Kung Paano Ko Nadaig ang Aking Mapusok na Ambisyon
Inilahad ni Waikato Gray
ANG pagsisilang sa akin noong Disyembre 2, 1928, ay kapuna-puna. Ako’y ipinanganak na suhi kaya halos gagahibla ang pagkaligtas ng aking buhay at pati ng sa aking ina. Kaya naman, ako’y isinilang na may pilipit na mga paa. Mabuti naman, isang tiyahin sa tuhod ang tumulong sa akin at sa wakas ay naituwid ang mga ito. Yamang ako’y isang Maori sa New Zealand, ang kaniyang naitulong ay naging mahalaga sa aking buhay bilang isang Maori sa New Zealand.
Ang aking ama, si Clark Gray, ay isa sa miyembro ng tribong Ngati-Tuwharetoa Maori at ang aking ina, si Hore Teree, ay galing naman sa tribo ng Ngati-Kahungunu. Sang-ayon sa sinaunang talaangkanan ng Maori, ako’y may mabuting pinagmanahan, yamang inapo ako ng dalawang napakaambisyosong mga puno ng tribo. Ang mapusok na ambisyon ang naging mithiin ko sa buhay.
Napagtagumpayan ang Karalitaan
Ako’y pangatlo sa mga anak ng isang pamilya na may walong anak. Panahon noon ng Malaking Krisis, at dukhang-dukha ang aking mga magulang. Lahat kaming sampu ay naninirahan sa isang bahay na may dalawang kuwarto sa Bay View, malapit sa Napier, North Island, New Zealand. Kami’y nangangahoy sa tabing-dagat at humahakot ng tubig sa isang apat-na-galong (15 L) lata ng gas sa balon ng isang kapitbahay araw-araw ayon sa natatandaan ko pa. Kami’y yapak na naglalakad ng may limang milya (8 km) patungo sa paaralan, sa tag-araw at taglamig.
Ang karalitaang ito ang pumukaw sa akin sa ambisyon na maghanap ng isang lalong magandang kinabukasan—ang makapag-aral at umasenso. Ang paaralan ang dapat pagsimulaan. Samantalang ako’y nag-aaral, ako rin naman ay nakilala sa atletika at sa rugby football. Ako ang naging pangunahing mananakbo sa aming paaralang sekondarya at hindi nagtagal ay naging miyembro ng koponan ng rugby. Sa paaralang iyon, ako’y napabantog bilang kampeon sa rugby at napabalita ako sa palibut-libot ng North Island.
Buhat sa paaralang ito ay nagpatuloy ako sa isang pasanayang kolehiyo ng mga guro sa Wellington at may isang taon din na nag-aral ako sa Victoria University bago makakuha ng isang puwesto sa pagtuturo sa Manutahi District High School. Doon, ako’y napili bilang isang trial player para sa koponan sa rugby ng Maori All Blacks. Ang makasali sa pambansang koponan sa rugby ng New Zealand ang siyang pangarap ng maraming Maoris. Tunay na isang karangalan para sa akin na makasali sa mga larong ito.
Natutupad na noon ang aking ambisyon. Ako’y isang gurong Maori at napatanyag nga ngayon sa paaralan at sa sports. Ang karalitaan ay napawi na—malayung-malayo ito noong ako ay isang bata pang Maori noong 1930’s!
Alam Mo ba ang Pangalan ng Diyos?
Noong ako ay nag-aaral sa kolehiyo, may dahilan ako na mag-alinlangan sa relihiyon. Ako’y lumaki na isang Anglicano. Sa katunayan, minsan ay doon ginagawa sa aming tahanan ang serbisyo ng aming relihiyon. Napaharap ako sa isang tunay na pagsubok nang mamatay ang aking ama. Patuloy na nagtatanong ako sa aking sarili kung bakit nga ba kinuha ng Diyos ang aking ama gayong kailangang-kailangan siya ng aking ina at ng walong mga anak. Para bang hindi makatarungan iyon.
Halos nang panahon ding ito ay nagsimula na ang aking ina ng pagdalo sa mga pag-aaral ng Bibliya na idinaraos ng mga Saksi ni Jehova sa mga ilang kapitbahay namin. Ako’y nagagalit noon. Mayroon na kaming relihiyon, kaya’t bakit pa kailangang makipag-aral siya sa mga Saksing iyon?
