Report ng mga Tagapagbalita ng Kaharian
Teokratikong Pagpapalawak sa Venezuela
KUNG ilang araw na ang init ng sumisikat na araw ay totoong matindi. Ang mga nagdaraan ay takang-taka nang makita nila na ang mga manggagawa ay patuloy na gumagawa pa rin kahit na sa ganoong nakapapasong init ng araw gayong ang sinuman ay walang hahangarin kundi magpahingalay sa lilim ng isang punungkahoy o sa loob ng isang kuwartong air-conditioned. Unti-unti, nahubog ang balangkas ng isang bagong gusali. Sa tatlo at kalahating buwan, natapos ng mga manggagawa ang isang gusaling may apat na palapag—ang bagong idinugtong sa gusali ng sangay ng Watch Tower Society sa La Victoria, Venezuela.
Sa aktuwal ay ito ang pangalawang pagkakataon na ang sangay sa Venezuela ay nilakihan sapol nang magbukas ito noong 1946, na noon ay mayroon lamang 13 mga mamamahayag ng Kaharian sa bansang ito. Nang sumapit ang 1977, sila’y umabot sa bilang na mahigit na 13,000. Kaya nga, isang bagong gusali ng sangay ang natapos at inialay sa La Victoria nang taon na iyon. Sapol noon, ang bilang ng mga Saksi sa bansang iyan ay mahigit na nadoble. Kaya naman minsan pang kinailangan ang pagpapalawak.
Ang bagong dugtong (sa gawing likod sa kanan sa larawan), na may mahigit na 20,000 piye kuwadrado (1,900 m ku) ang lawak ng suwelo, ay nagbibigay ng kabuuang kapasidad sa sangay na mahigit na doble. Ang driveway sa dulong kanan ay patungo sa garahe para sa 15 sasakyan sa basement. Ang palimbagan na naroon sa gusaling itinayo noong 1977 (ang mahabang gusali sa gitna) ay inilipat sa pinaka-silong ng bagong dugtong na gusali, na kinaroroonan ng mga talyer ng maintenance at karpentirya at narito rin ang mga ilang opisina. Ang natitirang bahagi ng bagong gusali ay tirahan para sa pamilyang Bethel.
Ang bagong gusali ay may sariling tangke na deposito ng tubig at emergency power genereytor, sapagkat malimit sa bahaging ito ng daigdig ang pagdadahop sa tubig at mga brown-out. At upang lubusang mapakinabangan ang walang pagkaubos na sikat ng araw at hangin, ang laundri ay naroon sa pinakamataas na palapag ng gusali.
Ano ba ang kaisipan ng mga tagaroon sa lugar na iyon tungkol sa bagong konstruksiyon? Bagama’t ikinalulungkot ng iba ang pagkawala ng magandang halamanan na naroon dati, marami ang may palagay na ang gusali ay nagbibigay ng kapurihan sa palibot. Isang kilalang arkitekto, na nakabalita nang husto tungkol sa konstruksiyong iyon at naparoon upang tingnan nga iyon, ang nagsabi ng ganito sa mga kapatid: “Tiyak na ito ang pinakamagaling ang pagkagawang gusali sa La Victoria.” Humanga rin naman ang municipal engineer, na masayang nagbigay ng permiso sa mga uukupa nito at ang sabi: “Isang karangalan na magbigay ng permiso sa pag-okupa ng isang gusali na katulad nito.”
Ang mga Saksi sa Venezuela ay nagalak noong Abril 21, 1985, nang 15,802 sa kanila ang nagkatipon sa malapit na Valencia para sa dedikasyon, at 38,059 ang nagkatipon sa limang mga iba pang lunsod upang makinig sa programa sa pamamagitan ng pinagkabit-kabit na linya ng telepono. Ang bilang ng dumalo ay higit pa kaysa kabuuang bilang ng mga mamamahayag sa bansang ito. Sila’y napasasalamat at nagagalak dahil sa banal na paglalaang ito na sangkapan sila ng lalong higit pa para sa lubusang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian bago dumating ang wakas ng sistemang ito.—Mateo 24:14.