Ibalita Nang Malaganap ang Kaharian ng Diyos
“Pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay, datapuwat yumaon ka at ibalita mong malaganap ang kaharian ng Diyos.”—LUCAS 9:60.
1. Anong mahalagang mga tanong ang ibinangon ng pangungusap ni Jesus sa Lucas 9:60?
ANG Kaharian ng Diyos—iyan ang pinakamahalagang kapakanan sa buhay ni Jesus! Ganiyan din naman sa ngayon para sa lahat sa atin na kaniyang tunay na mga tagasunod-yapak. Bilang mga Kristiyano, sinisikap nating sunding maingat ang mga yapak ni Jesus sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa Bibliya. (1 Pedro 2:21) Ngunit ngayon, na tayo’y nasa taóng 1986, hindi ba kailangang suriin nating muli ang mga dapat nating unahin sa ating buhay? Halimbawa, paano mo ipaliliwanag ang sinabi ni Jesus sa isang tao na “pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay”? Bakit inaakala mo na noon ay idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng pagbabalita ng Kaharian, kabaligtaran ng waring mga bagay na dapat pagkaabalahan ng pamilya? Ano ang masasabi mo?
2. Kailan nagsimula ang soberanya o paghahari ni Jehova, at gaanong katatag ito?
2 Malaon na bago gamitin ni Jesus ang pananalitang “ang kaharian ng Diyos,” ang salmistang si David ay kinasihan na sumulat: “Ang kaniyang trono ay itinatag ni Jehova sa mga langit; at ang kaniyang kaharian ay nagpupuno sa lahat.” (Awit 103:19) Ang soberanya ni Jehova ay nagsimula nang pasimulan niya ang kaniyang paglalang. Ang saligan ng kaniyang trono ay hindi kailanman makikilos. Ang kaniyang karapatan bilang soberano ng sansinukob ay hindi kailanman maaagaw sa kaniya. Hindi ipagtataka ang pagkasabi ng salmista: “Ipamalita ninyo sa gitna ng mga bansa ang kaniyang kaluwalhatian, . . . sapagkat dakila si Jehova at marapat na pakapurihin”!—Awit 96:3, 4; 109:21; Daniel 4:34, 35.
3. (a) Anong mga pangyayari ang humantong sa paghamon sa pamamahala ni Jehova? (b) Paano nilayon ng Diyos na lutasin ang isyu ng pansansinukob na pamamahala?
3 Gayunman, hindi lahat ay nagpatuloy na pumuri kay Jehova. Si Satanas, ang unang apostata, ang humamon sa paraan ng pagpapahayag at pagsasagawa ni Jehova ng Kaniyang pamamahala sa Kaniyang mga nilalang sa lupa. (Genesis 3:1-5; Job 1:6-12; 2:1-5) Bilang resulta, sa lupa at nang malaunan sa langit, ang mga ibang nilalang ay nahawa sa mapaghimagsik na saloobin ni Satanas. Inimpluwensiyahan din ni Satanas ang mga tao upang magtayo ng sunud-sunod na mga kaharian ng tao. Ginamit niya ang mga ito upang hamunin ang karapatan ng Diyos na mamahala. (Apocalipsis 13:1-6) Upang malutas ang isyung ito ng pansansinukob na pamamahala, si Jehova ay nagpanukala ng isang bagay na di-karaniwan, gaya ng inihula sa Daniel 2:44: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng kahariang ito, at yaon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”
