Ang “Bansa” na Pumupuno ng Bunga sa Ibabaw ng Lupa
“Sa mga araw na darating ang Jacob ay mag-uugat, ang Israel ay mamumulaklak at aktuwal na sisibol; at kanilang pupunuin ng bunga ang ibabaw ng mabungang lupain.”—ISAIAS 27:6.
1. Paano tinukoy ni apostol Pedro ang bansa ng espirituwal na Israel?
TUNGKOL sa pagsisilang sa kongregasyon ng mga alagad ni Kristo bilang isang “bansa” noong 33 C.E., si apostol Pedro ay sumulat ng mga salitang ito nang malapit nang mapuksa ang Jerusalem noong taóng 70 C.E.: “Ngunit kayo’y ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari, upang ihayag ninyo sa madla ang mga kaningningan’ niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag. Sapagkat dati’y hindi kayo bayan, ngunit ngayon ay bayan na ng Diyos; dati’y hindi nagsipagkamit ng awa, ngunit ngayon ay nagsisipagkamit na ng awa.” (1 Pedro 2:9, 10) Anong laking biyaya iyan na ginawa ng Diyos!
2, 3. Bilang pantanging pag-aari ng Diyos na Jehova, anong obligasyon ang nakaatang sa espirituwal na Israel, at sa ano sila inihahalintulad ni Jesu-Kristo sa Juan kabanata 15?
2 Sa ngayon, 19 na siglo pagkatapos na isulat ni Pedro ang mga salitang iyan, mayroon pa rin dito sa lupa ng isang nalabi ng “bansang” iyan na inianak sa espiritu. Sila ngayon ay wala pang sampung libo ang bilang, ayon sa report ng taunang selebrasyon ng Hapunan ng Panginoon. Sila ay ‘isang bayan na natatanging pag-aari ni Jehova,’ kaya’t kailangan na ihayag nila ang mga kaningningan ng Diyos na Jehova, na tumawag sa kanila buhat sa makasanlibutang “kadiliman tungo sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag.” Ang “liwanag” na ito ay sumisikat lalo na sapol nang matapos “ang mga panahong Gentil,” o “ang itinakdang mga panahon sa mga bansa,” noong taóng 1914.a (Lucas 21:24, King James Version; NW) Bilang ang “tanging pag-aari” ng Makalangit na Bukal ng kagila-gilalas na liwanag na iyan, sila’y minamahalaga niya. Sa kaniya sila ay tulad ng isang espirituwal na ubasan.
3 Dito’y maaalaala natin ang sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga apostol, na kumakatawan sa lahat ng magiging kaniyang mga tagasunod na inianak sa espiritu: “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang magsasaka. Ang bawat sanga na sa akin ay hindi nagbubunga ay inaalis niya, at ang bawat sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga. Kayo’y malilinis na sa pamamagitan ng salita na sa inyo’y aking sinalita. Manatili kayo sa akin, at mananatili ako sa inyo. Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa puno, gayundin naman na hindi kayo makapamumunga kung hindi kayo mananatili sa akin. Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kaniya, ang siyang mamumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.”—Juan 15:1-5.
4. (a) Ang ilustrasyon ni Jesus ay nagpapaalaala sa atin ng anong paglalarawan sa Isaias kabanata 27? (b) Kailan ang modernong katuparan ng hulang ito, at kanino natupad? (c) Ang Diyos ay wala na ng anong saloobin sa kaniyang bayan?
4 Ang paghahambing na iyan, o parabola, na sinalita ni Jesu-Kristo ay nagpapaalaala sa atin ng mga sinabi ni Jehova sa Isaias 27:2-4, na kung saan mababasa natin;
“Sa araw na yaon ay umawit kayo sa kaniya, kayong mga tao: ‘Isang ubasan ng bumubulang alak! Ako, si Jehova, ang nag-iingat sa kaniya. Sa bawat sandali ay didiligin ko siya. Upang huwag siyang masaktan ng sinuman, iingatan ko siya maging gabi at maging araw. Wala na akong galit.’”
