Mga Propesyonal na Nakatagpo ng Tunay na Trabahong Panghabang-Buhay
ANG hangin sa gabi ay totoong malamig at parang yelo ang kalamigan ng tubig. Dalawang daang mga lalaki at mga babae, nakadamit ng mapuputing kasuotan at may hawak na mga kandila sa ibabaw ng kanilang ulo, ang lumusong sa tubig na hanggang dibdib. Ito ba’y isang ritwal ng pagtanggap ng mga miyembro sa isang mahiwagang kulto? O baka isang siste ng mga kabataan?
Ang mga kabataang ito na nagtapos sa high school at unibersidad ay kabilang sa libu-libo pang iba na kasing-edad nila at maituturing na ito’y isang ritwal sa pagpasok sa isang propesyonál na karera sa isang malaking kompanya sa Hapón. Ang lansakang pagbabautismo sa napakalamig na tubig ay upang sa kukuning mga empleado’y alisin ang anumang hilig na magsarili na marahil ay nakuha nila sa paaralan at patibayin ang kanilang pagkatali at katapatan sa kompanya.
Propesyonalismo at Dedikasyon
“Sa Hapón ang trabaho ang siyang lipunan. Ang lipunan ang siyang trabaho,” ang isinulat ni Frank Gibney sa kaniyang aklat na Japan: The Fragile Superpower. Ang ibig sabihin nito ay na minsang ang isang tao’y pumasok sa isang kompanya, ang kaniyang buong buhay ay doon na nakasentro. “Kung siya’y nagtatrabaho para sa Mitsubishi, siya’y isang tauhan ng Mitsubishi. Karamihan ng kaniyang kaibigan ay tagaroon sa Mitsubishi. Siya’y umiinom na kasama nila, naglalaro ng golf o bowling kasama nila, at sila’y kahati niya sa kaniyang mga problema. Siya’y kakompitensiya nila, totoo iyan, ngunit katulad ng mga anak na nakikipagkompitensiya sa isa’t isa sa loob ng isang pamilya sinuman ay hindi makakaisip na lumisan. Maliban sa kaniyang mga kamag-anak at marahil mga ilang kaibigan sa paaralan, karamihan ng kaniyang mga kasalamuha—at kadalasan yaong nasa kaniyang pamilya—ay naroroon sa bakuran ng kompanya.”
Kapalit ng gayong dedikasyon at sakripisyo sa sarili, ang mga manggagawa ay binibigyan ng seguridad na ito’y ang panghabang-buhay na empleo. Kasali na rito ang walang katapusang pagsasanay, oryentasyon, paglilipat, at, siempre pa, pag-asenso.
Karamihan ng mga kabataan sa Hapón ay agad na nadadala ng pormulang ito para sa tagumpay at nagiging bahagi sila ng sistema. Ang mga iba, bagama’t hindi sa ganitong paraan nagsisikap na umasenso sa kompanya, ay nagpupunyagi naman upang umasenso sa mga ibang propesyon. Subalit ang gayon kayang sistema ay nagdadala ng kaligayahan at kasiyahan? Ang panghabang-buhay na empleo ba ay nangangahulugan ng panghabang-buhay na kasiyahan? Parami nang parami ang nakakasumpong na mayroong lalong mabuti at higit na kasiya-siya kaysa pag-asenso sa kompanya o pagpupunyagi na magkamit ng kayamanan at katanyagan.
Ang Kaniyang Trabaho ang Siyang Kaniyang Buhay
Si Junichi ay nagtapos sa Keio University School of Commerce noong 1961. Yamang ang sinusundan niya’y mga yapak ng karaniwang mga nagtapos sa unibersidad, siya’y nagtrabaho sa isang tanyag na korporasyon. Ito yaong pinakamalaking kompanyang tagapagbenta ng kotse sa Hapón, na may mga 4,700 mga empleado. Mabilis ang kaniyang pag-asenso sa kompanya. Sa wakas, siya’y naging hepe ng isang seksiyon sa kaniyang departamento. Bagaman dahil sa kaniyang trabaho, malimit mula sa umaga hanggang hatinggabi, ay wala na siyang halos panahon para sa kaniyang maybahay at limang anak, tinanggap niya ang lahat na ito bilang kinakailangang pagsasakripisyo para sa isang matatag na kinabukasan.
Ngunit may nangyari noong Oktubre 1974. Natuklasan ni Junichi na ang kaniyang asawa at mga anak ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at dumadalo sa mga pulong Kristiyano. Ginawa niya ang lahat upang mapahinto sila, at kaniyang nilayasan sila, ngunit nabigong lahat.
Isang araw nang siya’y umuwi galing sa trabaho, ang pamilya ay dumalo sa mga pulong. “Ang mesa ay nakahain na para sa aking pagkain, at mayroong isang sulat para sa akin,” ang sabi ni Junichi. “Sa sulat, sinabi ng aking pamilya na hindi nila maiiwanan ang katotohanan, na iyon ay talagang sa aking ikabubuti, at balang araw ay makakaintindi rin ako.” Dito’y humanga si Junichi. “Naisip ko na baka ito nga ang katotohanan, at huminto ako ng pananalansang sa kanila.”
