“Ibigin ang Iyong Kapuwa”—Ano ang Pinakapraktikal na Paraan?
PAGKA nakita mo ang iyong mga kapuwa-tao na nasa mahigpit na pangangailangan, ano ang iyong nadarama? Halimbawa, pagka nakakita ka ng nagugutom na mga bata, ano ba ang ibig mong gawin? ‘Nahahabag ako,’ sasabihin mo marahil, ‘at ibig kong makatulong.’ Ang napakaraming salapi na iniaabuloy taun-taon sa mga organisasyon ng kawanggawa at mga ahensiya sa pagtulong ang nagpapakita na maraming mga tao ang ganiyan ang damdamin.
Ang gayong mabubuting gawa sa kapakinabangan ng mga taong nangangailangan ay kapuri-puri, lalo na sa liwanag ng tagubilin ni Jesus na ibigin ang ating kapuwa gaya ng ating sarili. (Mateo 19:19) Maraming taimtim na mga tao ang naniniwala na ang pinakapraktikal na paraan ng pagpapakita ng pag-ibig sa kanilang kapuwa ay sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga ospital at paaralan at pagsuporta sa mga ito, pag-aabuloy sa mabubuting proyekto, at pagsasagawa ng iba’t ibang anyo ng panlipunang pagkakawanggawa. ‘Iyan ang kabuuan ng Kristiyanismo,’ marahil ay sasabihin nila, at isususog pa, kung kausap nila ang mga Saksi ni Jehova, ‘tiyak na lalong praktikal iyan kaysa paggugol ng iyong panahon at lakas sa pangangaral sa bahay-bahay ng tungkol sa relihiyon gaya ng ginagawa ninyo.’
Ngunit gayon nga kaya? Paano nga ba natin maiibig ang ating kapuwa sa pinakapraktikal na paraan at sa kaniyang ikabubuti nang panghabang panahon?
Ano ba ang Nagagawa ng Iyong Salapi?
Ang mga nag-iisip mag-abuloy sa mga karapat-dapat na proyekto, ay may dahilan na magtanong: ‘Gaano nga kaya ng aking kontribusyon ang tuwirang pakikinabang ng mga taong nilayong tulungan nito?’ Isang imbistigasyon noong 1978 ng 15 mga pangunahing organisasyon ng kawanggawa sa Pederal na Republika ng Alemanya, halimbawa, ang nagsiwalat na sa panahong iyon ang gastos sa pangangasiwa at gastos sa pamamahagi ang humigop ng mga 42 porsiyento ng kabuuang kita ng mga organisasyong iyon.
Nang ang mga opisyales ng telebisyon ay magsiyasat ng ulat ng naiimpok ng anim na “ampon na mga anak” sa Bolivia, kanilang natuklasan na 6 hanggang 15 porsiyento lamang ng kabuuang abuloy ng kanilang “tagaampong mga magulang” sa Pederal na Republika ng Alemanya ang nakadeposito sa bangko bilang naiimpok ng mga bata. Isang babaing kinatawan ng organisasyon ang nagtatuwa ng bintang na pagdaraya at ipinaliwanag niya na ang mga nagbabalak mag-abuloy ay maliwanag na sinasabihang ang mga bata ay tatanggap ng mga isang-katlo lamang ng kontribusyon ng kanilang “mga magulang.” Ang natitira, pagkatapos na matakpan ang mga gastos sa pangangasiwa, ay gagamitin daw para sa edukasyon at gagastusin sa pagpapagamot.
Kung sa bagay, hayag naman ang ganiyang halimbawa ng pagkakawanggawa na ginasta sa maling paraan. Ito’y totoo rin tungkol sa mga ginagawang pagtulong may kaugnayan sa mga pagkakagutom sa Aprika kamakailan. Sa Ethiopia, ang pulitikal na mga problema ang naging hadlang upang makarating ang karamihan ng pagkain sa mga taong nangangailangan, at kung minsan ang mga donasyong pagkain ay ipinagbibili raw—sa labis-labis na presyo—sa halip na ipamahagi nang walang bayad.
Ang lathalain ni Carl Bakal na Charity U.S.A. ay nagbabala: “Pagka dakila ang layunin, hindi kailanman kinukuwestiyon kung paano ginagasta ang salapi. Hindi ko gustong ang mga tao ay huminto ng pagbibigay. Naisip ko lamang na ang mga tanong ay dapat sagutin sapagkat sila ay nagbibigay na totoong nabubulagan.” Maliwanag, ang pagbibigay nang may kabulagan ay hindi mabuti at hindi nga maituturing na praktikal.
