Mga Matatanda, Pakadibdibin ang Inyong mga Pananagutan sa Pagpapastol
“Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na inyong pinangangalagaan.”—1 PEDRO 5:2.
1. Bakit angkop na angkop na gamitin ang mga tupa upang sumagisag sa mga taong may pagsang-ayon ng Diyos?
ANONG angkop nga na ang mga tupa ay gamitin upang sumagisag sa mga taong may pagsang-ayon ng Diyos na Jehova! Ang mga tupa ay maaamo na mga hayop na tumutugon sa tinig ng kanilang pastol at agad sumusunod sa kaniya. Ang tulad-tupang mga tao ay ganiyan din na napaaakay sa Mabuting Pastol na si Jesu-Kristo. Kanilang nakikilala siya, sila’y tumutugon sa kaniyang tinig, at may kagalakang tinatanggap ang kaniyang pangunguna. (Juan 10:11-16) Mangyari pa, kung walang isang mabuting pastol, ang literal na mga tupa ay madaling mangatakot at mahihina. Hindi nga kataka-taka, kung gayon, na si Jesu-Kristo ay nakadama ng pagkahabag sa mga tao na “pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.”—Mateo 9:36.
2. Ano ang pagkamalas ni Jehova sa tulad-tupang mga tao na nagdusa sa ilalim ng mararahas na “mga pastol ng Israel”?
2 Ang Diyos na Jehova ay lubhang interesado sa espirituwal na kapakanan ng tapat-pusong mga tao na sa Kasulatan ay tinatawag na “mga tupa.” Halimbawa, sa pamamagitan ni propeta Ezekiel, sinabi ng Diyos na sa aba ng “mga pastol ng Israel,” ang responsableng mga lalaki na nagpapakabusog sa ganang sarili nila samantalang pinababayaan ang mga tupa. Subalit hindi tutulutan ni Jehova na ang tulad-tupang mga tao ay magdusa nang walang lunas, sapagkat sinabi niya: “Aking hahanapin ang nawawala, at ibabalik ang iniligaw, at tatalian ang nabalian at palalakasin ang may sakit.”—Ezekiel 34:2-16.
3. Paano nagpakita si Jesu-Kristo ng pagmamalasakit sa mga tupa?
3 Ang Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, ay mayroon ding ganiyang pagmamalasakit sa mga taong tulad-tupa. Bago siya umakyat sa langit, kung gayon, ipinahayag ni Jesus ang kaniyang pagnanasa na alagaan nang husto ang mga tupa. Sinabi niya kay apostol Pedro, ‘Pakanin mo ang aking mga kordero, alagaan mo ang aking maliliit na tupa, pakanin mo ang aking maliliit na tupa.’ (Juan 21:15-17) At upang masiguro na patuloy na binibigyan ng mapagmahal na atensiyon ang mga tupa, sinugo ni Jesus ang “ilan bilang mga pastol” upang mapatibay “ang katawan ng Kristo.”—Efeso 4:11, 12.
4. Si apostol Pablo ay nagpayo sa hinirang-ng-espiritung “mga nakatatandang lalaki” na gawin ang ano?
4 Yamang kapuwa ang Diyos at si Kristo ay may napakatinding pag-ibig at pagmamalasakit sa tulad-tupang mga tao, ang pagiging isang katulong na pastol ng mga tupa ng Diyos ay isang napakaresponsableng atas. Kaya naman si apostol Pablo ay nagpayo sa hinirang-ng-espiritung “mga nakatatandang lalaki” ng Efeso na “magpastol sa kongregasyon ng Diyos,” na ito’y bigyan ng nararapat na atensiyon. (Gawa 20:17, 28) Kaya paano ngang ang hinirang na matatanda ay wastong makapag-aasikaso ng pananagutang ito?
