Kung Bakit Iniwan Ko ang Kaisipan na Pagpunta sa Langit
—Ibinida ni Yuriko Eto
BILANG isang Methodistang Haponesa, sa paniwala ko’y wala nang higit pang kaligayahan kaysa pagpunta sa langit. Di-masayod na kaligayahan kung ikaw ay kapiling ng Diyos at mabubuhay na kasama ng Panginoong Jesu-Kristo magpakailanman. Bakit nga ba nagkaroon ako ng ganiyang marubdob na pagnanasang magpunta sa langit? At bakit ko iniwan ang kaisipang iyan? Ikukuwento ko sa inyo ang aking kasaysayan.
Tanging ang Shintoismo at Buddhismo ang pinapayagang umiral sa aking bansa, ang Hapon, sa loob ng daan-daang taon. Ako’y isinilang noong 1911, 22 taon lamang pagkatapos na maipagkaloob ang kalayaan ng relihiyon. Ang aking pamilya ay naging mga Methodista. Ang aking ama ay nasa negosyo. Ang aking ina naman ay anak ng isang klerigo. Ang tunay na paniniwala ng aking ina sa Bibliya ay naging isang pagpapala sa akin. Natatandaan ko pa lalo na na ang kaibigan ng aking ina, isang maestra sa isang paaralan ng teolohiya para sa mga babae, ang malimit na dumadalaw sa amin. Sa tuwina’y Bibliya ang kaniyang paksa, at mahilig naman akong makinig. Ngunit sa katapusan ng mga diskusyon lagi niyang sinasabi: “Hindi ba malungkot na ang Bibliya ay hindi pa nabubuksan at nauunawaan?” Sa tuwina’y pinag-iisipan ko na yamang pinapangyari ng Diyos na isulat ng mga tao ang Bibliya, bakit hindi niya ipinauunawa ito sa kanila?
Pagdating ko sa bahay galing sa paaralan, ang gustung-gusto ko ay maupo sa isang komportableng silya at magbasa ng Bibliya at mangarap tungkol sa langit. Ang lalo nang nakapukaw ng aking puso ay ang kaisipan na baka si Kristo’y pumarito upang salubungin kami sa panahon na ako’y nabubuhay pa. Ang kaniyang sarili’y inihalintulad ni Jesu-Kristo sa isang nobyo at sinabi niya na tungkol sa sampung dalaga, lima ang mahimbing na natutulog at hindi makasasalubong sa nobyo at hindi makapupunta sa langit! Kaya’t araw-araw, ako’y nananalangin na dumating na sana ang araw ng pagparito ng Panginoong Jesus at tawagin tayo, at idinalangin ko na huwag kaligtaan ang ikalawang pagparito ni Kristo. Nakatanim sa aking puso ang teksto na nagsasabi: “Mapapalad ang mga malilinis ang puso: sapagkat kanilang makikita ang Diyos,” at ako’y naghintay at umasa. Sa katunayan, ako’y namumuhay noon na gaya ng isang manlalakbay na walang pakialam sa sanlibutang ito.—Mateo 25:1-12; 5:8, King James Version.
Noong 1933 ako ay nag-asawa, at dahil sa laging ipinapasok ko ang paksa ng langit sa aming mga pag-uusap, ang aking asawang lalaki ay magtatawa lamang at sasabihin sa akin: “Ikaw ay tagalangit, pero ako ay tagasanlibutang ito.” Gayunman, ang aking biyenang lalaki ay totoong mahilig sa Bibliya at malimit na sinasabi niya: “Halos 2,000 taon na ang lumipas sapol nang pumarito ang Panginoong Jesu-Kristo, kaya’t maipagpapalagay natin na malapit na ang ikalawang pagparito ni Kristo. Lalo lamang nanabik ang aking puso.”