Pagsunod sa Halimbawa na Ipinakita ni Jesus
Mangyari pa, nakalulungkot ang mga bagay na ito subalit ipagmamatuwid ba nito ang pagtangging sumuporta sa gayong karapat-dapat na mga proyekto? Hindi baga si Jesus ay nagpagaling ng mga maysakit at makahimalang pinakain niya ang nagugutom, sa gayo’y nagpakita ng halimbawa para sa mga Kristiyano ngayon?
Totoo nga na si Jesus ay nahabag nang makita niya ang mga taong nasa pangangailangan. Walong teksto sa Bibliya ang bumabanggit nito. Dalawa ang tumutukoy sa pangangailangan ng mga tao ng pagkain (Mateo 15:32; Marcos 8:2), tatlo ang tumutukoy sa kanilang pangangailanga ng pisikal na pagpapagaling (Mateo 14:14; 20:34; Marcos 1:41), at isa ang tumutukoy sa kanilang pangangailangan ng kaaliwan dahil sa pagkamatay ng mga mahal sa buhay. (Lucas 7:13) Subalit ang dalawa pang teksto ay tumutukoy sa isang lalong malaking pangangailangan. Ang Mateo 9:36 ay nagsasabi: “Nang makita ang karamihan ng mga tao ay nahabag siya sa kanila, sapagkat sila’y pinagsasamantalahan at nagsisipangalat na gaya ng mga tupa na walang pastol.” At ang Marcos 6:34 ay nag-uulat: “Kaniyang nakita ang isang lubhang karamihan, ngunit siya’y nahabag sa kanila, sapagkat sila’y gaya ng mga tupa na walang pastol. At siya’y nagsimulang magturo sa kanila ng maraming bagay.”
Sa katunayan, kahit na dahil sa pagkaawa sa mga tao ay naudyukan si Jesus na asikasuhin sila sa pisikal na paraan, siya’y lalong higit na interesado sa pagbibigay sa kanila na espirituwal na tulong na hindi naibigay ng kanilang mga pinunong relihiyoso. (Tingnan ang Mateo, kabanata 23.) Si Jesus ang “mabuting pastol,” na handang isuko “ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.” (Juan 10:11) Dahilan sa ang pangangaral na ito—hindi ang panlipunang pagkakagawanggawa o ang pagtatayo ng mga ospital o pagpapalakad ng mga ahensiya sa pagtulong—ang ginawa niyang pangunahin sa kaniyang buhay, nang bandang huli ay nasabi niya kay Pilato: “Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan.”—Juan 18:37.
Bagama’t binigyan ni Jesus ang kaniyang mga apostol ng katangian na makahimalang magpagaling, ito’y hindi niya binanggit nang magbigay siya ng katapusang mga tagubilin sa kanila bago umakyat sa langit. Sa halip, kaniyang iniutos: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” Maliwanag, kung gayon, ang lalong mahalagang gawain ay “gumawa ng mga alagad . . . bautismuhan sila . . . turuan sila.”—Mateo 28:19, 20.
Kung Bakit ang Pangangaral ay Totoong Praktikal
Ang pangangaral ay praktikal sapagkat ito ay tumutulong sa mga tao na ikapit ang mga simulain ng Bibliya. Ito naman ay tumutulong sa kanila upang maiwasan ang mga problema na maaaring maghatid sa kanila sa karalitaan. Ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya tungkol sa trabaho at sa ating saloobin tungkol sa materyal na mga bagay, halimbawa, ay maaaring tumulong upang maiwasan ang karukhaan. (Kawikaan 10:4; Efeso 4:28; 1 Timoteo 6:6-8) O dili kaya ang pagsunod sa payo ng Bibliya tungkol sa paggamit ng mga droga at pagsunod sa pamantayang asal nito ay maaaring makabuti sa ating kalusugan at magkaroon tayo ng isang lalong maligayang buhay pampamilya.