Ang mga Pastol ay Tumatanggap ng Tagubilin
5. Anong payo ang ibinigay ni Pedro sa kaniyang kapuwa mga tagapangasiwa?
5 Si apostol Pedro, na inaasahan noon na magpapakain sa mga tupa ni Jesus, ay nagsabi sa kaniyang kapuwa mga tagapangasiwa: “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na inyong pinangangalagaan, hindi na parang sapilitan, kundi nang may pagkukusa; ni dahil man sa pag-ibig sa masakim na pakinabang, kundi nang may pananabik; ni gaya ng kayo’y mga panginoon ng mga tagapagmana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa kayo sa kawan.” (1 Pedro 5:1-3) Tingnan natin kung paanong ang matatanda, na hinirang ng banal na espiritu, ay makasusunod sa payong ito.
6. Taglay ang anong saloobin dapat maglingkod ang matatanda sa “kawan ng Diyos”?
6 Sa kaniyang kapuwa matatanda ay ipinayo ni Pedro: “Magpastol kayo sa kawan ng Diyos na inyong pinangangalagaan, hindi na parang sapilitan, kundi nang may pagkukusa.” Yaong mga binigyan ng pribilehiyong maglingkod bilang espirituwal na mga pastol ay dapat maglingkod nang walang reklamo, na para bagang pinipilit sila na mag-asikaso sa mga tupa. Hindi nila dapat isipin na sila’y pinipilit, na para bagang ito’y isang gawain na nakababagot o na parang sila’y itinutulak ng iba na magpastol ng kawan. Bagkus, ang matatanda ay dapat maglingkod na taglay ang pagkukusa. (Ihambing ang Awit 110:3.) Pagka ang isang tao ay nalulugod na gumawa ng mabuti para sa iba, karaniwan nang ginagawa niya iyon nang buong puso, siya’y nagpapagal at nagpapakasakit upang maglingkod sa kanilang kapakanan. Ang matanda na may espiritu ng pagkukusa ay malayang nagbibigay ng kaniyang panahon at lakas. Batid niya na kung minsan ang mga tupa ay maaaring maligaw, at hinahangad niya na tulungan sila, tinutularan ang pagmamalasakit ng Diyos sa mga taong tulad-tupa. Aba, ganiyan na lang ang pagmamalasakit ni Jehova sa mga Israelita na nangaligaw kung kaya sinabi niya: “Aking sinabi, ‘Narito ako, narito ako!’ sa isang bansa na hindi tumatawag sa aking pangalan”!—Isaias 65:1.
7, 8. (a) Ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng gawaing pagpapastol nang hindi naghahangad ng masakim na pakinabang? (b) Ang paglilingkod na may pagkukusa ay nangangahulugan ng ano?
7 Sinabi ni Pedro na ang gawaing pagpapastol ay dapat na gawin hindi dahil sa “sakim na pakinabang, kundi nang may pagkukusa.” Hindi ibig ng hinirang na matatanda na maging isang pasanin sa mga tupa. Ganiyan ang saloobin ni apostol Pablo, sapagkat sinabi niya sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Sapagkat inaalaala ninyo, mga kapatid, ang aming mga pagpapagal at paghihirap. Kami nga’y nagtatrabaho gabi at araw, upang huwag kaming maging isang mabigat na pasanin sa kanino man sa inyo, samantalang ipinangangaral namin sa inyo ang mabuting balita ng Diyos.” Kaniya ring pinaalalahanan sila: “Kami ay hindi nag-ugali sa inyo nang walang kaayusan ni nagsikain man kami nang walang bayad ng pagkain ninuman. Kundi, sa pagpapagal at pagtatrabaho gabi at araw kami ay gumawa upang kami’y huwag maging pasanin sa gastos sa kanino man sa inyo.”—1 Tesalonica 2:9; 2 Tesalonica 3:7, 8.
8 Sa katulad na paraan, ang tapat na mga pastol ng kawan ng Diyos ngayon ay hindi may kasakimang naghahangad ng anumang mayroon ang mga tupa o nagsisikap na makamit sa kanila ang sakim na pakinabang. (Lucas 12:13-15; Gawa 20:33-35) Ipinakita ni Pablo na ang mga taong kuwalipikado na maging mga tagapangasiwa ay ‘hindi dapat sakim sa mahalay na pakinabang.’ (Tito 1:7) Bagkus, sila’y kailangang maglingkod nang may pagkukusa, may masiglang interes sa kanilang gawain at hinahangad ang ikabubuti ng mga tupa na ipinagkatiwala sa kanila. (Filipos 2:4) Sa ganitong paraan, ang mga pastol na ito ay nagpapakita ng walang-imbot na pagmamalasakit sa mga tupa katulad din ng ipinakita ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.
