Ikaw Ba’y Makapaghahanda Ngayon Para sa Pag-uusig?
“Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din.”—JUAN 15:20.
1, 2. Anong di-inaasahang pagkilos ang ginawa ng mga ibang pamahalaan laban sa mga Saksi ni Jehova?
GUNIGUNIHIN mong ikaw ay nagpapahingalay sa kama isang maagang umaga. Ikaw ay inaantok pa at iniisip mo kung ikaw ba’y babangon na agad o magrerelaks pa ng mga ilang saglit. Subalit una muna, binubuksan mo ang radyo para makinig ng maagang balita. Biglang-bigla, napamulagat ka na lamang nang marinig mo ang tagapagbalita. Ganito ang kaniyang ibinabalita: “Ayon sa isang utos ng pamahalaan, ang sekta na nakikilala sa pangalang mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal sa buong bansa.” Natapos na rin ang iyong pagpapahingalay!
2 Ito, o halos ganito, ang naging karanasan ng mga Kristiyano sa mga ilang bansa sa modernong panahon. Kadalasan, may mga abiso ng maaaring mangyari. Ngunit kung minsan ang pagbabawal ay lubusang di-inaasahan. Ito ba’y dapat nating pagtakhan?
3. Anong nagkakaibang mga karanasan ang dinanas ni Jesu-Kristo noong 33 C.E.?
3 Hindi naman talaga. Nakakatulad na mga bagay ang nangyari noong unang siglo. Alalahanin kung papaanong si Jesu-Kristo, noong may pasimula ng tagsibol ng 33 C.E., ay sakay ng isang asno na pumasok sa Jerusalem. Siya’y masayang tinanggap ng mga tao, kanilang inilatag ang kanilang mga kasuotan sa daan na kaniyang daraanan. Subalit ano ang nangyari mga ilang araw lamang ang nakaraan? Si Jesus ay nilitis sa harap ni Poncio Pilato, at isang pangkat ng mga mang-uumog buhat sa lunsod ding iyon ang may pagkauhaw sa dugo na nagsigawan: “Siya’y ibayubay! . . . Siya’y ibayubay!” (Mateo 21:6-9; 27:22, 23) Biglang-biglang nagbago ang kalagayan.
4. Bilang mga tagasunod ni Jesus, anong trato ang dapat nating asahan?
4 Kung gayon, hindi natin dapat ipagtaka kung sa mga ilang lupain ngayon ay nagbabago ang kalagayan at bumabangon nang di-inaasahan ang pag-uusig. Alalahanin, kung tayo ay tunay na mga tagasunod ni Jesus, dapat nating asahan na tayo’y pag-uusigin. (Juan 15:20) Itinatampok nito ang kahalagahan ng salita ni Jesus, “Manatiling nagbabantay.”—Mateo 24:42.
5. Anong mga tanong ang nararapat natin ngayon na isaalang-alang?
5 Paano natin magagawa ito? Mayroon bang paraan na tayo’y makapaghahanda, sakaling dumating ang pinakamalubha?
Ihanda ang Iyong Isip at Puso
6, 7. (a) Bakit mahirap na gumawa ng pisikal na mga paghahanda para sa pag-uusig? (b) Anong lalong higit na mahalagang paghahanda para sa pag-uusig ang maaaring gawin?
6 Mahirap na gumawa ng pisikal na mga paghahanda sa pag-uusig sapagkat hindi mo alam kung ano ang magiging kalagayan. Hangga’t hindi aktuwal na nangyayari iyon, hindi mo alam kung ang pagbabawal ay magiging mahigpit o maluwag na ipatutupad, o kaya’y kung ano ang ipagbabawal. Baka ang gawaing pangangaral sa bahay-bahay ang ipagbawal, o baka ang mga pulong natin ang ipagbawal. Kung minsan ang legal na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nilalansag, o mayroong mga indibiduwal na agad ibinibilanggo. Maaari nating pag-isipan ang iba’t ibang dako na kung saan maaaring ikubli ang literatura kung sakaling kinakailangan. Subalit maliban diyan, bahagya lamang ang magagawa natin na pisikal na paghahanda.
7 Gayunman, maaari mong ihanda ang iyong isip at puso, at ito ang higit na mahalaga. Pag-isipan mo kung bakit ipinahihintulot ang pag-uusig at kung bakit ikaw ay maaaring dalhin sa harap ng mga pinunong tagapamahala. “Bilang patotoo,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 10:16-19) Kung ang puso ay lubusang handa na manatiling tapat anuman ang mangyari, maaaring isiwalat ni Jehova ang matalinong paraan ng pagkilos pagka dumating ang pangangailangan. Kung gayon, paano natin sa espirituwal na paraan maihahanda ang ating sarili para sa pag-uusig?