Ang “ubasan ng bumubulang alak” sa ngayon sa lupa ay maihahambing sa nalabi ng mga sanga sa simbolikong “ubasan” na iyon na doo’y ang inianak sa espiritung mga Kristiyano ng “bansang banal” ay mabubungang mga bahagi. Kung gayon, nakaatang sa kanila ang obligasyon na magbunga nang marami. (Juan 15:5) Sang-ayon sa hula ni Isaias, yao’y sa panahon ng pagsasauli ng bayan ni Jehova sa kaniyang pabor aawitin ang awit na iyan tungkol sa “ubasan ng bumubulang alak.” (Ihambing ang Isaias 27:13.) Makikilala na ang modernong katuparan ng maningning na hulang ito ay sa taon ng 1919 pagkatapos ng digmaan, at ang mga pangyayari sa kasaysayan ang nagpapatunay sa katuparan nito hanggang sa ngayon. Sa ngayon si Jehova ay wala ng “galit” laban sa kaniyang bayan, ni laban man sa nalabi ng kaniyang “bansang banal,” ang kaniyang “bayang tanging pag-aari,” ni laban man sa tapat na mga Kristiyano na umaasang magtatamo ng buhay na walang hanggan sa lupa. May kaawaan na kaniyang ibinaling ang kaniyang pabor o paglingap sa kanila, na siyang dahilan ng kanilang espirituwal na kasaganaan at pagkamabunga.
5. Ano buhat sa makasagisag na ubusang ito ang nagpagalak sa mga tao, at ano ang maisasaysay nila tungkol dito?
5 Ang espirituwal na “bansang” ito, kasama na rin ang kaniyang mga masisipag na kasamahan, ay nakakatulad ng isang mabungang ubasan na pinagkukunan ng “bumubulang alak.” Ito’y isang espirituwal na alak na nagpagalak sa puso ni Jehova at ng tao. (Hukom 9:13) Kaya naman ang mga taong pinagalak ng pag-inom ng espirituwal na alak na ito ay may kagalakang makaaawit at maisasaysay nila ang lahat ng ginawa ng Makalangit na Magsasaka ng “ubasan” para sa simbolikong “ubasan” na ito. Sa makasagisag na pananalita, tunay na kaniyang ‘dinilig’ ang “ubasan” na ito para manatiling sariwa, upang mapagkunan ng makatas at masarap na bunga, na nagpapagalak.
Kabaligtaran—“Ang Ubasan ng Lupa”
6. Subalit, ano ang mangyayari sa “ubasan ng lupa,” ayon sa Apocalipsis kabanata 14?
6 Hindi naman ganiyan kung tungkol sa tinatawag ng huling aklat ng Bibliya na “ang ubasan ng lupa.” Hindi na magtatagal, ganito ang ibibigay na utos sa makalangit na mga tagapuksa: “Ihulog mo ang iyong panggapas na matalas at putulin mo ang mga buwig sa ubasan ng lupa, sapagkat hinog na ang kaniyang mga ubas.” Pagkatapos, gaya ng ipinakikita ng hula sa Apocalipsis, “ang kaniyang panggapas ay inihagis ng anghel sa lupa at pinutol ang mga ubas sa ubasan ng lupa, at inihagis sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos. At ang pisaan ng ubas ay niyurakan sa labas ng lunsod, at sa pisaan ng ubas ay lumabas ang dugo na umapaw hanggang sa mga preno ng mga kabayo, sa lawak na isang libo at anim na raang estadio.” (Apocalipsis 14:18-20) Ganiyan ang mangyayari sa mga pamahalaan na bahagi ng nakikitang organisasyon ng Diyablo sa lupa; siya ang magsasakang nagtanim nito, at ito’y salungat sa “tunay na ubasan” na ang Magsasakang nagtanim ay ang Diyos na Jehova. Hindi na muling mapapasauli pa “ang ubasan ng lupa”!
7-9. Anong dalawang katuparan mayroon ang Isaias 27:7-13, at sa anong mga panahon?
