Kaaliwan Para sa mga Nag-iingat ng Katapatan
“Dahil sa aking katapatan ay inalalayan mo ako.”—AWIT 41:12.
1. Bakit ang mga lingkod ni Jehova ay nangangailangan ng kaaliwan?
ANG tapat na mga saksi ni Jehova ay nangangailangan ng kaaliwan dahil sa sila’y pinag-uusig. Mangyari pa, aasahan nga nila ang gayong mga pagsubok, sapagkat sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Ang isang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon. Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din.” (Juan 15:20) Lalung-lalo na ngayon nangangailangan ang mga lingkod ni Jehova ng kaaliwan. Bakit? Sapagkat ang unang-unang sumira ng katapatan, si Satanas na Diyablo, ay inihagis na sa paligid ng lupa, at maikli na ang kaniyang panahon. Sa gayon, ginagawa niya ang lahat ng kaniyang magagawa upang makipagbaka sa Diyos at sa Kaniyang mga lingkod.—Apocalipsis 12:7-9, 17.
2. Ano ang nadarama ng mga Kristiyano tungkol sa mga pagdurusa ng kanilang mga kapananampalataya?
2 Bilang mga lingkod ni Jehova, maningas na ipinapanalangin natin ang ating mga kapatid na gumagawa bagaman ipinagbabawal iyon o yaong mga pinagbabantaan at pinagmamalupitan ng mga mang-uusig. (Gawa 12:1; 2 Tesalonica 1:4) Ang mga Kristiyanong may katapatang nagtitiis ng mga pag-upasala ng mga apostata at mga iba pa ay ating pinapupurihan. (Mateo 5:11) Tayo’y may maibiging pagkabahala sa ating mga kapananampalataya na sinasalansang ng mga kamag-anak o bahagi ng mga sambahayan na baha-bahagi dahilan sa relihiyon. (Mateo 10:34-36) At taus-pusong nakikiramay tayo sa mga tapat na kapatid na dumaranas ng karamdaman at matagal na pagkakasakit. Subalit bakit mayroon ng lahat ng paghihirap na ito? Anong kaaliwan mayroon para sa mga lalaki at mga babaing tapat?
Tandaan ang Dahilan at ang Kanlungan
3. Ginagamit ni Satanas ang pag-uusig sa pagsisikap na gawin ang ano?
3 Sa pamamagitan man ng mga paraan na nagmumula sa mga tao o sa mga demonyo, sinisikap ng Diyablo na “sakmalin” ang mga Kristiyano. (1 Pedro 5:8) Oo, ginagamit ni Satanas ang pag-uusig at ang mga iba pang pagpapahirap sa pagtatangka na sirain ang ating kaugnayan kay Jehovang Diyos, upang masira ang ating katapatan. Subalit sa lahat ng ito, tayo ba ay walang pananggalang? Hindi naman!
4. Pagka nakaharap sa pag-uusig at iba pang mga kasakunaan, ano ang matitiyak ng mga nananatiling tapat?
4 Si Jehova ang magiging ating Kanlungan kung mananalangin tayo at hihingi ng tulong sa kaniya. Pagka tayo’y napaharap sa pag-uusig at iba pang mga kahirapan, maaari tayong magmakaawa sa kaniya na gaya ng salmistang si David: “Maawa ka sa akin, Oh Diyos, maawa ka sa akin, sapagkat ang aking kaluluwa ay nanganganlong sa iyo; at sa lilim ng iyong mga pakpak ay mangangalong ako hanggang sa makaraan ang mga kasakunaan.” (Awit 57:1) Bilang mga tagapag-ingat ng katapatan, matitiyak natin na, sa takdang panahon, may darating na kaginhawahan buhat kay Jehova, ang ating Kanlungan. At tayo’y lubos na makapagtitiwala na gaya ni David nang kaniyang sabihin sa panalangin sa Diyos: “Dahil sa aking katapatan ay inalalayan mo ako, at ilalagay mo ako sa harap ng iyong mukha magpakailanman.”—Awit 41:12.