Ano ang Pakikitungo Mo sa mga Tao?
8. Bakit nasabi noon ni Pablo na siya’y ‘nagalak sa mga kaapihan’?
8 Sinabi ni apostol Pablo: “Ako’y nagagalak sa mga kahinaan, sa mga pagkaapi, sa mga pangangailangan, sa mga pag-uusig at mga kahirapan, alang-alang kay Kristo.” (2 Corinto 12:10) Si Pablo ba ay natuwa na dumanas ng mga kaapihan? Siyempre hindi. Subalit malimit kasali sa pag-uusig ang pagkaapi, at kung ito ang kailangan upang madalhan ng kapurihan ang pangalan ng Diyos, kung gayo’y naliligayahan si Pablo na tiisin iyon.
9. Paano tayo ngayon makapaghahanda upang matiis ang “mga kaapihan . . . alang-alang kay Kristo”?
9 Tayo man ay makatitiyak na may panahon na tayo’y magtitiis ng “mga kaapihan . . . alang-alang kay Kristo.” Baka tayo ay dumanas ng pang-aabuso maging sa pananalita man, o kaya’y sa pisikal na paraan. Tayo ba’y magtitiis? Bueno, paano ba ang pagkamalas natin sa ating sarili ngayon? Atin bang labis na pinahahalagahan ang ating sarili at agad na gumaganti pagka tayo’y napaharap sa tunay o guniguning mga kaapihan o pag-insulto? Kung gayon, bakit hindi magsikap ngayon na paunlarin ang “pagbabata, . . . kahinahunan, pagpipigil sa sarili”? (Galacia 5:22, 23) Ito’y isang napakainam na pagsasanay para sa mga Kristiyanong nabubuhay ngayon, at ito’y magliligtas sa inyong buhay kung mga panahon ng pag-uusig.
Ano ang Pangmalas Mo sa Paglilingkod sa Larangan?
10. Ano ang maka-Kasulatang paninindigan pagka ibinawal ang ating gawaing pangangaral?
10 Malimit, ang unang hinihigpitan pagka mayroong pagbabawal ay ang pangmadlang pangangaral ng “mabuting balita.” Gayumpaman ang pangangaral at paggawa ng mga alagad ay napakahalaga sa mga huling araw. Sa papaano pang paraan matututo ang mga tao ng tungkol sa Kaharian ng Diyos? Sa gayon, ang wastong reaksiyon sa ganiyang pagbabawal ay yaong ipinahayag ng mga apostol, nang sikapin ng mga pinunong relihiyosong Judio na ipagbawal ang kanilang pangangaral. (Gawa 5:28, 29) Sa ilalim ng pagbabawal, baka ipahinto ang mga ilang pitak ng gawaing pangangaral. Subalit, gayumpaman, kailangang isagawa ang gawain. Ikaw kaya ay magkaroon ng lakas na magpatuloy ng pangangaral kahit nasa ilalim ng pag-uusig?
11, 12. Paano mo matitiyak kung mayroon ka ng lakas na kinakailangan upang magpatuloy ng pangangaral pagka pinag-usig ka?
11 Bueno, ano ba ang pangmalas mo sa gawaing pangangaral ngayon? Pinahihintulutan mo ba na ang mga maliliit na hadlang ay makahadlang sa iyo at maging iregular ka sa paglilingkod sa larangan? Kung gayon, ano nga ang gagawin mo pagka umiiral ang pagbabawal? Ikaw ba ay natatakot sa mga tao ngayon? Ikaw ba ay handang mangaral sa bahay-bahay sa inyong sariling kalye? Ikaw ba ay natatakot na gumawang mag-isa? Sa mga ibang bansa, ang dalawang tao na gumagawang magkasama ay kadalasan lubhang nakatatawag-pansin. Kung gayon, kung hindi naman mapanganib na gumawa ka nang nag-iisa, bakit hindi ka gumawang mag-isa panakanaka? Ito ay isang mabuting pagsasanay.
12 Ikaw ba ay nakikibahagi sa pamamahagi ng magasin sa mga lansangan? Ikaw ba ay may lakas ng loob at pagkukusa na lumikha ng mga pagkakataon para sa impormal na pagpapatotoo? Ikaw ba ay gumagawa sa mga teritoryo na pangkomersiyo? Ikaw ba ay natatakot na lumapit sa mayayaman o mga taong maimpluwensiya? Kung ikaw ay sa mga ilang uri lamang ng pangangaral nakikibahagi, ano kaya ang gagawin mo kung, sa ilalim ng pagbabawal, ang gayong uri ng pangangaral ay hindi na maaaring gawin?
