Isang “Kasuklam-suklam na Bagay” ay Bigo sa Kapayapaan
“Kapag nakita ninyong nakukubkob ng nagkampong mga hukbo ang Jerusalem . . . kung gayon ang mga nasa Judea ay magsimulang tumakas tungo sa mga bundok.”—LUCAS 21:20, 21.
1, 2. (a) Bakit ang tao ay hindi kailanman makapagtatatag ng kapayapaan sa pamamagitan ng mga organisasyon na tulad ng Nagkakaisang mga Bansa? (b) Paano paiiralin ng Diyos ang kapayapaan sa lupa?
GAANUMAN ang pagsisikap ng mga tao na magtatag ng kapayapaan at katiwasayan sa pamamagitan ng mga organisasyon na gaya ng United Nations o Nagkakaisang mga Bansa, sila ay hindi magtatagumpay kailanman. Bakit? Sapagkat ang sangkatauhan sa ngayon ay walang pakikipagpayapaan sa Diyos, at ang walang hanggang katiwasayan ay maaaring walang ibang saligan kundi ang pakikipagpayapaan ng tao sa kaniyang Maylikha. (Awit 46:1-9; 127:1; Isaias 11:9; 57:21) Paano nga malulutas ang problemang ito? Nakatutuwang sabihin, na si Jehova mismo ang nakikialam na sa bagay na iyan. Ang kapayapaan at katiwasayan ay iiral din sa lupang ito sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ng kaniyang Anak, si Jesus, na sa pagsisilang sa kaniya ay umawit ang mga anghel: “Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa gitna ng mga taong may mabubuting loob.”—Lucas 2:14; Awit 72:7.
2 Noong unang siglo, ibinalita ni Jesus ang Kaharian ng Diyos at siya’y nag-alok sa mga taong mapayapa ng pagkakataon na maging mga anak ng Diyos at maging kasama niyang mga tagapamahala sa Kaharian niya. (Mateo 4:23; 5:9; Lucas 12:32) Ang mga pangyayari na sumunod pagkatapos ay hawig na hawig sa ating sariling kapanahunang ito. Ang pagsusuri sa mga ito ay magtuturo sa atin nang malaki tungkol sa hinaharap sa ikikilos ng organisasyong iyan ng tao sa “kapayapaan at katiwasayan,” ang Nagkakaisang mga Bansa.
Ang mga Judio ay Gumawa ng Pagpili
3. Sino ang nagsisikap noon na pairalin ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan noong kaarawan ni Jesus, at bakit ito hindi nga kailanman lubusang magtatagumpay?
3 Noong kaarawan ni Jesus, ang Imperyo Romano ang nakasasakop sa malaking bahagi ng mundo at mayroon ito ng sariling mga ideya tungkol sa kapayapaan at katiwasayan. Sa pamamagitan ng kaniyang mga hukbo ay sapilitang napaiiral nito ang Pax Romana (Kapayapaang Romano) sa kalakhang bahagi ng kilalang sanlibutan noon. Subalit ang Pax Romana ay hindi kailanman naging isang nananatiling kapayapaan, sapagkat hindi nagawa ng paganong Roma at ng kaniyang mga hukbo na magkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng tao at ng Diyos. Sa gayon, ang Kaharian na ibinalita noon ni Jesus ay makapupong nakahihigit.
4. Paano kumilos ang karamihan ng mga Judio sa pangangaral ni Jesus? Gayunman, ano ang patuloy na nabuo noong unang siglo?
4 Gayumpaman, ang karamihan ng mga kababayan ni Jesus ay tumanggi sa Kaharian ng Diyos. (Juan 1:11; 7:47, 48; 9:22) Ang kanilang mga pinuno, palibhasa’y inaakala nilang si Jesus ay isang panganib sa katiwasayan ng bansa, ang gumawa ng hakbang upang siya’y maipapatay, at kanilang iginiit: “Wala kaming hari kundi si Caesar.” (Juan 11:48; 19:14, 15) Subalit, may mga Judio at nang malaunan maraming mga Gentil, ang may kagalakang tumanggap kay Jesus bilang piniling Hari ng Diyos. (Colosas 1:13-20) Kanilang ipinangaral siya sa maraming lupain, at ang Jerusalem ay naging sentro ng isang nabuong pandaigdig na samahan ng mga Kristiyano.—Gawa 15:2; 1 Pedro 5:9.
