Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 3/1 p. 21-25
  • Pagsunod sa mga Daan ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsunod sa mga Daan ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Nakalipas Kong Pamumuhay sa Inglatera at Canada
  • Isang Pagdalaw na Bumago ng Aking Buhay
  • Pagsisikap na Mangaral
  • Paglilingkod sa Bethel
  • Si Rutherford​—Isang Manggagawang Walang Pagkapagod
  • Lumubha ang mga Kalagayan, Namatay si Rutherford
  • Mga Bagong Atas
  • Pagpapatotoo sa Kapuluan
  • Bumalik Ako sa Bethel
  • Ang Buhay Ko sa Inaakay-ng-Espiritung Organisasyon ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • ‘Ginanti Ako Nang Sagana ni Jehova’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Ianunsiyo ang Hari at ang Kaharian! (1919-1941)
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • ‘Aming Ginawa ang Dapat Naming Gawin’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 3/1 p. 21-25

Pagsunod sa mga Daan ni Jehova

Ibinida ni Arthur Worsley

MAY tatlong araw nang hindi namin nasilayan ang araw; kami’y hinambalos ng hangin at ng dagat. Kami’y naroon noon sa North Carolina sa tanyag at mapanganib na Cape Hatteras patungo sa aming pangangaralang teritoryo sa Bahamas. Noon ay Nobyembre 1948. Kaming apat, tatlong misyonerong nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead at ako pa, ang nag-aalala kung kami nga ay makakarating pa roon.

Ako ang piloto ng 60-piye (18-m) barko ng Watch Tower Society, ang Sibia. Paminsan-minsan ay may tunog na gaya ng tumatagas na singaw habang kami’y hinahambalos ng mga dambuhalang alon, at kami’y natatalsikan ng tubig pagdaraan niyaon sa amin. Ang mga lubid ay iginapos sa aking baywang at saka itinali sa kubyerta. Sa pag-abante namin na sunod sa hangin, animo’y isang mapanglaw na daing ang pumapailanglang at pag-abante naman namin na kasalungat ng hangin, iyon ay umaangal nang nakakabulahaw.

Sa malaking kamarote sa ibaba ng kubyerta ay naroon sina Stanley Carter at Ron Parkin na may malubhang sakit-dagat. At ang 50-anyos na si Gust Maki, na hinalinhan ko bilang piloto, ay talagang hapúng-hapô. Bago ako humalili bilang piloto, gumawa ako ng brandy eggnog at sinabihan ko si Gust kung saan matatagpuan iyon. Ito ang kahuli-hulihang pagkikita namin sa lumipas na halos sampung oras.

Hindi kailanman malilimutan ang kapanglawan ng gabing iyon, naririnig ko ang umaangal na dagundong ng hangin, na lumalaban sa “sumisikad” na timon, at umaasang ang lubid na nagbibigay proteksiyon sa akin ay hindi mapapatid. Paano nga ako napalagay sa ganitong situwasyon?

Ang Nakalipas Kong Pamumuhay sa Inglatera at Canada

Ang aking ama ay isang marino sa Britaniya, at sa tuwina’y nakikisalamuha ako noon sa mga marino at iba pang mga taong nasa hukbo. Nang ang aking ina ay mamatay na bigla, ako’y pinagsilbing isang aprendis sa barko. Noong 1923, nang ako’y edad 16, ako’y nagbiyahe sa buong daigdig sakay ng isang barkong sanayan.

Nang ako’y nasa Singapore, nabalitaan ko sa aking kapatid na lalaki na si Itay ay muling nag-asawa at ang pamilya ay naroon ngayon sa Alberta, Canada. Kaya, noong 1924, sumama na ako sa aking pamilya na naroon sa isang 320-acre (130-ha) na bukirin malapit sa Lethbridge. Tinukoy ito ng chamber of commerce na “maaraw na timugang Alberta, ang lupain ng ginintuang trigo,” na totoo naman.

