Kapayapaan at Katiwasayan—Ang Pangangailangan
“Ang digmaan sa ikadalawampung siglo ay higit at higit na naging mabangis, mas mapangwasak, mas masama sa lahat ng aspekto nito. . . . Ang mga bombang inihulog sa Hiroshima at Nagasaki ang nagwakas sa isang digmaan. Ipinakita rin nito na hinding-hindi na tayo dapat magkaroon ng isa pang digmaan. Ito ang leksiyon na dapat matutuhan ng tao at ng mga lider saanman, at naniniwala ako na kapag natutuhan nila ito masusumpungan nila ang daan patungo sa walang hanggang kapayapaan. Wala nang iba pang mapagpipilian.”—Henry L. Stimson, “The Decision to Use the Atomic Bomb,” Magasing Harper’s, Pebrero 1947.
ISANG taon pa lamang ang nakakalipas pagkatapos maitatag ang United Nations nang banggitin ni Mr. Stimson, kalihim ng digmaan ng E.U. noong 1940-45, ang mga salitang nasa itaas. Bueno, pagkalipas ng 40 mga taon, natutuhan ba ng tao “ang leksiyon”? Ginawa bang posible ng United Nations na tamasahin mo ang buhay sa “walang hanggang kapayapaan”? Aba, isaalang-alang mo ang malaking halaga na ibinayad ng sangkatauhan sa digmaan at paghahanda sa digmaan sapol lamang noong Digmaang Pandaigdig II.
ANG IBINUWIS NA BUHAY: Gaano karaming buhay ang ibinuwis sapol noong Digmaang Pandaigdig II, sa kabila ng mga pagsisikap ng United Nations na magdala ng kapayapaan? “Mula nang magdigma noong Digmaang Pandaigdig II, nagkaroon ng 105 malalaking digmaan ([tinutuos sa pamamagitan ng] kamatayan ng 1,000 o mahigit pa sa bawat taon) na ipinakipaglaban sa 66 na mga bansa at mga teritoryo. . . . Ang mga digmaan sapol noong 1945 ay nagpangyari ng 16 na milyong mga kamatayan, mas marami pa sa gitna ng mga sibilyan kaysa mga hukbong sandatahang nasangkot. (Ang bilang, lalo na sa mga sibilyan, ay hindi kompleto; walang opisyal na ulat ang iniingatan sa karamihan ng mga digmaan.)”—World Military and Social Expenditures 1983 ni Ruth Sivard.
Ang kapayapaan at katiwasayan ay aktuwal na lumalayo—ang dalás ng digmaan ay bumibilis. Paliwanag ni Sivard: “Noong 1950’s ang katamtamang [dami ng mga digmaan] ay 9 sa isang taon; noong 60’s, 11 sa isang taon; at noong 70’s . . . , 14 sa isang taon.”
ANG SIKOLOHIKAL NA HALAGA: Mula noong pangyayari sa Hiroshima, ang tao ay nabuhay na sa takot sa nuklear na digmaan. Aba, ang ilang mga sandatang nuklear noong 1945 ay naging 50,000 sa buong daigdig noong 1983. At marami pa ang ginagawa! Maliwanag, samantalang dumarami kapuwa ang bilang ng mga sandatang nuklear at ang mga bansang nagtataglay nito, tumitindi rin ang panganib ng digmaang nuklear. Ano, kung gayon, ang sikolohikal na mga epekto ng pamumuhay sa takot sa digmaang nuklear?
Ang aklat na Preparing for Nuclear War—The Psychological Effects ay sumasagot: “Ang epekto ng pamumuhay sa panganib ng mga sandatang nuklear sa mga mithiin at paggawi ng mga bata at mga may sapat na gulang ay apurahang nangangailangan ng higit pang pagsisiyasat . . . Narito ang maaaring napakalaking pagkakagastos sa ating mga lipunan, na may patong na interes habang ang mga salinlahi ay nagkakaedad. Anong halaga ang ibinabayad sa mga pangarap ng isang bata?”
Tunay, ang mga kabataan ay madaling maapektuhan ng kakulangan ng isang matatag na kinabukasan. Sa isang surbey kamakailan ganito ang komento ng mga batang mag-aarál sa Australia na 10 hanggang 12 taóng gulang: “Paglaki ko sa palagay ko ay magkakaroon ng digmaan at ang lahat sa Australia ay mamamatay.” “Ang daigdig ay mawawasak—mangangalat ang mga patay na kinapal saanman, at ang EUA ay mawawala sa ibabaw ng lupa.” Mahigit na 70 porsiyento ng mga bata ang “bumanggit na malamang magkaroon ng digmaang nuklear.” Ikinatatakot ng mga mananaliksik sa lipunan na ang kakulangan ng isang matatag na kinabukasan ay maaaring may bahagyang pananagutan sa saloobin ng maraming kabataan na hayaan-ninyo-akong-mabuhay-ngayon, at ang resultang paghahangad ng katuwaan.
ANG NAPARIWARANG KABUHAYAN: Bago ang kalagitnaang 1930’s, ang pandaigdig na gastos militar ay mga $4.5 bilyon (U.S.) sa bawat taon. Subalit noong 1982 ang halaga ay tumaas sa $660 bilyon. At, gaya ng nalalaman mo, patuloy pa itong tumataas. Upang matugunan ang gayong halaga, ang World Military and Social Expenditures 1983 ay nagpapaliwanag: “Sa bawat minuto 30 mga bata ang namamatay dahil sa kakulangan ng pagkain at hindi mamahaling mga bakuna at bawat minuto ang pandaigdig na badyet sa militar ay kumukuha ng $1.3 milyon sa kayamanan ng bayan.” (Amin ang italiko.) At ngayon, sa loob lamang ng mahigit dalawang taon, ito ay umabot na ng $2 milyon sa bawat minuto.
Kung isasaalang-alang mo ang malaking halaga na ibinayad ng tao sa digmaan at pagiging handa sa digmaan, isang bagay ang tiyak: Sa ganang sarili, hindi nasumpungan ng tao ang “daan tungo sa walang hanggang kapayapaan.” Gayunman, maitatanong mo: Mayroon bang daan tungo sa pambuong-daigdig na kapayapaan at katiwasayan sa ating panahong kinabubuhayan? Saan ito magmumula? Dapat ka bang umasa sa United Nations? Kung hindi, papaano matatamo ang kapayapaan at katiwasayan?