Kunin halimbawa ang isang 35-anyos na taga-Yugoslavia, na doon nakatira sa Pederal na Republika ng Alemanya, at inamin niya: “Sa edad na 18 o 19 ako’y isa nang alkoholiko. Sa edad na 20 ay umiinom ako ng isang litro ng schnapps at mga isang kahon ng beer [20 bote] maghapon. Makaitlong napaospital ako nang tangkain na ako’y gamutin sa aking bisyo, subalit ang mga doktor ay walang nagawa. Bagama’t ako’y kumikita ng DM1,300 isang buwan, halos wala akong iuwi sa aking pamilya.” Ang sinabi sa kaniya ng mga Saksi ni Jehova nang sila’y nangangaral ang pumukaw ng kaniyang pagnanasa na magkaroon ng isang lalong mainam na kaugnayan sa kaniyang Maylikha. “Sa pamamagitan ng panalangin,” ang sabi pa niya, “nagawa ko ang hindi nagawa ng mga doktor.” Maguguniguni natin ang positibong epekto nito sa kaniyang buhay pampamilya.
Tiyak naman, hindi lulunasan ng pangangaral ang bawat problema. Gayunman ay praktikal pa rin ito dahil sa nagbibigay ng pag-asa. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos bawat problema ay malulutas. Si Jesus ay magsasagawa ng mga himala sa literal na paraan sa lahat ng nabubuhay sa panahong iyon, hindi lamang para sa iilan. Imbis na magbigay ng pansamantalang ginhawa, ang mapapakinabang ay walang hanggan, sa katunayan, magpakailanman. (Tingnan ang Juan 17:3.) Kaya’t ang pagtuturo sa mga tao na manampalataya sa haing pantubos na ibinigay ni Jesus at sa mga paglalaan nito ay magdudulot ng pinakamalaking kabutihan sa bandang huli.
Maraming mga organisasyon ng relihiyon sa Sangkakristiyanuhan ang nakaturo nang may pagmamalaki sa kanilang “mabubuting gawa” na pag-asikaso sa mga maysakit, sa mga dukha, at sa kulang-palad. Ngunit mas lalong mabuti kung ang higit na ibibigay nila’y espirituwal na tulong, gaya ng ginawa ni Jesus. Tulad ng mga lider ng relihiyon noong unang siglo, hindi nila ginawa ang lalong mahalagang bagay. Marahil ay binusog nila ang mga dukha ng literal na pagkain, ngunit ang mga isip at puso ng mga ito ay gutom sa katotohanan. (Tingnan ang Amos 8:11.) Baka sila’y nag-abuloy ng salapi upang tulungan ang mga dukha sa mga bansa, subalit hindi nila ipinangaral “sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa di-malirip na mga kayamanan ng Kristo” o ang tungkol sa gobyerno ng Kaharian ng Diyos. (Efeso 3:8) Baka ang kanilang mga misyonero ay tumulong sa mga bansang maralita upang maging lalong mahusay sa paggamit ng araro, subalit sila’y hindi hinikayat na “pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit.”—Isaias 2:4.
Maging Timbang sa Pag-ibig sa Iyong Kapuwa
Mangyari pa, hindi dahil sa pagbibigay ng espirituwal na tulong ay malilibre na tayo sa pagbibigay ng pisikal na tulong—sa mga indibiduwal man o sa mga grupo—kung kinakailangan ito at kung tayo’y nasa kalagayan na magbigay nito. Dapat nating hangarin na sundin ang halimbawa ng mga sinaunang Kristiyano. (Tingnan ang Gawa 11:27-30.) Sa panahon ng tunay na pangangailangan o sakuna, tayo’y kailangang dagling sumunod sa ipinayo ni Pablo na “magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, at lalung-lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Upang masigurong nagagawa nila ang pinakamalaking kabutihan, karaniwan nang ito’y ginagawa ng mga Saksi ni Jehova batay sa kanilang personal na kakayahan. At yamang ang mga Saksi na tumutulong sa ganiyang mga pagkakawanggawa ay naglilingkod nang walang bayad, hindi na gumagastos sa pamamanihala.
Subalit bagaman sila’y tumutulong sa iba sa pisikal na paraan, ang mga Kristiyano ay hindi kailanman nagpapabaya sa kanilang pangunahing obligasyon, ang pangangaral ng mabuting balita ng natatatag na Kaharian ng Diyos. Sa madaling panahon ang Kahariang iyan ay kikilos upang alisin sa sanlibutan ang lahat ng sakit, karalitaan, at pangangailangan. Anong laking kagantihan ang matulungan mo ang mga tao na magtamo ng buhay sa isang daigdig na kung saan ang salitang “habag” ay hindi na gagamitin. Mayroon pa bang pag-ibig sa kapuwa na lalong praktikal kaysa riyan?