Pinagpala ni Jehova ang Aking mga Pasiya
Ayon sa pagkalahad ni Samuel B. Friend
BALIKAN natin ang Hulyo 1952 nang ako’y umaawit tuwing Sabado ng gabi sa isang popular na palabas sa Little Rock, Arkansas. Ang tatlong-oras na palabas ay paborito hindi lamang ng mga mahilig sa live show kundi rin naman paborito ng libu-libo na mga tagapakinig sa 50,000-watt na istasyon ng radyo na KLRA. Ito’y bago pa nauso ang telebisyon sa timugang bahaging iyan ng Estados Unidos.
Isang gabi, nang ako’y magtatapos na sa palabas na iyon, isang talent scout para sa MGM (Metro-Goldwyn-Mayer) recording company ang lumapit sa akin. “Gusto kong kumanta ka para sa amin,” aniya. At sa mismong sandaling iyon ay inalok niya sa akin ang isang mahusay na recording contract. Kung mga ilang linggo na raw na siya’y nanonood ng palabas na iyon, at sa palagay niya’y mayroon akong kinabukasan sa recording business.
Nang sabihin ko na hindi naman ako interesado, siya’y nabigla. Sinabi kong ako’y kumakanta lamang sa palabas na iyon upang makatulong ng pagsuporta sa aking maybahay at sa akin ding sarili sa buong-panahong ministeryo at hindi ko na ibig na ako’y pumalaot pa sa industriya ng musika.
Nang malaunan noong taon ding iyon, ang telebisyon ay nauso sa Arkansas—doon sa Little Rock. Ako’y inatasan ng program director na maging master of ceremonies para sa unang programa, isang sarisaring musikal na panoorin. Ako’y natuwa at may kagalakang tinanggap ko ang alok, at sinabi ko na pasasalamatan ko kung ako’y magkakaroon ng bahaging-panahong trabaho sa istasyong iyon. Sinabi niya na ipaaalam ito sa akin pagkatapos ng panimulang programang iyon.
Ang panimulang programang iyon ay isang tagumpay. Aking ipinakilala ang may talentong mga manganganta at ako mismo ay kumanta ng mga ilang awitin. Pagkatapos ay itinanong ko kung puwede akong gumanap ng bahaging-panahong trabahong iyon. “Hindi, hindi ko ibig na ikaw ay magtrabaho ng bahaging-panahon,” aniya. “Ibig ko’y magtrabaho ka nang buong-panahon.” Yamang ayaw niyang makipagkompromiso tungkol sa bagay na pagtatrabaho nang buong-panahon, kinailangan noon na ako ay magpasiya. Nakatutukso nga na ikaw ay magtrabaho sa ground floor ng unang istasyon ng TV sa Arkansas. Subalit, ang totoo, ito’y hindi maihahambing sa paglilingkod sa ating makalangit na Ama, si Jehovang Diyos, sa buong-panahong ministeryo ng pagpapayunir! Kaya’t tinanggihan ko ang alok.
Nang kausapin ko ang aking maybahay na si Jean pagkatapos ng programa, siya ay lubusang sumang-ayon. Nang gabing iyon nang ako’y makauwi sa amin, alam ba ninyo kung ano ang nasa mailbox? Iyon ay isang imbitasyon upang maglingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito, na dumadalaw sa mga kongregasyon ng bayan ni Jehova upang palakasin sila sa espirituwal. Talagang nadama ko na pinagpala ni Jehova ang aking pasiya.
Isa Pang Panahon ng Pagpapasiya
Hindi iyon ang unang-unang disisyon na kailangan kong gawin. Nang matapos ako ng high school sa Mount Ida, Arkansas, ang kapatid kong si Fred at ako ay sumama sa isang grupo ng mga manganganta na tinatawag na Texas Rangers. Sa loob ng halos tatlong taon noong dulo ng 1930’s, ako’y kasa-kasama ng grupo sa paglalakbay sa maraming estado sa gawing timog. Ang aming banda ay tumanggap ng mahuhusay na alok buhat sa mga tagatangkilik ng hanggang sinlayo ng Chicago. Kami’y nanalo ng primera premyo sa mga timpalak sa Mississippi at Arkansas, at sa isang pang-estadong timpalak sa Arkansas ay nanalo ako ng unang premyo bilang ang pinakamagaling na mangangantang lalaki. Kaya’t ako’y mayroong karera na may magandang kinabukasan.