5, 6. (a) Paano nagkaroon ng ugnayan ang mga Judio at ang Roma? (b) Anong babala ang ibinigay ni Jesus, at paano ito nagligtas sa buhay ng mga Kristiyano noong 70 C.E.?
5 Bagaman pinili ng mga Judio si Caesar at itinakwil si Kristo, ang ugnayan sa pagitan ng Jerusalem at Roma ay hindi nagtagal at sumamâ rin. Ang mga Zealot na Judio ay nagsagawa ng mga kampanyang gerilya laban sa imperyo hanggang sa wakas, noong 66 C.E., sumiklab ang mismong digmaan. Sinikap ng mga tropang Romano na maisauli ang Pax Romana, at hindi nalaunan ang Jerusalem ay kinubkob. Para sa mga Kristiyano ito ay may kahulugan. Maraming taon bago pa noon, si Jesus ay nagbabala na: “Kapag nakita ninyo nakukubkob ng nagkampamentong hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo’y talastasin ninyo na malapit na ang kaniyang pagkagiba. Kung magkagayon ang mga nasa Judea ay magsimulang tumakas tungo sa mga bundok, at ang mga nasa loob ng bayan ay lumabas.” (Lucas 21:20, 21) Ang Jerusalem ay nakukubkob o napalilibutan na ngayon, at ang mga Kristiyano ay naghintay ng pagkakataon na makatakas.
6 Biglaan ang pagdating nito. Hinukay ng mga Romano ang ilalim ng pader ng templo, at maraming mga Judio ang susuko na sana noon nang, sa di inaasahan, ang komandanteng Romano, si Cestius Gallus at ang kaniyang mga kawal, ay nagsiurong at lumisan. Sinamantala ng mga Zealot ang pagkakataong iyon upang muling pagtibayin ang kanilang mga tanggulan, subalit ang mga Kristiyano ay tuluyan nang nagsialis sa nanganganib na lunsod na iyon. Noong 70 C.E., ang mga hukbong Romano ay nagsibalik, sila’y nagkampamento sa palibot ng mga pader ng Jerusalem, at sa pagkakataong ito ay pinuksa ang lunsod. Paano ba tayo naaapektuhan ng kasakunaang ito sa kasaysayan? Ganito: Ang babala ni Jesus na nagligtas sa buhay ng kaniyang mga tagasunod ay mayroon ding kahulugan para sa atin ngayon.
Mayroong Isa Pang Katuparan
7-9. (a) Paano natin nalalaman na ang hula ni Jesus tungkol sa pagkubkob sa Jerusalem ng mga hukbo ay may higit pa sa isang katuparan? (b) Paano ang pagbabasa sa aklat ng Daniel na taglay ang pag-unawa ay sumusuporta rito?
7 Ang babalang ito ay bahagi ng isang mahabang hula na sinalita ni Jesus bilang tugon sa isang mahalagang tanong. Ang kaniyang mga tagasunod ay nagtanong: “Kailan mangyayari [ang pagkawasak ng templong Judio], at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Bilang sagot, si Jesus ay nagbigay ng tanda na binubuo ng maraming bahagi, kasali na ang pagkubkob sa Jerusalem. (Mateo 24; Marcos 13; Lucas 21) Sa sumunod na mga taon pagkamatay ni Jesus, marami sa mga bahagi ng hulang ito ay natupad, at umabot sa sukdulan nang mapuksa ang Jerusalem at ang Judiong sistema ng mga bagay noong 70 C.E.—Mateo 24:7, 14; Gawa 11:28; Colosas 1:23.
8 Datapuwat, nagtanong din ang mga alagad tungkol sa “pagkanaririto” ni Jesus, at ito’y iniugnay ng Bibliya sa katapusan ng isang buong sanlibutang sistema ng mga bagay. (Daniel 2:44; Mateo 24:3, 21) Yamang ang espirituwal na pagkanaririto ni Jesus at ang katapusan ng pambuong sanlibutang sistema ng mga bagay ay hindi nangyari noong unang siglo, maaasahan natin ang isang panghinaharap at lalong malaking katuparan ng hula ni Jesus, at ang mga pangyayaring iyon noong unang siglo ang nagsisilbing isang anino para sa lalong malaking katuparan. Makakasali rito ang isang lalong malaking katuparan ng babala ni Jesus tungkol sa pagkapuksa ng Jerusalem.