7 Datapuwat, ang hulang ito ng Isaias kabanatang 27 ay tunay na isang hula ng pagsasauli sa dati, una ay ng bansa ng likas na Israel at pagkatapos ay ng espirituwal na Israel sa ating ika-20 siglong ito. Ito’y pinatutunayan na sinasabi ng hula sa Isa 27 talatang 7 hanggang sa talatang 13, at diyan natatapos ang kabanata. Ang mga talatang iyan ay kababasahan:
8 “Sinaktan baga niya siya na gaya ng pagsakit niya sa mga yaon na nanakit sa kaniya? O pinatay siya nang ayon sa pagpatay nila, na napatay niya? Kasabay ng sigaw ng pagkatakot ikaw ay makikipagtalo sa kaniya pagka pinayaon na siya. Kaniyang paaalisin siya kasabay ng kaniyang paghihip, isang malakas na hihip sa araw ng silanganang hangin. Kaya’t sa pamamagitan nito ay matatakpan ang kasamaan ng Jacob, at ito ang buong bunga ng pag-aalis ng kaniyang kasalanan, pagka lahat ng mga bato ng dambana ay kaniyang ginawang gaya ng malalambot na batong pinagdurug-durog, upang ang mga sagradong poste at mga sunugan ng kamangyan ay huwag nang mapatayo pa. Sapagkat ang nakukutaang lunsod ay mag-iisa, ang lupaing pastulan ay pababayaan at iiwanan na gaya ng isang ilang. Doon manginginain ang guya at doon hihiga; at aktuwal na kakainin niya ang mga sanga niyaon. Pagka ang mga sanga niyaon ay nangatuyo, paroroonan ng mga babae at babaliin, pagkatapos ay igagatong sa apoy. Sapagkat iyon ay hindi isang bayan na may matalas na unawa. Kaya’t ang Maygawa sa kaniya ay hindi magdadalang-habag at ang Nag-anyo sa kaniya ay hindi magpapakita sa kaniya ng lingap.
9 “At mangyayari sa araw na iyon na pipitasin ni Jehova ang bunga, mula sa agos ng Ilog hanggang sa libis ng batis ng Ehipto, at sa gayon kayo’y mapipisang isa-isa, Oh mga anak ni Israel. At mangyayari sa araw na iyon mahihipan ang isang malaking pakakak, at silang mga napapahamak sa lupain ng Asiria at silang mga nagsipangalat sa lupain ng Ehipto ay magsisiparito nga at magsisisamba kay Jehova sa banal na bundok sa Jerusalem.”
10. Anong kapangyarihang pandaigdig ang tanyag noong panahon ng hula ni Isaias, at ano ang nangyari rito sa layunin nito na atakihin ang kabiserang lunsod ng kaharian ng Juda?
10 Noong mga kaarawan ng hulang ito ni Isaias, ang Asiria ang naging pangunahing kapangyarihang pandaigdig sa lupa, hinalinhan nito ang una sa sunud-sunod na pitong kapangyarihang pandaigdig, bagaman noon ang Ehipto ay umiiral pa rin ngunit isa na lamang panigundang kapangyarihan. Ang sampung-tribong kaharian ng Israel ay humiwalay sa pamamahala ng maharlikang angkan ni Haring David ng tribo ng Juda. Kaya’t laban sa lunsod ng Jerusalem nag-utos ang hari ng Asiria na ito’y lubusang sumuko na, kung hindi niya ibig na mawasak. Datapuwat, si Jehova ay lumaban kapanig ng kaharian ng Juda at ang hambog na si Haring Sennacherib ay walang nagawa kundi umatras at umuwi na talunan.—Isaias, kabanatang 36 at 37.
11. Ang emperador ng anong kapangyarihang pandaigdig ang ginamit upang ibagsak ang kaharian ng Juda, at paano tinukoy ang pangyayaring ito sa Isaias 27?
