Ikaw Ba’y “Mapagpatuloy”?
ISANG araw na maalinsangan noon. Isang grupo ng mga Saksi ni Jehova, mga kabataan at mga may edad na, ang puspusang gumagawa, naglilinis, nagpipinta, at gumagawa ng sari-saring trabaho sa paggawa sa isang binabago ang pagkayari na Kingdom Hall. Nang nasa kalagitnaan na nang hapon, sila’y medyo pagod na, ang iba’y nagsiupo na para magpahinga sandali.
Sa di-kawasa, sa darating ang tatlong mga Saksing babae, may dalang mga sandwich, cookies, cakes, kape, tsa, at mga iba pang inumin. Anong laking surpresa iyon para sa napapagod na mga kaluluwang iyon! Ang kusang pagpapakita ng kagandahang-loob at pag-ibig ng tatlong kapatid na babae ay hindi lamang nagbigay ng kaginhawahan sa manggagawa kundi lalo pang nagpatindi sa mainit at mapagmahal na damdaming umiiral sa gitna ng buong smahang iyon ng mga magkakapatid nang hapong iyon.
Isang Tanda ng Tunay na Pagkakristiyano
Mangyari pa, ang pagmamagandang-loob at pag-iibigan ay hindi lamang doon makikita sa ganoong pantanging mga okasyon. Tungkol sa kaniyang tunay na mga tagasunod, ang Maytatag sa tunay na Pagkakristiyano, si Jesu-Kristo, ay nagsabi: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.” Gayundin naman, si apostol Pablo ay nagpayo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Kayo’y maging mapagpatuloy.” (Juan 13:35; Roma 12:13) Sa ibang pananalita, ang pagiging mapagpatuloy na ang motibo ay walang imbot na pag-ibig para sa iba ay isang paraan ng pamumuhay para sa mga tunay na Kristiyano.
Subalit, ang ganiyang mga katangian ay hindi kusang nagiging bahagi ng isang tao pagka siya’y naging isang Kristiyano. Bagkus, ang isang tao ay kailangang magsumikap na pagyamanin ang mga iyan. Ito’y lalung-lao nang totoo sa kasalukuyang daigdig, na kung saan ang pag-ibig ng karamihan ng mga tao ay nanlamig, gaya ng inihula ng Bibliya. (Mateo 24:12) Subalit anong laking pagkakaiba kung saan umiiral ang ganiyang mga katangian! Sa isang pamilya na may matalik na pagsasamahan, ang mag-anak ay naliligayahan sa pagsasama-sama nila at nasasayahan pagka sila’y nagsasama-sama. Pagka ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay regular na nagsasama-sama sa mga pulong, sa ministeryo ha larangan, at sa mga iba pang okasyon, kanilang nakikilalang talaga ang isa’t-isa. Sila’y nagiging mga tunay na magkakaibigan, marahil mas malapit pa sa isa’t-isa kaysa sa mga miyembro ng kanilang pamilya. (Kawikaan 18:24) Ang ganitong buklod ng pagkakaibigan ng mga magkakapuwa Saski ni Jehova ay nagsisilbing isang matibay na pananggalang laban sa masasamang impluensiya ng sanlibutan.
Ang Papel na Ginagampanan ng mga Babaing Kristiyano
Kahit na lahat ng Kristiyano ay pinapayuhan na “maging mapagpatuloy,” ang mga babaing Kristiyano ay may ginagampanang mahalagang papel sa bagay na iyan. Sa katunayan, hindi baga karaniwan na ang mga babae, lalung-lalo na ang mga asawang babae, ang gumagawa ng karamihan ng aktuwal na gawain may kaugnayan sa pagpapakita ng kagandahang-loob? Pagka ang asawang lalaki ay nag-anyaya ng mga ilang miyembro ng kongregasyon para sa isang salu-salong Kristiyano sa kanyang tahanan, hindi baga ang asawang babae ang karaniwan nang naglilinis ng bahay, naghahanda ng pagkain at inumin, at nagliligpit ng mga bagay na ginamit? Kahit na kung ang asawang lalaki at mga anak ay maaaring tumulong, at dapat na handang tumulong, ang asawang babae ang bumabalikat ng panangutan na mangasiwa upang ang lahat ng bagay ay mapanuto.
Dapat namang bigyan ng komendasyon ang maraming mga asawang babaing Kristiyano na kusang nagpapagal upang magpakita ng tunay na kagandahang-loob sa pagpapatuloy sa kanilang espirituwal na mga kapatid. Halimbawa, nariyan si Dip Yee, isang buong-panahong ministrong payunir sa Hong Kong na ang asawang lalaki ay isang elder sa lokal na kongregasyon. Kahit na kailangan ang puspusang pagtatrabaho para sa kaniya pagka kanilang inanyayahan ang mga kapatid, kung minsan isang buong grupo sa pag-aaral sa aklat, sa kanilang tahanan, siya’y masayang nagpapakita ng kagandahang-loob. “Simple lamang ang pagkaing inihahanda namin,” aniya. “Napakainam na makitang ang mga kapatid ay nasasayahan sa pagsasama-sama, at sila rin ay napatitibay nito.” Oo, sa pamamagitan ng kanilang pagiging mapagpatuloy ang mga babaing Kristiyano ay gumaganap ng napakalaking bahagi sa pagpapatibay ng espiritu ng pagmamahalan sa kongregasyon.