Ngunit ako’y may nahahating damdamin. Nang ako’y isa lamang bata noong 1920’s, ang aming pamilya ay natagpuan ng mga kinatawan ng Watchtower Society. Ang totoo, nang sila’y dumadalaw sa aming lugar mga ilang milya sa gawing kanluran ng Hot Springs, Arkansas, ang naglalakbay na mga ministro (tinatawag na mga pilgrims) ay sa aming tahanan tumutuloy. Ang aming pamilya ay nasisiyahan ng pakikinig sa kanila at karaniwan nang tinatanggap ang kanilang itinuturo.
Kaya naman habang ako’y lumalaki ay nagkakaroon ako ng saligang kaalaman sa katotohanan ng Bibliya. At nagbibida pa ako sa aking mga kaibigan tungkol sa sinasabi ng naglalakbay na mga ministrong ito at tungkol sa binabasa namin sa tahanan sa The Watchtower. Si Floyd Garrett ay isa na sa mga kaibigang ito noong ako ay isang bata. Kami’y magkamag-aral noong kalagitnaan ng 1930’s. Si Floyd ay tumugon sa mga bagay na inilahad ko sa kaniya, at, nang sumapit ang panahon, siya’y nag-alay ng sarili sa Diyos at nagsimula sa buong-panahong ministeryo noong 1940. Sa ngayon ay naglilingkod siya bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa.
Bueno, noong panahon na ako’y naglalakbay kasama ng banda, ako’y sinusulatan ng aking ama tungkol sa mga pahayag ng naglalakbay na mga kapatid doon sa tahanan namin sa aming bayan. Pagkatapos, noong may bandang huli ng 1938, nang kami’y nasa Jackson, Mississippi, ako’y inimbitahan upang makinig sa isang isinaplakang pahayag na “Punuin ang Lupa” na ipinahayag ng pangulo ng Watch Tower Society na si J. F. Rutherford sa isang kombensiyon sa London, Inglatera. At tunay na iyan ay nakapagpasigla sa aking interes na dati’y tulog ng kung mga ilang taon. Batid ko na kailangan noon na gumawa ako ng pagpapasiya. Nang sumunod na taon huminto na ako ng pagsama sa banda at ako’y umuwi sa amin sa Arkansas.
Sumulong sa Espirituwal
Ang musika, pati na rin ang pangingisda at pamumundok para mangaso, ay naging panigunda na lamang sa aking buhay. Ang espirituwal na mga bagay ang naging lalong makabuluhan nang simulan kong hanapin muna ang Kaharian. (Mateo 6:33) Si Jehova ay naging tunay na tunay sa akin, at nagkaroon ako ng matinding pagnanasa na maglingkod sa kaniya. Ako’y nag-alay ng sarili kay Jehova at nabautismuhan noong Nobyembre 27, 1939, sa isang malamig na sapa sa Arkansas. Ang aking ina ay nabautismuhan hindi nagtagal pagkatapos.
Ako’y bumili ng 11-anyos na kotse sa halagang $50, at noong Nobyembre 1940, sa edad na 23 anyos ako’y pumasok sa buong-panahong paglilingkurang payunir sa kabukiran ng Arkansas. Anong sayang araw iyon! Malinaw ang aking tinatahak na buhay, at nadama kong si Jehova ay umaalalay sa akin at iyon ang mahalaga.
Noong mga araw na iyon, ang paghahanap ng tulad-tupang mga tao sa mga kabukiran sa palibot ng Hot Springs ay hindi madali. Nangangailangan iyon ng pagmamaneho ng mahahabang distansiya sa mga daan na di aspaltado, pagtawid sa mga sapa, at paglalakad sa maalikabok na mga daan-kariton upang marating ang mga isa-isang bahay sa mga ilang na lugar. Ang mga literatura sa Bibliya ay ipinagpalit ko ng mga prutas, gulay, manok, itlog, mga de-lata at iba pa. Nasa alaala ko pa ang mga karanasang iyon.
Mga Dinanas na Hirap Noong mga Taon ng Digmaan
Nang pumasok ang Estados Unidos sa Digmaang Pandaigdig II noong 1941, nagkaroon ng malaganap na pagsalansang sa mga Saksi ni Jehova dahilan sa kanilang neutralidad. (Isaias 2:4) Nagbangon ng mga mang-uumog laban sa kanila sa buong bansa, at libu-libong mga kabataang Saksi ang ibinilanggo. Bagama’t tumanggap ako ng isang 4-D bilang klasipikasyon ng isang ministro, ako’y napaharap sa matinding pananalansang, kasali na ang pagbabanta sa aking buhay.
