1986—Ang Taon ba “na Magliligtas sa Kapayapaan”?
ANG UN ay nagpahayag na ang 1986 ay International Year of Peace (Pandaigdig na Taon ng Kapayapaan). Ano ang nagawang pagsulong tungkol sa kapayapaan ng daigdig? Ang sumusunod na mga komento ay nanggaling sa buong globo.
Mula noong Abril 7 hanggang 12, 1986, mga mambabatas buhat sa 103 mga bansa ang nakibahagi sa ika-75 IPU (Inter-Parliamentary Union) miting, sa Mexico City.
Ganito ang ibinigay na mensahe sa Union ni UN Secretary-General Javier Pérez de Cuéllar: “Sa pagpapasimula ng Pandaigdig na Taon ng Kapayapaan, lahat sana’y maging palaisip na ang tema nito na—‘Magliligtas sa Kapayapaan at sa Kinabukasan ng Sangkatauhan’—ay nagbibigay ng isang mahalagang pokus hindi lamang para sa 1986 kundi sa mga taóng darating pa. Samantalahin natin ang pagkakataon sa 1986 taglay ang determinasyon.”
Ang pangulo ng IPU ay nagsabi na kaniyang dinalaw ang ilang mga bansa “upang alamin kung ang mga parliamentaryo doon ay hindi maaaring maging mga parliamentaryo ng kapayapaan.” Ang kaniyang konklusyon: “Natuklasan ko na ito’y napakahirap, at sa mga ibang kaso ay wala nang pag-asa.”
Ang Grupong Mehikano ay nagpahayag ng “matinding pagkabigo sapagkat sa kabila ng lumalaking pagkabahala ng madla sa panganib sa paligsahan sa armas at ng pagsisikap ng United Nations, walang gaanong progreso ang nagawa noong nakalipas na mga taon sa larangan ng disarmamento.”
Ang Grupong Arhentino ay nagpahayag “na ang animnapung milyong namatay sa ikalawang digmaang pandaigdig, o ang pagkawasak ng Hiroshima, o ang isang daan at tatlumpung maliliit na digmaan sapol noon ay hindi pa sapat upang turuan ang tao na siya ay nasa bingit ng pagpapatiwakal.” Ang totoong ikinababahala nila ay na “limang nuclear Powers ang nakatipon ng mahigit na 50,000 mga armas nuklear, na katumbas ng tatlong tonelada ng kombensiyonal na mga eksplosiba para sa bawat naninirahan sa ating planeta.”
Ang permanenteng mga miyembro ng UN Security Council ay may mga kinatawan, at ang ilan sa kanilang mga komento ay gaya ng sumusunod:
Sinabi ng Grupong Britano: “Ang isang pangunahing layunin ay upang maiwasan ang isang paligsahan sa armas sa kalawakan. Subalit, tayo’y kinakailangang maging makatotohanan . . . Ang kalawakan ay militarisado na.” Idiniin ng Grupong Pranses “na ang kawalang-kaya ng United Nations na mapanatili ang panlahatang seguridad at kapayapaan ay dahil lalung-lalo na sa paglabag ng mga ibang Estado sa mahalagang mga prinsipyo ng internasyonal at pangmoral na batas.” Ang Grupo ng U.S.S.R. ay nagpahayag ng “matinding pagkabahala sa panganib ng digmaang nuklear na nagbabanta sa sangkatauhan, at maaaring humantong sa katapusan ng sibilisasyon sa mundo.” Ayon sa report ang delegasyon ng E.U. ay nagsabi na kaniyang “sisikapin na ipakipag-usap ang pangangailangan ng internasyonal na kooperasyon upang labanan ang terorismo.”
Sa kabilang panig ng mundo, ang Pandaigdig na Taon ng Kapayapaan ay ipinagdiwang noong Marso 21 sa pamamagitan ng isang rally sa Great Hall of the People sa Beijing. Ang primyer na Intsik na si Zhao Ziyang ay higit na may pag-asa kaysa iba sa pagsasabi: “Habang ang mga tao ng daigdig ay patuloy sa kanilang walang-lubay na pagsisikap, tiyak na tatamuhin nila ang kapayapaan.”
Kaugnay ng Pandaigdig na Taon ng Kapayapaan ng UN, si Papa John Paul II ay nagsabi na ibig ng Santa Sede na manguna sa isang “pambuong daigdig na kilusan ng pananalangin ukol sa kapayapaan kasangkot ang lahat ng bansa at lahat ng relihiyon.”
Mailap ang kapayapaan sa daigdig na ito. At bakit? Ang tunay na kapayapaan ay nakasalig sa pag-ibig; ang daigdig ay hati-hati dahil sa ipinagmamalaki nila ang kani-kanilang mga bansa at nagkakapootan sila. Ang tunay na kapayapaan ay nangangailangan ng pantas at makatarungang pamamahala; ang di-sakdal na mga pinunong tao ay hindi makaabot sa pamantayang ito. Ang tunay na kapayapaan ay nakasentro sa nagkakaisang pagsamba sa kaisa-isang tunay na Diyos; ang mga relihiyon ng daigdig ay baha-bahagi sa libu-libong mga sekta, at wala sa kanila ang nagpaparangal kay Jehova bilang Soberanong Panginoon. Upang magkaroon ng tunay na kapayapaan kailangan na alisin “ang diyos ng sistema ng mga bagay” na ito, si Satanas na Diyablo, at ang kaniyang sistema ng pamamahala; tanging ang Kaharian ni Jehova sa kamay ng Kaniyang Kristo ang makadudurog kay Satanas at sa kaniyang mga gawa.—2 Corinto 4:4.
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang gintong dolyar ng Australia sa “kapayapaan”
Ang 10-shilling na selyo ng Kenya sa “kapayapaan”