Nang magkagayo’y nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II, at noong huling taon ng digmaan ay namatay ang aking asawa. Nang panahong iyon naisip ko na kung mayroong isang kakila-kilabot na impierno, ito na ngang sanlibutang ito. Pagkatapos ng digmaan, dinala ko ang aking apat na anak (ang pinakabunso’y pitong buwan) at kung ilang beses na kami’y lumipat, palibhasa’y magulo pa rin ang kalagayan sa Tokyo. Hindi ko matiis na sa isang buong araw ng Linggo ay hindi ako magsimba, kaya’t tuwing kami’y lilipat ay doon ako nagsisimba sa pinakamalapit sa aming tahanan. Bale wala sa akin kung anumang simbahan iyon, yamang ang paniwala ko’y mayroon lamang iisang Diyos at iisang Bibliya. Hindi ko gusto ang manatili sa isang relihiyon lamang.
Paghahanap sa Organisasyon ng Diyos
Sa pagkakita sa mga pagkakaiba-iba, unti-unting naisip ko kung ano nga kaya ang pagkakilala ng Diyos sa lahat ng mga sekta. Nahinuha ko na mas alam ng Diyos kaysa kaninuman na maraming mga kamaliang umiiral sa maraming relihiyon. Kung paanong ang isang guro ay nagbibigay ng puntos sa examination paper ng kaniyang estudyante, naisip ko na bibigyan din ng Diyos ng mga puntos ang organisasyon na pinakawasto ang pagkaunawa sa Bibliya. Naisip ko na kailangang hanapin ko ang organisasyong iyon na matuwid sa paningin ng Diyos. At ang Mateo 7:9 ang sumiksik sa aking isip. Ito’y nagsasabi: “Sinong tao sa inyo ang kung siya’y hingan ng tinapay ng kaniyang anak—kaniyang bibigyan ito ng bato?” Palibhasa’y ang hinahanap ko’y ang tunay na “tinapay,” ako’y may sampalataya sa talatang ito at ako’y nanalanging puspusan araw at gabi: “Tulutan mo pong ako’y makasama ng organisasyon na mayroong tumpak na kaalaman sa Bibliya.” Isang taon pagkatapos na magsimula akong manalangin nang ganito, ako’y lumipat sa Yokohama. Dito ako nakarinig ng isang usapan na labis na nakagalak sa akin.
Kailanma’t ako’y may nakakausap na mga taong nagsasabing sila raw ay nakasimba, agad na tatanungin ko sila, “Alam ba ninyo ang sinuman na nakakaintindi nang malawak sa Bibliya?” Isang araw sa isang karatig-bayan ay may nakilala akong isang miyembro ng isang relihiyon at ganoon din ang tanong ko sa kaniya. Kahit na hanggang noon ay hindi pa ako nakakatanggap ng isang magandang tugon, ang babaing iyon ay sumagot sa isang tinig na kapani-paniwala: “Oo. Mayroong ganoong tao. Noon lang nakaraang araw isang babaing misyonera ang nagpunta rito. Inanyayahan ko siyang pumasok sa bahay, at agad binuksan niya ang Bibliya at ipinaliwanag na sunud-sunod ang mga bagay-bagay. Binanggit niya bago siya lumisan na doon siya nakatira sa taluktok ng burol na kinatitirhan mo.” Nang marinig ko iyon, nilisan ko ang kaniyang bahay—na natutuwa. Kinabukasan ay dumalaw na ako sa tahanang misyonero ng mga Saksi ni Jehova.