5. Anong katangian ang kailangan ng pinag-uusig na mga Kristiyano, at anong pag-asa mayroon tayo?
5 Yamang ang mga pagsubok ay maaaring tumagal ng ilang panahon, kailangang pagyamanin natin ang pagtitiis. Si apostol Pablo ay nagpayo sa mga Hebreong Kristiyano na “patuloy na alalahanin ang mga nakaraang araw na . . . [sila’y] nagtiis ng malaking pakikilaban ng mga pagbabata.” Sumulat pa rin siya: “Kailangan ninyo ang pagtitiis, upang, pagkatapos na magawa ninyo ang kalooban ng Diyos, tanggapin naman ninyo ang katuparan ng ipinangako.” (Hebreo 10:32-36) Para sa pinahirang mga Kristiyano, ang katuparan ng ipinangako ng Diyos ay magdadala ng ganting buhay na walang hanggan sa langit. Subalit para sa “malaking pulutong,” nariyan ang pag-asang tamuhin ang buhay na walang hanggan sa isang makalupang paraiso. (Apocalipsis 7:9; Lucas 23:43) Oo, ang kaligtasan tungo sa buhay na walang hanggan ay posible para sa lahat ng nagtitiis hanggang sa wakas bilang mga tagapag-ingat ng katapatan.—Marcos 13:13.
6. Bakit ang iba sa mga Saksi ni Jehova ay may natatanging pangangailangan na magtiis, at ano ang tulong na nakakamit nila?
6 Sa loob ng marami ng mga taon, ang mga Saksi ni Jehova sa mga ilang bansa ang lalung-lalo nang ‘nangailangan ng pagtitiis.’ Bakit? Sapagkat doo’y kailangang gampanan nila ang kanilang banal na paglilingkod sa mahirap na teritoryo o sa harap ng sarisaring kahirapan, kasali na ang pagbabawal ng gobyerno sa kanilang gawain. Marahil ikaw mismo ay nagtitiis dahil sa pagkamasakitin o pananalansang sa iyo ng pamilya dahilan sa iyong mga gawaing Kristiyano. Ang ganiyang mga pagsubok ay sapat na upang magpahinto doon sa mga sa lakas lamang ng tao umaasa, subalit ang mga iyan ay hindi nakapagpapahinto sa mga Saksi ni Jehova sapagkat ang kanilang “tulong ay nanggagaling kay Jehova, ang Maygawa ng langit at lupa.”—Awit 121:1-3.
7. (a) Ang mga pagsubok na nagpapatuloy ay nagbibigay sa atin ng anong pagkakataon? (b) Bakit tayo makapaniniwala sa sinabi ni Pablo sa Filipos 4:13?
7 May mga kalagayan na marahil ay kailangang pagtiisan hanggang sa matapos ang sistemang ito ng mga bagay. Subalit ang patuloy na mga pagsubok ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na patunayan ang ating katapatan sa Diyos at pagalakin ang kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Kasabay niyaon, si Jehova ay nagbibigay ng lakas na kinakailangan upang makapagtiis nang may katapatan. Si apostol Pablo ay sumulat: “Para sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay sa akin ng kalakasan.” (Filipos 4:13) Makapaniniwala ka sa mga salitang iyan na nagbibigay ng kasiguruhan, sapagkat ang mga iyan ay palaging napatutunayang totoo sa gitna ng “buong samahan ng iyong mga kapatid sa sanlibutan.”—1 Pedro 5:9, 10.
Ang mga Tapat ay Nagpapatibay-Loob sa Atin
8. Magbigay ng halimbawa kung paanong ang mga nag-iingat ng katapatan sa baha-bahaging sambahayan ay maaaring tumanggap ng pagpapala.