Isang Pagdalaw na Bumago ng Aking Buhay

Waring nakalimutang banggitin ng chamber of commerce ang mga taglamig sa bukid. Ang temperatura ay bumababa hanggang sa 30 digris na mababa sa sero Fahrenheit (-34° C) paminsan-minsan, at marahil humihigit pa. Isang maginaw na araw noong taglamig ng 1926-27, isang lumang Model T Ford ang huminto sa aming harapan at pumarada nang bingit na bingit sa aming bahay. Ang drayber ay inanyayahan namin para makainom ng mainit na kape at makapagmirienda ng mga cookies, saka niya binanggit na barado pala ang kalye dahilan sa yelong napadpad doon, at sa gayo’y naligaw siya. Bueno, kami’y nagkaayos din, at saka siya nagsimulang magpaliwanag tungkol sa Bibliya. Umabuloy ako ng isang dolyar para sa aklat na Deliverance at pitong pulyeto.

Ang mga magulang ko ay lumuwas upang mamili, kaya’t kaming magkakapatid ay sandaling nagsuri ng mga babasahíng iyon. Pagkatapos ay inilagay na namin sa aparador at tuluyang nakalimutan namin iyon dahil sa pag-aalaga namin sa mga hayop. Gayunman, ang ilan sa mga bagay na aking nabasa ay patuloy na pabalik-balik sa aking isip. Nagigising pa man din ako kung gabi sa pag-iisip ng tungkol doon. Sa wakas, minabuti kong alamin kung ano nga ang mga ito.

Sa di sinasadya’y nailabas ko ang pulyetong Our Lord’s Return. Hinintay kong lahat ay nakahiga na, saka binasa ko ang pulyeto at hinanap ko ang lahat ng mga teksto sa aming Bibliya. Nagtaka ako at nasiyahan sa mga paliwanag, kaya’t ako’y nagsimulang “nagpatotoo” sa aking pamilya kinaumagahan sa pag-aalmusal. Bagama’t sila’y hindi gaanong naniwala doon, ako’y hindi nanlamig sa aking kasiglahan.

Pagsisikap na Mangaral

Ako’y sumulat sa Watch Tower Society, at ipinadala ko ang mga pangalan at mga direksiyon ng karatig na mga magsasaka, at hiniling ko na sila’y padalhan ng mga kopya ng Our Lord’s Return. Nang malaunan, na ako’y dumalaw sa kanila upang kumustahin ang pagbabasa nila ng pulyeto, nagtaka ako dahil sa mga tugon nila na nagpapakita ng pagkayamot, gaya ng, ‘Tama na, ang isang musmos na kagaya mo ay hindi dapat makialam diyan’ o, ‘Iyan ay Russellismo. Kanilang ibinibilanggo ang ganiyang mga tao sa Estados Unidos.’

Bagaman nasiraan ako ng loob, hindi naman ako umatras. Pumidido ako ng lahat ng literatura na lathala ng Watch Tower Society, at humingi pa ako ng mga karagdagang kopya na maipahihiram ko. Binasa ko ang lahat ng iyon pagka may pagkakataon, at pinag-isipan ko kung paano maibabahagi ko sa iba ang aking natututuhan. Ipinagbigay-alam sa akin ng Samahan na ang pinakamalapit na kongregasyon, o “ecclesia” ay mga isang daang milya (160 km) ang layo sa Calgary, anupa’t napakalayo ito para daluhan ko.

Noong 1928 lumisan ako sa tahanan upang magtrabaho, at nakatrabaho naman ako na quartuhan, 160 acres (65 ha), kaya pumayag akong bigyan ang mga may-ari ng isang quarto o ikaapat na bahagi ng ani taun-taon. Noong Disyembre 1929 ako’y may bakasyon, kaya’t doon ko ginugol ito sa piling ng aking ama at aking tiyahin, na lumipat sa Vancouver, British Columbia. Mga ilang araw pagkarating ko roon, isang babae ang dumalaw sa amin na may inialok na literatura na lathala ng Watch Tower Society. Sa kaniya’y napag-alaman ko kung saan nagtitipon ang mga Bible Students (ngayo’y tinatawag na mga Saksi ni Jehova), at nang sumunod na Linggo ako’y naglakad ng limang milya (8 km) habang bumabagyo nang malakas upang makadalo.