9. Bakit ang isang pastol na Kristiyano ay ‘di dapat mag-amu-amuhan sa mga taong pinaka-mana ng Diyos’?
9 Sinabi rin ni Pedro na ang matatanda ay magpapastol sa bayan ni Jehova “hindi gaya ng sila’y mga panginoon ng mga tagapagmana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa kayo sa kawan.” Ang isang mapagmahal na pastol ay maingat at hindi niya inaabuso ang kaniyang awtoridad sa pamamagitan ng pag-iisip na siya’y nakatataas at nagkukunwari siyang panginoon ng mga tupa. Ang isang espiritu ng pagmamataas ay labag sa pagka-Kristiyano at kailangang iwasan ng lahat ng mga naghahangad na makalugod kay Jehova. Ang Kawikaan 21:4 ay nagsasabi: “Ang mapagmataas na tingin at ang palalong puso, na siyang ilaw ng mga balakyot, ay kasalanan.” At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga bansa ay nag-aamu-amuhan sa kanila at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng awtoridad sa kanila. Sa inyo’y hindi ganito; kundi ang sinumang ibig maging dakila sa inyo ay kailangang maging ministro ninyo, at sinumang mag-ibig na maging una sa gitna ninyo ay kailangang maging alipin ninyo.” (Mateo 20:25-27) Oo, tatandaan ng matatanda na yaong mga bumubuo ng kawan ay mga tupa ng Diyos at hindi dapat na pakitunguhan nang may kabagsikan.
10. (a) Noong kaarawan ni Ezekiel ano ang ginagawa ng mga ilang pastol ng bayan? (b) Paanong ang tapat na mga tagapangasiwa ay maiinam na halimbawa sa kawan?
10 Sa mapag-imbot na mga pastol noong kaarawan ni Ezekiel, sinabi ni Jehova: “Hindi ninyo pinalakas ang payat, ang maysakit ay hindi ninyo pinagaling, at ang nabalian ay hindi ninyo tinalian ang bali, at hindi ninyo ibinalik ang nailigaw, at ang nawala ay hindi ninyo sinikap na hanapin, kundi inyong pinakitunguhang may karahasan, pinagmalupitan pa nga.” Sinabi pa ng Diyos na ang mararahas na pastol ay ‘patuloy na nagtulak sa lahat ng mga tupang maysakit hanggang sa ang mga ito ay magsipangalat.’ (Ezekiel 34:4, 20, 21) Subalit hindi ganiyan kung tungkol sa mapagmahal na mga pastol ng “kawan ng Diyos” sa ngayon. Hindi nila ipinagmamalaki ang kanilang awtoridad at sila’y maingat na huwag makatisod sa alinman sa mga tupa. (Ihambing ang Marcos 9:42.) Bagkus, ang gayong matatanda ay nagbibigay ng maibiging tulong at pampatibay-loob. Isa pa, sila’y may kalakip-panalangin na umaasa kay Jehova at nagsusumikap na maging mabubuting halimbawa “sa pagsasalita, sa asal, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisang-asal.” (1 Timoteo 4:12) Kaya, ang mga tupa ay kontento at nakadarama ng kasiguruhan, sapagkat alam nila na sila’y inaasikaso ng mapagmahal at may-takot sa Diyos na mga pastol.
May mga Panganib na Nakaharap sa mga Tupa
11. Bakit ang makabagong-panahong mga pastol ay kailangang mangalagang mabuti sa kawan ng Diyos upang ang mga tupa ay makadama ng kasiguruhan?