9 Ito’y lalong nagliliwanag kung ating susuriin ang paraan ng pagkasulat ng babalang ito sa dalawang iba pang mga aklat ng Bibliya na kinaroroonan nito. Sa Mateo ang kumukubkob na mga hukbo ay tinutukoy na ang “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan, ayon sa sinalita sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa dakong banal.” (Mateo 24:15) Sa ulat ni Marcos ang “kasuklam-suklam na bagay” ay nakatayo “kung saan di nararapat tumayo ito.” (Marcos 13:14) Sinasabi ng ulat ni Mateo na ang “kasuklam-suklam na bagay” ay binanggit din sa aklat ni Daniel. Sa katunayan, ang pananalitang “kasuklam-suklam na bagay” ay lumilitaw nang tatlong beses sa aklat na iyan: minsan (sa pangmaramihan) sa Daniel 9:27 na kung saan bahagi ito ng isang hula na natupad nang ang Jerusalem ay mapuksa noong 70 C.E., at pagkatapos, sa Daniel 11:31 at Daniel 12:11. Sang-ayon sa dalawang nahuhuling tekstong ito, isang “kasuklam-suklam na bagay” ang ilalagay sa dakong banal sa “panahong takda,” o “panahon ng kawakasan.” (Daniel 11:29; 12:9) Tayo’y nabubuhay sa “panahon ng kawakasan” sapol noong 1914; kung gayon, ang babala ni Jesus ay kumakapit din sa ngayon.—Mateo 24:15.
Ang Pinili ng Sangkakristiyanuhan
10, 11. Paanong ang mga pangyayari sa ating siglong ito ay nahahawig sa mga pangyayari noong unang siglo?
10 Sa siglo nating ito, ang mga pangyayari ay sumusunod sa isang kaayusan na nahahawig sa mga pangyayari noong unang siglo. Sa ngayon, katulad din noon, may isang dominanteng imperyo sa daigdig. Ang modernong imperyong ito ay ang Anglo-Amerikanong pandaigdig na kapangyarihan, na puspusang nagsisikap na ipasunod sa sangkatauhan ang kaniyang sariling mga ideya tungkol sa kapayapaan at katiwasayan. Noong unang siglo, ang likas na Israel ay tumanggi kay Jesus bilang pinahirang Hari ng Diyos. Noong 1914 ay nagsimula ang “pagkanaririto” ni Jesus bilang ang iniluklok na Hari ni Jehova. (Awit 2:6; Apocalipsis 11:15-18) Subalit ang mga bansa, kasali na yaong nasa Sangkakristiyanuhan, ay tumanggi sa kaniya. (Awit 2:2, 3, 10, 11) Sa katunayan, sila’y napasangkot sa isang napakasamang digmaang pandaigdig para sa pananakop sa buong daigdig. Ang mga pinunong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan—tulad ng mga pinunong Judio—ang nanguna sa pagtatakwil kay Jesus. Sapol noong 1914 sila’y patuloy na sumasangkot sa pulitika at kanilang sinasalungat ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Marcos 13:9.
11 Gayumpaman, tulad din noong kaarawan ni Jesus, maraming mga tao sa ngayon ang may kagalakang kumikilala sa Hari ni Jehova at kanilang pinalaganap sa buong daigdig ang mabuting balita ng kaniyang Kaharian. (Mateo 24:14) Mahigit na dalawa at kalahating milyong mga Saksi ni Jehova ngayon ang naninindigan sa panig ng Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 7:9, 10) Sila’y walang kinikilingan sa pulitika ng sanlibutang ito, at sila’y may lubos na pananampalataya sa kaayusan ni Jehova ukol sa pagdadala ng kapayapaan at katiwasayan.—Juan 17:15, 16; Efeso 1:10.
“Ang Kasuklam-suklam na Bagay” sa Ngayon
12. Ano ang modernong-panahong “kasuklam-suklam na bagay”?
12 Kung gayon, ano ang modernong “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan”? Noong unang siglo yaon ay ang mga hukbong Romano na ipinadala upang muling pairalin sa Jerusalem ang Pax Romana. Subalit, sa modernong panahon, ang mga bansang nagsilaban sa Digmaang Pandaigdig I ay nawalan na ng tiwala tungkol sa isang lubus-lubusang digmaan na pagkatapos ay magpapairal ng kapayapaan at sila’y sumubok ng isang bagong bagay: isang pandaigdig na organisasyon na mag-iingat ng kapayapaan ng daigdig. Ito’y nagsimulang nagkaroon ng buhay noong 1919 bilang ang Liga ng mga Bansa at umiiral pa rin bilang ang United Nations o Nagkakaisang mga Bansa. Iyan ang modernong “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng kagibaan.”