Isang Panahon ng Kagipitan
Sa wakas ay detalyadong mapag-aaralan ko na ang Bibliya. Mga isang buwan ang lumipas—at may dumating na animo’y isang sumabog na bomba! Ang misyonerong nagtuturo sa akin, si Jean Hyde (ngayo’y Nisbet), ay ngumiti na ang sabi: “Sa hinaharap marahil ay mamumuhay ka hindi sa langit kundi sa lupa.” Nagitla ako sapagkat nadama kong para bang ako’y pinatalsik sa langit. Talagang galit ako. “Ngayon lamang ako nakakilala ng isang misyonero na bastos magsalita na gaya mo,” ang bulalas ko sa kaniya. “Nakahihiya na sa kabila ng inaasam-asam kong tuturuan mo ako ng Bibliya, wala na ngayon ang ganiyang damdamin. Gayunman, dahil sa hinahanap ko ang tunay na organisasyon sa kasalukuyan, at nakasuskribe na ako sa Ang Bantayan at mayroon na rin akong aklat na ‘Hayaang Maging Tapat ang Diyos,’ maingat na sisiyasatin ko ito sa ganang sarili ko. Pagka muli kong napatunayan na ito ang katotohanan, yuyuko ako sa iyo at hihilingin ko na tulungan mo uli ako.”
Si Jean ay hindi nagagalit. Ngumiti siya at ang sabi, “Sa anumang paraan, pakisuyong suriin mo ang katotohanan.” Pagkatapos, siya’y lumisan na, ngunit may kabaitang dumaraan siya sa amin paminsan-minsan at kaniyang itinatanong: “Ikaw ba ay nagsusuri?” Inaasahan ko noon na ang organisasyong ito ang kasagutan ng Diyos sa aking mga panalangin, pero ngayon ay talagang naguguluhan ako. Noon lamang ako nakarinig ng paliwanag na iba pala ang pupunta sa langit kaysa roon sa mabubuhay dito sa lupa magpakailanman.
Kaya naman, taimtim na sinuri ko araw-araw ang mga lathalain ng Watch Tower. Makalipas ang sandaling panahon ang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, si Adrian Thompson, ay dumalaw sa akin. Sa himig na medyo lumalaban, agad tinanong ko: “Kahit na ba sa hinaharap ay mayroong dalawang grupo, isang para sa langit at isang para sa lupa, hindi ba ang Diyos ang nagpapasiya nito? Isang kapangahasan kung mga tao ang magpapasiya, hindi ba?” Siya’y tumugon: “Tama! Ang Isang nagpapasiya ay ang Diyos.” Bagama’t hindi ko nauunawaan ang mga detalye, medyo nakahinga ako nang maluwag. ‘Kung gayon,’ naisip ko, ‘mayroon pa rin pala akong pag-asang makarating sa langit.’ Pagkatapos, ako’y nanalangin at nagpatuloy na nag-aral nang sa aking sarili.
Noong 1954 ako’y dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ang nagpahayag ay si Lloyd Barry. Sa kaniyang pahayag sinabi niya na yaong nasa “tipang kasunduan” ang siyang mga makikibahagi sa tinapay at sa alak. Pagkatapos ng Memoryal ay marami akong mga katanungan, kaya sa pag-uwi ko’y nakisabay ako kay Shizue Seki, isang masugid na Saksi. Ganiyan na lamang ang pagkabahala niya sa akin at ako’y kaniyang pinalakas-loob na huwag basta uurong dahil sa may problema ako sa isang punto, kundi tiyakin kung lahat ng iba pang mga turo ay nakasalig o hindi sa Bibliya.
Isang araw, nang ang aking mga anak ay pumasok na sa paaralan, nag-aayos ako para paghandaan ang darating na mga bisita, at ako’y marahang nanalangin, ‘Muli akong makikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova.’ Nang idilat ko ang aking mga mata, takang-taka ako nang makita ko, hindi ang mga bisita na hinihintay ko, kundi ang tatlong mga Haponés na Saksi ni Jehova. Nagtatakang sinabi ko sa kanila na katatapos ko lang manalangin. Si Fumiko Seki ay tuwang-tuwang naglulundag, at pumapalakpak at nagsasabi, “Mabuti! Mabuti!” Hindi nagtagal at isa pang misyonero, si Sonny Dearn, kasama si Fumiko na nagsisilbing tagapagsalin, ang nagsimula ng isang kawili-wiling pag-aaral. Ngayon ay dalawa sa aking mga anak ang nakipag-aral na kasama ko. Datapuwat, si Sonny ay binigyan ng bagong atas. At dumating naman si Leon Pettitt, isa pang banyaga. Lagi kaming naghaharap sa kaniya ng maraming sunud-sunod na mga tanong. Mahinahong ipinakita niya sa amin ang mga teksto upang kami’y sumapit sa tamang konklusyon at sumulong sa kaalaman sa Kasulatan.