11 Sa gayon, isang emperador ng humaliling kapangyarihang pandaigdig, ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya, ang binigyan-karapatan na pumuksa sa banal na lunsod ng Jerusalem at sa templo nito. Ayon sa ipinakikita ng Bibliya, ito’y naganap noong taóng 607 B.C.E., sa kamay ni Emperador Nabukodonosor. Siya ang nagdala sa mga bihag sa lupain ng Babilonya, upang gumugol ng 70 taon na pagkabihag doon. Dahilan sa napipintong pagkawasak ng Jerusalem noon at sa pagdadala ng mga bihag sa Babilonya para mamalagi ng 70 taon doon kung kaya angkop na ibinangon ang mga tanong:
“Sinaktan baga niya siya [ang bansang Israel] gaya ng pagsakit niya sa mga yaon na nanakit sa kaniya?” (Isaias 27:7)
Sa wala pang nakakatulad sa kaniyang pambansang kasaysayan sapol noong 1513 B.C.E., ang bansa ng Diyos ay sinaktan ng isang kapaha-pahamak na dagok noong 607 B.C.E., na anupa’t halos malipol na nga siya. Napakarami ang nangamatay sa kinubkob na lunsod ng Jerusalem. Oo, nakita ni Jehova na kailangan ang ganitong marahas na pagkilos, at iyon nga ay nangyari. Nakita niya ang lubhang pangangailangan na ipaglaban yaong mga taong nanatiling kaniyang mga kaibigan, ang kaniyang mga kinaibigan, na sa kanila’y nakipagtipan siya ng tipang Kautusan sa pamamagitan ni Moises.
12. Anong tanong ang kinasihan ni Jehova ang propetang si Isaias na itanong tungkol sa karanasan ng Israel, at sa gayo’y ano ang epekto sa kaugnayan ng Israel kay Jehova?
12 Sa gayo’y maitatanong pa rin ni Jehova:
“O pinatay siya [ang bansang Israel, o Jacob] nang ayon sa pagpatay nila, na napatay niya?” (Isaias 27:7)
Ah, oo, sapagkat ngayon ay kailangan na si Jehova ay makipagtalo sa kaniyang dating nililingap na bayan, at ang resulta’y isang nakasisindak na sigaw, isang “sigaw ng pagkatakot,” na nanggagaling sa mga hukbo ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya, ang ikatlo sa kasaysayan sa Bibliya. Kaya’t ang kinasihang pangungusap:
“Kasabay ng pagsigaw ng pagkatakot ikaw ay makikipagtalo sa kaniya pagka pinayaon mo siya. Kaniyang paaalisin siya kasabay ng kaniyang paghihip, isang malakas na hihip sa araw ng silanganang hangin [na nagpapakita ng direksiyon na panggagalingan ng nakasisindak na sigaw na pandigma].” (Isaias 27:8)
Sa ganiyan ay kaniyang payayaunin ang masuwaying bansa na dati-rati’y nakakatulad ng isang makasagisag na asawa sa kaniya bilang ang kaniyang nakikitang organisasyon sa lupa. Ngayon ay kaniyang pinaaalis na ito sa bigay-Diyos na lupain nito at pinayayaon siya sa ilalim ng mga taga-Babilonyang bumihag sa kaniya upang magtungo sa isang malayong lupain, na para bang pansamantala ay hiniwalayan ito.—Ihambing ang Isaias 50:1.
13. Sang-ayon sa hula ni Isaias, paano maglilinis sa sarili ang bansang Israel dahil sa paglabag niya sa tipan ng Diyos?
13 Ngayon ay sumapit na ang panahon para ang bansang Israel, o Jacob, ay magtakip ng kaniyang “kasamaan” sa pamamagitan ng lalong magastos na mga paraan kaysa mga haing hayop na inihahandog sa dambana ng templo sa Jerusalem. Ganito ang ipinasiya ni Jehova alang-alang sa kaniyang tulad-asawang organisasyon, na ang sabi:
“Kaya’t sa pamamagitan nito ay matatakpan ang kasamaan ng Jacob, at ito ang buong bunga ng pag-alis ng kaniyang kasalanan, sapagkat lahat ng mga bato ng dambana ay kaniyang ginawang gaya ng malalambot na batong pinagdurug-durog, upang ang mga sagradong poste at mga sunugan ng kamangyan ay huwag nang mapatayo pa.” (Isaias 27:9)
Iyan ay paghahayag ng makalangit na kapusukan, o galit, ang katuparan ng hulang ito, at makatuwiran nga! Ang idolatrosong sagradong mga poste at ang mga handugan ng kamangyan ay hindi na muling mapapatayo sa loob ng kaniyang dinisiplinang bansa.
14. Anong uri ng kagibaan ang daranasin ng bansang Israel, at bilang isang makasagisag na punungkahoy ano ang kalalabasan niya?