Si Jehova ay Naging Hari sa Israel
4. Sa anong diwa naaring nasabi ni David na “Si Jehova ay naging hari,” at sa gayo’y panahon iyan ng ano?
4 Samakatuwid ay nagliliwanag ngayon na, bagaman ang pamamahala ni Jehova ay nagsimula sa kaniyang paglalang, kaniyang nilayon na gumawa ng tiyakang kapahayagan ng kaniyang pamamahala upang lutasin magpakailanman ang suliranin ng karapatan niya sa pamamahala. Ang kapahayagang ito ay ang makalangit na Mesianikong Kaharian. Ang makalupang kaharian na itinatag ni Jehova sa bansang Israel ay nagsilbing isang maliit na anino ng Kahariang ito “na hindi magigiba kailanman.” Kaya, nang dalhin ni Haring David ang kaban ng tipan sa lunsod ng Jerusalem, kaniyang inawit nang may kagalakan: “Magsaya ang mga langit, at magalak ang lupa, at sabihin nila sa gitna ng mga bansa, ‘Si Jehova ay naging hari!’” (1 Cronica 16:31) Oo, sa isang natatanging diwa si Jehova ay “naging hari” para sa buong Israel. Iyon ay panahon ng malaking kagalakan, at ibig ni David noon na ibalita nang malaganap ang kamangha-manghang pangyayaring iyan!
5, 6. (a) Sa paanong si David ay isang natatanging hari sa gitna ng mga hari? (b) Kanino lumarawan si David, at paano?
5 Dahil sa karanasan ni Haring David na pagiging isang pastol ay nagsilbing saligan iyon ng kaniyang pagiging isang natatanging hari sa gitna ng mga hari. Siya’y isang pastol-hari. Inilarawan ng salmista si David bilang pinili ng Diyos para sa puwestong ito, na ang sabi: “Pinili [ni Jehova] si David na kaniyang lingkod at kinuha niya siya mula sa kulungan ng mga tupa . . . upang maging pastol ng Jacob na kaniyang bayan at ng Israel na kaniyang mana. At siya’y nagsimulang magpastol sa kanila ayon sa katapatan ng kaniyang puso, at pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng kabihasahan ng kaniyang mga kamay.”—Awit 78:70-72.
6 Ang pagpapastol at pangangalaga ni David sa kaniyang bayan, ang kaniyang katapatan ng puso sa kaniyang Diyos, at ang kaniyang kabihasahan bilang isang lider ay nagsangkap sa kaniya ng katangian upang lumarawan sa darating na Mesiyas, na gagamitin sa isang natatanging paraan upang ipakilala ang pansansinukob na pagkahari ni Jehova at kumilos bilang isang maibiging Pastol-Hari. Ang kahanga-hangang bahaging ito ng mga layunin ni Jehova ay nang malaunan inihula ni propeta Ezekiel: “Ako’y maglalagay sa Israel ng isang pastol, at kaniyang pakakainin sila, samakatuwid nga’y ang aking lingkod na si David. . . . At ako mismo, si Jehova, ay magiging kanilang Diyos, at ang aking lingkod na si David ay isang pinuno sa gitna nila. Ako, si Jehova, ang nagsalita.”—Ezekiel 34:22-24.
Dumating ang Inihulang Pastol-Hari
7, 8. (a) Ayon sa hula ay paano makikilala ang Pastol-Hari, at karapat-dapat sa ano ang kaniyang pagparito? (b) Sa anong layunin “lubos na nalulugod” si Jehova kay Jesus?
7 Ang Isa na inihula ni Jehova ay ang kaniyang sariling Anak, si Jesus. Tungkol sa kaniya, ang anghel Gabriel ay nagsabi kay birhing Maria: “Narito! maglilihi ka sa iyong bahay-bata at manganganak ka ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kaniya ay Jesus. Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya’y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magwawakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:31-33) Anong kahanga-hangang kapahayagan ng pagkahari ni Jehova ang kalalabasan nito! Tiyak, ang gayong dumarating na pangyayari ay karapat-dapat sa pinakamalaganap na pagbabalita sa buong daigdig: “Si Jehova ay naging hari!”