Isang lalaki ang inambaan ako ng kaniyang baril at ang utos: “Lumayas ka sa aking pag-aari bago kita mabaril!” Kaniyang nakilala agad ako bilang isang Saksi nang ako’y papalapit sa kaniyang bahay. Kalabisang sabihin, ako’y umalis dali-dali. At nariyan naman ang isang lalaki na aking inaaralan ng Bibliya na nagbabala sa akin na kaniya raw narinig ang isang tao doon sa gawing silangan ng bayan na nagpaplanong patayin ako pagdating ko roon sa kaniyang bahay.
Mga ilang buwan ang nakalipas nang ako’y nasa lugar na iyon, ako’y inanyayahan sa kaniyang bahay ng isang ginang ng tahanan at aking pinatugtog ang isang plaka ng ponograpo ng pahayag sa Bibliya ni Brother Rutherford. Habang tumutugtog ang plaka, ang asawang lalaki ay pumasok at tumayo sa pagitan ko at ng pinto, hawak ang kaniyang balisong. Kaniyang itinanong kung ano ang ginagawa ko roon ngunit hindi niya ako pinahintulutang magpaliwanag. “Ikaw ba’y sasaludo sa bandera o lalaban kasama ng hukbo?” ang tanong niya, samantalang kaniyang iniaamba sa akin ang kaniyang balisong. Agad na naalaala ko ang babalang ibinigay ng aking kaibigan at pinag-isipan ko kung paano tutugon.
“Ano ang inyong madarama,” ang tanong ko sa taong may hawak ng balisong, “kung mayroong magparatang sa inyo na kayo’y sumusuporta sa Nazismo?” Taglay ang galit, ako’y nagpatuloy: “Ako’y wala sa panig ni Hitler gaya rin naman ninyo. Ako’y interesado lamang sa pagtulong sa mga tao upang maunawaan nila ang Bibliya.” Sa paano man ay nagpalamig-loob sa taong yaon ang tugon ko, at ako’y nakaalis nang di-naaano. At habang paalis ako, pinasalamatan ko si Jehova dahil sa kaniyang proteksiyon at sa paglalagay ng tamang mga pananalita sa aking bibig.
Sa isa pang okasyon, samantalang pinatutugtog ko ang isang isinaplakang pahayag sa Bibliya para sa isang tao napansin ko na mayroong bagay na hindi mabuti. Ang kaniyang mukha ay may ibig sabihin, at siya’y namumutla. Subalit patuloy na nakinig siya. Nang matapos ang pagtugtog, mahinahong tinanong ko siya kung nagustuhan niya iyon. Siya’y nag-isip sandali at tumugon: “Sa primero’y akala ko ay mga Saksi ni Jehova iyon, at papatayin na sana kita.” Pinuri ko pa siya sa gayong pakikinig sa isang bagay bago humatol at binigyan ko siya ng isang nakalimbag na sermon at pagkatapos ay umalis na ako. Ibig kong maalaman niya kung sino ako subalit pagkatapos lamang na ako’y makaalis roon.
Isang bagong kongregasyon ang itinatag sa Bonnerdale na kinalakhan ko. Pagkatapos na maglingkod bilang ang lingkod ng kompaniya, o kongregasyon, sa loob ng dalawang taon at masaksihan ko na ang grupo ay lumago hanggang sa maging 17 mga mamamahayag, ako’y sinabihan ng naglalakbay na tagapangasiwa na lumipat sa Hot Springs at maglingkod doon bilang tagapangasiwa ng kongregasyon. Ganoon nga ang ginawa ko noong 1942. Ang pakikisama sa maygulang, na nakatatandang mga kapatid doon ay totoong nakatulong sa aking espirituwal na pagsulong.
Noong mga araw na iyon, pinaglaanan ni Jehova ang aking mga pangangailangan sa napakaraming mga paraan. Minsan ay wala akong pera upang makabayad ng $5 para sa panibagong bayad sa lisensiya ng aking kotse. Ako’y nanalangin kay Jehova tungkol doon at lumabas ako sa ministeryo. Nang umagang iyon ay tumanggap ako ng isang abuloy na eksaktong $5 para doon!
Paglilingkod sa Bethel
Noong 1944 ako ay inatasan na isang espesyal payunir sa Joliet, Illinois. Nang ako’y naroroon, isang artikulo ang napalathala sa Informant (ngayo’y Ating Ministeryo sa Kaharian) tungkol sa paglilingkod sa Bethel sa Brooklyn, New York. Ipinasiya ko na mag-aplay at tinanggap naman ako.
