Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 3/15 p. 31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
  • Bat-sheba
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Gulo sa Pamilya ni David
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
  • Ang Pagtatapat na Umaakay sa Paggaling
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 3/15 p. 31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

◼ Pagkatapos na nagkasala si David at Bath-sheba, bakit namatay din ang kanilang anak, yamang sinasabi ng Deuteronomio 24:16 at Ezekiel 18:20 na ang isang anak ay hindi mamamatay dahil sa kasalanan ng kaniyang ama?

Si David at si Bath-sheba ay kapuwa may-asawa nang sila’y magkasala ng pangangalunya at nagdalang-tao si Bath-sheba. Ang kanilang pangangalunya ay isang mabigat na kasalanan na kamatayan ang parusa sa ilalim ng batas ng Diyos. (2 Samuel 11:1-5; Deuteronomio 5:18; 22:22) Kaya’t kung pinayagan ng Diyos na sila’y parusahan ng tao ayon sa Kautusan, ang anak na nasa kaniyang sinapupunan ay mamamatay kasama ang ina. Subalit minabuti ni Jehova na mapaiba ang kanilang kaso, na may karapatang gawin “ang Hukom sa buong lupa.”​—Genesis 18:25.

Nang sabihin sa kaniya ang kaniyang pagkakasala, tinanggap iyon ni David: “Ako‘y nagkasala nga laban kay Jehova.” Kaya’t sinabi kay David ng kinatawan ng Diyos: “Gayunman, pinalampas ni Jehova ang iyong kasalanan. Hindi ka mamamatay.” (2 Samuel 12:13) Si David ay kinahabagan dahilan sa tipan sa Kaharian. Isa pa, yamang nababasa ng Diyos ang mga puso, tiyak na kaniyang pinagtimbang-timbang ang tunay na pagsisisi ni David at kaniyang ipinasiya na may saligan ang pagpapatawad kay David at kay Bath-sheba. Subalit hindi nila naiwasan ang bunga ng kanilang pagkakasala. Sa kanila’y sinabi: “Gayunman, sapagkat sa gawang ito’y tiyakang nilapastangan mo si Jehova, ang anak mo mismo, na kasisilang lamang, ay tiyak na mamamatay.”​—2 Samuel 12:14.

Sila’y ‘ginantihan’ ng Diyos may kaugnayan sa kanilang anak na hindi nararapat na mapasa-kanila; ang bata ay naging masasakitin at namatay. Baka ang isang tao sa ngayon ay walang nakikita kundi ang kamatayan ng batang iyon at inaakala niyang ito’y pinagmalupitan. Datapuwat, mabuting isaisip na kung nilitis ang kaso sa pangangalunya at napatunayan sa harap ng mga hukom na tao sa ilalim ng Kautusan, silang tatlo (si David, Bath-sheba, at ang anak na nasa kaniyang sinapupunan) ay papatayin. Kung titingnan sa ganiyang pangmalas, ang pagpapahintulot ng Diyos sa dalawa na mabuhay ay maawain. Isa pa, sa atrasadong petsang ito ay hindi natin alam ang buong katotohanan, halimbawa tungkol sa kalagayan ng kalusugan ng sanggol sa mga sandaling ipanganak. Gayunman, makapagtitiwala tayo sa ginawa ng Diyos, na ang paghatol ay makatarungan, pantas, at matuwid. At iyan ay kinilala ni David noong bandang huli: “Ang tunay na Diyos, ang kaniyang lakad ay sakdal.”​—2 Samuel 22:31; ihambing ang Job 34:12; Isaias 55:11.

Iyan ay katugma ng ikinilos ni David pagkatapos na marinig niya ang hatol ng Diyos. Samantalang maysakit ang sanggol, si David ay nagdalamhati at nag-ayuno. Ngunit nang mamatay na, tinanggap ni David na tapos na ang bagay na iyon. (2 Samuel 12:22, 23) Kaya, sa pagtitiwala sa hatol ng Diyos, inaliw ni David si Bath-sheba (ngayo’y legal na asawa na niya), at sinabihan siya na magpapatuloy ang kanilang relasyon bilang mag-asawa. Nang malaunan ay naging anak nila si Solomon at siyang humalili kay David.

Ang pakikitungo ng Diyos sa kasong iyan ay hindi dapat na ituring na salungat sa Deuteronomio 24:16 o Ezekiel 18:20.

Bilang bahagi ng Kautusan, iniutos ng Diyos: “Ang mga ama ay hindi dapat patayin dahil sa mga anak, at ang mga anak ay hindi dapat patayin dahil sa mga ama. Bawat isa ay dapat patayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.” (Deuteronomio 24:16) Ang ganiyang mga alituntunin ay para sa mga hukom na Israelita na humahawak ng mga usapin. Ang mga hukom ay hindi nakakabasa ng mga puso. Sila’y kailangang makitungo sa bawat tao batay sa kaniyang sariling paggawi ayon sa pinatutunayan ng mga pangyayari.

Gayundin naman, sinasabi ng Ezekiel 18:20: “Ang anak ay hindi magdaranas ng kasamaan ng ama, o magdaranas man ang ama ng kasamaan ng anak. Ang katuwiran ng matuwid ay sasa-kaniya, at ang kasamaan ng masama ay sasa-kaniya.” Mga taong nasa hustong gulang na ang lalo nang kinakapitan nito. Ang konteksto ay tumutukoy sa isang anak na nakakita sa kasamaan ng kaniyang ama ngunit tumangging makibahagi roon; sa halip, ang sinunod ng anak ay ang mga kahatulan ni Jehova at lumakad siya ayon sa Kaniyang mga kautusan. Ang gayong anak ay hindi makakaramay sa kamatayan ng kaniyang ama.​—Ezekiel 18:14-17.

Gayunman, hindi maikakaila na ang mga anak ay maaaring dumanas ng hirap dahil sa ginawa ng kanilang mga magulang. Ang mga magulang na bulagsak o hangal ay nagdadala ng karalitaan sa buong pamilya. O isip-isipin ang magiging epekto sa mga anak kung ang isang magulang ay sinentensiyahan na mabilanggo dahil sa pagiging kriminal. Maging ang mga kasakunaan man na matuwid na pinasapit ng Diyos sa Israel dahilan sa kanilang kabalakyutan ay nakaapekto sa mga anak noong panahong iyon. (Deuteronomio 28:15, 20-32; Ezekiel 8:6-18; 9:5-10) Sa kabaligtaran naman, ipinayo ng Diyos sa kaniyang bayan: “Piliin mo ang buhay upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi, na iibigin mo si Jehova mong Diyos, makikinig ka sa kaniyang tinig at huwag kang hihiwalay sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw.”​—Deuteronomio 30:19, 20.

Kung gayon, sa karanasan ni David at ni Bath-sheba dapat matalos ng mga magulang na ang kanilang paggawi ay may malaking epekto sa kanilang mga anak. Kung ang mga magulang ay ‘may takot sa pangalan ng Diyos, ang araw ng katuwiran ay sisikat’ sa ikapagpapala ng buong sambahayan.​—Malakias 4:2.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share