8 Pagkatapos ng makahimalang pagsilang ni Jesus at ng kaniyang paglaki hanggang sa maging ganap ang pagkatao, kaniyang iniharap ang kaniyang sarili para sa bautismo sa tubig ng ilog Jordan. Nang panahong iyon ay kinilala ng Diyos si Jesus bilang kaniyang Anak sa pamamagitan ng pagbubuhos sa kaniya ng espiritu at pagsasabi: “Ikaw ang aking Anak, na sinisinta; sa iyo ako lubos na nalulugod.” (Lucas 3:22) Dahil sa ano “lubos na nalulugod” kay Jesus? Ang ulat ni Lucas ang nagpapaliwanag: “Si Jesus, nang magpasimula sa kaniyang gawain, ay mga tatlumpong taóng gulang.” (Lucas 3:23; Ref. Bi. talababa: “O, ‘magpasimulang [nagturo].’”) Ang Revised Standard Version at ang New International Version ay nagsasabi, “Nang kaniyang pasimulan ang kaniyang ministeryo.” Ano ba ang “gawain” ni Jesus, o “ministeryo”? Ano ang kaniyang ‘itinuro’? Ang manunulat na si Mateo ay nagbibigay ng kasagutan: “Nilibot [ni Jesus] ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.”—Mateo 4:23.
9. Sa paanong si Jesus ay nakakatulad ng kaniyang ninunong si David?
9 Ang kaniyang buhay ay ginugol ni Jesus sa ‘pagbabalita nang malaganap sa kaharian ng Diyos.’ Tulad ng kaniyang ninunong si David, kaniyang ipinakita ang katapatan ng kaniyang puso sa pamamagitan ng hindi kailanman pakikipagkompromiso ng kaniyang pagtataguyod sa Kaharian ni Jehova. (Lucas 9:60; 4:3-13; Juan 16:33) Pinatunayan ni Jesus na siya ang “kaisa-isang pastol” na ipinangako ni Jehova na ibabangon. Siya’y nagagalak na pakanin sa espirituwal yaong mga inaapi ng mga pinunong relihiyoso at “pinagsasamantalahan at nakapangalat na tulad ng mga tupa na walang pastol.” (Mateo 9:36) Tungkol sa kaniyang dalubhasang gawain na pagsisilbing pastol sa mga tao at kung paano iyon unti-unting lalawak sa paglakad ng mga taon, sinabi ni Jesus: “Ako ang mabuting pastol, at nakikilala ko ang aking mga tupa at nakikilala ako ng aking mga tupa . . . At mayroon akong mga ibang tupa, na hindi sa kulungang ito; sila’y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig, at sila’y magiging isang kawan, sa ilalim ng isang pastol.”—Juan 10:14, 16.
10. Paano tayo may matututuhan sa iba’t ibang epekto sa mga Judio ng paanyaya ni Jesus na sila’y sumunod sa kaniya?
10 Paanong naapektuhan ang mga Judio ng paanyaya ni Jesus na maging kaniyang tulad-tupang mga tagasunod? Iba’t iba ang epekto. Samantalang sinusuri natin ang ilan sa mga epektong ito, pag-isipan kung ano ang naging tugon mo sapol nang makarinig ka ng pabalita ng Kaharian ng Diyos.
“Sumunod Ka sa Akin”—Paano Ka Tumutugon?
11. Ilahad ang tugon nina Simon, Andres, Santiago, Juan, at Mateo sa anyaya ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin.”
11 Nang si Jesus ay naglalakad malapit sa Dagat ng Galilea, natanaw niya si Simon at ang kaniyang kapatid na si Andres na namamalakaya. “Sinabi sa kanila ni Jesus: ‘Sumunod kayo sa akin, at kayo’y pangyayarihin ko na maging mga mamamalakaya ng mga tao.’ At kapagdaka’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya. Pagkatapos na makarating sila nang malayu-layo kaniyang nakita si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kaniyang kapatid . . . at . . . kaniyang tinawag sila. Iniwanan nila ang kanilang amang si Zebedeo sa bangka kasama ang mga upahang manggagawa at sila’y sumunod sa kaniya.” (Marcos 1:16-20) Ang ganito ring positibong epekto ang nakita sa maniningil ng buwis na si Levi, o Mateo. “Sinabi [ni Jesus] sa kaniya: ‘Sumunod ka sa akin.’ Pagkatapos iwanan ang lahat ng bagay siya’y tumindig at sumunod sa kaniya.”—Lucas 5:27, 28.