“Habang lumalakad ang panahon, ang mga Saksi ay nagpupunta roon sa amin at dinadalaw ako at hinihimok ako na mag-aral ng Bibliya. Dito nakahahadlang ang aking propesyon. Totoong abala ako sa trabaho na anupa’t naisip ko na hindi ako magkakaroon ng anumang panahon para sa pag-aaral ng Bibliya at sa mga pulong. At saka alam ko na kung ako’y mag-aaral, kailangang ihinto ko ang kahina-hinalang mga gawain at ang malimit na hanggang hatinggabing pag-istima sa aking mga kabarkadahan sa trabaho. Yamang iyon ay pipinsala sa negosyo, ako’y nag-atubili na mag-aral.”
Subalit dahil sa pagpapatibay-loob na ginawa ng mga Saksi, si Junichi ay nagsimula ng pakikipag-aral at sumulong hanggang sa ang kaniyang buhay ay ialay sa Diyos at nabautismuhan. Bagama’t siya’y nagtatrabaho pa rin nang buong-panahon, nasumpungan ni Junichi ang itinuturing niyang tunay na habang-buhay na trabaho. Sapol noong Marso 1978, siya’y patuloy na naglilingkod bilang isang auxiliary payunir, gumugugol ng 60 oras sa isang buwan sa pangangaral.
Nakinabang ba si Junichi sa kaniyang bagong paraan ng pamumuhay? “Oo, nakinabang ako. Mas marami ang aking nagagawa kung araw at sa gabi’y libre ako na maglingkod sa mga kapakanan ng Kaharian kasama ng aking pamilya. Marami akong pagkakataon na magpatotoo sa aking mga kamanggagawa at makipag-aral ng Bibliya sa mga iba pang lalaki na abala sa paghahanapbuhay gaya ko rin noong una. Dalawa sa kanila ang nabautismuhan, at tatlo pa ang aking inaaralan. Pinasasalamatan ko si Jehova dahil sa kaniyang matiyagang pakikitungo sa akin.”
Ibig Niyang Madaling Yumaman
Bilang isa sa anim na anak sa pamilya, naligtasan ni Takafu ang mga pambubombang ginawa sa Nagoya City noong Digmaang Pandaigdig II ngunit wala siyang nailigtas na anupaman at ang pilosopya niya noon ay ang biglaang pagyaman. Siya’y nahimok ng kaniyang tiyuhin na mag-aral sa isang propesyonal na paaralan sa karera ng bisikleta sa edad na 15 anyos. Nang siya’y 22 anyos, siya’y ‘asensado na’ bilang isang numero unong siklista, at siya’y kasali sa timpalak ng mga siklista sa buong bansa. Natatandaan pa niya na inihahandog ng kaniyang ina ang kaniyang napanalunan sa harap ng dambana ng pamilya bilang tanda ng pagpapasalamat. Para bagang narating na ni Takafu ang kaniyang tunguhin sa buhay at siya’y patungo na sa ganap na tagumpay.
Nang magkagayon isang misyonero ng mga Saksi ni Jehova ang dumalaw sa kaniyang tahanan at nagbigay kay Takafu ng isang bagay na mapag-iisipan. Ang mga salita na binigkas ni Jesus ay napakintal na mabuti sa kaniyang isip at puso: “Ano ang pakinabang kung makamit man ng isang tao ang buong sanlibutan ngunit maiwala naman ang kaniyang buhay?” (Mateo 16:26) Nang maglaon, si Takafu ay sumulong sa kaalaman sa Bibliya at natanto niya na kailangang gumawa siya ng mga ilang pagbabago.
“Bilang isang propesyonál na siklista, batid ko na ang karera ng bisikleta at ang pagsusugal ay hindi mapaghihiwalay,” ani Takafu. “Gayunman ay hindi madali ang pagpasiya. Pitong taon ang ginugol ko sa sport na iyan, at ang aking kita ay wari ngang kailangan upang ibuhay sa aking pamilya. Ngunit gaya ng natutuhan ko buhat sa Bibliya, si Moises at si Pablo ay napaharap sa gayunding pagpapasiya at ang pinili nila’y ang mas magaling, kaya naman gayundin ang ginawa ko.” Si Takafu ay lumahok sa isang bagong karera, ang karera ukol sa buhay—at siya’y nagpapatuloy rito hanggang sa araw na ito, at mga ilang taon din na siya’y tumutulong sa mga kongregasyon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa.
Negosyo Niya ang Kumuha ng Lahat ng Kaniyang Panahon
Si Satoshi ay nasa negosyo ng mga kasuotang pambabae. Bilang may-ari ng apat na boutiques, matatag ang kaniyang kabuhayan. Subalit ang kaniyang pangangalakal na ito sa daigdig ng negosyo ay umakay sa kaniya na pag-isipan ang pambuong-daigdig na polusyon, kakapusan sa pagkain, at digmaan na malapit nang lumipol sa sangkatauhan. Kaya naman, nang dumalaw ang isang Saksi na may dalang pulyeto at ipinaliwanag sa kaniya na hindi ito pahihintulutan ng Diyos, si Satoshi ay naging interesado.