13. Ano ang maaari mong gawin ngayon tungkol sa iyong ministeryo upang maging lalong handa ka na mangaral kung mga panahon ng pag-uusig?
13 Kinikilala mo ba na mayroon kang kahinaan sa mga ilang bagay? Ngayon na ang panahon na gumawa ka upang pagtagumpayan iyon. Matuto kang sumandig kay Jehova at maging lalong kuwalipikado bilang isang ministro. Kung magkagayon ay magkakaroon ka ng higit na kakayahan na mangaral ngayon at lalong handa kang magtiyaga kung mga panahon ng pag-uusig.
Ikaw ba’y Maaasahan?
14, 15. (a) Anong uri ng mga Kristiyano noong unang siglo ang tiyak na nakaimpluwensiyang mainam sa ikatatatag nang sumiklab ang pag-uusig? (b) Paanong ang isang kasalukuyang-panahong lingkod ni Jehova ay makakatulad ng malalakas na sinaunang Kristiyanong iyon?
14 Sa buong Kasulatang Griegong Kristiyano, bumabanggit ito ng mga tao na mga moog ng kalakasan sa kongregasyon. Halimbawa, si Onesiforo ay lakas-loob na tumulong kay Pablo nang ito’y nakabilanggo sa Roma. (2 Timoteo 1:16) Si Febe ay pinapurihan dahilan sa kaniyang kasipagan sa kongregasyon ng Cencrea. (Roma 16:1, 2) Ang gayong mga lalaki at mga babae ay tiyak na nakaimpluwensiyang mainam sa ikatatatag nang sumiklab ang pag-uusig. Sila’y ‘nanatiling gising, nagpakatatag sa pananampalataya, nagpatuloy na gaya ng mga lalaki, nagpakalakas.’—1 Corinto 16:13.
15 Lahat ng Kristiyano, lalung-lalo na ang hinirang na matatanda, ay dapat magsikap na sumulong at tumulad sa malalakas na sinaunang Kristiyano. (1 Timoteo 4:15) Matutong huwag ibulgar ang mga lihim na bagay at gumawa ng mga disisyon na nakasalig sa mga simulain ng Kasulatan. Sanayin ang iyong sarili na makilala ang mga katangiang Kristiyano sa mga iba upang malaman mo kung sino ang maaaring asahan pagka nasa ilalim ng kagipitan. Gumawa ka, taglay ang lakas ni Jehova, upang maging isang matibay na haligi sa inyong kongregasyon, isang tao na tumutulong sa iba imbis na siya na lamang ang laging nangangailangan ng tulong.—Galacia 6:5.
Paano Ka Nakikibagay sa mga Tao?
16, 17. Paanong ang pagkakapit ng Colosas 3:12, 13 ngayon ay tutulong sa iyo na maghanda para sa pag-uusig?
16 Tayo’y hinihimok ni apostol Pablo: “Magbihis kayo ng isang pusong mahabagin, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kahinahunan, at pagtitiis. Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa.” (Colosas 3:12, 13) Ito ba’y madali para sa iyo? O ikaw ba’y madaling nayayamot sa mga kahinaan ng mga ibang tao? Ikaw ba’y madaling magdamdam o masiraan ng loob? Kung gayon, isa pang larangan ito na kung saan dapat kang maghanda.
17 Sa mga bansa na kung saan bawal ang mga pulong, ang mga Kristiyano ay regular na nagtitipon sa maliliit na pulu-pulutong. Sa gayong mga kalagayan, ang kanilang mga kahinaan ay lalo pa ngang nahahalata. Kaya bakit hindi sanayin ang iyong sarili ngayon na magtiis sa mga kahinaan ng iba, gaya rin naman nila na marahil ay nagtitiis sa iyong mga kahinaan? Huwag kang maging mapintasin sa iba at sa gayo’y pinahihina mo ang kanilang loob. Gayundin, sanayin ang iyong sarili at ang iyong mga anak na igalang ang ari-arian ng mga ibang tao samantalang dumadalo kayo sa mga Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon. Sa ilalim ng pag-uusig, ang gayong paggalang ay tutulong sa mapayapang ugnayan ng isa’t isa.
Ikaw ba ay Mausisa?
