Pamumuhay Ukol sa Kalooban ng Diyos—Ngayon at sa Walang-Hanggan
“Kayo man . . . ang [inyong] nalalabing panahon ay ipamuhay [ninyo], hindi ukol sa mga pita ng mga tao, kundi ukol sa kalooban ng Diyos.”—1 PEDRO 4:1, 2.
1, 2. (a) Ano ang epekto sa marami ng ideya na pagpapasakop sa kalooban ng iba? (b) Ano ang epekto nito sa iba sa mga nasa kongregasyong Kristiyano? (c) Anong mga tanong ang bumabangon kung gayon?
ANO ang epekto sa iyo ng ideya na pagpapailalim sa Diyos ng iyong buhay? Kinamumuhian ng marami sa ngayon ang mismong ideya ng pagpapasakop sa kalooban ng iba. Kahit na sa umano’y matatatag na lipunan ay may lumalaganap na paghihimagsik laban sa awtoridad. Mga pag-aalsa, pagprotesta, gulo, at karahasan ang nagaganap araw-araw. Pagka sumailalim ng kagipitan, ang sibilisasyon ay napatutunayan na mahina at marupok.—2 Timoteo 3:1-3.
2 Kabaligtaran naman, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita na sila ay namumuhay ukol sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang katapatan, halimbawa, sa kanilang ministeryo sa pagbabahay-bahay. Subalit kung minsan ang damdamin ng pagsasarili ay makikita rin sa ilan na naroon sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Baka sila ay nayayamot laban sa pagdisiplina na ginagawa ng hinirang na matatanda. Ang ilan ay nagpapakita ng kawalang-galang sa uring “tapat at maingat na alipin” at sa Lupong Tagapamahala nito. (Mateo 24:45-47; Gawa 15:2, 23) Kaya ang mga tanong na bumabangon ay: Bakit ako dapat magpasakop sa kalooban ng Diyos? Bakit dapat ipasakop sa Diyos ang aking buhay?
Ang Ulirang Halimbawa ni Kristo
3. Anong payo ang ibinigay ni Pedro tungkol sa hilig ng ating pag-iisip?
3 Si Pedro, na nagkaroon ng maraming karanasan kay Jesus, ay naniniwala na may napakabuting dahilan para sa pamumuhay ukol sa kalooban ng Diyos imbis na ukol sa sariling kalooban. Sinabi niya: “Kaya yamang si Kristo’y nagbata sa laman, kayo man ay magsandata rin ng gayong hilig ng pag-iisip; sapagkat ang isa na nagbata sa laman ay huminto na sa mga pagkakasala, upang ang kaniyang nalalabing panahon ay maipamuhay niya, hindi ukol sa mga pita ng mga tao, kundi ukol sa kalooban ng Diyos.”—1 Pedro 4:1, 2.
4. Paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagpapasakop sa kaniyang Ama?
4 Bakit nga nagbata si Jesus sa laman? Sapagkat kaniyang itinaguyod ang panig ng kaniyang Ama sa usapin tungkol sa pansansinukob na soberanya, o pamamahala. Kaniyang pinatunayan na ang Diyos ay tapat at si Satanas ay isang sinungaling. At ginawa niya iyan sa pamamagitan ng pagpapasakop sa Diyos ng kaniyang makalupang buhay, bagaman ang ibinunga sa kaniya’y kamatayan ng isang martir.—2 Corinto 5:14, 15.
5. Anong hamon ang inihaharap sa atin ng halimbawa ni Kristo?
5 Gayunman ay isang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo ang kamatayang iyon. (1 Juan 4:10) Bakit nga? Sapagkat nagbunga iyon ng mga kapakinabangan na maaaring makamit ng lahat ng tao. (Roma 5:8; 6:23) Subalit ilan ang nagnanais makinabang sa mga kapakinabangang iyon? Ilan ang nagnanais tumulad kay Kristo at isakripisyo ang kanilang sariling mga hangarin upang magpasakop sa kalooban ng Diyos?—Hebreo 13:15, 17.
Mga Pakinabang Ngayon at sa Hinaharap
6, 7. Ano ang mga kapakinabangan sa pagpapasakop sa kalooban ni Jehova?
6 Sa gayo’y angkop na angkop nga kahit na sa panahon natin ang paanyaya na ibinigay ni Jehova sa Israel 2,700 taon na ngayon ang lumipas: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong dapat lakaran. Oh kung sana’y makikinig ka lamang sa aking mga utos! Kung magkagayon ay magiging gaya ng isang ilog ang iyong kapayapaan, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”—Isaias 48:17, 18; ihambing ang Genesis 22:18.