Isang araw si Rudolph Rawiri, isang tagaroong Saksi, ay dumalaw sa akin. Ipinasiya kong barahin siya. Subalit ang kaniyang ngiti at magandang inugali ang pumigil sa akin. Siya’y nagtanong ng isang simpleng katanungan, “Alam mo ba ang pangalan ng Diyos?” Ang sagot ko, “Si Jesus.” Inanyayahan niya ako na buklatin ang aking Bibliyang King James sa Awit 83:18. Anong laki ng aking pagtataka! Naroon pala ang pangalan ng Diyos sa aking sariling Bibliya: “Upang maalaman ng mga tao na ikaw, na ang tanging pangalan ay JEHOVA, ang Kataas-taasan sa buong lupa.”
Ako’y humanga. Bakit kaya hindi ipinaalam ng aking relihiyon ang banal na pangalang iyan? Nang malaunan, isa pang Saksing Maori, si Charles Tareha, ang dumalaw sa amin at pinagdausan kami ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya. Nakilala namin ang taginting ng katotohanan ng Bibliya at pinutol namin ang lahat ng kaugnayan sa Simbahan ng Inglatera. Ako’y naging isang bautismadong Saksi noong 1955.
Kung Bakit Nagustuhan Ko ang Katotohanan
Yamang ako’y lumaki na isang Anglicano, bakit nagustuhan ko ang mga turo ng mga Saksi ni Jehova? Sa kanilang pagpapaliwanag ng Salita ng Diyos, ako’y humanga sa pagkasimple at sa pagkamakatuwiran. Kung sa bagay, para sa maraming mga tao ang gayong pagkasimple ay isang hadlang pa nga. Subalit naunawaan ko na ang Bibliya ay may mga pangunahing simulain, mga batas, at mga direktiba para sa anumang problema na maaaring bumangon sa buhay.—Ihambing ang Awit 119.
Ito’y lalo nang totoo sa buhay may asawa. Sa Bibliya, ay nakakita ako ng mga alituntunin para sa isang matagumpay na pagsasama ng mag-asawa. Tinulungan ako nito na makita kung saan ako maaaring humusay pa bilang isang asawang lalaki at ama sa pamamagitan ng pagtanggap ng aking mga responsabilidad. Mangyari pa, ako’y totoong mapalad na makasumpong ng isang mabuting asawa na gaya ni Hinewaka, miyembro ng tribo ng Ngati-Porou East Coast. Kami’y ikinasal noong 1954. Agad niyang tinanggap ang katotohanan ng Bibliya, at kami’y nagkakaisa ng pagkakapit ng mga simulain ng Salita ng Diyos.—Tingnan ang Kawikaan 31:10-31.
Tunay na ako’y lubhang humahanga sa matataas na pamantayang-asal na sinusunod ng mga Saksi. Upang magkaroon ng isang sinang-ayunang katayuan sa harap ni Jehova, kailangang huminto ka sa lahat ng imoralidad—pakikiapid, pangangalunya, pagsisinungaling, pagnanakaw, karahasan, pagpatay, pagkapoot, at pagtatangi ng lahi ay pawang hinahatulan ng Salita ng Diyos. Nasasaksihan ko sa akin at sa mga iba ang napapakinabang sa mabuting pamumuhay. Wala itong masasamang ibinubunga na pagsisisihan.—1 Corinto 6:9, 10.
Nakalaya sa Pamahiin
Ang mga pamahiing Maori ay kaagapay ng pamanang Maori. Kami’y takot na takot sa mga kaluluwa ng mga patay, at ang mga turong Anglicano tungkol sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ay lalo lamang nagpatindi ng aking mga pagkatakot bilang Maori. Subalit, nang makipag-aral na ako ng Bibliya sa mga Saksi, napag-alaman ko na sinabi ni Jesus: “Inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Oo, ang tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos ang nagpalaya sa akin buhat sa pagkaalipin sa mga pamahiing Maori.
Natatandaan ko pa ang isang karanasan tungkol diyan. Namatay noon ang aking lolo, at hindi natapos ang 48 oras ay sumunod namang namatay ang aking lola—dahilan sa isang pusong wasak. Siya’y inihimlay sa sahig ng salas, kasunod ng aking lolo na nasa isang kabaong na. Maraming nakatatandang mga Maoris ang nakatayo sa palibot ng bangkay. Subalit nang ang embalsamador ay humingi ng tulong upang ilagay sa kabaong ang bangkay ng aking lola, silang lahat ay biglang nangawala sa kuwarto! Kung hindi dahil sa aking kaalaman sa katotohanan, marahil ay sumama rin ako sa kanila. Palibhasa’y alam ko na ang mga patay ay natutulog lamang sa kamatayan, hindi ako nag-atubili na tumulong upang ang bangkay ng aking yumaong lola ay mailagay sa kabaong.
