Huwag Mong Palampasin ang Katotohanan
MARAHIL inakala ni Poncio Pilato na mayroong mawawala sa kaniya kung tatanggap siya ng katotohanan. Kung magiging tagasunod ka ni Kristo ay kailangang tanggapin mo ang kaniyang pagkahari at agad magbago ka kung ang iyong pamumuhay ay di ayon sa kalinisang-asal. Gayunman, sinabi ni Solomon, ang manunulat ng Kawikaan 23:23: “Bilhin mo ang katotohanan at huwag mong ipagbili—ang karunungan at disiplina at kaunawaan.”
“Bilhin mo ang katotohanan?” ang nag-uusisang tanong mo. Oo, sapagkat ang Bibliya rito ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang isang tao’y nagkakamit ng katotohanan, ng karunungan, at kaunawaan tangi lamang kapalit ng isang halaga! Gayunman, ang katotohanan ang pinakamahalagang bagay na maiisip mo. Aba, ang payo ni Solomon, “Huwag mong ipagbili”! Para bang ang ibig niyang sabihin ay na walang makakatumbas ito sa halaga.
‘Ngunit ano nga ba ang katotohanan?’ ang tanong ng marami, na para na ring tanong ni Pilato. Para sa marami sa ngayon, ang ‘katotohanan’ ay isang kaisipan na mailap. Halimbawa, nariyan ang minsan ay sinabi ni Albert Einstein: “Mahirap bigyan ng tiyak na kahulugan ang pananalitang ‘siyentipikong katotohanan.’ Iba-iba ang kahulugan ng salitang ‘katotohanan’ ayon sa kung ang tinutukoy natin ay isang karanasan, isang posisyon, o isang siyentipikong teoriya. Ang ‘relihiyosong katotohanan’ ay walang naibibigay sa akin na ano mang kaliwanagan.” (Ideas and Opinions, ni Albert Einstein) Ngunit como ba pinalampas ni Einstein ang katotohanan ay nangangahulugan na nalampasan ka rin nito? Hindi naman.
Maliwanag na sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” (Juan 14:6) Oo, “ang katotohanan” ay nakasentro kay Kristo Jesus at sa kaniyang dako sa mga layunin ng Diyos na Jehova bilang ang Tagatupad ng mga hula, Manunubos ng makasalanang sangkatauhan, inatasang Hari ng Kaharian ng Diyos, Mataas na Saserdote, at Tagapuksa ng mga balakyot. (Roma 15:8; 1 Timoteo 2:5, 6; Juan 3:16; Efeso 1:20-22, Daniel 7:13, 14; Mateo 6:9, 10; Hebreo 4:14; Apocalipsis 19:11-21; 2 Tesalonica 1:7-9) Datapuwat, paano nga ‘mabibili’ ninuman ang katotohanang ito?
“Pagkuha ng Kaalaman”
Ang isa’y nagsisimulang bumili ng katotohanan sa pamamagitan ng pagtalima sa sinabi ni Jesus sa Juan 17:3: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at tungkol sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” Ito’y isang mabigat na gawain nga kung gagawin mo ito nang nag-iisa ka. Noong unang siglo, mayroong isang bating na Etiope, o opisyal sa palasyo, na sumusubok na gawin iyon. Ngunit nang makita ang bating na nag-aaral ng isang mahirap na hula sa Bibliya, ang ebanghelistang si Felipe ay nagtanong, “Talaga bang nauunawaan mo ang iyong binabasa?” Ang lalaki ay tumugon, “Ang totoo, paano ngang mauunawaan ko, maliban sa mayroong umakay sa akin?” (Gawa 8:28-31) Baka ganiyan din ang pakiwari mo.
Ang mga Saksi ni Jehova kung gayon ay nag-aalok na makipag-aral sa inyo ng Bibliya sa inyong tahanan.a Ang gayong mga pag-aaral ay walang bayad. “Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 10:8) Subalit ang pagbili ng katotohanan ay gagastahan ninyo sa isang paraan—kakailanganin ang inyong panahon at pagod. Datapuwat, alalahanin na si Jesu-Kristo—na nabubuhay at aktibo sa kalangitan—ang nagnanais na tumulong sa inyo na matutuhan ang katotohanan. (Ihambing ang Lucas 5:13.) Ipinangako niya sa kaniyang mga unang alagad na ang espiritu ng Diyos ang aakay sa kanila “sa lahat ng katotohanan.” (Juan 16:13) Kung palalawakin, ito ay kakapit din sa inyo. Kaya’t huwag akalain na ang pagkatuto ng katotohanan ay magiging totoong mahirap para sa inyo.