7 Tayo’y tinuturuan ni Jehova na makinabang sa pamamagitan ng pamumuhay natin ukol sa kaniyang kalooban—at ang mga pakinabang na iyan ay hindi lamang kapayapaan at katuwiran dito at ngayon. Kasali riyan ang hinaharap na mga pagpapala ng buhay na walang hanggan, gaya ng ipinangako ni Jesus: “Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kaniya’y sumasampalataya ay magkakaroon ng walang hanggang buhay, at akin siyang bubuhaying-muli sa huling araw.”—Juan 6:40.
8. Paano isang kaaliwan sa ngayon ang pangako ni Jesus na pagkabuhay-muli?
8 Ang mga salitang iyon ay malaking kaaliwan sa tapat na mga Kristiyano sa ngayon na mga may edad na. Ang sistemang ito ng mga bagay ay nasa ika-72 taon na sapol nang mahalagang taon ng 1914. Ang sanlibutan ni Satanas ay tumagal nang mas mahaba kaysa inaasahan ng marami. Sa katunayan, nangamatay na ang mga ibang tapat na Kristiyano na umaasa noon na kanilang makikita ang Armagedon at ang pasimula ng bagong sistema ng mga bagay samantalang sila’y buháy pa. Gayunman ang kanilang buhay, na inialay sa paggawa ng kalooban ng Diyos ay hindi nawalang kabuluhan. Tapat sa kaniyang sinabi, sila’y bubuhaying-muli ni Jesus at ipagkakaloob sa kanila ang kapakinabangan sa buhay na walang hanggan.—Juan 5:28, 29; 1 Corinto 15:58.
Ang Hilig ng Pag-iisip ni Kristo
9, 10. (a) Kailangang magsandata tayo ng ano? (Filipos 2:5-8) (b) Ano ang salitang Griego na isinaling “hilig ng pag-iisip” sa 1 Pedro 4:1?
9 Ano ang magpapadali sa pagpapasakop natin sa kalooban ng Diyos? Ayon sa payo ni Pedro, sinipi sa parapo 3, tayo’y kailangang magsandata “ng gayong hilig ng pag-iisip” na taglay ni Jesus.—1 Pedro 4:1.
10 Dito’y ginagamit ni Pedro ang isang salitang Griego na matatagpuan nang makalawang beses lamang sa Kasulatang Griego—enʹnoi-a. Bagama’t may mga tagapagsalin na ang pagkasalin dito ay “isip,” hindi ito ang karaniwang salitang Griego para sa “isip,” na nous. Kaya si Pedro, nang siya’y kinasihan, ay may espisipikong puntong sumasaisip nang kaniyang piliin ang di-gaanong karaniwang pangngalang ito. Sang-ayon sa iskolar sa Griego na si W. E. Vine ang enʹnoi-a ay “nagpapakilala ng layunin, hangarin, kagustuhan.” Sang-ayon sa Greek-English Lexicon ni J. H. Thayer ito’y tumutukoy sa “paraan ng pag-iisip at pandamdam.”
11. Ano ang matututuhan natin buhat sa halimbawa ni Jesus kung tungkol sa paraan ng paggamit natin sa ating buhay?
11 Sa pagsasakripisyo-sa-sarili ni Jesus ay malinaw na makikita ang kaniyang layunin o kagustuhan. Siya’y hindi nagpakita noon ng isang paimbabaw na pamumuhay, ang basta paghahangad ng kalayawan at katuwaan. Batid niya na hindi niya iniwan ang kaniyang dating pamumuhay sa langit upang sayangin lamang sa mga ilang taon ng mapag-imbot na pamumuhay sa lupa. (Tingnan ang kaibahan ng sinasabi sa Genesis 6:1, 2, 4, at Judas 6.) Kaya’t sinabi niya: “Ako’y nanggaling sa langit upang gawin, hindi ang aking kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 6:38) Si Jesus ay may nag-iisang kaisipan sa kaniyang debosyon sa kapakanan ng kaniyang Ama, anupa’t laging iniuuna niya iyon sa kaniyang sariling kalooban, kahit na hanggang sa abang kamatayan.—Lucas 22:42.
12, 13. (a) Nang siya’y nasa balon ni Jacob paanong ipinakita ni Jesus ang hilig ng kaniyang pag-iisip? (b) Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang kaniyang sabihin, “Ako’y may pagkaing kakainin na hindi ninyo nalalaman”?
