangangaral ng Kaharian?
20 Maliwanag nga na ang mga paraan sa pangangaral na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ay naaayon sa banal na kalooban, sapagkat ang mga pagsisikap na ito ay pinagpala ng Diyos at umaani ng saganang tagumpay. (Kawikaan 10:22) Pagkarami-raming mga tao ang sumasama sa tunay na pagsamba at kasa-kasama na ng nalabi ng pinahirang mga tagasunod ni Kristo at bahagi ng tanging organisasyon na nagpaparangal sa banal na pangalan ni Jehova at buong tapang na nangangaral ng mabuting balita ng natatag na makalangit na Kaharian. Harinawang lahat ng mga lingkod ni Jehova ay magpatuloy sa masigasig na paggawa ng mga alagad habang ang sistemang ito ay palapit sa wakas nito. Ito’y kailangang gawin natin nang buong katapatan, sapagkat ang mga tunay na Kristiyano ay tiyak na mga mangangaral ng Kaharian.
[Talababa]
a Tingnan ang pahina 316 ng Aid to Bible Understanding, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Ano ang Pagkaunawa Mo?
◻ Bakit ang balita ng Kaharian ay dapat ipangaral ngayon sa buong lupa?
◻ Ano ang pangunahing gawain ng lahat ng mga tunay na Kristiyano?
◻ Bakit masasabi na sa mga lingkod ni Jehova ang mga bagay na nangyayari ay ayon sa kalooban ng Diyos?
◻ Ang bahay-bahay na pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay may anong matatag na batayan?