13, 14. (a) Anong labis-labis na papuri ang ginawa ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa “kasuklam-suklam na bagay”? (b) Bakit ito idolatriya, at saan pinatayo nito “ang kasuklam-suklam na bagay”?
13 Kapuna-puna, ang salitang Hebreo na isinaling “kasuklam-suklam na bagay” sa Daniel ay shiqqutsʹ. Sa Bibliya, ang salitang ito ay ginagamit lalung-lalo na tungkol sa mga idolo at sa idolatriya. (1 Hari 11:5, 7) Isaisip natin ito samantalang binabasa natin ang ilang komento ng mga pinunong relihiyoso tungkol sa Liga:
“Ano ba itong pangitain ng isang pansanlibutang-pederasyon ng sangkatauhan . . . kung hindi ang Kaharian ng Diyos?” “Ang Liga ng mga Bansa ay nag-uugat sa Ebanghelyo.” (Federal Council of the Churches of Christ in America) “Bawat isa sa [Liga ng mga Bansa] ay tumututol at ang mga gawain ay maaaring sabihing katuparan ng kalooban ng Diyos ayon sa pagkahayag nito sa turo ni Jesu-Kristo.” (Mga Obispo ng Iglesya ng Inglatera) “Ang pulong samakatuwid ay humihingi ng pagsuporta at ng pananalangin ng lahat ng mga Kristiyano ukol sa Liga ng mga Bansa bilang ang tanging instrumento para sa pagtatamo ng [kapayapaan sa lupa].” (Pangkalahatang Kapulungan ng mga Baptist, Congregationalist, at Presbiteryano sa Britaniya). “[Ang Liga ng mga Bansa] ang tanging organisadong pagsisikap na isinagawa upang gumanap ng paulit-ulit na hangarin ng Santa Sede.”—Cardinal Bourne, Arsobispo ng Westminster.
14 Pagka ang mga bansa ay hindi lamang tumanggi sa Kaharian ng Diyos kundi nagtatag din naman ng kanilang sariling organisasyon na magdadala ng kapayapaan, iyan ay rebelyon o paghihimagsik. Pagka ang mga pinunong relihiyoso ng Sangkakristiyanuhan ay nagpahayag na ang organisasyong iyan ang siyang Kaharian ng Diyos at siyang Ebanghelyo, at ipinahayag iyan na siyang “tanging instrumento” ukol sa pagkakaroon ng kapayapaan, iyan ay idolatriya. Kanilang inilalagay ito sa lugar ng Kaharian ng Diyos, “sa dakong banal.” Oo, ito ay “tumatayo kung saan di nararapat” na tumayo ito. (Mateo 24:15; Marcos 13:14) At ang mga pinunong relihiyoso ay patuloy na sumusuporta sa kahalili ng Liga, ang Nagkakaisang mga Bansa, imbis na akayin nila ang pansin ng tao sa natatag na Kaharian ng Diyos.
Ang Panganib sa Sangkakristiyanuhan
15, 16. Paanong ang umiiral na ugnayan ng Sangkakristiyanuhan at ng mga bansa ay tumatangkilik sa “kasuklam-suklam na bagay”?
15 Bagama’t pinili ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang Liga ng mga Bansa at ang kahalili nito at itinakwil naman ang Kaharian ng Diyos, ang kanilang kaugnayan sa mga membrong bansa ng mga organisasyong ito ay patuloy na nalalaos. Ito’y nakakatulad ng nangyari sa ugnayan ng mga Judio at ng Roma. Sapol noong 1945 sa Nagkakaisang mga Bansa ay parami nang parami ang mga kasapi na di-Kristiyano o anti-Kristiyano, at ito ay salagimsim ng hindi mabuti para sa Sangkakristiyanuhan.
