Ang Bibliya at ang Iyong Kinabukasan
BAKIT ang Autor ng Bibliya, si Jehovang Diyos, ay tumpak na makahuhula ng kinabukasan samantalang ang tao ay hindi makahula ng gayon? May dalawang dahilan. Si Jehova ay makapangyarihan sa lahat. Siya rin naman ay may walang hanggang karunungan. Ang tao ay hindi ganiyan.
“Ako ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,” ang sabi ni Jehova kay Abram (Abraham) halos 4,000 taon na ngayon.a “Lumakad ka sa harapan ko at patunayan mo na ikaw ay walang kapintasan. At ako’y makikipagtipan sa iyo, upang ikaw ay aking maparaming mainam.” Nang si Abraham ay 99 na taon at ang kaniyang baog na asawa na si Sarah ay 10 taon ang kabataan sa kaniya, si Jehova ay humula na si Abraham ay magiging ama ng “maraming bansa.” (Genesis 17:1-4) Yamang siya’y makapangyarihan sa lahat—omnipotente—ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan upang daigin ang anomang hahadlang sa katuparan ng kaniyang pangako kay Abraham, kaya ang patriarka ay naging ama ni Isaac. Nang sumapit ang panahon, si Abraham nga ang naging ninuno ng mga Israelita at ng mga iba pa.—Genesis 21:1-3; 25:1-4.
Alam din ni Jehova ang lahat, siya’y sakdal-dunong—omnisiyente. Maaari niyang makita nang patiuna ang anomang ibig niyang makita. Tungkol sa kaniya ay sinasabi: “Walang anomang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin, kundi lahat ng bagay ay hubad at nakalantad sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.”—Hebreo 4:13.
Dahilan sa ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at walang hanggan ang karunungan kaya siya’y hindi maaaring mabigo. Sa tuwina’y kaniyang tumpak na nasasabi ang mangyayari sa hinaharap. Kaya naman, nasasabi niya: “Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking pinanukala gayon matutupad.” (Isaias 14:24) Suriin natin ang ilan sa maraming mga hula sa Bibliya na natupad.
Mga Hulang Natupad Noong Nakalipas
Ang Babilonya ay isa lamang noon na dating sakop ng Imperyo ng Asirya. Subalit, noong ikapitong siglo B.C.E. ang lunsod ay naging ang waring di-magagaping kabisera ng Imperyo ng Babilonia. Subalit ano kaya ang sasapit sa kaniya? “Ang Babilonya . . . ay magiging gaya nang gibain ng Diyos ang Sodoma at Gomora. Siya’y hindi na tatahanan kailanman, ni tatahanan man sa buong panahon ng sali’t-saling lahi.” Ganiyan ang hula ng Salita ng Diyos halos 100 taon bago ang Babilonya ay naging isang makapangyarihang bansa sa daigdig at mga 200 taon bago siya nasakop ng mga Medo at Persiyano. Walang sinoman ngayon ang makapagtatatwa sa katuparan ng mga salitang iyan. Sa loob ng maraming siglo, ang lunsod ng Babilonya ay mga bunton na lamang ng mga bato. Ang Babilonya ay talagang pumanaw na.—Isaias 13:19, 20.
Noong unang siglo C.E. ang Jerusalem ay dako ng isang maningning na templo na itinayo ukol sa pagsamba kay Jehova. Subalit, sa Bibliya ay mababasa ang mga salitang ito ni Jesu-Kristo tungkol sa Jerusalem at sa saling lahi na nakarinig ng kaniyang mga sinabi: “Darating sa iyo ang mga araw na babakuran ka ng kuta na matutulis na tulos ng mga kaaway mo, at kukubkubin ka at gigipitin ka sa magkabi-kabila, at ilulukso ka sa lupa pati mga anak mo sa loob mo, at sa iyo ay hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato.” (Lucas 19:43, 44) Iyan ay sinabi ni Jesus noong 33 C.E., ngunit hindi natupad kundi noong 66 C.E. nang ang mga hukbong Romano ay lumusob sa Jerusalem. Bagamat waring nakamit na nga ang tagumpay, kataka-taka na ang mga Romano ay umurong. Subalit, noong 70 C.E. ang hukbong Romano ay muling kumubkob sa lunsod, na noon ay napakarami roon ang mga nagdiriwang ng Paskua, at binakuran iyon ng mga tulos. Makalipas ang mga limang buwan, ang Jerusalem ay iginiba, at tinatayang 1,100,000 ng mga mamamayan ang nangasawi.
Mga Hula na Natutupad Ngayon
Ibig mo ba ng mga halimbawa sa ngayon ng natupad na mga hula sa Bibliya? Bueno, patiunang inihula ni Jesus ang mga pangyayari na mapagkakakilanlan bilang ang “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Ang mga hulang ito ay bumubuo ng isang maramihang-bahaging “tanda”—ang tanda ng mga huling araw ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. (Mateo 24:3) Ang ebidensiya ng katuparan ng hula ni Jesus ay patuloy na dumarami sapol noong 1914. Sa katunayan, talagang nasasaksihan mo ang katuparan. Nasa sumusunod ang mga ilang litaw na bahagi ng “tanda.”
Ang Kinabukasan ng Lupa—Naroon Ka Kaya?