Totoong nakalulugod na dumalo sa isang pulong kasama ng iba na interesado rin sa Bibliya. Nang sumunod na linggo ay sumama ako sa grupo sa pangangaral sa bahay-bahay, at patu-patuloy na sa bawat linggo. At ang The Watchtower ng Enero 15, 1930, ay tinanggap ko na taglay ang paanyayang tumulong sa gawain sa punung-tanggapan sa Brooklyn ng Watch Tower Society, tinatawag na Bethel. Inihandog ko ang aking paglilingkod at, sa ipinagtaka ko, ako’y inanyayahan na magtrabaho roon. Sandaling isinaayos ko ang aking pamumuhay, samantala ako noon ay binautismuhan. Sa wakas ay dumating ako sa Bethel noong Hunyo 13, 1930.

Paglilingkod sa Bethel

Nang ilagay ako sa bindery o tagapagbuo ng mga aklat, sa wakas ay inilagay ako sa pagpapaandar ng stitcher, na naglalagay ng mga staple sa likod ng mga pulyeto. Anong laking kagalakan na lagyan niyaon ang Our Lord’s Return, ang pulyeto na bumago ng aking buhay! Hindi nagtagal at ang nilalagyan ko naman ng staple ay ang bagong pulyeto na The Kingdom, the Hope of the World.

Ang unang kombensiyon, sa Columbus, Ohio, noong Hulyo, 1931, ay hindi malilimot. Hindi ko malilimot ang matunog na palakpakan nang ipahayag na mula noon tayo ay makikilala sa pangalang mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ay inilabas ang pulyeto, The Kingdom, the Hope of the World. Ipinaliwanag nito kung bakit ang pangalang ito ay kinuha. Pagkatapos ay nagdala kami nito sa lahat ng mga opisyales sa hukbo, sa pamahalaan, sa negosyo, at sa relihiyon, at ako ang naatasan na gumawa nito sa mga lugar na malapit sa Bethel sa Brooklyn Heights at sa Governor’s Island.

Ang daungan ng New York ay naroon mismo sa pinaka-pintuan ng Bethel, at yamang kabisado ko ang mga barko, ang daungang iyon ang naging teritoryo ko sa pangangaral. Isang araw isang kapitan ng barko ang tumutol: “Ngayon, huwag mo akong paglakuan ng mga aklat na iyan. Mayroon ako ng kaisa-isang libro na talagang nagsasabi ng katotohanan tungkol sa Bibliya.”

“Pakisuyong ipakita ninyo sa akin ang aklat ninyo,” ang tugon ko.

Inilabas niya ang isang halos wasak-wasak nang kopya ng aklat na Government, at ang sabi: “Nakuha ko iyan na lulutang-lutang sa ilog at pinatuyo ko. Iyan ang pinakamagaling na aklat na nabasa ko.”

Pagkatapos ipakita ko sa kaniya buhat sa pambungad na pahina na ang mga aklat na iniaalok ko at iyon ay iisa ang tagalathala, ako’y ‘nakalusot na madali.’ Nagkaroon kami ng kasiya-siyang pag-uusap!

Kakaunti lamang ang nangangaral noong panahong iyon, kaya’t ginamit namin ang lahat ng paraan upang ang mabuting balita ay maipahatid sa mga tao bago mag-Armagedon. Sa New York City ay iisa lamang ang kongregasyon. Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit na 300 kongregasyon at mga 30,000 mamamahayag sa lunsod at maraming teritoryo ang nagagawa buwan-buwan!