8 Pinagmumulan ng malaking pampatibay-loob na makitang may nananatiling tapat sa ‘buong samahan ng ating mga kapatid sa sanlibutan.’ Ang iba sa kanila ay saganang ginanti dahilan sa pananatiling tapat kay Jehova sa baha-bahaging mga sambahayan. Halimbawa, nang isang pag-aaral sa Bibliya ang pasimulan sa isang babaing Katoliko sa Ireland, siya’y mahigpit na sinalansang ng kaniyang asawa at pinagbantaan na hihiwalayan siya. Gayumpaman, ang babae’y nagpatuloy sa kaniyang pakikipag-aral, at isang araw binigyan niya ang kaniyang asawang lalaki ng isang kopya ng aklat na You Can Live Forever in Paradise on Earth. Ang lalaki ay humanga dahil sa ito’y maliwanag, tuwiran, at may magagandang mga larawan. Hindi nagtagal at ang lalaking iyon ay nag-aaral na ng Bibliya sa tulong ng aklat na ito. Siya’y huminto na ng paninigarilyo, at hindi nagtagal ay nagbitiw ang mag-asawa sa pagkamembro sa Iglesya Katolika at sinira nila ang kanilang umano’y mga banal na larawan. Hindi nagtagal, ang babae ay nabautismuhan at nakikibahagi na sa pag-auxiliary payunir, samantalang ang kaniyang asawang lalaki ay mabilis na sumusulong sa ministeryo. Ang ganiyang mga karanasan ay tunay na pampatibay-loob sa mga nasa baha-bahaging sambahayan na mga nagtitiyaga bilang mga tapat.—1 Corinto 7:12-16.
9. Paanong ang mga maysakit na nag-iingat ng katapatan ay makatutulong sa iba?
9 Ang mga ibang tagapag-ingat ng katapatan ay napatunayang tapat sa kabila ng pagkakasakit. Sa Britaniya, isang baldadong Kristiyano na nasa isang silyang de-gulong ang nagkakaroon ng kasiyahan sa kaniyang ministeryo. Siya’y sumulat: Bagaman ako’y hindi na nakapaghahanap-buhay sapol noong 1949, si Jehova ay may kaluguran ng paggamit sa akin sa buong panahong ito. Napag-alaman ko na kahit na ang isang taong baldadung-baldado ay makapaglilingkod na mainam sa iba. Kaming mag-asawa ay naging parang isang sinipete para sa marami sa aming kongregasyon. Dahilan sa aming kalagayan sa buhay kami ay laging narito, laging nakahandang tumugon sa nangangailangan.” Oo, huwag sanang masiraan ng loob ang sinumang maysakit na Kristiyano, sapagkat siya ay maaaring maging pampatibay-loob sa iba.
10. Sa pamamagitan ng hindi panghihina kung pinag-uusig, paanong ang mga nananatili sa katapatan ay makatutulong sa kanilang mga kapananampalataya?
10 Ang mga tapat ay hindi sumusuko sa mga pag-uusig. Pagkatapos na ibilanggo dahil sa pananatiling neutral bilang Kristiyano, isang kapatid na lalaki ang nagsabi: “Ang mga panggugulpe . . . ay naging isang regular na bahagi ng aking buhay, ito’y patuloy na dumarami at nagiging matindi. Sa araw-araw ay patuloy na humihina ako, sapagkat malimit na hindi ako binibigyan ng pagkain. Palagi namang nananalangin ako kay Jehova, at masasabi ko na hindi niya ako pinabayaan. Mentras kanilang ginugulpe ako, lalo namang hindi ko nararamdaman iyon.” Bagaman sentensiyado ng mahigit na dalawang taon na pagkabilanggo, ang saksing ito ni Jehova ay nanatiling neutral. (Isaias 2:2-4; Juan 15:19) Marami pang mga ibang tapat na may ganiyang paninindigan. Oo, ang ganiyang mga tagapag-ingat ng katapatan ay nakapagpapatibay-loob na halimbawa na makapupukaw sa mga kapananampalataya na maging tapat.