14 Upang ipakita ang kagibaan na sasapitin ng tulad-asawang bansang ito ng sinaunang Israel, isinusog pa ni Jehova:
“Sapagkat ang nakukutaang lunsod ay mag-iisa, ang lupaing pastulan ay pababayaan at iiwanan na gaya ng isang ilang.”
Ang dating mataong lupain ay mawawalan ng mga tao, upang maging pastulan na lamang pansamantala.
“Doon manginginain ang mga guya, at doon hihiga; at aktuwal na kakainin niya [ni Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang kinatawan] ang mga sanga niyaon. Pagka ang mga sanga niyaon ay nangatuyo, paroroonan ng mga babae at babaliin, pagkatapos ay igagatong [sa apoy].” (Isaias 27:10, 11)
Ang tulad-asawang bansa ni Jehova ay magiging panggatong na lamang, sapagkat ang mga babae ay hindi mahihirapan ng pangunguha ng anumang nalabi niyaon. Isang pagkalungkut-lungkot na kalagayan nga ito para sa tulad-asawang organisasyon ng Israel! Subalit bakit nga ang ganiyang karahasan ay gagawin ng isang tulad-asawang Diyos na si Jehova? Makinig kayo:
15. Dahil sa pantanging pakikitungo ni Jehova, dapat sanang naging anong uri ng bayan ang bansang Israel, subalit bakit sila napatulad sa mga bansang sumasamba sa mga idolo?
15 “Sapagkat iyon ay hindi isang bayan na may matalas na unawa. Kaya’t ang Maygawa sa kaniya ay hindi magdadalang-habag, at ang Nag-anyo sa kaniya ay hindi magpapakita sa kaniya ng lingap.” (Isaias 27:11)
Taglay ang lahat ng paglalaan na ginawa ni Jehova para sa edukasyon at kaliwanagan ng kaniyang kahanga-hangang itinatag na organisasyon, ang mga Israelita ay dapat sanang naging isang bayan na totoong matalino. Sila’y dapat sanang naging pantas at maunawain upang makita ang kawalang-kabuluhan ng pagsamba sa mga idolo, oo, may sapat na pagkakilala upang makita ang kawalang-kabuluhan ng pagsamba sa mga idolo, na siyang sinusunod ng ignoranteng mga bansa na walang pakikipagtipan sa kaisa-isang buháy at tunay na Diyos, si Jehova. Subalit dahil sa hindi nila nakikita ang kanilang makalangit na Maygawa at Nag-anyo sa kanila, sila’y nagkulang ng pananampalataya at ang pinili nila’y ang nakikitang gawang-taong mga diyos, at ito ang dahilan ng kanilang pagbagsak. Kaya naman ang patuloy na paglingap at awa ng Diyos ay iniurong sa ganiyang bayan na sariling kalooban ang sinunod.
Paglaya Buhat sa Pagkabihag
16. Upang maibalik ang kaniyang bayan, sa ano kailangang ibaling ni Jehova ang kaniyang pansin?
16 Kaya ngayon, upang maibalik sila sa pagsamba sa kaniya sa kanilang sariling lupain, kailangang ibaling ni Jehova ang kaniyang pansin sa lupain ng Babilonya na inaagusan ng malaking “Ilog,” ang Eufrates. Siya’y nagbigay ng pansin hanggang sa timog patungo sa lupain ng Ehipto, sapagkat sa ganiyang mga lugar humantong ang kaniyang bayan bilang mga bihag nang kaniya silang disiplinahin. Kaya naman kailangan na tuparin ni Jehova ang susunod na sinabi bilang kaniyang layunin:
“At mangyayari sa araw na iyon na pipitasin ni Jehova ang bunga, mula sa agos ng Ilog [Eufrates] hanggang sa libis ng batis ng Ehipto [ang libis sa timog-kanlurang hangganan ng Lupang Pangako], at sa gayon kayo’y mapipisang isa-isa, Oh mga anak ni Israel.”—Isaias 27:12; ihambing ang Bilang 34:2, 5.