Ang dibdibang pag-aaral ng Bibliya ay higit na pinadali sa pamamagitan ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na lathala ng mga Saksi ni Jehova. Narito ang mga titulo ng ilan sa mga lathalaing ito na pumupukaw ng pananabik ng mga naghahanap ng katotohanan: Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, Survival Into a New Earth, Nagkakaisang Pagsamba ng Tanging Tunay na Diyos, at Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na ito’y ilan lamang.b
Ang mga publikasyong ito ay nagpapaliwanag sa Kasulatan sa wika na madaling maunawaan, pumupukaw hindi lamang ng inyong pangangatuwiran kundi rin naman ng inyong puso. Mahahalata sa mga ito ang taginting ng katotohanan sa pamamagitan ng pagkatuwiran, pananaliksik, at praktikal na payo. Habang ikaw ay natututo ng mga katotohanan ng Bibliya sa tulong ng mga lathalaing ito, ikaw ay makakaunawa kung ano nga ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Dito ang salitang “katotohanan” ay sumasaklaw sa buong kalipunan ng mga turong Kristiyano na matatagpuan ngayon sa nasusulat na Salita ng Diyos na katotohanan—ang Bibliya. (2 Timoteo 2:15; Efeso 1:13) Bakit nga ang pagkatuto ng katotohanan ay nagpapalaya?
Bilang halimbawa, pag-isipan na dahil sa “takot sa kamatayan” ang sangkatauhan ay “naging alipin sa buong buhay nila.” (Hebreo 2:15) Ito ay sa kabila ng bagay na nag-aangkin ang karamihan ng tao ng isang malabong pag-asa sa kabilang buhay sa makalangit na kaligayahan. Datapuwat, mga katotohanan ng Bibliya ang nagpalaya sa isang tao na may gayong takot. Mapapag-alaman mo na ang patay ay hindi pinarurusahan sa isang dakong maapoy na pahirapan, sapagkat “ang patay . . . ay walang nalalamang anuman.” (Eclesiastes 9:5, 10; tingnan din ang Awit 146:4 at Eclesiastes 3:19, 20.) Ipinakikita rin ng Bibliya na ang tao ay walang likas na hangaring mamatay at pumunta sa langit. Bagkus, ‘inilagay [ng Diyos] sa puso ng tao ang panahong walang hanggan’; ang isang normal na tao ay naghahangad na mabuhay magpakailanman!—Eclesiastes 3:11; tingnan din ang Roma 5:12; 6:23.
Ang hangaring iyan ay matutupad sa tinatawag ng Bibliya na “bagong lupa.” (2 Pedro 3:13; ihambing ang Mateo 6:9, 10.) Binanggit ni Jesus na yaong mga magtatamo ng buhay sa “bagong lupa” ay maligayang mabubuhay sa “Paraiso.” (Lucas 23:43) Ang mga iba pang teksto ang tutulong sa atin na maunawaan na ito’y magiging isang sanlibutan na walang sakit at mga luha! (Apocalipsis 21:4; Isaias 11:6-9) Isip-isipin lamang kung paanong ang pag-asang ito ay maaaring bumago ng iyong buhay! Subalit una muna ay kailangang kumuha ka ng kaalaman.