16 Isa pa, sa maraming lupain ay nagkakaroon ng iringan ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at ang Estado. Sa Poland ang Iglesya Katolika ay kalaban ng pamahalaan doon. Sa Northern Ireland at Lebanon, lalong pinalubha ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang mga problema ng kapayapaan at katiwasayan. Bukod dito, sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay may mga iba na, tulad ng mga Judiong Zealot, ay nanghihimok sa mga gawang karahasan. Kaya naman, ang Protestanteng World Council of Churches ay nag-abuloy sa mga organisasyong terorista, samantalang ang mga paring Katoliko naman ay nasa mga gubat at nakikipaglaban bilang mga gerilya at naglilingkod sa mga pamahalaan ng mga rebelde.
17. (a) Ano ang modernong-panahong Jerusalem? (b) Ano sa wakas ang mangyayari rito?
17 Ang panahon lamang ang makapagsasabi kung hanggang saan hahantong ang pagkalaos ng relasyon ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan at ng mga bansa, subalit ang mga pangyayari noong unang siglo ang nagsisilbing anino kung paano magwawakas ang lahat ng ito. Gaya ng inihula ni Jesus, noong unang siglo ang mga hukbo ng Roma ang sa wakas pumuksa sa Jerusalem nang sumapit ang malaking kapighatian. Bilang katuparan ng inihula, ang mga bansa katulong ang Nagkakaisang mga Bansa ay aatake at kanilang pupuksain ang “Jerusalem,” samakatuwid nga, ang relihiyosong kaayusan ng Sangkakristiyanuhan.—Lucas 21:20, 23.
Tumakas Kayo sa mga Bundok
18. Ano ang dapat gawin ng mga taong maaamo pagka kanilang napag-unawa na “ang kasuklam-suklam na bagay” ay tumatayo na sa dakong banal?
18 Noong unang siglo, pagkatapos na lumitaw “ang kasuklam-suklam na bagay,” ang mga Kristiyano ay nagkaroon ng pagkakataon na tumakas. Ganiyan ang ipinayo sa kanila ni Jesus, gawin nila ito agad-agad sapagkat hindi nila alam kung gaano ang itatagal ng pagkakataong iyon. (Marcos 13:15, 16) Sa ganiyan din namang paraan, pagka napag-unawa ng mga taong maaamo ngayon na umiiral na nga “ang kasuklam-suklam na bagay,” sila’y dapat agad-agad tumakas buhat sa relihiyosong sakop ng Sangkakristiyanuhan. Sa bawat segundong sila’y namamalagi rito ay nanganganib ang kanilang espirituwal na mga buhay, at sino ang nakababatid kung hanggang kailan pa tatagal ang pagkakataon upang sila’y makatakas?
19, 20. (a) Ano ang ginawa ng mga Kristiyano noong unang siglo nang kanilang makita na ang Jerusalem ay nakukubkob na ng mga hukbong Romano? (b) Ano ang kumakatawan ngayon sa “mga bundok,” at ano ang dapat magtulak sa mga taong maaamo ngayon na tumakas doon?
19 Ang ebanghelyo ni Lucas ay nagbababala sa mga Kristiyano noong kaniyang kaarawan na tumakas pagka kanilang nakita na ang “Jerusalem ay nakukubkob ng nagkampong mga hukbo.” Gaya ng binanggit na nga, ang hukbong ito ay dumating noong 66 C.E., at ang pagkakataon na tumakas ay dumating nang taon ding iyon nang si Cestius Gallus ay umurong kasama ang kaniyang mga kawal. Pagkatapos na tumakas ang mga Kristiyano, nagpatuloy ang labanan ng mga Judio at ng mga Romano—bagama’t hindi sa palibot ng Jerusalem. Si Vespasian ay pinapunta ni Emperador Nero sa Palestina, at naganap doon ang matagumpay na mga kampanya noong 67 at 68. Pagkatapos ay namatay si Nero, at si Vespasian ay napasangkot sa suliranin ng magiging kahalili sa Imperyo. Subalit pagkatapos na siya’y gawing emperador noong 69 C.E., kaniyang pinalakad ang kaniyang anak na si Titus upang tapusin nito ang digmaan sa Judea. Noong 70 C.E., ang Jerusalem ay pinuksa.