12 Kahit na noong siya’y napapagod at nagugutom, malinaw na ipinakita ni Jesus ang hilig ng kaniyang pag-iisip tungkol sa paggawa sa kalooban ng kaniyang Ama. Minsan, nang ang kaniyang mga alagad ay umalis para kumuha ng pagkain, siya’y namahinga sa balon ni Jacob. Imbis na mamahinga hanggang sa magbalik ang kaniyang mga alagad, kaniyang puspusang ginawa pa rin ang kalooban ng Diyos. Ginawa niya ang pambihira para sa isang Judio. Siya’y nakipag-usap sa isang babaing Samaritana. Kaniyang nabuksan ang mga mata ng babae upang maunawaan nito ang tunay na Diyos. Kaya naman, “marami sa mga Samaritano na tagalunsod na iyon ang sumampalataya sa kaniya dahilan sa sinabi ng babae.”—Juan 4:6-26, 39-42.
13 Nang bumalik na ang kaniyang mga alagad, kanilang hinimok siya na kumain. Paano siya sumagot? “Ako’y may pagkaing kakainin na hindi ninyo nalalaman.” Sila’y takang-takang sa kaniyang tugon na iyon hanggang sa kaniyang isusog: “Ang pagkain ko ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” Maliwanag dito na si Jesus ay may kaluguran ng pagpapasakop sa kalooban ng kaniyang Ama. Sa kaniya ay mistulang pagkain iyon, at gaya ng kung kumakain ng masarap na pagkain, siya’y lubusang nasisiyahan. Kung ibig nating tayo’y tunay na masiyahan sa ating buhay, tularan natin ang halimbawa ni Jesu-Kristo.—Juan 4:31-38.
Mga Epekto ng Hilig ng Pag-iisip ni Kristo
14. Ano ang kailangan natin upang magkaroon ng hilig ng pag-iisip na gaya ng kay Kristo? Magbigay ng halimbawa.
14 Paano tayo dapat maapektuhan ng pagkakaroon ng hilig ng pag-iisip ni Kristo? Kung tayo’y marunong mag-isip na gaya ng pag-iisip ni Kristo, tayo nga ay magkakaroon ng isang panloob na puwersa na aakay sa atin na gawin ang gaya ng ginawa ni Jesus sa ilalim ng anumang kalagayan. (Lucas 22:42; Efeso 4:23, 24) Ang puwersang ito ay aakay sa atin hindi lamang dahil sa pagkatakot sa parusa, tulad baga ng pagdisiplinang ginagawa ng hinirang na matatanda sa kongregasyon, kundi dahil sa lubusang pagpapahalaga sa mga batas at simulain ni Jehova. Ang kalagayang ito ay maihahalintulad natin sa isang tao na sumusunod sa mga batas ng trapiko pagka lamang may nakakakitang pulis—siya’y sumusunod dahil sa may nakakakita. Subalit ang taong nagpapahalaga sa buhay, na umiibig sa kaniyang kapuwa, at nakatatalos ng kabutihan ng pagkakaroon ng mga batas sa trapiko ay susunod dahilan sa kaniyang iginagalang ang batas. Siya’y mayroong isang matibay na panloob na lakas na nag-uudyok sa kaniya.—Awit 51:10.
15. (a) Ano ang nagpapatunay na si Jesus ay may panloob na puwersang nagpapakilos sa kaniyang isip? (Efeso 4:23) (b) Anong mga halimbawa ng katapatan ang nagpapatunay na ang hilig ng pag-iisip ni Kristo ay taglay rin ng mga Kristiyano sa ngayon?
15 Taglay ni Jesus ang panloob na ‘puwersang nagpakilos sa kaniyang isip.’ Kaya naman siya’y tapat sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama, kahit hanggang sa kamatayan. Kaniyang binatâ ang pagdurusa nang walang reklamo at hindi niya dinusta ang kaniyang mga mang-uusig. (1 Pedro 2:21-24) Kung minsan bilang mga Kristiyano baka tayo ay sumasailalim ng ganiyan ding mga kalagayan. May mga mananalansang na awtoridad na baka magsikap na pigilin ang ating pangangaral at mga pulong, gaya ng ginawa nila sa Espanya noong panahon ni Franco at sa iba’t ibang bansa sa Europa noong panahon ng pananakop ng mga Nazi. Maraming mga kapatid ang pinagmalupitan upang pasigawin sila na ipagkanulo ang responsableng mga kapatid sa lokal na kongregasyon. Sa kabila ng pag-uusig ang karamihan ay nanindigang matatag. (Tingnan ang 1978 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 171-2, 182-3; 1986 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 137-59.)