Dahilan sa lahat ng nasasangkot sa pagiging mapagpatuloy, tiyak na ito’y nangangailangan ng kasipagan at pagsasakripisyo-sa-sarili ng mga babaing Kristiyano. Subalit matitiyak nila na ang kanilang maibiging mga pagpapagal ay lubhang pinahahalagahan ng kani-kanilang mga asawang lalaki at ng iba pang mga nakikinabang sa kanilang kagandahang-loob. Kung sabagay, manaka-naka mayroong iba na hindi nagpapakita ng tumpak na pagpapahalaga sa mga bagay na ginagawa para sa kanila, subalit hindi isang dahilan iyan para ang isa’y masiraan ng loob o mayamot, o huminto ng pagmamagandang-loob. Alalahanin, bagamat nakagagalak na tumanggap ng mga pagpapasalamat buhat sa iba at matanto natin na pinahahalagahan ang ating mga pagpapagod, nais nating magmagandang-loob unang-una dahilan sa iyon ang tama at mapagmahal na bagay na dapat gawin. Higit sa lahat, iyon ay nakalulugod sa Diyos na Jehova.
Pagkakaroon ng Timbang na Pangmalas
Sa mga araw na ito na tumataas ang presyo ng mga bilihin, baka mayroon mga mag-atubili na maging mapagpatuloy sapagkat inaakala nila na hindi nila kayang gawin ito. Dito mahalaga na tayo’y magkaroon ng timbang na pangmalas sa bagay na iyan. Bagamat ang paghahanda ng mga espisyal na pagkain at inumin ay maaaring lalo pang magpasaya sa okasyon, hindi ito ang pinakamahalaga. Ang Salita ng Diyos ay may karunungang bumabanggit ng ganito: “Maigi ang putahing gulay na may pag-ibig kaysa matabang baka at may pagkakapootan.” (Kawikaan 15:17) Ang mayroon tayo at hindi ang inihahanda nating pagkain ang mahalaga. Iyon ay ang nakapagpapatibay na pagsasamahan ng isa’t-isa at ang pag-ibig na ating ipinakikita.
Isaalang-alang ni Fung Hing, isang sister na mahigit nang 40 anyos at may asawang mananalansang. Siya’y nakatira sa isang pagkaliit-liit na tirahan na may iisang kuwarto at naroon sa isa sa pagkalawak-lawak na pampublikong pabahay sa Hong Kong. Siya ay mahirap lamang. Sa katunayan, siya’y nagtatrabaho nang bahaging-panahon upang madagdagan ang kita ng pamilya. Gayunman, kaniyang ipinagmamagandang-loob ang mga bagay na mayroon siya. Pagka ang mga Saksi sa kongregasyon ay nagpupunta sa kanilang lugal upang mangaral sa bahay-bahay, malimit na kaniyang iniimbitahan sila sa kaniyang tahanan para painumin ng kaunting pampalamig. Ang ganiyang kagandahang-loob ay hindi lamang pinahahalagahan ng kaniyang mga kapuwa Kristiyano kundi nagsisilbing patotoo rin na ang isang tao ay hindi naman kailangang maging mayaman upang makapagmagandang-loob sa iba.
Gayunman, bagaman marahil sinisikap nating maging makatuwiran sa paggasta pagka tayo’y nagmamagandang-loob ng pagtanggap sa iba, baka kailangan pa rin na ipagparaya natin ang ilang mga bagay upang tayo’y makapagmagandang-loob sa iba. Sulit ba naman ito? Oo, kung ang motibo natin ay ang tunay na maka-Kristiyanong pag-ibig. Sapagkat makapagpapakita ba tayo ng pag-ibig kung hindi tayo magsasakripisyo? Kapuwa si Jehova at si Jesus ay nagpakita ng kanilang pag-ibig sa sangkatauhan sa pamamagitan ng malaking pagsasakripisyo—inihandog ni Jehova ang kaniyang Anak at si Jesus naman ay naghandog ng sariling sakdal na buhay bilang isang tao.—Juan 3:16; 15:13.
Ang mga sinaunang Kristiyano ay nagpakita rin ng pag-ibig. Tungkol sa mga kapatid sa Macedonia, si apostol Pablo ay sumulat: “Kung paanong sa maraming pagsubok sa kapighatian ang kasaganaan ng kanilang katuwaan at ang kanilang malabis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob. Sapagkat ayon sa kanilang kaya, oo, ako’y nagpapatotoo, at higit pa sa kanilang kaya, sila’y nagsiabuloy ayon sa sariling kalooban at patuloy na ipinamamanhik sa amin ang tungkol sa biyayang ito ng may kagandahang-loob na pagbibigay.” (2 Corinto 8:2-4) Ang kanilang “malabis na karukhaan” ngunit pagmamagandang-loob ng “higit pa sa kanilang kaya” ang patotoo na ang kanilang kagandahang-loob ay tunay at taimtim.
