Ang Diyos ng “Matandang Tipan”—Siya Ba’y Diyos ng Pag-ibig?
“ANG Diyos ng Matandang Tipan, ito nga ang Yahweh ng Judaismo, ay isang diyos na sumusumpa, isang diyos ng galit, isang diyos ng panibugho, at hindi ako malapit sa kaniya.” Ganiyan ang sabi ni Youji Inoue, isang Hapones na paring Katoliko, sa isang artikulong pinamagatang “Ang Hapones at ang pagka-Kristiyano” sa isa sa mga pangunahing peryodiko ng Hapon, ang Asahi Shimbun. Subalit, ang susog pa niya, ang Diyos na ito ay sa wakas “umunlad at nagbago upang maging ang Diyos ng Bagong Tipan, samakatuwid nga, ang Diyos na itinuro ni Jesus.”
Tiyak, ang klerigong si Inoue ay hindi nag-iisa na may ganiyang paniwala. Ngunit ikaw ba ay sumasang-ayon sa kaniya? Inaakala mo ba na ang Diyos ng “Matandang Tipan,” o ang Kasulatang Hebreo, ay isang malupit at mapaghiganting Diyos kung ihahambing sa Diyos ng “Bagong Tipan,” o ang Kasulatang Griegong Kristiyano?
Sa mga tao, ang mga personalidad ay maaaring magbago. Halimbawa, sa mga umiibig sa Diyos ay ipinapayo ng Bibliya na “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at kabanalan.” (Efeso 4:24) Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya at pagkakapit ng kanilang natutuhan, marami na dating may kimkim na panibugho, galit, at iba pa, ay gumawa ng malaking mga pagbabago, kaya’t nakikita ngayon sa kanilang araw-araw na pamumuhay ang bunga ng espiritu ng Diyos—“pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”—Galacia 5:22, 23.
Ngunit ang ganiyan ba ay masasabi rin tungkol sa Maylikha, si Jehovang Diyos? Siya ba’y “umunlad at nagbago” buhat sa pagiging “isang Diyos ng galit” tungo sa pagiging Kristiyanong Diyos ng pag-ibig, gaya ng tawag sa kaniya ng iba?
Si Jehova—Sa Tuwina’y Isang Diyos ng Pag-ibig
“Ang Diyos ay pag-ibig,” ang isinulat ng apostol Juan. (1 Juan 4:8) Dito’y nagpahayag siya ng walang hanggang katotohanan: Ang Maylikha, si Jehova, noong nakaraan, ngayon, at sa hinaharap ay laging magiging isang Diyos ng walang pagbabagong pag-ibig. At sa pasimula hanggang katapusan ang ulat ng Bibliya ay sumusuporta sa pangungusap na iyan.
Nang lalangin ni Jehova ang lupa, maibiging ginawa niya ito upang maging isang ulirang tahanan para sa sangkatauhan. (Isaias 45:18) Nang maglaon, nang kaniyang lalangin ang unang lalaki at babae, si Adan at si Eva, kaniyang ginawa sila “ayon sa kaniyang larawan,” alalaong baga, kaniyang sinangkapan sila ng mga katangian na gaya ng pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan. Kaniya ring inilagay sa harap nila ang pag-asa na pagkakaroon ng mga anak, paggawang paraiso sa buong lupa, at pamumuhay dito magpakailanman. (Genesis 1:27, 28) Hindi ba lahat na ito ay ebidensiya ng pag-ibig ng Diyos?
Nang ang unang mag-asawa ay padala sa tukso ni Satanas sa pamamagitan ng ahas, naiwala nila ang walang hanggang mga pagpapala hindi lamang para sa kanilang sarili kundi pati sa kanilang mga supling na di pa isinisilang. Sa maselang na puntong ito, sinalita ni Jehova ang unang hula na nakasulat sa Bibliya, samakatuwid nga, ang ipinangakong ‘binhi ng babae’ ang dudurog sa ulo ng ahas. (Genesis 3:15) Hindi baga ang pangakong ito ng pag-asa at katubusan ay isa pang malaking kapayahagan ng pag-ibig ng Diyos?
Mga 2,000 taon ang nakaraan, ang kaniyang tapat na lingkod na si Abraham ay pinangakuan ni Jehova: “Sa pamamagitan ng iyong binhi lahat ng bansa sa lupa ay tunay na magpapala ng kanilang sarili,” sa gayo’y isiniwalat na ‘ang binhi ng babae’ ay darating sa pamamagitan ng angkan ni Abraham. (Genesis 22:18) Ang pangakong ito ay nagpatibay ng pag-asa ng katubusan at nagpakita na ang pag-ibig ni Jehova sa tao ay hindi nababawasan sa paglipas ng panahon. Kaniyang nakikini-kinita ang magandang kinabukasan ng tao sa paggawa ng ganitong pangako. Siya’y isa ngang Diyos ng pag-ibig!