Sapol noon, bilang isang ministro ng mga Saksi ni Jehova, marami na akong nagampanang mga serbisyo sa paglilibing at nabigyan ko ng kaaliwan ang marami sa pamamagitan ng simpleng mga turo ng Bibliya tungkol sa mga namatay. Sa palagay ko ang pagiging simple ng paglalahad sa Juan 11:11-44 ay talagang nagbibigay-liwanag sa suliranin. Ang kamatayan ay inihambing ni Jesus sa pagtulog. Wala namang paghihirap, basta isang paghihintay para sa pagkabuhay-muli, na para ngang ang isa’y natutulog.
Isang Pagsubok sa Katapatan
Ang lalong malawak na kaalaman sa Bibliya at sa halimbawa ni Kristo ay nagsimulang ilagay ako sa pagsubok. Taglay ko pa rin noon ang mapusok na ambisyon. Ang karera sa pagtuturo at ang sports ang nagbigay ng lahat na maaaring mithiin ng isa. At ngayon dapat gawin ang isang pagpili alin sa pamumuhay na mapakumbaba, simpleng buhay ng isang Kristiyanong Saksi ni Jehova o ang pagsisikap na ang aking ambisyon ay ipasok sa aking bagong katutuklas na pananampalataya.
Noong 1957 ay napaharap ako sa isang mahirap na disisyon, isang tunay na pagsubok sa aking katapatan sa Diyos. Ako’y binigyan ng atas na magpahayag sa Bibliya sa isang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Lower Hutt. Subalit bilang isang guro, kailangan noon na humiling ako ng isang pantanging pahintulot na makadalo sa kombensiyon. Ako’y hindi binigyan ng pahintulot ng Hawke’s Bay Education Board.
Ako’y napalagay sa alanganin—dapat ko bang pagbigyan ang paaralan at tanggihan ang atas sa akin sa kombensiyon? O isasapanganib ko ba ang aking puwesto sa pagtuturo at dumalo sa kombensiyon nang walang pahintulot? Hindi madali na pasiyahan iyon. Mahal sa akin ang pagtuturo, at ang mga bata at ang mga magulang ay sa akin umaasa. Ang punung-guro ay nakiusap sa akin na huwag umalis sa paaralan. Subalit natatandaan ko ang mga salita ni Jesus: “Sinumang hindi papasan ng kaniyang pahirapang tulos at susunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” (Mateo 10:38) Ako ba’y handang ipagparaya ang isang materyal na pakinabang upang tamuhin ang espirituwal na pagpapala? O ang aking mapusok na ambisyon ang makahahadlang dito?
Aking tinalikdan ang aking ambisyon sa buhay pati ng aking trabaho na natutuhan kong mahalin, ang pagtuturo sa mga bata. Ako’y nakadalo nga sa kombensiyong Kristiyano ngunit nawalan ako ng aking puwesto sa pagtuturo. Gayunman, pagka aking ginugunita ito ay nababatid ko na iyon ang tamang disisyon. Iniwan ko ang pagtuturo sa mga bata, subalit sa wakas ito ang umakay sa akin sa pagtuturo sa mga adulto sa isang larangan na lalong malawak. Upang masuportahan ang aking pamilya, pumasok ako sa trabahong paglilinis at paghahardin. Sa wakas ako ay nakakuha ng pansandaliang trabaho sa opisina at sa talyer, kaya’t nagkaroon ako ng lalong malaking panahon sa ministeryo.
Matinding Pagsubok Tungkol sa Kalusugan
Noong minsan ay dinapuan ako ng malubhang karamdaman. Nang ako’y isang manlalaro, laging pinangangalagaan ko ang aking katawan. Subalit, sa di-inaasahan, ako’y dinapuan ng malubhang sakit—ang tuberkulosis. Ako’y ipinasok sa Waipukurau sanatorium upang pagalingin ang aking sakit. Ang aking bagà ay hindi napagaling ng gamot. Ipinasiya ng doktor na dapat akong operahan upang alisin ang nasa itaas na kaliwang bahagi ng aking bagà. Tumanggi ang seruhano na ako’y operahan nang di sinasalinan ng dugo. Ang mga prinsipyo sa Bibliya ay hindi nagpapahintulot sa akin na salinan ako ng dugo ng iba. (Gawa 15:28, 29) Sinabi ko sa doktor na handa akong tumanggap ng mga panghalili sa dugo kung ito ang gagamitin. Tinanggihan niya iyon. Ang bagay na iyon ay isinangguni ko kay Jehova sa panalangin.
Ipinasiya ng mga doktor na itigil ang lahat ng paggamot. Sa halip, ako’y binigyan ng physical therapy, ang ehersisyong paglalakad sa loob ng dalawang linggo. Pagkatapos niyan ay sinilip ako sa X-ray at pinapunta sa tanggapan ng superintendente upang alamin kung ano ang resulta. Anong laking supresa! “Ang bagà mo ay magaling na. Puede ka nang umuwi,” aniya. Sinagot ang aking panalangin, at umuwi ako sa aking maybahay at sa aking anak.