Natuto ng Layunin ng Pagpunta sa Langit
Kabaligtaran ng aking personal na mga hangarin, natutuhan ko na may layunin pala ang pagpunta sa langit at hindi ang simpleng pangarap lamang na makapiling ng maluwalhating Diyos at mamuhay na kasama ng Panginoong Jesus magpakailanman. Habang ako’y nagkakaroon ng kaalaman sa katotohanan, ang mga iyan ay agad natatanggap ng aking puso.
Unang-una, kung ang unang taong si Adan ay hindi nagkasala, hindi na kailangan na ang sinumang tao ay pumunta sa langit. Ito’y dahilan sa, bago nilalang ang sanlibutan, mayroon nang libu-libong mga anghel sa langit.—Job 38:4-7; Daniel 7:9, 10.
Habang patuloy na sumusulong ang pag-aaral, natutuhan ko buhat sa Lucas 12:32 na isang munting grupo lamang na tinatawag ng Bibliya na isang “munting kawan” ang pupunta sa langit. Sinabi ni Jesus: “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat nalulugod ang inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” Kung tungkol sa layunin, hindi baga nasusulat sa Apocalipsis 20:6 na “sila . . . ay magpupuno bilang mga hari kasama niya [ni Kristo] sa loob ng isang libong taon”? At sa Apocalipsis 5:10 sinasabi na “kanilang paghaharian ang lupa”?
Natutuhan ko rin ang kahulugan ng Panalangin ng Panginoon. Si Jesus ay nanalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo sa lupa, gaya ng sa langit.” (Mateo 6:10, KJ) Nang maunawaan ko na ito’y tumutukoy sa makalangit na pamahalaang pang-Kaharian na binubuo ng mga tao na kinuha sa lupa upang magpunong kasama ng Haring si Jesu-Kristo, ako’y nanggilalas sa karunungan ng Diyos. Ako’y kumbinsido na ito ang mismong mga bagay na kailangan natin, isang pambihirang, bagong pamahalaan na magpapalaya sa sangkatauhan buhat sa pagdurusa, kalungkutan, at mga kagipitan na dala ni Satanas. Hindi ko mapigil ang aking pagpuri kay Jehova.
At, nang mapag-alaman ko na ang bilang ng pupunta sa langit ay limitado sa 144,000, hindi ko napigil ang di-sumang-ayon sa pagkamakatuwiran nito. (Apocalipsis 14:1, 3) Sa katulad na paraan, maging ang bilang man ng mga opisyales sa isang gobyerno sa lupa ay limitado. Naunawaan ko na mayroon palang mahalagang mga gawain ang mga pupunta sa langit. Sa kanilang gawain na kaayon ng maibiging kaayusan ng Diyos ay kasali ang pagpapaligaya ng lahat ng mga taong mabubuhay sa lupa at pagsasauli ng lupang ito sa malaparaisong mga kalagayan.
Ganiyan na lang ang nag-uumapaw na pagpapahalaga ko kaya’t malugod na iniwaksi ko ang aking mga kaisipan na tungkol sa pagpunta sa langit. Ngayon ay napupuspos ako ng pag-asang mabuhay sa isang paraiso sa lupa. Tiyak, ang Diyos ang nagbukas ng kahulugan ng Bibliya sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Dati’y hinahanap ko ang katotohanan. Sadyang ibig kong magpasalamat sa Diyos sapagkat kaniyang tinulungan ako na makisama sa organisasyon na kaniyang sinasang-ayunan.