Ang Pag-ibig ng Diyos sa Israel
At, ang mga Israelita ay tinubos ng Diyos na Jehova sa pagkaalipin sa Egipto noong 1513 B.C.E. at sa pamamagitan ni Moises ay pumasok siya sa isang kasunduan sa kanila, ang tipang Kautusan. Sa ikalawa ng Sampung Utos, sinabi ni Jehova: “Sapagkat ako, si Yahweh na inyong Diyos, ay isang mapanibughuing Diyos [isang Diyos na humihingi ng bukod-tanging debosyon, New World Translation] at pinarurusahan ko ang kasalanan ng ama sa mga anak, sa mga apo, at sa apo sa tuhod niyaong mga napopoot sa akin; ngunit ako’y nagpapakita ng kabaitan sa libu-libong ng umiibig sa akin at sumusunod sa aking mga utos.”—Exodo 20:5, 6, The Jerusalem Bible.
Bilang ang Soberano at asawa, si Jehova ay may karapatang humingi ng bukod-tanging debosyon sa kaniyang tipang-bayan, ang Israel. (Isaias 54:5; Jeremias 3:14) Nang ang kaniyang bayan ay mawalan ng pananampalataya at paulit-ulit na bumaling sa mga diyos-diyosan, hindi baga makatuwiran na, dahilan sa pag-ibig sa kanila ni Jehova, sila’y didisiplinahin niya, at magpapahayag ng kaniyang di pagsang-ayon at pagsumpa sa kanilang likong landasin?
Malimit na si Jehova ay nagpapakita ng malaking pagmamalasakit sa kaniyang bayan at ganiyan tinatawagan sila na manumbalik sa kaniya. (Isaias 55:7) Bagamat kaniyang pinarusahan sila dahilan sa kanilang mga kasalanan, at pinayagan sa wakas na ang kanilang bansa ay mapuksa at sila’y nadalang-bihag sa isang lupaing banyaga, nang takdang panahon ay kaniyang ibinalik sila sa kanilang lupang tinubuan. Ano ba ang ipinakikita ng lahat na ito tungkol kay Jehova? Siya ba’y isang mapanibughuin, mapootin, at mapaghiganteng Diyos? Hindi! Bagkus, ipinakikita nito na siya ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging awa at katotohanan.”—Exodo 34:6; Nehemias 9:17; Joel 2:13; Nahum 1:2, 3.
Ang Pag-ibig na Ipinahayag sa Pamamagitan ng Kaniyang Anak
Sa lumipas na mga siglo, ang Diyos na Jehova ay nagbigay ng iba pang detalye tungkol sa ‘binhi ng babae’ at ‘binhi ni Abraham,’ at sa pamamagitan ng Kaniyang mga propeta ay Kaniyang inihula ang pagparito ng Mesias. Nang sumapit ang itinakdang panahon, ipinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa isang walang katulad na paraan—sinugo niya ang kaniyang bugtong na Anak sa lupa upang magsilbing haing pantubos.
Dahilan sa kamangha-manghang paglalaang ito, si apostol Juan ay sumulat: “Ganiyan na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kung kaya’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang sinomang sasampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Dahilan sa pagkadaki-dakila ng pag-ibig ng Diyos na ipinakita sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang iba’y may maling paniwala na hindi maaaring Siya ang Diyos na tinutukoy din sa Kasulatang Hebreo bilang nagpaparusa at humahatol.
Ngunit ang Diyos ba na itinuturo ni Jesus ay ibang-iba sa Diyos na inilalarawan sa Kasulatang Hebreo? O iyon baga’y kung ano ang ibig isipin ng mga tao? Hindi ba ang kilalang tekstong iyan, ang Juan 3:16, ay malinaw na nagpapakita na kung ang isa’y walang ‘pananampalataya’ sa Anak, ang isang iyon ay “mapupuksa”? Isa pa, si Juan ay nagsabi rin: “Siyang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay kundi ang galit ng Diyos ang nananatili sa kaniya.” (Juan 3:36) Kung ito sa anomang paraan ay hindi nagbabawas ng kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos, bakit nga ang ganitong kapahayagan ng di pagkalugod sa di-tapat na mga Israelita at mga iba pa sa Kasulatang Hebreo ay magbabawas sa kaniyang katangian bilang isang Diyos ng pag-ibig?
Ang Maibiging Layunin ng Diyos Para sa Inyo
Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias, sinabi ng Diyos: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Hindi lamang siya nanatiling di-nagbabago bilang ang Diyos ng pag-ibig kundi pati ang kaniyang maibiging layunin tungkol sa tao at sa lupa ay nanatiling di-nagbabago rin. Kung paano iniharap ni Jehova kay Adan at kay Eva ang pangakong buhay na walang hanggan sa isang makalupang paraiso, ganoon din na ang Diyos na ito ng pag-ibig ay nagnanais na kayo ay makasali sa mga mabubuhay magpakailanman na maligaya sa Paraisong iyan. (Lucas 23:43; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:4) Subalit ano ang kinakailangan? Sinabi ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Ang mga Saksi ni Jehova ay malulugod na tulungan kayong matuto tungkol kay Jehova, ang Diyos ng walang pagbabagong pag-ibig.