Kalimutan ang Pagmamataas
Sa Awit 25:9 sinasabi ng Bibliya: “Kaniyang pangyayarihin na ang maaamo ay lumakad sa kaniyang kahatulan, at kaniyang tuturuan ang mga maaamo ng kaniyang daan.” Hindi, hindi basta ibibigay ng Diyos ang kaniyang katotohanan sa mga taong mapagmataas at hambog. “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga mapagmataas, ngunit nagbibigay siya ng di-sana-nararapat na awa sa mga mapagpakumbaba.” (1 Pedro 5:5) Marahil si Poncio Pilato ay may bahagyang pagkasabik tungkol sa katotohanan. Subalit ang mga sinaunang manunulat ay naglalarawan kay Pilato bilang isang taong hambog. Sa mga Romano, ang mga Judio ay kamuhi-muhing mga tao na may kakatuwang relihiyon na kanilang kinatutuwaang yapak-yapakan! Ang kataasan at makapulitikang ambisyon ang waring hadlang kay Pilato.—Kawikaan 16:18.
Marami sa ngayon ang sabik din na makaalam ng balitang dinadala ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, baka napapansin nila na karamihan ng mga Saksi ni Jehova ay mga mahihirap, na ang kanilang mga dakong pinagtitipunan (mga Kingdom Hall) ay hindi maihahambing sa anumang paraan sa magagarang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, at kakaunti sa mga Saksi ang may maipagmamalaking mataas na pinag-aralan. Subalit pansinin ang sinasabi ng Bibliya sa 1 Corinto 1:26-29: “Sapagkat masdan ninyo ang pagkatawag sa inyo, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao; kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kamangmangan sa sanlibutan, upang hiyain niya ang marurunong; at pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas; at ang mga bagay na mabababa ng sanlibutan at ang mga bagay na hinahamak, ang mga bagay na walang halaga ang pinili ng Diyos, upang kaniyang mapawalang-halaga ang mga bagay na mahalaga, upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Diyos.”
Para matuto sa gayong ‘mga mabababa’ ang kailangan ay itabi ninyo ang inyong pagmamataas. Subalit ito ba’y napakataas na halaga para ibayad sa katotohanan?
Upang Gumana ang Kaalaman
Ang basta pagsipsip ng impormasyon—maging ang katotohanan man—ay hindi sapat. Kaya naman tayo ay pinapayuhan na ‘bilhin ang karunungan.’ (Kawikaan 23:23) Ang karunungan ay pagkakapit ng kaalaman! Sa katunayan sinabi ni Solomon na “ang karunungan ang pangunahing bagay.” (Kawikaan 4:5-7) Oo, ano ang mapapakinabang sa kaalaman kung hindi ikakapit? Kaya pagkatapos matutuhan ang mga daan ng Diyos, ang kaniyang mga utos, batas, paalaala, at payo, matuto ka rin na ikapit ang mga ito sa iyong buhay. “Ang karunungan ay pinatutunayan na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa,” ang sabi ni Jesus.—Mateo 11:19.
Si Poncio Pilato ay tumanggi sa katotohanan. Subalit, hindi ka dapat gumawa ng ganiyang pagkakamali. Kung palalampasin mo ang katotohanan dahilan sa pagmamataas, ambisyon, o pag-ibig sa isang bisyo na labag sa kasulatan, ang gayon ay kamangmangan nga. Tularan mo ang salmista na nanalangin, “Bigyan mo ako ng unawa, upang ako’y patuloy na mabuhay.” (Awit 119:144) Oo, ang tao na handang magbayad ng halaga kapalit ng katotohanan at karunungan ay maaaring “patuloy na mabuhay.” Sapagkat ang taong bumibili nito ay “tunay na makakasumpong ng buhay, at nagtatamo ng kabutihang-loob buhat kay Jehova.”—Kawikaan 8:35.
Ang sabi ng isang tao na nagsimulang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova: “Isang pagpapala na sabihin na ang katotohanan ang bumago sa aming buhay.” Maaaring baguhin nito ang iyo ring buhay. Kaya’t huwag palampasin ang katotohanan! Samantalahin ang pambihirang pagkakataong ito na bilhin ang katotohanan, karunungan, at kaunawaan. Hindi mo pagsisisihan kailanman na ginawa mo ito.
[Mga talababa]
a Sumulat kayo sa mga tagapaglathala ng magasing ito kung ibig ninyo ng pag-aaral sa Bibliya. Malulugod kami na isaayos na isang kuwalipikadong ministro ang dumalaw sa inyo sa tahanan ninyo.
b Lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 4]
Ang pagmamataas ang marahil humila kay Poncio Pilato na palampasin ang katotohanan