16. Ano ang ilan sa mga paraan na doo’y maaari tayong masubok sa ngayon? Paano natin malalabanan iyon?
16 Tayo’y maaaring masubok may kaugnayan sa pagkaneutral bilang Kristiyano o sa pagpapasalin ng dugo. (Gawa 5:29; 15:28, 29) Kung magkagayo’y bumabangon ang katanungan, Tayo ba’y namumuhay ukol sa kalooban ng Diyos o ukol sa kalooban ng tao? O ang tukso ay maaaring manggaling dahil sa mga pita ng laman at di-kanais-nais na mga kasama. Baka sa paaralan o sa ating trabaho ay napapaharap tayo sa tukso na manigarilyo o gumamit ng mga droga yamang wala namang sinuman sa kongregasyon na maaaring makaalam niyaon. O kumusta naman ang tukso na magsugal at sumali sa loterya? O magkasala ng pakikiapid o pangangalunya? Malimit na ang kapaligiran sa trabaho ay makasanlibutan at maaaring umakay sa maling pag-iisip at maling gawain—maliban sa kung tayo’y may ganoon ding matatag na kapasiyahan na gaya ng kay Kristo tungkol sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Ano ang gagawin mo? Ikaw ba ay susunod sa isang nagpapakilos na puwersa sa iyong isip upang makasunod ka sa ikinilos ni Kristo nang siya’y nasa gayunding mga kalagayan?—Efeso 4:17-20; 1 Juan 2:15, 16.
17, 18. (a) Anong mabisang punto ang idiniriin ni Pedro tungkol sa mga namimihasa sa kasalanan? (b) Ano ang kailangan upang mapaglabanan ang mga pagsalakay ng kasalanan?
17 Idiniriin pa rin ni Pedro ang pangangailangan na gawin ang kalooban ng Diyos nang kaniyang ipayo: “Sapagkat sapat na ang nakaraang panahon nang gawin ninyo ang kalooban ng mga bansa nang kayo’y lumakad sa kalibugan, sa masasamang pita, sa pagmamalabis sa alak [o iba pang mga inuming de-alkohol], sa mga kalayawan, sa mga paligsahan ng pag-inom, at sa labag-kautusan na mga idolatriya. Sapagkat hindi na kayo ngayon nakikitakbong kasama nila sa ganitong pamumuhay sa hamak na kahalayan, sila’y nagtataka at patuloy na nagsasalita ng masama tungkol sa inyo. Ngunit ang mga taong ito ay magsusulit sa isa na handang maghukom sa mga buháy at sa mga patay.”—1 Pedro 4:3-5.
18 Dito idiniriin ni Pedro ang punto—na yaong mga di pumapansin sa kalooban ng Diyos ay magsusulit. (Ihambing ang Roma 14:12 at Hebreo 13:17.) Si Pablo ay gumawa ng nahahawig na konklusyon sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas, na doo’y isinulat niya: “Patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso, masamang nasà, at kaimbutan, na ito’y idolatriya. Dahil sa mga bagay na iyon ay dumarating ang galit ng Diyos.” Lahat ng gumagawa ng ganiyang mga bagay ay tunay na hindi namumuhay ukol sa kalooban ng Diyos kundi, bagkus, upang palugdan ang kanilang sariling masasakim na hangarin. Gayunman ay maaaring umalpas ang mga tao sa ganiyang karumihang-asal, sapagkat, gaya ng sinabi ni Pablo, “Sa mga bagay ring iyon kayo man ay lumakad noong una nang kayo’y namumuhay sa mga iyan.”—Colosas 3:5-7; Efeso 4:19; tingnan din ang 1 Corinto 6:9-11.