12. Ano ang problema tungkol sa taong nagsabi kay Jesus: “Susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon”?
12 Gayunman, hindi lahat ay tumugon nang positibo sa paanyaya ni Jesus na, “Sumunod ka sa akin.” Pag-isipan ang lalaking binanggit sa Lucas kabanata 9, na nakilala ni Jesus samantalang siya’y naglalakbay sa sunud-sunod na mga bayan. Sinabi niya kay Jesus: “Susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.” Sang-ayon sa paglalahad ni Mateo ang taong ito ay isang escriba. Ang mga escriba ay tinitingala ng mga tao at sila’y tinatawag na mga “Rabbi.” Ngayon ay pansinin ang tugon ni Jesus: “May mga lungga ang mga sora, at ang mga ibon sa langit ay may mga pugad, datapuwat ang Anak ng tao ay wala man lamang mapaghiligan ng kaniyang ulo.” (Lucas 9:57, 58) Sinasabi noon ni Jesus sa taong ito na siya ay makakaranas ng mga kahirapan kung magiging Kaniyang tagasunod. Ipinahihiwatig na ang taong ito ay totoong mayabang upang tanggapin ang ganitong sistema ng pamumuhay. Ang kawalang-seguro ng di pagkaalam kung saan siya magpapalipas ng susunod na gabi ay isang kalabisan na hindi niya matatanggap.
13. Bakit ganoon ang tugon ni Jesus sa isa pang tao na maaari sanang naging tagasunod niya?
13 Sinabi ni Jesus sa isa pang tagapagmasid: “Sumunod ka sa akin.” Subalit, bilang tugon, sinabi niya kay Jesus: “Payagan mo muna akong umalis at ilibing ang aking ama.” Pansinin ang tugon ni Jesus: “Pabayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang mga patay, datapuwat yumaon ka at ibalita mong malaganap ang kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:59, 60) Ang pagdadahilan ng taong ito ay hindi nagpapahiwatig na namatay na ang kaniyang ama. Kung ito ay namatay, malayung-malayo na ang anak na iyon ay naroroon sa kalye at nakikinig kay Jesus. Hindi, kundi waring ang sinabi ng taong iyon ay na hinihintay niya ang panahon na mamatay ang kaniyang ama. Hindi siya handang ang Kaharian ng Diyos ay unahin agad-agad sa kaniyang buhay.—Mateo 6:33.
14, 15. (a) Ano ang ipinakikita ng kahilingan kay Jesus ng ikatlong tao? (b) Anong aral ang maaari nating matutuhan ngayon sa sagot ni Jesus sa taong ito?
14 Ang rekord ay nag-uulat tungkol sa ikatlong tao, na nagkusa: “Susunod ako sa iyo, Panginoon; datapuwat pabayaan mo akong magpaalam muna sa mga kasambahay ko.” Maliwanag na ang taong ito ay ibig magkaroon ng mga kondisyon ang kaniyang pagiging isang tagasunod ni Jesus. Sa katunayan, parang sinabi niya kay Jesus: ‘Narito! ako’y magiging isa sa iyong mga tagasunod, kung . . . ’ Ano ang sagot ni Jesus? “Walang taong pagkatapos humawak sa araro at lumilingon sa likod ay karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.” (Lucas 9:61, 62) Pagka ibig ng isang nag-aararo na makabuo ng isang diretsong tudling sa bukid, kailangang patuloy na tumanaw siya nang diretso sa harap. Kung siya’y lilingon, ang tudling na iyon ay malamang na maging baluktot. Baka siya’y matisod pa! Gayundin naman kung tungkol sa mga tagasunod-yapak ni Jesus; kung sila’y lilingon sa matandang sistemang ito ng mga bagay, kahit na saglit, iyon ay pagsasapanganib ng kanilang kalagayan, baka matisod ang kanilang mga paa at mapalihis sila buhat sa ‘makipot na daan na patungo sa buhay.’—Mateo 7:14; tingnan ang Lucas 17:31-35.