Dukha man o nakaririwasa ang isang tao, at bagaman maaaring gumamit ng modernong kagamitan, nangangailangan pa rin ng panahon, lakas, at salapi upang makapagpatulóy ka sa iba. Sa madali’t-sabi, ang tanong ay: Handa ka bang magpakasakit upang ang mga iba ay magtamasa ng mga pagpapala ng pagsasalu-salong Kristiyano? Tandaan, “ang kaluluwang mapagbigay ay tataba,” ang sabi ng kawikaan sa Bibliya, ”at ang isang dumidilig nang sagana ay sagana ring didiligin.” Isang kaaliwan ding maalaman na pagka tayo’y nagmamagandang-loob bilang pagsunod sa utos ni Jehova at pagtulad sa kaniyang dakilang halimbawa, ang totoo’y tayo ay “nagpapautang kay Jehova.”—Kawikaan 11:25; 19:17.
Sino ang Dapat Anyayahan?
“Pagka naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan,” ang minsa’y sinabi ni Jesus, “huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan o ang iyong mga kapatid o ang iyong mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay.” Bakit huwag? “Baka balang araw ay anyayahan ka naman nila at iyon ay magiging kagantihan nila sa inyo.” (Lucas 14:12) Ang punto rito na binanggit ni Jesus ay hindi gaanong yaong bagay na hindi natin dapat anyayahan ang ating mga kaibigan at mga kamag-anak sa isang tanghalian. Manaka-naka noon ay nakikisalo siya sa kaniyang mga kaibigan, tulad noong siya’y nasa tahanan ni Maria at ni Martha. Ang diwa ay na ang pagpapatuloy natin sa iba ay hindi dapat na udyok ng layunin na tayo’y gantihin nila balang araw.
Gaya ng ipinakita pa ni Jesus, ang mga dapat nating una munang anyayahan ay yaong mga makikinabang ng pinakamalaki sa ipinag-anyaya nating salu-salo. (Lucas 14:13) Maaaring kasali rito yaong mga nangangailangan ng pampatibay-loob, yaong mga baguhan sa katotohanan, yaong mga mahihiyain o hindi gaanong nakikisalamuha, at yaong mga may edad na. Ang kabutihang nagagawa ng pag-aanyaya sa ganiyang mga tao ay makikita buhat sa sinabi ni Oi Yuk, isang sister na may edad na napakasigasig ngunit masasakitin: “Malimit na inaanyayahan ako ng mga kapatid sa kanilang pagsasalu-salo at sa maraming paraan ay pinagpapakitaan ako ng kabaitan. Ako’y naliligayahan na maging bahagi ng malaking pamilya!”
Maliwanag, ang layunin ng ganiyang mga pagtitipon ay hindi lamang pagsasamahang-sosyal o pagsasalu-salo. Bagkus, ang layunin ay magpatibayan sa isa’t-isa at patibayin ang buklod ng pag-iibigan ng mga magkakapananampalataya kay Jehova. Samakatuwid, ang dapat idiin ay patuloy na pagpapairal ng mga bagay na nagpapatibay at nagpapalakas-loob imbes na ang masasarap na pagkain at inumin. Gayundin naman, kailangan ding pag-isipan ang mga aktibidades at mga usap-usapan sa ganiyang mga okasyon. Bagamat hindi lahat ng mga aktibidades ay kailangang nakasentro sa Bibliya o lahat ng mga usap-usapan ay tungkol sa mga paksang nasa Kasulatan, isang katalinuhan at pagpapakita ng pag-ibig na panatilihing ang mga ito’y nakapagpapatibay at nakapagpapalakas-loob. Tunay na dapat iwasan ang mga larong may kompetensiya, ang mga walang kawawaang tsismes, o mga usapan na naninira sa iba.—Efeso 4:29, 31.
Saganang mga Pagpapala ang Naghihintay sa mga Taong Mapagpatuloy
Bagaman ang isa’y hindi dapat maging mapagpatuloy upang balang araw ay gantihin siya ng iba, hindi ito nangangahulugan na ang taong mapagpatuloy ay hindi nagkakamit ng anomang kagantihan. Sa kabaliktaran pa nga, ang pagpapakita ng tunay na kagandahang-loob ay may kapalit na maraming pagpapala, bagaman hindi iyon hinahanap ng isang tao. Ito’y tumutulong upang magkaroon ang isa ng mga bagong kaibigan, at ang mga dating buklod ng pagkakaibigan ay tumitibay. Ito’y nagtutulak din sa iba na pagyamanin ang katangian ng pagkabukas-palad at pagkamapagpatuloy. (Lucas 6:38; Kawikaan 11:25) Higit sa lahat, ang pinakamagandang- loob na Persona sa sansinukob, ang ating maibiging Manlalalang na si Jehovang Diyos, ang magpapangyari na ang talagang mga taong mapagpatuloy ay hindi kailanman dumanas ng anomang paghihikahos, sapagkat kaniyang minamahalaga yaong mga taong “mapagpatuloy” na kagaya niya.