11 Ang tulad-tupang mga tao sa ngayon ay kailangang makadama ng kasiguruhan, dahil sa mainam na atensiyon na ibinibigay ng matatanda sa pagsasanggalang sa kawan. (Isaias 32:1, 2) Ito’y lalung-lalo ng totoo sapagkat ang mga Kristiyano ay nakaharap sa maraming panganib sa “mga panahong mapanganib” na ito ng “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Ang salmistang si David ay napaharap din sa mga panganib, subalit kaniyang nasabi: “Si Jehova ang aking Pastol. . . . Bagaman ako’y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan, sapagkat ikaw ay sumasa-akin.” (Awit 23:1-4) Ang mga pastol sa makabagong panahon ng kawan ng Diyos ay dapat na mangalagang mabuti sa mga tupa sa kawan ng Diyos upang, tulad ni David, ang tulad-tupang mga taong ito ay makadama na sila’y malapit na malapit kay Jehova. Dapat din silang makadama ng kasiguruhan bilang bahagi ng organisasyon ng Diyos.
12. Sa anong kasalukuyang hilig dapat na ipagsanggalang ang mga tupa, at paano makatutulong tungkol sa bagay na ito ang matatanda?
12 Ang isang panganib na buhat doo’y kailangang ipagsanggalang ang mga tupa sa kawan ng Diyos ay ang kasalukuyang hilig tungo sa imoral na pamumuhay na walang prinsipyo. Dahilan sa usong mga uri ng libangan, maging sa pamamagitan man ng telebisyon o ng ibang paraan, maraming tao ang may istilo ng pamumuhay na tuwirang salungat sa mga pamantayan na nasa Salita ng Diyos. Sa ngayon, ang saloobin ng sanlibutang ito na kahit-ano-puede, kasama ang napakahalay na imoralidad sa sekso, ay kailangang salungatin ng mainam na payo ng Kasulatan sa loob ng kongregasyon. Kaya naman ang mga pastol ng kawan ay kailangang may malaking kaalaman sa itinuturo ng Bibliya sa kalinisang-asal. Isa pa, dapat na patuloy na ipaalaala nila sa mga tupa ang kanilang pananagutan na manatiling malinis ukol sa paglilingkuran kay Jehova.—Tito 2:13, 14.
13. (a) Laban sa anong panganib nagbibigay ng mainam na payo ang liham ni Judas? (b) Ano ang dapat na maging paninindigan ng matatanda kung tungkol sa mga apostata?
13 Nariyan din ang mga panganib buhat sa mga apostata. Alalahanin na 19 na siglo na ang nakalipas, may mga “taong liko” na mga bulaang guro na nakasinggit sa kongregasyon. Sila’y mapanganib na “mga batong nakatago sa ilalim ng tubig,” mga huwad na pastol na nagpapakain sa kanilang sarili, mga taong makahayop na lumilikha ng pagbubukud-bukod at walang espirituwalidad. Ang liham ni Judas ay nagbibigay ng mainam na payo na nagpapangyaring ang matatanda, at lahat ng mga tapat, ay “ipaglabang masikap ang pananampalataya.” (Judas 3, 4, 12, 19) Walang alinlangan, ang matatanda ay kinakailangang manindigang matatag laban sa kaninuman na naghahangad na lumikha ng pagkakabaha-bahagi, sapagkat si Pablo ay sumulat: “Tandaan ninyo yaong mga pinagmumulan ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisuran laban sa aral na inyong natutuhan at iwasan ninyo sila.” (Roma 16:17) Samakatuwid ang mga pastol ay may pananagutan na ipagsanggalang ang kawan buhat sa mga ito o sa iba pang ‘mga lobo na nakadamit tupa.’—Mateo 7:15.
Pagtulong sa mga Tupa sa mga Ibang Paraan
14, 15. Paano matutulungan ng matatanda ang kanilang mga kapananampalataya na hindi mabuti ang trato sa isa’t isa?