Walang Pagkabigong Kaaliwan
11. Ang mga Kristiayno’y mayroong anong katiyakan ng pang-aliw buhat sa Kasulatan?
11 Ang mga nabanggit na ay ilan lamang sa napakaraming karanasan na nagpapatunay na si Jehova ay sumasa-kaniyang tapat na mga lingkod. Siya “ang Ama ng malumanay na mga kaawaan at ang Diyos ng lahat ng kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.” (2 Corinto 1:3, 4) Oo, “ang Diyos sa atin ay isang kanlungan at kalakasan, isang tulong na agad masusumpungan kung panahon ng kabagabagan.” (Awit 46:1-3) Anong laking kaaliwan na malaman na kaniyang aalalayan tayo at lahat ng ating mga kapananampalataya sa lahat ng ating kapighatian!
12. Paanong ang pananatiling tapat ni Pablo ay may epekto sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano?
12 Maaaring lumakas ang loob natin pagka nakikita natin ang ating mga kapuwa mananamba kay Jehova na nagtitiis bilang tapat na mga Kristiyano sa kabila ng sarisaring kahirapan. Ganiyan ang nangyari nang masaksihan ng iba ang katapatan ni apostol Pablo. Siya’y sumulat: “Ang mga bagay na nangyari sa akin ay nangyari para sa lalong ikasusulong ng mabuting balita imbis na makahadlang dito, anupa’t ang aking mga tanikala ay nahayag sa madla . . . ; at karamihan ng mga kapatid sa Panginoon, palibhasa’y nagtitiwala dahilan sa aking pagkabilanggo, ay lalong nagkaroon ng lakas ng loob na salitaing walang takot ang salita ng Diyos.”—Filipos 1:12-14.
13. Ang ating sariling pananatiling tapat ay maaaring magkaroon ng anong epekto?
13 Oo, pagka nalalaman natin na ang mga ibang saksi ni Jehova ay nananatiling tapat sa kaniya sa harap ng pag-uusig, tayo’y napalalakas na manatiling tapat. Sa kabilang panig, kung tayo mismo ay nananatiling tapat sa ilalim ng pagsubok, ating pinalalakas-loob ang iba na magsalita nang walang takot ng salita ng Diyos. At tiyak na masisiyahan tayong malaman na ang ating katapatan ay pinagmumulan ng pampatibay-loob at pagpapala sa kanila.
14. Ano ang dalawa sa mga paraan na sa pamamagitan nito’y inaaliw tayo ni Jehova?
14 Tayo’y inaalalayan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Sa katunayan, gaya ng isinulat ni Pedro, ‘kung tayo’y inuupasala dahilan sa pangalan ni Kristo, tayo ay maligaya, sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian, samakatuwid nga’y ang espiritu ng Diyos, ay nagpapahingalay sa atin.’ (1 Pedro 4:12-16) Tayo’y inaaliw din ng Diyos pati ang ating nagdurusang mga kapananampalataya sa pamamagitan ng pagtugon sa ating mga panalangin. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay,” sulat ni Pablo, “kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan; at ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip ay mag-iingat sa inyong mga puso at sa inyong mga kaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Ikaw ba’y may ganiyang pagtitiwala sa “Dumirinig ng panalangin”?—Awit 65:2.
Pagkuha ng Kaaliwan Buhat sa Salita ng Diyos
15. Paano mo ipaghahalimbawa ang pagiging totoo ng sinasabi ng Roma 15:4?
15 Ang banal na Salita ng Diyos ay isa ring mapagkukunan ng malaking kaaliwan. Gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Lahat ng bagay na isinulat noong una ay nasulat upang magturo sa atin, na sa pamamagitan ng pagtitiis at kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Halimbawa, pagka nabasa natin ang tungkol sa kahima-himalang pagliligtas sa Israel buhat sa Ehipto o sa pagliligtas sa mga Judio noong kaarawan ni Reyna Esther, hindi baga nagpapalakas iyan sa ating pagtitiwala kay Jehova bilang isang walang-katulad na Tagapagligtas? Kumusta naman ang rekord ng katapatan ni Job sa gitna ng malaking pagsubok? Oo, ipinakikita nito kung paanong ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay maaaring magtiis ng mga kahirapan dahil sa lakas na ibinibigay ng Diyos. Ang “kaaliwan buhat sa Kasulatan” ay tunay ngang makapagbibigay sa mga nag-iingat ng katapatan ng pag-asa at lakas ng loob.