Si Rutherford​—Isang Manggagawang Walang Pagkapagod

Si Joseph F. Rutherford, ang pangulo ng Watch Tower Society sa unang 11 mga taon ko sa Bethel, ay totoong hinangaan ko dahil sa napakaraming gawain na kaniyang natatapos. Siya ang sumulat ng karamihan ng ating mga literatura sa Bibliya, nagbigay ng napakaraming pahayag, at ipinaglaban niya ang maraming kaso sa hukuman, gayundin nagkaroon siya ng personal na interes sa pagpapalakad ng pamilyang Bethel, na noon ay mayroong halos 200.

Halimbawa, noong 1932 kaniyang ipinasiya na dapat tayong magkaroon ng sariling mapagkukunan ng ating pagkain, lalo na ang karne. Kaya’t isinaayos niya na magkaroon ng mga alagaan ng manok sa 15-acre (6-ha) na looban ng Samahan sa Staten Island. Nabalitaan niya na mayroon akong kaunting kaalaman tungkol sa pag-aalaga ng mga manok. Kaya kinaon niya ako sa mga dulo ng sanlinggo upang magdisenyo ng mga bahay-manok at sumukat ng lupa na mapapagtayuan ng mga iyon.

Sa isa sa mga pagdalaw na ito, si Brother Rutherford ay waring balisa ayon sa tingin ko. Ako’y naglakas-loob na tanungin siya kung mayroon bagang suliranin at kung matutulungan ko siya. Binanggit niya na baka hindi ako makatulong. Ngunit habang kami’y patuloy na naglalakad patungo sa taniman, sinabi niya: “Hindi ko pa naman nakikitang ito’y mabibigo. Kailanma’t ako’y gumagawa tungkol sa isang mahalagang bagay, may bumabangon na problema, at sa mismong sandaling ito ay ginagawa ko ang isa sa pinakamahalagang artikulo sa loob ng lumipas na mga taon.” Talagang takang-taka ako at kaniyang binanggit iyon sa akin, na isang baguhan sa Bethel.

Mga ilang linggo ang nakalipas at ang mga lingkod ni Jehova ay tumanggap ng mga labas ng Watchtower na Agosto 15 at Setyembre 1, 1932, na may dalawang-bahaging artikulo na pinamagatang “Jehovah’s Organization” (Ang Organisasyon ni Jehova). Sa mga artikulong ito ay ibinunyag na ang sistema ng elective elders ay di-ayon sa Kasulatan. Ito’y lumikha ng di-kakaunting ingay, subalit nagsilbing isa pang hakbang tungo sa lubusang teokratikong pangangasiwa.

Noong mga araw na iyon si Brother Rutherford ay lubhang sinalansang niyaong mga nagsisikap na putulan siya ng karapatan na magsahimpapawid ng kaniyang mga pahayag. Ngunit siya ay isang manlalaban at hindi kailanman sumuko sa kaniyang mga kalabang relihiyoso.

Lumubha ang mga Kalagayan, Namatay si Rutherford

Ang pag-uusig ay tumindi noong 1930’s. Sa Nazi Alemanya marami ang ikinulong sa mga piitang kampo at namatay dahilan sa kanilang pananampalataya. Maging sa Estados Unidos man ay dumanas ng di-kawasang hirap ang ibang mga kapatid; ang iba ay pinuwersa na uminom na aceite de castor. Iniwasak ang mga ari-arian, at ang mga bata ay pinalayas sa mga paaralan.

Noong 1941 si Brother Rutherford ay unti-unting umurong ang kalusugan, subalit mayroon pa rin siyang lakas at nagpatuloy siya ng pangunguna. Sa amin na kapalagang-loob niya, damang-dama namin ang kaniyang lumulubhang kalagayan. Dahilan sa kaniyang labis na pamamayat ang kaniyang mga damit ay maluwag na maluwag. Bagaman ang kaniyang katawan ay patuloy na humihina, ang kaniyang isip naman ay listo at hindi kailanman nanghina ang kaniyang sigla sa katotohanan at sa paghahayag sa pangalan ni Jehova.