Ano ang nakatakdang dumating sa lupang ito? Sa Bibliya ay maraming iba pang mga hula na matutupad pa sa malapit na hinaharap. Kabilang sa mga ito ay yaong tungkol sa lupa na lilinisan ng lahat ng kasamaan at pagkatapos ay magniningning sa katuwiran. Ang ganiyan bang magandang kinabukasan ang nakakaakit sa iyo? Ikaw ba’y naniniwala na si Jehova’y may kapangyarihan na ituwid ang mga bagay-bagay sa planetang ito? Kung gayon, nanaisin mo na pag-usapan ang hula ng Bibliya para sa kinabukasan ng lupa.
Gawin Ninyo Ito na Inyong Kinabukasan
Para maging ganito ang inyong kinabukasan, kumilos na kayo ngayon. Hindi na magtatagal, bago ang mga nabanggit na hula ay magkaroon ng lubusang katuparan, pangyayarihin ni Jehova na “mapahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Sa Zefanias 2:3 ang Bibliya ay nagpapayo: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsigawa ng ayon sa Kaniyang sariling kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaipala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” Kung gayon, gugulin ang iyong panahon nang may katalinuhan ngayon sa pagtatamo ng tumpak na kaunawaan sa Bibliya at sa mga hula na naririto upang ikaw ay makakilos sa kapakinabangan mo at ng iyong mga minamahal sa buhay. Ang mga Saksi ni Jehova ay handang tumulong sa iyo upang magkamit ng higit pang kaalaman tungkol sa hinaharap ayon sa isinisiwalat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
[Talababa]
a Sa Kasulatang Hebreo, si Jehova ay tinutukoy bilang ang “Makapangyarihan-sa-Lahat” (Shad·daiʹ) na 48 beses, kasali na ang 7 beses bilang “Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat” (‘El Shad·daiʹ), at sa Kasulatang Griego 10 beses bilang “Makapangyarihan-sa-Lahat” (Pan·to·kraʹtor).
[Kahon/Mga larawan sa pahina 5]
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Ang Digmaang Pandaigdig I ay nagsimula noong 1914 at sa wakas ay napasangkot ang tinatayang 93 porsiyento ng populasyon ng daigdig. Sa ngayon, ang dami ng mga sundalo sa daigdig ay 106,000,000, o isang sundalo para sa bawat 43 katao. Isang pag-uulat ang nagsasabi: “Walang anoman sa nakalipas na kasaysayan ang maihahambing sa kasalukuyang pagtatayo ng mapaminsalang lakas sa daigdig, at sa panganib na taglay nito sa sangkatauhan.”—World Military and Social Expenditures 1985.
[Credit Line]
U.S. Army photo
“Magkakaroon ng mga kakapusan ng pagkain . . . sa iba’t-ibang dako.” (Mateo 24:7) Tungkol sa taggutom sinasabi ng isang 1985 report para sa Independent Commission on International Humanitarian Issues: “Noong panahon ng huling pinakamalaking taggutom sa Aprika noong maagang 1970’s, inaakala na ang talamak na gutom at malnutrisyon ang laging kalagayan ng walumpung milyong Aprikano. Ang bilang na iyan ay 100 milyon na ngayon.”
[Credit Line]
FAO photo/B. Imevbore
“Magkakaroon ng malalakas na lindol.” (Lucas 21:11) Tunay na ito’y natutupad sapol noong 1914. Halimbawa, sa lindol sa Kanto sa Hapon ay 142,800 ang nasawi noong 1923. Mayroong mga 60,000 biktima ng lindol sa Quetta, Pakistan, noong 1935. Ang nangamatay sa lindol ay umabot sa 66,700 sa Northern Peru noong 1970. At noong 1976 mga 800,000 ang nasawi sa lindol sa Tangshan, Tsina.
“Sa lahat ng bansa ang mabuting balita ay kailangang maipangaral muna.” (Marcos 13:10) Noong 1985, ang mga Saksi ni Jehova ay nag-ulat ng mahigit na 590,000,000 oras sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa 205 mga bansa at isla. Sila’y nakapagdaos ng 2,379,000 na mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya at nakapag-iwan sa mga taong interesado ng mahigit na 350,000,000 mga Bibliya at mga lathalain na nagpapaliwanag ng Bibliya.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 6]
“Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsud at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang mga bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikidigma.” (Isaias 2:4) Ang makalangit na Kaharian ng Diyos ang maglalaan ng saligan para sa lubusang pag-aalis ng mga armas dito sa lupa. Kapayapaan ang maghahari!
“Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan . . . ng kapistahan ng matatabang bagay, ng kapistahan ng mga alak na laon, ng matatabang bagay na puno ng utak.” (Isaias 25:6) Sa ilalim ng pagpapatnubay at pagpapala ng Diyos, ang lupa ay aani nang saganang-sagana. Mapapawi na ang gutom!
“Aktuwal na lululunin niya ang kamatayan kailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.” “At walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y maysakit.’” (Isaias 25:8; 33:24) Walang sakit o suliranin ng kalusugan ang mananaig sa gagawin ng Diyos na pagpapagaling. Kaniya ring layunin na buhayin ang mga naroroon sa libingan. Anong laking kaluguran ang salubungin ang bubuhaying mga mahal sa buhay!