Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pagtuturo sa Isang Babaing Samaritana
SA KANILANG pagdaraan sa Judea patungo sa Galilea, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay dumaan sa purok ng Samaria. Sila’y hapo sa kanilang paglalakbay, kaya’t noong may bandang tanghali ay huminto sila upang magpahinga sa tabi ng isang balón malapit sa lunsod ng Sicar. Ang balóng ito ay hinukay ni Jacob kung ilang mga siglo na ang nakalipas, at naroon pa rin hanggang sa ngayon, malapit sa modernong lunsod ng Nablus.
Samantalang si Jesus ay nagpapahinga roon, ang kaniyang mga alagad ay naparoon sa lunsod upang bumili ng pagkain. Nang isang babaing Samaritana ang dumating upang umigib, si Jesus ay nakiusap: “Bigyan mo ako ng maiinom.”
Ang mga Judio at mga Samaritano karaniwan na ay hindi nakikitungo sa isa’t isa dahilan sa mga pagkamuhi na nakatanim sa isa’t isa. Kaya naman, takang-takang nag-usisa ang babae: “Paano ngang ikaw, bagama’t isang Judio, ay humihingi sa akin ng maiinom, gayong ako’y isang babaing Samaritana?”
Si Jesus ay sumagot na kung alam lamang ng babaing ito kung sino siya, marahil ay hihingan siya ng “tubig ng buhay.” Ang tubig na ito, ani Jesus, ay magiging “isang batis ng tubig na bukal na nagbibigay ng buhay na walang-hanggan.”
“Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito,” ang tugon ng babae.
Si Jesus ngayon ay sumagot: “Humayo ka, tawagin mo ang iyong asawa.”
“Wala akong asawa,” ang sagot niya.
Niliwanag ni Jesus ang sinabi ng babae. “Mabuti ang pagkasabi mo, ‘Wala akong asawa.’ Sapagkat ikaw ay nagkaroon ng limang asawa, at ang lalaking kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa.”
“Ginoo, nahahalata ko na ikaw ay isang propeta,” ang sabi ng babae na lubos na nagtataka. Ngayon ay nahayag na na mahilig makipag-usap ang babae tungkol sa espirituwal, at sinabi niya na ang mga Samaritano ay sumasamba sa Bundok Gerizim, ngunit ang mga Judio ay sa Jerusalem naman.
Ngunit ang dakong sambahan ay hindi siyang mahalaga, ang sabi ni Jesus. “Ang Diyos ay isang Espiritu,” ang paliwanag niya, “at yaong mga sumasamba sa kaniya ay kailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.”
Ganiyan na lang ang paghanga ng babae. “Batid ko na ang Mesiyas ay darating, yaong tinatawag na Kristo,” aniya. “Kailanma’t dumating ang isang iyon, kaniyang hayagang sasabihin sa amin ang lahat ng bagay.”
“Akong nagsasalita sa iyo ay siya nga,” ang sabi ni Jesus. Isip-isipin iyan! Ang babaing ito na umiigib kung katanghaliang tapat, marahil upang maiwasan ang pakikisalamuha sa mga babaing tagaroon na mababa ang tingin sa kaniya dahil sa kaniyang pamumuhay, ay tinanggap ni Jesus. Tahasang sinabi sa kaniya ni Jesus yaong hindi niya lantarang inaamin sa iba. Ano ang naging bunga nito? Ang artikulo sa susunod na labas ang magpapaliwanag. Juan 4:3-26.
◆ Bakit ang babaing Samaritana ay nagtaka nang kausapin siya ni Jesus?
◆ Ano ang itinuro ni Jesus sa kaniya tungkol sa tubig ng buhay at kung saan kailangang sumamba?
◆ Papaano inihayag sa kaniya ni Jesus kung sino si Jesus, at bakit ang paghahayag na ito ay lubhang kagila-gilalas?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 9]