Isang araw pagkatapos ng pag-almusal sa may dulo na ng taglagas ng 1941, ipinagtapat niya sa pamilya na siya ay daranas ng isang malubhang operasyon. Kaniyang sandaling pinatibay-loob ang pamilya, at nagtapos: “Kaya’t kung kalooban ng Diyos, muli tayong magkikita. Kung hindi naman, batid ko na inyong ipagpapatuloy ang pakikipagbaka.” Lahat noon sa pamilya ay lumuluha, at hindi na nga namin siya nakita uli. Noong araw ding iyon ay lumisan siya patungong California na kung saan namatay siya noong Enero 8, 1942.

Sa loob ng maraming taon ay napakarami ang umatake kay Brother Rutherford, ngunit ang gayong mga paratang ay parang bula kung para sa amin na mga kamanggagawa niya at sa halos araw-araw ay naririnig namin ang kaniyang espirituwal na pagtuturo sa amin kung panahon ng pagsamba sa umaga. Kilala namin kung sino talaga siya​—isa sa mga Saksi ni Jehova. Ano pa ang masasabi?

Mga Bagong Atas

Hindi nagtagal pagkatapos at si Nathan H. Knorr ang naging pangulo, kaya’t tinawag niya ang ilan sa amin sa kaniyang opisina, iniharap niya ang mga plano para muling ibalik ang pagdalaw sa mga kongregasyon ng mga kinatawan ng Samahan, at tinanong niya kami kung ibig naming makibahagi roon. Tinanggap ko ang paanyaya at nagsimula sa gawaing iyon noong 1942. Kami’y tinawag noon na “lingkod sa mga kapatid,” ngunit nang malaunan ay binago at ginawang “lingkod ng sirkito.”

Noong Mayo 1948, sa isang pandistritong kombensiyon sa Houston, Texas, ako’y tinawag ni Brother Knorr sa kaniyang opisina. Pagkatapos ng mga ilang patalastas tungkol sa gawain sa lugar na iyon at sa aking kalusugan, ang tanong niya: “Ikaw ba ay nag-iisip tungkol sa pag-aasawa?”

Bueno, hindi ko totoong masasabi na hindi, at sa ganoon ding paraan ay hindi ko masasabing oo. Kaya’t ang sagot ko: “Brother, iyan ay pinag-iisipan ko na sapol nang ako’y limang taóng gulang.” Kaya naman noon ay napalagay ako sa isang neutral na katayuan. Ipinaliwanag nga ni Brother Knorr na ang Samahan ay nakabili ng isang barko, at tinanong ako kung ibig kong maglingkod bilang misyonero sakay ng barkong iyon.

Kaya ganiyan ang nangyari, noong Nobyembre 1948, na ako ang piloto ng Sibia sa bumabagyong gabing iyon sa Cape Hatteras.

Pagpapatotoo sa Kapuluan

Mga ilang araw pa at sumapit kami sa Bahamas na kung saan ang mga tao ay napakamagandang-loob at nagugutom sa katotohanan ng Bibliya. Kami’y nangaral sa lahat ng malalaking pulo, at dinalaw namin ang ilan dito kung mga ilan-ilang beses sa loob noong pitong buwan na kami ay naroroon. Pagkatapos ay nagtungo kami sa Virgin Islands, at nagpatotoo sa buong kapuluang ito.

Isang gabi sa St. Martin, ang alkalde, o komisyonado ng pulo, ay naparoon sa akin at ang sabi: “Mga dalawang linggo lamang ang nakaraan, pagka ako’y namamasyal sa bayan, wala kang maririnig na pinag-uusapan kundi ang sabong at ang mga babae. Ngayon saanman ako pumaroon ang naririnig ko ay usapan tungkol kay Jehova at sa Bibliya. Kayong mga bata ni Jehova ay gumawa ng mabuti, at salamat sa inyo.”

Nagkapribilehiyo ako na magbigay ng unang-unang pahayag sa Memoryal sa St. Vincent. Pagkatapos ay isang babae ang nagsabi: “Gusto sanang marinig ni Mr. Brown ang pahayag na iyan, pero doon siya nakatira sa malayo.” Ipinabatid sa akin kung paano mararating iyon, at maaga kinabukasan ay umalis ako upang hanapin ang lugar na iyon.