18. Bakit kung minsan ay mas ligtas ang maalaman ang dapat lamang na maalaman mo?
18 Likas na sa iba sa atin na maging napakamausisa. Hindi tayo makatiis na hindi “makaalam ng mga lihim.” Ganiyan ka ba? Kung gayon, pag-isipan mo ito: Kung minsan, pagka ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbawal, sinisikap ng mga maykapangyarihan na matuklasan ang kanilang mga kaayusang pang-organisasyon at ang mga pangalan ng may pananagutang mga tagapangasiwa. Kung isa ka na nakakaalam ng mga bagay na ito, baka dumanas ka ng pisikal na pag-abuso sa pagsisikap na puwersahin ka na magsiwalat sa kanila ng mga lihim. At kung ikaw ay nagsiwalat nito sa kanila, baka maapektuhan nang malaki ang gawain ng iyong mga kapatid. Kaya, kung minsan ay mas ligtas ang maalaman ang dapat lamang na malaman mo at huwag nang maalaman ang mga iba pa.
19. Ano ang makatutulong sa iyo ngayon na maiwasan ang pagsisiwalat ng lihim na mga bagay pagka may pag-uusig?
19 Masasanay mo kaya ang iyong sarili ngayon para diyan? Oo. Halimbawa, kung may nililitis na kaso sa kongregasyon ang hukumang komite, ang mga indibiduwal ay dapat na masiyahan na sa anumang minamabuti ng mga matatanda na ipahayag at huwag nang manghimasok sa iba pang mga detalye. Ang mga asawang babae at mga anak ng matatanda ay hindi dapat magsikap na gipitin sila upang magsiwalat ng mga bagay na lihim. Sa lahat ng paraan, matuto sana tayong huwag ‘makialam sa mga bagay na wala tayong kinalaman.’—2 Tesalonica 3:11.
Ikaw ba Ay Isang Estudyante ng Bibliya?
20, 21. Paanong ang masigasig na pag-aaral ng Bibliya ngayon ay tutulong sa iyo kung ang gawain ay bawal?
20 Ang Bibliya ang saligan ng espirituwal na lakas ng isang Kristiyano. Ito ang nagbibigay sa kaniya ng mga kasagutan sa kaniyang pinakamahalagang mga katanungan at nakakamit niya ang mismong karunungan ng Diyos. (2 Timoteo 3:14-16) Sa simulain ay kinikilala ito ng lahat ng Kristiyano, subalit anong bahagi ang talagang ginagampanan ng Bibliya sa iyong buhay? Ito ba’y pinag-aaralan mo nang palagian at hinahayaan mo na ito ang gumabay sa iyo sa lahat ng bagay na iyong ginagawa?—Awit 119:105.
21 Malimit, totoong hinihigpitan ang pagpasok ng ating mga literatura sa Bibliya pagka ang gawain ay bawal. Kung minsan, mahirap na ring makakuha ka kahit ng mga Bibliya. Sa gayong mga kalagayan, ang banal na espiritu ay magpapaalaala sa iyo ng mga bagay na iyong natutuhan noong nakalipas na mga panahon. Subalit hindi ipaaalaala nito sa iyo ang mga bagay na hindi mo natutuhan! Kung gayon, mentras nag-aaral ka ngayon, lalong marami ang maiimbak mo sa iyong isip at puso upang maipaalaala sa iyo ng banal na espiritu kung mga panahon ng pangangailangan.—Marcos 13:11.
Ikaw ba’y Nananalangin?
22. Paanong ang ‘pagmamatiyaga sa pananalangin’ ay magsisilbing tulong sa paghahanda para sa pag-uusig?
22 Ito ay isang mahalagang tanong pagka naisip natin ang pag-uusig. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Magmatiyaga sa pananalangin.” (Roma 12:12) Ang panalangin ay tuwirang pakikipag-usap sa Diyos na Jehova. Sa pamamagitan nito ay makahihingi tayo ng lakas na mapagtiisan ang mga kahirapan at makagawa ng tamang mga pasiya, at gayundin magtayo ng isang personal na kaugnayan sa Diyos na Jehova. Kahit na kung magawa ng mga mananalansang na kunin ang ating literatura, ang ating mga Bibliya, at sugpuin ang ating pakikisama sa mga iba pang Kristiyano, kailanman ay hindi nila masusupil tayo sa ating pribilehiyong manalangin. Sa pinakamatibay na bilangguan, ang isang Kristiyano ay maaaring makipagtalastasan sa Diyos. Ang lubusang paggamit sa pribilehiyo na manalangin, samakatuwid, ay isang mainam na paraan na maghanda para sa anumang maaaring mangyari sa hinaharap.