Pag-unawa sa Kung Ano ang Kalooban ng Diyos
19. Paano marami ngayon ang nagpapakita na sila’y namumuhay ukol sa kalooban ni Jehova? (Roma 12:1, 2)
19 Sa mga huling taóng ito ng ika-20 siglo, mahigit na tatlong milyong mga tao ang nakaunawa na ng kalooban ng Diyos para sa kanila. Kaya naman, sila’y masigasig na nangangaral ng mabuting balita ng pamahalaan ng Kaharian ng Diyos. (Gawa 8:12; Marcos 13:10) Bagaman ang buhay ay maikli sila’y hindi namumuhay para sa kanilang sarili lamang, gaya ng ginagawa ng karamihan. Batid nila na malapit nang tapusin ng Diyos ang balakyot na sistemang ito, at sila’y nagsasakripisyo upang tulungan ang iba na kamtin ang tumpak na kaalamang ito, gaya ng ipinayo ni apostol Pablo: “Mag-ingat nga kayong lubos kung paano kayo lumalakad, huwag gaya ng mga mangmang kundi gaya ng marurunong, na sinasamantala ang karapat-dapat na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay masasama. Kaya nga iwanan na ninyo ang pagkawalang-katuwiran, kundi patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.”—Efeso 5:15-17.
20, 21. (a) Paano natin dapat malasin ang regalong buhay? (Santiago 4:13-17) (b) Paano natin maiiwasan na lumakad na kaayon ng sanlibutan?
20 Ang buhay ay gaya ng isang baso ng malamig, na sariwang tubig. Sa kabataang mga taon ng buhay ng isang tao, siya’y “umiinom” ng marami at mabilisan—hanggang sa siya’y magsimulang mag-isip kung ilan pang mga taon ng buhay ang natitira sa “baso.” Iyan ang palaisipan na nagiging isang hiwaga sa lahat. Kung gayon, anong halaga nga na tayo’y mamuhay na taglay ang pagkadama ng pananagutan sa Diyos at sa kapuwa! Anong pagkahala-halaga nga na isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at hindi lamang ang sariling mapag-imbot na kalooban ng isa.—Mateo 7:21, 24, 26.
21 Datapuwat, yamang tayo’y nabubuhay sa isang sanlibutan na kontrolado ng espiritu ni Satanas, sa tuwina’y hindi madali na mamuhay ukol sa kalooban ng Diyos. (Apocalipsis 12:9) Tayo’y laging nakaharap sa panggigipit na hubugin tayo ayon sa kalooban ng sanlibutan at sa pag-iisip nito. May mga kausuhan sa istilo ng damit at mga pag-aayos na nakakaimpluwensiya kahit na sa mga nasa kongregasyon kung kaya’t sila’y nagsisimulang mag-anyong gaya ng mga supling ng mga ilang tanyag na artista sa daigdig ng libangan. Anong pagkaangkup-angkop, kung gayon, ang payo ni Pablo: “Huwag na kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay, kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos”!—Roma 12:2.
22. (a) Ano ang kalooban ng Diyos para sa panahon natin? (b) Paano natin maipakikita na tayo’y namumuhay ukol sa kalooban ng Diyos? (c) Anong pagpapala ang naghihintay sa mga namumuhay ukol sa kalooban ng Diyos?
22 Ang kalooban ng Diyos ay na maipangaral sa buong daigdig “ang mabuting balitang ito ng Kaharian” bago niya wakasan ang kasalukuyang sistema ng sanlibutan. (Mateo 24:14; Apocalipsis 14:6, 7) Kaya’t may lalong higit na dahilan na tumugon sa panawagan para sa higit pang mga buong-panahong ministro kung ipinahihintulot iyan ng iyong kalagayan. Dahilan din ito para ang hinirang na matatanda at ministeryal na mga lingkod ay pumayag na lumipat sa mga kongregasyon na nangangailangan ng kanilang tulong. At isa itong pangunahing dahilan upang bawat Saksi ay maging isang tunay na saksing Kristiyano—hindi lamang sa pangalan kundi sa aktuwal na pamumuhay ukol sa kalooban ng Diyos ngayon at sa walang hanggan. Alamin na sa paggawa ng ganiyan ‘kayo ay naglalatag para sa inyong sarili ng isang matibay na pundasyon para sa hinaharap, upang kayo ay makahawak nang mahigpit sa tunay na buhay.’—1 Timoteo 6:19.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Paano ipinakita ni Jesus na siya’y namuhay ukol sa kalooban ng Diyos?
◻ Anong mga pakinabang ang maaaring makamit ng mga namumuhay ukol sa kalooban ng Diyos?
◻ Ano ang hilig ng pag-iisip ni Kristo tungkol sa kalooban ng Diyos?
◻ Paano tayo dapat maapektuhan ng ‘puwersang nagpapakilos sa isip’?
◻ Paano natin dapat malasin ang buhay?
[Larawan sa pahina 21]
Ang pagpapahalaga ba sa kautusan ng Diyos ang humihila sa iyo na sumunod, o dahil lamang sa naroroon ang pulis?