Doo’y walang mga kalye, mga landas lamang. Kung mga ilang oras na ako’y naglakad, nagtatanong manakanaka. Nang hapúng-hapô na ako, mga alas-dos na ng hapon dumating ako sa isang lugar na may mga ilang kubo na kalat-kalat. Minabuti kong lapitan ang isa nito at doon magpahinga. Habang papalapit ako, nakita kong may karatula sa ibabaw ng pinto na, “Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses.” Ang aking pagkapagod ay napawing biglang-bigla.

Walang anu-ano’y isang lalaki ang dumating at nagtanong kung mayroon siyang maitutulong sa akin. “Paano ko po makakausap ang mga taong nagtayo ng munting Hall na ito?” ang tanong ko.

“Isa po ako sa kanila,” aniya.

Sinabi kong isa ako sa mga tripulante ng Sibia, pero parang bale wala iyon sa kaniya. Kaya’t ang sabi ko, “Hindi po ba ninyo alam? Ang barko ni Jehova.” Halos hindi siya makatayo nang panatag, dahil sa kaniyang katuwaan. Hindi nagluwat, napag-alaman ko kung papaano naitayo ang bulwagang iyon.

“Pagka ako’y nagpupunta sa Trinidad,” aniya, “kanilang ibinabalita sa akin ang katotohanan. At pagbabalik ko ay ibinabalita ko naman iyon sa iba.” Kaniyang tinanong ako kung ibig kong magbigay ng pahayag.

“Nalulugod akong gawin iyan,” ang sabi ko. Kaya’t kaniyang hinipan ang isang tambuli, at sa mga ilang saglit ay napunô na ng tao ang munting bulwagan pati yaong mga palababahan ng bintana. Nagbigay ako ng pahayag, at pagkatapos ay idinaos ang isang pag-aaral sa Watchtower, na naidaos nang maayos! Pagkatapos, inanyayahan ako ng kapatid na iyon sa kaniyang tahanan para doon maghapunan. Gumagabi na noon, kaya ako’y nagpaalam na. Kanilang sinamahan pa ako para matutuhan ang isang lalong diretsong daan. Nang sila’y makaalis na, mga ilan pang milya ang dapat kong lakarin para marating ko ang barko, ngunit iyon ay isang kabigha-bighaning gabi.

Bumalik Ako sa Bethel

Ang unang malaking kombensiyon sa Yankee Stadium ay ginanap noong 1950. Kami na nasa Sibia ay inanyayahan na dumalo. Samantalang nasa New York ay inatasan uli ako sa Estados Unidos bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Makaraan ang mga ilang taon, ako’y nagkasakit at pinabalik uli sa Bethel noong 1956. Unti-unting humusay ang aking kalusugan, ngunit nanatili ako sa Bethel.

Minsan nang banggitin ni Brother Knorr na kailangan ang higit pang mga misyonero sa Aprika, iminungkahi ko na ipadala ako roon. Subalit, kaniyang ipinaalaala sa akin na ako’y may-edad na pati ang dami ng beses na ako’y mapaospital, at sinabihan niya ako na mas mabuti pang dumuon ako kung saan ako mabibigyan ng atensiyon kung kailangan.

Ngayon na 79 anyos na ako, at halos 56 na mga taon ang nagugol ko sa buong-panahong paglilingkod, isang kagalakan na malaman na pumasok ako sa gayong paglilingkod sa aking kabataan. Malimit, pagka ako’y nasa tahanan na galing sa mga pulong o sa trabaho, umuupo ako sa aking komportableng kuwarto sa Bethel at ginuguniguni ko ang nakalipas na 60 taon. Tunay na ako’y pinagpala dahilan sa pagsunod ko sa mga daan ni Jehova.

[Larawan sa pahina 23]

Samantalang nangangaral sa Alabama noong 1934, ang mga literatura sa Bibliya ay ipinagpalit ko ng mga manok

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share