Subalit ang kaniyang negosyo ay nakahadlang sa kaniya. “Dahilan sa mahigpit na kompetisyon, ang pagkalugi ang resulta ng mabagal na pagkilos,” ang sabi ni Satoshi. “Isang kaso ito ng ‘ikaw ang sumakmal o ikaw ang sakmalin.’ Ang kasabihan sa negosyo ay na kung hindi ka talagang magawain tiyak na ikaw ay bangkarota.” Kaya naman dalawang taon ang lumipas, at kasama ang malaking pagsisikap, bago si Satoshi sa wakas ay nagpasiyang mag-aral ng Bibliya.
Nang siya’y maging isa na sa mga Saksi ni Jehova, kaniyang ipinagbili ang dalawa sa kaniyang tindahan at yaong dalawa pa ay kaniyang pinagkatiwala sa ‘mga engkargado.’ Bagama’t si Satoshi ngayon ay nagtatrabaho ng dalawa o tatlong araw lamang sa isang buwan bilang isang accountant at consultant, ganito ang sabi niya: “Sapat pa rin ang aking kinikita. Ibig kong ang Diyos na Jehova muna ang mapag-ukulan ko ng paglilingkod.” Ngayon ang talagang propesyon niya ay ang buong-panahong ministeryo, paglilingkod bilang isang payunir. Siya at ang kaniyang pamilya ay may napakahusay na pagsulong sa espirituwalidad.
Ang Kaniyang Propesyon ay Tumulong sa Kaniya Upang Masumpungan ang Diyos
Si Hiroshi ay nagtatrabaho noon sa talyer ng kaniyang pamilya. Subalit ang talagang kinahihiligan niya ay ang pagiging retratista ng kalikasan. Siya’y naging isang napakahusay na retratista kung kaya’t napalathala ang kaniyang kinuhang mga retrato ng mga insekto. Nang siya’y sumapit sa edad na 29, siya’y isa nang propesyonal na retratista ng kalikasan.
“Dahil sa aking pag-aaral ng mga insekto,” naalaala pa ni Hiroshi, “naisip ko na kung umiiral nga ang Diyos, tiyak na siya’y isang mahusay na tagapagpatawa. Kaya noon ay nagduda ako sa teoriya ng ebolusyon, at medyo naging interesado ako sa Bibliya.”
Isang araw sa taglamig, dalawang Saksi ang dumalaw kay Hiroshi. “Nang tanggapin ko sa kanila ang dalawang magasin na mayroong mga artikulo tungkol sa mga hayop, ako’y inalok nila ng pag-aaral sa Bibliya sa aking tahanan,” ang sabi ni Hiroshi. “Naisip ko na yamang hindi na kailangang pumunta pa ako sa simbahan upang mag-aral, hindi kailangang maging isang miyembro. Kaya’t pumayag ako.” Bagama’t siya’y nagulat nang mapag-alaman niya kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Maylikha, agad niyang tinanggap iyon. Ang kaniyang pag-ibig sa kalikasan ay naging pangalawa lamang sa pag-ibig kay Jehova.
Ngayon si Hiroshi ay sumusuporta sa kaniyang pamilya bilang isang retratista na may sariling hanapbuhay. Subalit ang kaniyang tunay na propesyon ay pagiging isang buong-panahong ministro.
Sila’y Nakasumpong ng Lalong Mainam
Patuloy ang pagdami ng mga nasa listahang ito ng mga propesyonal sa Hapón na nagbago ng kanilang pamumuhay—at, kung minsan, ng kanilang mga trabaho—nang kanilang makilala si Jehova at ang kaniyang mga layunin. Kasali sa kanila ang mga doktor, mga dentista, arkitekto, computer programmers at system designers, mga guro, beterenaryo, mangungulot, ehekutiba, at iba pa.
Dati, lahat ng mga propesyonal na ito ay lubusang nakaalay ang buhay sa kanilang trabaho. Nang kanilang mapag-alaman na ang sistemang ito ng mga bagay ay malapit nang magwakas, sila’y nagpasiya. Ang kanilang mga trabaho ay inilagay nila sa dakong dapat kalagyan at nagsimula silang itaguyod ang isang bagay na lalong mainam—ang Kaharian ng Diyos at ang ipinangakong mga pagpapala nito. (Mateo 6:33) Kanilang iniwan ang dati’y inaakala nilang kanilang trabahong panghabang-buhay, at ngayon ay mga propesyonal sila sa isang bagong larangan. Sila’y nasa trabahong panghabang-buhay bilang mga payunir na lingkod ng Kataas-taasan, si Jehovang Diyos.
[Larawan sa pahina 23]
Ang siklistang kampeon na si Takafu Yamaguchi