15 Narinig mo ba ang paanyaya ni Jesus na: “Sumunod ka sa akin”? Ano ba ang iyong itinugon? Ipinakita mo ba ang ganoon ding positibong pagtugon na gaya ng sa mga alagad na sina Simon, Andres, Santiago, Juan, at Mateo? Tulad ng mga taong iyan, ikaw ba ay handang gumawa ng anumang sakripisyong kailangan upang makasunod sa mga yapak ng Panginoon? Kung ang iyong sagot ay oo, tatamasahin mo rin ang di-matutumbasang pribilehiyo ng pakikibahagi sa pagbabalita nang malaganap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
16. Paano inihanda ni Jesus ang kaniyang mga alagad para sa pakikibahagi sa kaniya sa pangangaral ng mabuting balita?
16 Bago sinugo ni Jesus ang kaniyang mga alagad upang ipangaral ang Kaharian, kaniyang tinuruan sila nang buong husay kung paano gagawin ito sa pamamagitan ng kaniyang sariling halimbawa. Pagkatapos, sila’y binigyan ni Jesus ng detalyadong mga tagubilin kung paano hahanapin ang tulad-tupang mga tao sa anumang bigay na teritoryo. Ang mga tagubilin ni Jesus ay kapit pa rin sa ika-20 siglong ito. Suriin natin ang ilan sa mga ito ayon sa nasusulat sa kabanata 10 ng ulat ni Mateo.
Mga Tagubilin sa Pangangaral ng Kaharian
17. Paghambingin ang kahulugan ng balita ng Kaharian na ipinangaral noong unang siglo at nitong sa ngayon.
17 Ang tema ng pabalita ng mga alagad ay kagaya rin niyaong ipinangaral ni Jesus: “Samantalang kayo’y naglalakad, magsipangaral kayo, na sabihin: ‘Ang kaharian ng langit ay malapit na.’” (Mateo 10:7) Gayunman, ang Kahariang iyon ay natatatag na ngayon sa langit. Ang Pastol-Hari ni Jehova, si Kristo Jesus, ay naghahari na ngayon! Kung gayon, ang mga salita ni David ay mayroon na ngayong lalong malawak na kahulugan: “Magsaya ang mga langit, at magalak ang lupa, at sabihin nila sa gitna ng mga bansa, ‘Si Jehova ay naging hari!’” (1 Cronica 16:31) Sa ngayon, tayo ay hindi lamang pinagpala na suportahan ang natatanging kapahayagang ito ng pansansinukob na pagkahari ni Jehova kundi tayo rin naman ay may kagalakan ng pagiging buháy sa panahon na ang isyu ng pagkasoberano ni Jehova ay lulutasin para sa buong panahong darating.
18. Ano ang idiniin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod sa Mateo 10:8-10, at sino lalo na ang makapagpapatotoo nito ngayon?
18 Sa Mateo 10:8-10 ay inilalahad ang saloobin ng mga makikibahagi sa gawaing pangangaral. Ang Kaharian ng Diyos ay kinakailangang nasa pangunang dako sa kanilang buhay, ang mga literal na pangangailangan sa buhay ay pangalawa lamang. Bakit? Sinabi ni Jesus: “Sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang pagkain.” Ang ating makalangit na Ama ang lagi nang mangangalaga sa mga taong naglalagak sa kaniya ng tiwala. At ang daan-daang libong buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay makapagpapatotoo sa bagay na ito.—Bilang 18:30, 31; Deuteronomio 25:4.