Ikaw ba ay Nagtitiwala sa Awtoridad?
23. Bakit dapat pagtibayin ang pagtitiwala sa hinirang na matatanda at sa “tapat at maingat na alipin”?
23 Ang pagpapatibay sa pagtitiwalang ito ay mahalaga rin naman. Ang hinirang na matatanda sa kongregasyon ay isang bahagi ng paglalaan ng Diyos na ingatan tayo. Ang gayong matatanda ay kailangang kumilos sa paraan na sila’y nagiging karapat-dapat pagtiwalaan, at ang mga nasa kongregasyon naman ay kailangang matutong magtiwala sa kanila. (Isaias 32:1, 2; Hebreo 13:7, 17) Lalo pang mahalaga, tayo’y dapat matutong magtiwala sa “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45-47.
24. Ano ang maaaring gawin upang maging handa na madaig ang mga kasinungalingan ng umaatakeng mga kaaway sa mga lingkod ni Jehova?
24 Baka ang mga kaaway ay magkalat ng mga kasinungalingan tungkol sa organisasyon ng Diyos. (1 Timoteo 4:1, 2) Sa isang bansa, ang mga ibang Kristiyano ay nailigaw na maniwala na ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay tumalikod na sa pagka-Kristiyano, samantalang sila sa ganang sarili nila ay nananatili pa ring tapat dito. Ang isang mabuting paraan upang maghanda na madaig ang mga pag-atakeng tulad nito ay ang magpaunlad ng isang matibay na pag-ibig sa ating mga kapatid at matutong magtiwala sa mga kaayusan ni Jehova ng mga bagay.—1 Juan 3:11.
Ikaw ay Maaaring Magtagumpay
25. Ano ang tutulong sa atin na magtagumpay pagka tayo’y pinag-usig?
25 Pagkatapos na dumanas ng pag-uusig, ang matanda nang si apostol Juan ay nagsasabi sa atin: “Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan. At ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.” (1 Juan 5:4) Hindi ka maaaring magtagumpay kung sa sariling lakas mo lamang. Si Satanas at ang kaniyang sanlibutan ay mas malakas kaysa atin. Subalit sila’y hindi lalakas pa sa Diyos na Jehova. Kung tayo’y sumusunod sa mga utos ng Diyos, nananalangin na ang kaniyang espiritu ang magpatibay sa atin at umaasa tayo sa kaniya nang lubusan para sa lakas na makapagtiis, kung gayon ay magtatagumpay tayo.—Habacuc 3:13, 18; Apocalipsis 15:2; 1 Corinto 15:57.
26. Kahit na kung ngayon ikaw ay hindi dumaranas ng pag-uusig, ano ang dapat mong gawin?
26 Sa lahat ng bansa, may mga Kristiyano na pinag-uusig, sila’y sinasalansang ng kani-kanilang asawa o nangyayari ito sa mga ibang paraan. Sa mga ibang bansa, lahat ng mga lingkod ng Diyos ay dumaranas ng kahirapan dahilan sa opisyal na mga pagkilos ng lokal na gobyerno. Subalit kahit na ngayon, sa mismong sandaling ito, na hindi ka naman personal na dumaranas ng pananalansang o pambihirang kahirapan, tandaan na ito’y maaaring mangyari anumang oras. Sinabi ni Jesus na ang pag-uusig sa mga Kristiyano ay isang bahagi ng tanda ng panahon ng kawakasan; kung gayon, dapat na laging asahan natin na maaaring mangyari ito. (Mateo 24:9) Kaya’t bakit hindi maghanda ngayon para rito? Maging disidido na, anuman ang dumating sa hinaharap, ang iyong paggawi ay laging magdadala ng kapurihan sa iyong makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova.—Kawikaan 27:11.
Ano ang mga Sagot Ninyo?
◻ Anong uri ng mga paghahanda sa pag-uusig ang magagawa mo ngayon?
◻ Ano ang maaari mong gawin ngayon upang mapasulong ang lakas na kailangan upang makapagpatuloy ng pangangaral pagka pinag-uusig?
◻ Paano mo maikakapit ang Colosas 3:12, 13 ngayon upang makatulong pagka mayroon nang pag-uusig?
◻ Bakit kailangang pagtibayin mo ang iyong pagtitiwala sa hinirang na matatanda at sa “tapat at maingat na alipin”?
◻ Paano ka maaaring magtagumpay pagka pinag-uusig?