17. Papaano tiniklap ni Jehova ang kaniyang bayan sa kanilang pagkabihag, at sa pamamagitan nino?
17 Upang maibalik ni Jehova ang kaniyang bayan sa kanilang sariling lupain ng Juda, tulad niyaong pinipitas na bunga ay kailangang tiklapin ni Jehova ang binihag na bayan, sa gayo’y pinalalaya sila. Ito’y ginawa niya sa pamamagitan ng pagbabagsak sa kapangyarihang pandaigdig ng Babilonya at ang inihalili ay Imperyong Medo-Persia, ang ikaapat na kapangyarihang pandaigdig sa kasaysayan ng Bibliya. Ang utos ng emperador Persiano na si Cirong Dakila sa pasimula ng kaniyang paghahari ay inilabas para sa pagpapalaya sa binihag na bayan ni Jehova at sa kanilang pagbabalik sa lugar ng sinaunang Jerusalem upang itayong muli ang templo ni Jehova. Ang pagbabalik na ito ay sumapit nang matapos na ang 70 taon ng pagkabihag ng mga Judio, noong 537 B.C.E—Isaias 45:1-7.
18. Ano ang tiyak na epekto sa mga bihag ng utos na sila’y palayain?
18 Ang dinisiplinang mga Israelita sa Babilonya, at gayundin sa Asiria at Ehipto, ay mga pag-aari ni Jehova, at siya ay may karapatan na tiklapin sila tulad ng simbolikong bunga buhat sa pagkabihag at pangangalat at sa gayo’y kaniyang pagpakitaan sila ng awa, di-sana nararapat na kagandahang-loob. Oh, anong laki ng kagalakan ng sinaunang mga Israelitang iyon dahil sa utos ni Ciro, at anong sigasig nila sa lubos na pagsasamantala sa maningning na pagkakataon na ibinigay sa kanila! Ano, kung gayon, ang masasabi tungkol sa namumukod-tanging “araw” na iyon?
19. (a) Ayon sa inihula, ang mga Israelitang nagsipangalat sa Asiria at sa Ehipto ay nagsisamba kanino? (b) Ano ang kahulugan nito tungkol sa pagsamba kay Jehova sa dating kinatatayuan ng templo, at ito’y lumalarawan sa anong modernong espirituwal na bansa?
19 “At mangyayari sa araw na iyon na hihipan ang isang malaking pakakak, at silang mga napapahamak sa lupain ng Asiria at silang mga nagsipangalat sa lupain ng Ehipto ay magsisiparito nga at magsisisamba kay Jehova sa banal na bundok sa Jerusalem.” (Isaias 27:13)
Ano pa ang kahulugan niyan kundi ang muling pagkakaroon ng mga mananahanan sa Lupang Pangako at ang muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem, na isinauli sa pagsamba sa Nag-anyo at Maygawa ng isinauling bansa ng Israel? Ito’y kailangang maganap ayon sa mga naunang pananalita ni propeta Isaias na nasa talatang 6. Ang lupain ng kaniyang isinauling bayan ay kailangang mapuno ng mga nananahanan, na nagkakaisang sumasamba sa kaniya sa kaniyang templo, bagama’t ang napasauling dakong ito ng pagsamba ay hindi kasingningning ng maningning na templo na itinayo ni Haring Solomon. Sa ganitong paraan ay lumarawan iyon sa modernong-panahong espirituwal na katuparan tungkol sa “Israel ng Diyos,” na anupa’t pinunô nito ang buong “mabungang lupain” ng nagbibigay-buhay na prutas, o “bunga.”—Galacia 6:16; Isaias 27:6.
[Talababa]
a Kapuna-puna ang komento sa Lucas 21:24 ng Oxford NIV Scofield Study Bible (1984): “Ang ‘mga panahon ng mga Gentil’ ay nagsimula sa pagkabihag ng Juda sa ilalim ni Nabukodonosor (2 Cron. 36:1-21). Sapol noon, gaya ng sinabi ni Kristo, ang Jerusalem ay ‘niyurakan ng mga Gentil.’”
Ano ang mga Sagot Ninyo?
◻ Kailan at paano “sinaktan” ang likas na Israel, gaya ng inihula sa Isaias 27:7?
◻ Paano ‘nag-ugat’ ang Israel? (Isaias 27:2, 6)
◻ Sino sa modernong panahon ang tumutupad ng hula sa Isaias kabanata 27?
◻ Papaanong ang mga ito ay naging tulad ng isang mabungang ubasan na pinanggagalingan ng “bumubulang alak”?