19. Paano ginagawa ang pagsisiyasat sa mga karapat-dapat sa ngayon, at sa ilalim ng patnubay nino?
19 Ang susunod na tagubilin ni Jesus ay: “Sa alinmang lunsod o nayon na inyong pasukin, siyasatin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat, at magsitahan kayo roon hanggang sa kayo’y magsialis.” (Mateo 10:11) Karapat-dapat sa ano? Karapat-dapat sa pribilehiyo na mag-estima sa lingkod na ito ni Jehova at makinig sa pabalita ng Kaharian ng Diyos. Mangyari pa, noon marahil ay makikituloy ang mga alagad sa tahanan ng karapat-dapat na taong iyon at yaon ang magsisilbing pinaka-kuwartel nila samantalang sinusuyod nila ang iba pang bahagi ng teritoryo upang hanapin ang mga taong karapat-dapat. Sa ngayon, ganiyan din ang sinusunod na paraan ng mga Saksi ni Jehova. Sila’y gumugugol ng angaw-angaw na mga oras at nagpapagal na mabuti sa paghahanap sa mga taong karapat-dapat sa iba’t ibang teritoryo. Pagkatapos, pagka ang mga ito’y natagpuan na, ganiyan na lang ang kagalakan ng mga Saksi sa muling pagdalaw sa mga maybahay na iyon at pagpapaliwanag sa kanila ng Salita ng Diyos. Samakatuwid, ngayon, buong husay na tinitipon at pinapastol ni Jesus ang iba pang tulad-tupang mga tao sa kaniyang kanan ng pagpapala.—Mateo 25:31-33.
20. Paanong nararanasan ng isang karapat-dapat na sambahayan ang kapayapaan na hinihiling na dumoon ng mangangaral ng Kaharian?
20 “Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan; at kung karapat-dapat ang sambahayan, dumoon ang inyong kapayapaan.” (Mateo 10:12, 13) “Magkaroon nawa ang bahay na ito ng kapayapaan” ang isang karaniwang pagbati noong kaarawan ni Jesus. (Lucas 10:5) Ang mga anghel ay nagsiawit nang isilang si Jesus: “Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa gitna ng mga taong may mabubuting loob.” (Lucas 2:14) Ang karapat-dapat na sambahayan ay nakararanas ng inihulang kapayapaang ito sa pamamagitan ng pagtanggap sa pabalita ng Kaharian na dala ng mga alagad. Sa ngayon, ang mabuting balita ng Kaharian ay mayroon ding ganoong epekto. Pinapangyayari nito na ang mga tao ay magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, at nagdadala rin ito ng kapayapaan sa gitna ng mga kapananampalataya.—2 Corinto 5:20, 21; Filipos 4:7; Efeso 4:3.
21. Bakit angkop na angkop ang taunang teksto para sa 1986?
21 Sa taon ng 1986 sa kalendaryo, sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ay makikita ang taunang teksto na kuha sa Lucas 9:60: “Yumaon ka . . . , ibalita mong malaganap ang kaharian ng Diyos.” Anong inam na tagapagpaalala at pampasigla ito para sa lahat ng mga tunay na ministro ng Diyos upang palagiang makibahagi sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos! Oo, ang Kahariang iyon ay naririto na sapol pa noong 1914! Ito ang gagamitin sa kamay ng kaniyang Mesianikong Hari para sa pagdurog sa lahat ng makasanlibutang kaharian ni Satanas. Kung gayon, hindi nga kataka-taka na ang Kaharian ng Diyos ang dapat na maging pinakamahalaga sa lahat sa buhay ng bawa’t isa sa mga Saksi ni Jehova. Batid natin na ito ay nangangahulugan ng ating kaligtasan sa buhay!—1 Timoteo 4:16.
Ano ang Sagot Mo?
◻ Gaano nang katagal umiiral ang paghahari ni Jehova at gaanong katatag ito?
◻ Anong pansansinukob na isyu ang ngayo’y kailangang lutasin?
◻ Ano ang dapat na handang gawin ng lahat ng mga tagasunod ni Jesus?
◻ Bakit lalong makahulugan sa ngayon ang kapahayagan na “Si Jehova ay naging hari”?
◻ Anong layunin ang isasagawa ng taunang teksto sa 1986?