Nang ako’y dumating sa Bethel noong Marso 1945, mayroon lamang doon na humigit-kumulang 230 sa pamilya sa Brooklyn ng pandaigdig na punong tanggapan kung ihahambing sa mahigit na 2,500 ngayon! May limang taon na nasiyahan ako ng pagtatrabaho sa iba’t ibang dako, kasali na ang Service Department. At nangyari na isang araw tinawag ako sa kaniyang tanggapan ni Brother Knorr, ang presidente ng Samahan.
“Ikaw ay napili upang mangasiwa sa istasyon ng radyo ng Samahan na WBBR,” sinabi niya. Halos hindi ako makapaniwala.
“Wala po akong alam tungkol sa pangangasiwa sa isang istasyon ng radyo,” ang sabi ko.
“Hindi ba dati’y tumutugtog ka sa isang istasyon ng radyo?” ang tanong niya.
“Pero iba po iyan sa pangangasiwa,” ang pagtutol ko.
Ako’y pinalakas-loob ni Brother Knorr na tanggapin ang atas na iyon, at sumang-ayon naman ako na gawin ko ang aking buong kaya. Isang tunay na hamon iyon ngunit isa rin namang kagalakan at pribilehiyo. Mahigit na 90 miyembro ng pamilyang Bethel ang itinakdang magkaroon ng bahagi sa iba’t ibang mga programa bawat linggo. Ang bagong format ay bubuuin ng humigit-kumulang 65 porsiyentong isinaplakang musika, kasali na ang 15-minutong programa ng aking pag-awit bawat linggo. Ang natitirang bahagi ng panahon ay para sa mga pahayag buhat sa Bibliya, mga pag-aaral ng Bibliya, pagsagot sa mga tanong sa Bibliya, at iba pang mga paraan ng paghaharap ng impormasyon sa Bibliya, kasali na rin ang mga pag-uulat ng balita at impormasyon tungkol sa pangmadlang kaligtasan.
Pagbabautismo sa Aking Ama
Nang ako’y nagbabakasyon galing sa Bethel noong tag-araw ng 1950, nagkaroon ako ng pambihirang kaligayahan na pagbabautismo sa aking sariling ama! May 27 taon na kaniyang binasa ang mga lathalain ng Samahan, ngunit kinailangan ang maraming taon upang lubusang tanggapin na ginagamit ni Jehova ang isang organisasyon na sa pamamagitan nito ay Kaniyang ipinamamahagi ang Kaniyang mga katotohanan. (Mateo 24:45-47) Si Itay ay dating isang ateista. Bakit nga gayon?
Bueno, nang ang aking 13-anyos na kapatid na si Jim ay mamatay, sinabi ng klerigo na siya’y napapunta sa isang nagniningas na impierno sapagkat ang batang ito ay hindi kasali sa anumang relihiyon. Ito’y nakagulo sa kaisipan ni Itay. Siya’y nangatuwiran: ‘Bakit pa ako sasamba sa isang Diyos na isang sukdulan nang lupit, isang tagapagpahirap?’ Ang akala niya’y ang sinabi ng predikador ay nasa Bibliya. Kaya’t siya’y naging isang ateista. Subalit ang kaniyang pananampalataya sa Diyos ay naipanumbalik nang, sa kaniyang unang pakikipag-usap sa isang Bible Student (Saksi ni Jehova), siya’y kinumbinse ng babaing ito buhat sa Bibliya na ang impierno ay hindi isang dakong pahirapan kundi ang karaniwang libingan ng sangkatauhan.
Pag-aasawa
Noong 1952 napaharap sa akin ang isa pang pagpapasiya. Si Jean Mylton, isang masigasig na payunir, at ako ay nagpasiyang pakasal. Mayroong nagtanong kay Jean kung ano ang kaniyang plano sa hinaharap, at sinabi niya na yamang noong panahong iyon ay walang kaayusan na papasukin sa Bethel ang mga asawang babae, kami ay magpapayunir sa Little Rock, Arkansas. “Paano kayo makapupunta roon gayong wala kayong anumang ari-arian?” ang tanong ng taong iyon.