20 Subalit, ang mga Kristiyano ay hindi naghintay sa Jerusalem upang masaksihan ang lahat ng iyan. Sa sandaling makita nila ang kumukubkob na mga hukbo, batid nila na nasa malubhang panganib ang lunsod. Gayundin naman sa ngayon, lumitaw na ang instrumento na magwawasak sa Sangkakristiyanuhan. Kung gayon, sa sandaling mapag-unawa natin ang panganib na kinasusuongan ng Sangkakristiyanuhan, tayo’y dapat ‘tumakas sa mga bundok,’ ang dakong kanlungan na inilaan ni Jehova kasama ng kaniyang organisasyong teokratiko. Ang mga ibang hula ay hindi nagbibigay ng dahilang maniwala na magkakaroon pa ng kahit sandaling paghinto sa pagitan ng unang-unang pag-atake sa Sangkakristiyanuhan at ng pangkatapusang paggigiba sa kaniya. Ang totoo, hindi nga kailangan ang ganiyang sandaling paghinto pagka iginigiba na siya. Kaya isang katalinuhan para sa mga taong maaamo na tumakas na ngayon buhat sa Sangkakristiyanuhan.
Ang Jerusalem at ang Sangkakristiyanuhan
21. Bakit “ang kasuklam-suklam na bagay” ay lumitaw sa katapusan ng panahon ng kawakasan ng Jerusalem, samantalang sa siglong ito ay lumitaw iyon maaga sa may pasimula ng panahon ng kawakasan ng sistemang ito?
21 Dapat ba tayong magtaka kung noong unang siglo “ang kasuklam-suklam na bagay” ay lumitaw nang malapit nang puksain ang Jerusalem, samantalang sa ngayon ito ay lumitaw sa pasimula pa lamang ng panahon ng kawakasan ng sanlibutang ito? Hindi. Sa bawat kaso, “ang kasuklam-suklam na bagay” ay lumitaw sa mga sandaling ibig ni Jehova na tumakas ang kaniyang bayan. Noong unang siglo, ang mga Kristiyano ay kailangang manatili nang sandaling panahon sa Jerusalem upang mangaral doon. (Gawa 1:8) Noon lamang 66 C.E., nang malapit na ang pagkapuksa, lumitaw ang isang “kasuklam-suklam na bagay,” na nagbabala sa kanila na tumakas. Subalit ang pagiging “naroroon” sa modernong-panahong Jerusalem ay nangangahulugan ng pagiging bahagi ng relihiyosong sakop ng Sangkakristiyanuhan.a Imposible na maglingkod kay Jehova sa paraang kalugud-lugod kung ikaw ay nasa gayong kapaligiran na liko at apostata. Kaya, maaga sa may pasimula pa lamang ng panahon ng kawakasan ng sanlibutang ito ay lumitaw na “ang kasuklam-suklam na bagay,” na nagbababala sa mga Kristiyano na tumakas. Ang pagtakas buhat sa Sangkakristiyanuhan ay nagpapatuloy pa rin, bawat tao ay nakaharap sa babala na tumakas sa sandaling kaniyang mapag-unawa na “ang kasuklam-suklam na bagay” ay nakatayo sa dakong banal.
22. Anong mga tanong ang natitira upang sagutin?
22 Datapuwat, marahil ay itatanong natin kung ano ang mga pangyayaring hahantong sa di inaasahang pagkilos na ito, ang pagwawasak sa Sangkakristiyanuhan ng mga tagapuksa na nasa loob mismo ng United Nations o Nagkakaisang mga Bansa? Kailan ito mangyayari? At paano pagkatapos ay magdadala ito ng kapayapaan at katiwasayan sa ating mundong ito? Ating tatalakayin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a May pagkakahawig ang lunsod ng Babilonya, na buhat doo’y tumakas ang mga Judio noong 537 B.C.E., at ang modernong Babilonyang Dakila, na buhat dito tumatakas ang mga Kristiyano sa ngayon.—Isaias 52:11; Apocalipsis 18:4.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit kailangan na ang hula ni Jesus tungkol sa “kasuklam-suklam na bagay” ay magkaroon ng modernong-panahong katuparan?
◻ Ano “ang kasuklam-suklam na bagay” sa ngayon, at magbuhat pa kailan ito nasa dakong tinatayuan nito?
◻ Ano ang modernong-panahong Jerusalem na inihula ni Jesus?
◻ Paanong ang Lucas 21:20, 21 ay tumutulong sa atin na makita ang pangangailangan ng apurahang pagtakas?
◻ Ano “ang mga bundok” na doon tatakas ang mga maaamo?