16. Anong nakaaaliw na katiyakan ang matatagpuan sa 1 Pedro 5:6, 7 at 1 Corinto 10:13?
16 Ngunit kumusta naman kung dahilan sa ating mga problema ay nalulungkot tayo? Oo, ang nakaaaliw na mga katiyakang ibinibigay ng Kasulatan ay makapagpapadama sa atin ng kasiguruhan na tayo’y pinangangalagaan ni Jehova at tutulong siya upang lunasan ang ating kalungkutan. Si apostol Pedro ay sumulat: “Kayo’y magpakababa . . . sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang kayo’y kaniyang itaas sa takdang panahon; samantalang inyong inilalagak sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat kayo’y ipinagmamalasakit niya.” (1 Pedro 5:6, 7) Oo, si Jehova’y ‘nagmamalasakit sa inyo.’ Anong laking kaaliwan! Walang anumang maaaring mangyari na hindi niya nakikita o hindi niya mapipigil. Isa pa, si Pablo ay nagbigay ng ganitong kasiguruhan: “Tapat ang Diyos, at hindi niya itutulot na tayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman niya ang paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.” (1 Corinto 10:13) Bilang isang taong disididong manatili sa katapatan, mapanghahawakan ninyo iyan!
17. Ano pang mga ibang paglalaan mayroon upang magdala sa atin ng kaaliwan?
17 Ang may lakip-panalanging pag-aaral ng Salita ng Diyos at ng mga lathalaing Kristiyano na inilaan ng “tapat at maingat na alipin” ay makapagdadala ng kaaliwan sa mga panahon ng kagipitan. (Mateo 24:45-47; Awit 119:105) Gayundin naman ang maiinam na payo sa Kasulatan buhat sa mababait na hinirang na matatanda sa kongregasyon. Bukod sa iba pang mga bagay, sila’y tinatawagan na “magsalita ng may pang-aliw sa mga kaluluwang nalulungkot, alalayan ang mahihina, maging matiisin sa lahat.”—1 Tesalonica 5:14.
18. Kung mayroon tayo ng kaunti lamang ng mga bagay na materyal, mayroong anong kaaliwan para sa atin?
18 Subalit anong kaaliwan mayroon kung wala tayong gaanong mga bagay na materyal? Tunay na isang kaaliwang malaman na magkakaroon ng magagandang bahay, saganang pagkain, at iba pang materyal na mga pagpapala sa Bagong Kaayusan ng Diyos. (Awit 72:16; 2 Pedro 3:13; ihambing ang Isaias 65:17-25.) Subalit kahit na ngayon ang mga Kristiyano ay hindi na nag-aaksaya ng salapi sa nakapipinsalang paninigarilyo, sa pagmamalabis sa alak, sa pagsusugal, at sa iba pa. Ang salaping natitipid sa gayon ay magagamit upang makinabang ang pamilya ng isang tao. Ang pagsunod sa Salita ng Diyos ay tutulong din sa atin na maging kontento sa materyal na mga bagay na mayroon tayo. Si Pablo ay naging kontento, sapagkat kaniyang sinabi: “Tiyak, ito’y nagdadala ng malaking pakinabang, ang banal na debosyong ito na may kalakip na kasiyahan. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman. Kaya, kung tayo’y may pagkain na at pananamit na, masisiyahan na tayo sa mga bagay na ito.” (1 Timoteo 6:6-8; Filipos 4:11, 12) Ang pagpapako ng ating pag-iisip sa ating mga pribilehiyo sa paglilingkod kay Jehova ay nagbubunga ng maraming pagpapala na nagpapayaman nga sa atin.—Kawikaan 10:22.