Mabunga at Maligayang Ministeryo
Ako’y nabautismuhan noong Oktubre 1954. Sapol noong 1955, dalawa sa aking mga anak ang nakikibahagi nang buong panahon kasama ko sa pagbabalita ng Kaharian. Ang aking anak na lalaking si Keijiro ay naging isang naglalakbay na tagapangasiwa ng pitong taon. Ngayon ay pinagpala siya sa pagkakaroon ng dalawang anak, at siya at ang kaniyang asawa ay masigasig na mga buong-panahong mangangaral (mga payunir). Bilang isang espesyal payunir, ako’y nakibahagi sa pagtatayo ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa anim na siyudad.a Nagkaroon ako ng kagalakan ng pangangaral ng mga ilang taon kasama ng aking panganay na babae, si Hiroko, sa Hachijō Island, na naroon sa Karagatang Pasipiko sa may layong 185 milya (300 km) sa Tokyo.
Sapol nang ako’y maging kontento na sa pag-asang magandang kinabukasan sa lupa, malaki ang ipinagbago ng aking pangmalas tungkol sa lupang ito. Sa Hachijō Island lalung-lalo na, kami’y napalilibutan ng pambihirang mga bulaklak, at sa aming pagbabahay-bahay, aming hinahangaan ang mga bulaklak na ito pagka kami’y nakikipag-usap sa mga maybahay sa kanilang magagandang halamanan. Isang araw ay may nalapitan kaming isang matandang babae na nag-aalaga ng kaniyang mga bulaklak. Aming pinuri ang mga ito, ngunit ang kaniyang hinagpis: “Hindi ako natatakot mamatay, pero ikinalulungkot ko na maiiwanan ko ang mga bulaklak na ito pagpunta ko sa kabilang daigdig.” Ipinaliwanag ko sa kaniya na sa ilalim ng paghahari ng Kaharian ng Diyos siya’y bubuhaying mag-uli buhat sa kamatayan upang mabuhay sa isang lupang paraiso na kung saan ang mga bulaklak ay magbibigay ng kasiyahan magpakailanman. Kumislap ang kaniyang mga mata, at naisaayos ang isang pag-aaral sa Bibliya.
Ako’y humanga din sa simpleng istilo ng pamumuhay ng mga tao na tagaislang iyon. Sila’y talagang taimtim sa pagpaparangal sa kanilang mga ninuno. Pagka may sinumang namatay, lahat ng tao sa pamayanan ay nauubligahan na makipaglibing. Naiisip ko na lahat nga sana ng mga taong ito ay makakilala kay Jehova, ang Bukal ng buhay, at maunawaan sana nila na siya ang Diyos na magpapangyari na mabuhay uli ang kanilang mga ninuno pagka naisauli na sa pagkaparaiso ang lupa. Makilala sana nila ang mahalagang pagkakaiba ng paggalang at pagsamba sa ating mga ninuno. Ang tanging dapat nating sambahin ay ang kaisa-isang Bukal ng buhay, si Jehova. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Gayunman, dumarating ang oras, at ngayon na, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat talaga ngang ang mga gayon ang hinahanap ng Ama na sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay isang Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay kinakailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:23, 24.
Ngayon sa aking ikapitong atas na teritoryo, pinasasalamatan ko si Jehova samantalang patuloy na ibinabalita ko sa mga tao ang layunin ng makalangit na pang-Kahariang pamahalaan ni Jehova at ang kahanga-hangang mga pagpapala na idudulot nito sa atin na magkakaroon ng kahanga-hangang pribilehiyo na mabuhay magpakailanman sa lupa.—2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4.
[Talababa]
a Si Yuriko Eto ay tumulong din sa 75 ng kaniyang mga estudyante sa Bibliya upang maging mga mamamahayag ng Kaharian.
[Larawan sa pahina 12]
Si Yuriko Eto na nakikipag-aral sa mga iba tungkol sa pangako ng Bibliya na makalupang paraiso