Totoo, wala kaming maraming salapi, sapagkat ako’y nasa buong-panahong paglilingkod ng 12 taon at si Jean naman ay 7. Iminungkahi ng taong ito na kami’y kapuwa magtrabaho nang buong-panahon sa loob ng anim na buwan upang “makabili ng kotse at makatipon ng mga $600.” Nang ako’y tanungin ni Jean tungkol doon, sinabi ko: “Paano natin malalaman na hindi natin kaya iyon—hindi naman natin sinusubok pa. Subukin muna natin, pagkatapos ay saka tayo huminto pagtatagal at magtrabaho na nang buong-panahon, ngunit subukin muna natin.”
Sa malaking pagtataka namin, kami’y binigyan ng isang kotse at eksaktong $600 bilang regalo nang kami’y ikasal. Alam ni Jehova na kailangan namin iyon, at kaniyang ibinigay iyon sapagkat kami’y nagpasiya na manatili sa buong-panahong gawain. (Malakias 3:10) Kami’y nagpayunir ng mga ilang buwan, at pagkatapos ay inanyayahan ako na pumasok sa gawaing pansirkito noong 1953, at nang sumunod na taon ay naanyayahan kami sa Watchtower Bible School of Gilead. Pagkatapos ng graduwasyon si Jean ay kasa-kasama ko sa gawaing pandistrito.
Paglilingkod sa Ibang Bansa at Pagkatapos ay Pagbabalik sa Bethel
Noong 1957 kami ay naglilingkod sa Pasco, Washington, nang maghatid ang kartero ng isang liham na special-delivery galing sa Tanggapan ng Presidente. Sandaling nagpaalam ako sa pagpupulong na iyon para sa paglabas sa larangan kasama ng mga kapatid, at kami ni Jean ay naparoon sa ibang silid at doon namin binuksan ang liham. Kami’y inanyayahan na pumaroon sa Mexico, at ako’y inanyayahan na maglingkod bilang tagapangasiwa ng sangay. Nabigla ako! Kami’y walang alam sa wikang Kastila, at bahagya lang ang alam ko tungkol sa gawain sa sangay. Ngunit kami’y nagtitiwala kay Jehova, at tunay na kailangan namin iyon. Ang larangan ay malawak at kailangan ang malawak na pag-oorganisa, subalit ang mga kapatid doon ay nalulugod na gawin iyon, at pinagpala naman ni Jehova ang gawain.
Pagkatapos maglingkod ng mga ilang taon sa Mexico, muli na namang binigyan ako ng pribilehiyo na makapag-aral sa Gilead School sa New York. Nang ako’y makatapos, si Jean at ako ay binigyan ng isang bagong atas, sa gawaing pansirkito sa Guatemala. Si Jean ay nagkaroon ng mga suliranin sa kalusugan, kaya nang malaunan ay bumalik kami sa Estados Unidos at nagpatuloy akong naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Mga ilang taon na ako’y nagturo ng dalawang-linggong mga klase ng Kingdom Ministry School para sa mga hinirang na matatanda. Sa wakas, kami’y bumalik upang maglingkod sa Bethel sa Brooklyn, at magbuhat na noon ay narito kami sa pinagpalang dakong ito ng paglilingkod.
Kaya’t narito ako sa edad na 69 anyos, pagkatapos na tamasahin ko ang maraming di-sana nararapat na mga pribilehiyo sa buong-panahong paglilingkuran noong nakalipas na 45 taon. Masasabi ko na si Jehova ay mabuti at sagana ang kaniyang mga pagpapala. Si Jean, ang aking tapat na maybahay noong nakalipas na 34 taon, ay naging isang mayamang pagpapala sa akin. Batid ko na pinagpapala ni Jehova ang mga maliliit at gayundin ang mga malalaki, at ang aking mga pagpapala ay kinikilala ko na para sa isang maliit. (Awit 115:13) Ipinasya ko at hangarin ko na patuloy na maglingkod sa ating dakila at maibiging Diyos na si Jehova sa anumang paraan na kaniyang ginagamit, sa kaniyang ikararangal at ikapupuri.
[Blurb sa pahina 25]
“Ano ang madarama ninyo,” ang tanong ko sa may hawak ng balisong, “kung mayroong magsasabing kayo ay sumusuporta sa Nazismo?”
[Larawan sa pahina 23]
Si Sam Friend sa kanan, nang may pasimula ng kaniyang karera sa musika
[Larawan sa pahina 24]
Pag-aalok ng The Watchtower sa kalye sa Hot Springs, Arkansas, noong 1942
[Larawan sa pahina 26]
Si Sam Friend at ang kaniyang maybahay na si Jean sa ngayon