14 Bahagi ng pagpapastol sa “kawan ng Diyos” ay ang pagtulong sa mga tupa na may sarisaring problema na maaaring bumangon sa loob ng kongregasyon. Kung minsan, baka magpasimulang magkaroon ng alitan sa pagitan ng mga tupa. Dahilan sa maliliit na di pagkakaunawaan, baka ang iba’y hindi mabuti ang trato sa isa’t isa. Baka ang mga taong ito’y nagsisiraan sa isa’t isa at sa katapus-tapusan ay hindi na sila nakikisama sa kanilang dating mga kasamahan sa paglilingkuran kay Jehova, at ito’y sa malaking kapinsalaan nila sa espirituwal.—Kawikaan 18:1.
15 Ang espirituwal na mga pastol ay kailangan na maging laging alisto na tulungan ang gayong mga kapananampalataya. Halimbawa, baka kailanganin na itawag-pansin ng matatanda na napakasama ang magsiraan sa isa’t isa at kung paano lahat ng tapat na Kristiyano ay kailangang gumawa upang maingatan ang pagkakaisa ng kongregasyon. (Levitico 19:16-18; Awit 133:1-3; 1 Corinto 1:10) Ang matatanda ay maaaring makatulong sa pamamagitan ng pagtatawag-pansin sa babala ni Pablo: “Kung . . . kayo-kayo rin ang nagkakagatan at nagsasakmalan, magsipag-ingat kayo na baka kayo’y maglipulan sa isa’t isa.”—Galacia 5:13-15; Santiago 3:13-18.
16. Ano ang kailangang gawin ng matatanda pagka kanilang napansin ang anumang di-mabuting kinahihiligan sa kongregasyon?
16 Kayong matatanda, tandaan ninyo na ang Diyablo ay gumagala na “gaya ng leong umuungal, naghahanap ng sinumang masisila.” (1 Pedro 5:8) Lahat ng tunay na mga Kristiyano ay may pakikipagbaka, hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga hukbo ng balakyot na mga espiritu. (Efeso 6:10-13) Ang tapat na mga pastol ay tunay na hindi naman nagnanais na ang mga tupa ay madaig ni Satanas. Kung gayon kung may mga tulad-tupang nagsisimulang pumalya sa pagdalo sa mga pulong ng mga Kristiyano, ang mapag-asikasong matatanda ay nararapat na magsikap alamin ang dahilan at magbigay ng sapat na tulong sa espirituwal. Ang mga pastol ay kailangang may kaalaman sa ayos ng kawan at maging alisto na makilala ang anumang di-mabuting kinahihiligan sa kongregasyon. (Kawikaan 27:23) Kung sila’y may napapansing anumang hilig na magpabaya sa ministeryo sa larangan, magwalang-bahala sa personal na pag-aaral, o magmalabis sa libangan o materyalistikong mga bagay, ang responsableng mga lalaking ito ay kailangang magsikap na lunasan ang kalagayang iyon. Bilang pagtulad kay Jehova at sa Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, ang matatanda na nangangalaga sa “kawan ng Diyos” ay angkop na naghahandog ng personal na tulong o, kung minsan, nagbibigay ng kinakailangang payo sa mga pulong. (Galacia 6:1) Sa mga ito at iba pang mga paraan, ang maibiging mga matatanda ay nagpapatunay na kanilang pinakadidibdib ang kanilang mga pananagutan bilang mga pastol.—Gawa 20:28.
Ang Pagpapastol ay Isang Seryosong Bagay
17. Ano ang kinakailangan upang maging kuwalipikado bilang isang matanda?
17 Ang pagpapastol sa “kawan ng Diyos” bilang isang matanda ay isang gawaing maselang. Ang mataas na mga pamantayan na kailangang matugunan upang maging kuwalipikado para sa gayong pribilehiyo ay malinaw na nalalahad sa 1 Timoteo 3:1-7, Tito 1:5-9, at 1 Pedro 5:1-4. Hindi ang sinumang kapatid ay maaaring makapaglingkod sa tungkuling ito, sapagkat tanging ang espirituwal na mga lalaki ang wastong makababalikat ng pananagutang ito. (1 Corinto 2:6-16) Maraming mga lalaki na ngayo’y hindi naglilingkod bilang mga matatanda ang maaaring maging kuwalipikado para sa pribilehiyong ito, subalit kailangang ‘magsumikap muna para sa tungkulin ng pagkatagapangasiwa.’ Sila’y dapat na maging masusugid na mga mag-aarál ng Salita ng Diyos upang sila’y magkaroon ng malawak na pagkaunawa rito. Oo, kailangang ipakita nilang sila’y karapat-dapat na irekomenda dahilan sa nakatutugon sa mga kahilingan ng Kasulatan para sa hinirang na matatanda, nababagay na mga pastol ng “kawan ng Diyos.”