19. Paanong ang matagal nang pagkakasakit ay matitiis?
19 Datapuwat, ano nga kung tayo ay kailangang magtiis dahil sa matagal nang pagkakasakit? Ito’y matitiis sa tulong ni Jehova at sa kaaliwan na ibinibigay niya sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Halimbawa, sinabi ng salmistang si David: “Maligaya ang sinumang nagpapakundangan sa dukha . . . Siya’y aalalayan ni Jehova kung siya’y nasa banig ng karamdaman.” (Awit 41:1-3) Ito’y hindi panahon ng kahima-himalang pagpapagaling. Subalit si Jehova ay nagbibigay sa maysakit na mga Kristiyano ng karunungan at lakas ng loob na kinakailangan sa pakikitungo sa kanilang karamdaman habang kanilang inuuna muna sa kanilang buhay ang mga kapakanan ng Kaharian.—Mateo 6:33; 2 Corinto 12:7-10.
20. Paano natin mapagtatagumpayan ang pamimighati pagka isang minamahal sa buhay ang namatay?
20 Paano natin mapagtatagumpayan ang kalumbayan na nararanasan natin pagka namatay ang isang mahal sa buhay? Ang kaaliwan ay maaaring idulot ng pag-asang ibinibigay ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Kaya nga, bagama’t tayo’y nalulungkot dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay, tayo’y “hindi nagdadalamhati na gaya ng iba na walang pag-asa.” (1 Tesalonica 4:13) Anong laking pag-asa ang idinudulot sa mga tapat ng pagkabuhay-muli!
Manatiling May Pagtitiwala sa Diyos ng Kaaliwan
21. Ang pag-uusig na tinitiis kadalasan na ay maaaring magbunga ng ano?
21 Matitiyak natin na si Jehova, “ang Diyos ng buong kaaliwan,” ay hindi kailanman magpapabaya sa kaniyang nag-alay at tapat na mga lingkod. (2 Corinto 1:3; Awit 94:14) Isang tulong din na tandaan na ang pag-uusig na tinitiis ng mga Kristiyano ay maaaring makapagparangal, o makaluwalhati, sa Diyos. Ang gayong pag-uusig ay tumatawag-pansin sa kaniyang bayan at sa kanilang gawaing pangangaral ng Kaharian, at malimit na ang resulta nito ay lalong pagdami ng mga pumupuri kay Jehova.—Ihambing ang Gawa 8:4-8; 11:19-21.
22. Kung tungkol sa katapatan, sa ano tayo dapat maging disidido?
22 Kung gayon, sa tulong ng Diyos, maging disidido tayo na huwag padala sa mga pakana ni Satanas na sirain ang ating katapatan. Kumikilos nang may pananampalataya, sana’y magpatuloy tayo ng pagtitiwala kay Jehova. Huwag nating kaliligtaan ang maraming paraan na sa pamamagitan niyaon ay kaniyang pinagpapala, inaalalayan, at inaaliw tayo bilang kaniyang mga lingkod. Sana’y patunayan natin ang ating debosyon sa kaniya at sa kaniyang matuwid na mga simulain, itaguyod natin ang kaniyang pagkasoberano. Alalahanin din na ito ay isang bagay na sariling-sarili natin. Patuloy na gawin ang banal na kalooban habang ikaw ay gumagawang kasama ng organisasyon ni Jehova sa napakahalagang mga araw na ito. Magalak ka sa iyong pribilehiyo na pasayahin ang puso ni Jehova sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa kaniya, at kailanman ay huwag kalimutan na siya ay nagbibigay ng kaaliwan para sa lahat ng nananatiling tapat.
Ano ang Iyong Sagot?
◻ Bakit ang mga lingkod ni Jehova ay lalung-lalo ng nangangailangan ng kaaliwan?
◻ Bakit gumagamit si Satanas ng pag-uusig laban sa mga Kristiyano?
◻ Paanong ang mga nag-iingat ng katapatan ay nagpapatibay-loob sa atin?
◻ Paano tayo makakakuha ng kaaliwan buhat sa Salita ng Diyos?
◻ Ano ang tinitiyak sa atin sa 1 Pedro 5:6, 7 at 1 Corinto 10:13?
[Larawan sa pahina 16]
Gustong sakmalin ni Satanas ang mga lingkod ni Jehova, subalit tayo ay may pananggalang
[Larawan sa pahina 18]
Sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ng mga tapat. Ikaw ba ay palagiang nananalangin?