Bautismo ng Sanggol—Bakit Tinatanggihan ng mga Ilang Pari!
TALAGANG ibig ni Alan at ni Sonia na mabautismuhan ang kanilang sanggol. Kaya isang kabiglaanan nang ito’y tanggihan ng kanilang paring Anglicano at sinabi pa ang ganito: “Kayo ang gumawa niyan.” Ang dahilan? Si Alan at si Sonia ay hindi palagiang nagsisimba.—The Christian Century, Hunyo 3-10, 1981.
Mayroong mga ilang mag-asawa na kamakailan ay nakaranas ng ganiyang pagtanggi—isang malinaw na tanda na ang mga ilang simbahan ay nagbabago ng kanilang paniwala tungkol sa bautismo o pagbibinyag sa sanggol. Isaalang-alang ang Iglesya Katolika Romana. Pagkatapos ng Konsilyo ng Vaticano II, binago ng simbahan ang kaniyang seremonya sa pagbabautismo sa sanggol. Oo, ang simbahan ay nagbabautismo pa rin ng mga sanggol, ngunit ngayon kailangan munang tiyakin ng mga magulang na kanilang palalakihin ang sanggol bilang isang Katoliko. Ganito ang utos ng Vaticano: “Kung ang mga pagtiyak na ito ay hindi talagang seryoso, maaaring may mga dahilan na antalahin ang sakramento; at kung talagang walang mga katiyakan, ang sakramento ay maaari pa ngang ipagkait.”—L’Osservatore Romano, “Instruksiyon Tungkol sa Bautismo sa Sanggol,” Disyembre 1, 1980.
Ito ay malayung-malayo noong mga araw na, ayon sa paring Katoliko na si Joseph M. Champlin, “masusugid na misyonero [ang] nagbabautismo sa mga sanggol na abandonado sa kalye,” at ang mga pari ay “nagpapayo sa mga magulang na huwag ipagpaliban ang bautismo ng sanggol higit kaysa isang buwan sapagkat ang ibubunga nito’y mortal na kasalanan.”
Ano ba ang nasa likod ng ganiyang mga pagbabago? Unang-una, kinikilala ngayon ng mga lider ng simbahan na ang bautismo ang tanda ng pagka-Kristiyano. Ang umuunting bilang ng mga nagsisimba at ang kakulangan ng debosyon ng karamihan ng bautismadong mga Katoliko ay tunay na nakabahala. “Bakit pa palulubhain ng simbahan ang problema sa pamamagitan ng pagbabautismo sa mga bata na balang araw ay tiyak na hindi mangagsisimba kung sila’y gumulang na?” ang sabi ng artikulo sa U.S. Catholic.
Ang pagbabagong iyan tungkol sa pagkakilala sa bautismo ay nagbibilad din ng isang malubhang pagkakabaha-bahagi sa gitna ng mga teologo. Gaya ng puna ng manunulat Katoliko na si Joseph Martos, maraming mga klerigo ang talagang hindi naniniwala na ang bautismo sa sanggol ay isang “parang magic na ritwal na may di-nakikitang mga epekto sa kaluluwa.” Para sa kanila ang gayong pangmalas ay para sa lumipas na panahon, hindi na uso.
Kung gayon, hindi ipagtataka na maraming taimtim na mga Katoliko ang naguguluhan. Hindi baga dati ang simbahan ay nagtuturo na ang di-bautismadong mga sanggol ay doon pupunta sa impierno ng apoy o magpapalumagak muna sa purgatoryo? Kung ito’y totoo, ang tanong ng iba, bakit ang bautismo ay ipagkakait sa ilalim ng anumang mga kalagayan? Ito’y mahalagang mga tanong. Gaya ng puna ng paring Katoliko na si Vincent Wilkin, ang kabuuan ng mga nangamatay na di-nababautismuhan ay “pagkarami-rami at di-kayang tayahin, kaya madaling maguguniguni na sila ang kalakhang bahagi ng sangkatauhan.”
Kung gayon, pagmasdan nating sandali ang tungkol sa bautismo ng sanggol—ayon sa kasaysayan at gayundin sa Bibliya.