18. Ano ang nadama ni Pablo tungkol sa mga kongregasyon, at ang mga iba ba ay mayroon din ng damdamin na kagaya ng sa kaniya?
18 Naglilingkod sa ilalim ng Diyos na Jehova ay ang ulo ng kongregasyong Kristiyano, ang Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo. (Juan 10:11; 1 Corinto 11:3; Efeso 5:22, 23) At anong laki ng pagkalugod ni Jesus na magkaroon ng mga katulong na pastol ng kawan na wastong nangunguna at nagsasanggalang sa mga tupa! Ang espirituwal na mga lalaking ito ay nakatutugon sa matataas na mga kahilingan ng Kasulatan para sa hinirang na matatandang Kristiyano. Isa pa, sila’y mayroon ding matinding pagmamalasakit sa mga tupa na gaya ng ipinakita ni apostol Pablo, na sumulat: “Bukod sa mga bagay na iyon [mga kahirapan at mga pagdurusa] na panlabas, may nakababalisa sa akin sa araw-araw, ang pagkabahala sa lahat ng kongregasyon. Sino ang nanghina, at ako’y hindi nanghina? Sino ang napatisod, at ako’y hindi nagdaramdam?” (2 Corinto 11:23-29) Si Pablo ay naglakbay nang husto sa maraming dako, at sa araw-araw ay nakaranas siya ng “pagkabahala sa lahat ng kongregasyon,” kagaya rin ng naglalakbay na mga tagapangasiwa sa ngayon. Gayundin naman, ang hinirang na matatanda sa indibiduwal na mga kongregasyon ay nakakaranas ng pagkabahala para sa mga tupa sa loob ng kawan na ipinagkatiwala na kanilang pangalagaan bilang espirituwal na mga pastol.
19. Ano ang magiging resulta habang ikinakapit ang Hebreo 13:17 at ang matatanda ay patuloy na dumidibdib sa kanilang mga pananagutan bilang mga pastol?
19 Ang pagpapastol sa “kawan ng Diyos” ay nangangailangan ng malaking pagpapagal, subalit nagdudulot ng pinakamalaking pagpapala. Kung gayon, kayong mga pastol ng kawan, maingat na asikasuhin ang inyong mahalagang pribilehiyo. Pangalagaan ninyong mabuti ang kawan ng Diyos. At harinawang lahat ng mga taong tulad-tupa ay lubusang makipagtulungan sa mga katulong na pastol na hinirang ng banal na espiritu. “Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo at pasakop kayo,” ang payo ni Pablo, “sapagkat kanilang patuloy na binabantayan ang inyong mga kaluluwa na parang sila ang magsusulit.” (Hebreo 13:17) Habang lahat ng buong-pusong nakatalaga kay Jehova ay gumagawang sama-sama nang may pagkakaisa, dakilang espirituwal na mga pagpapala at kapakinabangan ang patuloy na ibubunga ng tapat na paglilingkod ng hinirang na matatandang Kristiyano na dumidibdib sa kanilang mga pananagutan bilang mga pastol.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Bakit ang espirituwal na mga pastol ay dapat maglingkod nang may pagkukusa?
◻ Bakit ang matatanda ay dapat umiwas sa pag-ibig sa masakim na pakinabang?
◻ Bakit mali para sa mga matatanda na mag-amu-amuhan sa kawan ng Diyos?
◻ Bakit ang mga tagapangasiwa ay dapat na maging halimbawa sa kawan?
◻ Ano ang ilan sa mga panganib na doon kailangang ipagsanggalang ng mga pastol “ang kawan ng Diyos”?