Kasiyahan sa Paglilingkod, Hindi ang Ambisyon
Habang ako’y sumusulong sa pagkamaygulang bilang isang Saksi, ako naman ay nasiyahan na sa kinakailangang mga bagay sa buhay imbis na maging ambisyoso para sa panlabas na mga palatandaan ng makasanlibutang tagumpay. Sa loob ng 28 taon ako’y naglingkod bilang isang elder sa Wairoa Congregation of Jehovah’s Witnesses. Ang Wairoa ay isang bayan na mayroon lamang 5,000 mamamayan, at may karagdagan pang mga 7,000 sa mga lalawigan. Sa mga ito ang karamihan ay Maori, at tulad ng lahat ng mga bayan sa Polynesia, sila ay palakaibigan, sigi-sige lang sa buhay, at bukas-palad. Ang ganitong ugali ay mahahalata sa aming kongregasyon, na lumago hanggang sa umabot sa 90 aktibong mga mamamahayag ng mabuting balita.
Ang isang pantanging bahagi ng aking ministeryo ay yaong pagtulong sa mga asawang lalaki na di-kapananampalataya. Isa na roon si John McAndrew, isang malakas na maninigarilyo at mang-iinom, na kilala bilang ang pinakamatindi sa bayan. Subalit binago siya ng katotohanan ng Bibliya, at ngayon siya ang punong tagapangasiwa sa Wairoa Congregation.
Ang isa pang di-sumasampalatayang asawang lalaki noon ay si John Salmon, isang negosyante, na lumipat sa Wairoa upang mailayo ang kaniyang maybahay sa mga Saksi. Nang makilala ko siya, siya’y handang makipag-usap tangi lamang kung ang gagamitin ko ay ang Bibliyang King James. Iyon nga ay hindi problema. Ang totoo, iyon ang salin na Bibliya na karaniwan nang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova bago sumapit ang 1950, bago pa unang nalimbag ang New World Translation. Sa gayon, sa pamamagitan ng kaniyang sariling Bibliya, siya ay natulungan na makilala at tanggapin ang katotohanan.
Si Tutura Waihape ay isa pang pambihirang karakter, isang kabataang may-asawang Maori na mayroong tinatanaw na magandang kinabukasan bilang isang manlalaro ng rugby. Nang ako’y magsimulang makipag-aral sa kaniya ng Bibliya, siya ang may pinakamahabang buhok na nakita ko kailanman sa isang lalaki. Habang siya’y sumusulong sa kaalaman kay Jehova at kay Kristo Jesus, nagbago ang kaniyang saloobin. Ang kaniyang pag-ibig sa katotohanan ay lalong mahalaga kaysa pagkatanyag dahil sa kaniyang mahabang buhok, kaya kaniyang ipinaputol iyon. Sa kasalukuyan, siya’y naglilingkod sa kongregasyon bilang isang ministeryal na lingkod.
Ang Buong-Panahong Karera sa Pagtuturo
Noong nakalipas na sampung taon, ako’y isang regular payunir, na ministrong gumugugol ng sa pinakamababa’y 90 oras bawat buwan sa ministeryo. At ang aking maybahay ay isang payunir nang may 15 taon na, at ang aking tatlong anak ay nakalasap din ng kagalakan ng pagpapayunir nang sila’y hindi na nag-aaral.
Bilang tugatog ng aming paglilingkod kay Jehova, kaming mag-asawa’y naglilingkod na sa kasalukuyan kung saan lalong malaki ang pangangailangan sa Niue Island. Ito ay nasa gawing hilaga ng New Zealand, doon sa malawak na Pasipiko. Natuklasan namin na ang maliit na populasyon doon na mga 2,800 katao ay mahilig sa relihiyon, at marami ang may ibig na makipag-usap tungkol sa Bibliya. Samantalang narito, amin ding natulungan ang isang maliit na kongregasyon upang mapahusay na lalo ang kanilang pagkaorganisa.
Ang aking mapusok na ambisyon para umasenso at mapatanyag ay naparam na. Natalos ko na ang pagluwalhati ng mga tao sa Diyos na Jehova ang lalong mahalaga. Gaya ng ipinahayag ni Haring David: “Ibigay ninyo kay Jehova, Oh mga angkan ng mga bayan, ibigay ninyo kay Jehova ang kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian at kalakasan. Ibigay ninyo kay Jehova ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan.” Dito sa aming munting isla ng Niue, iyan nga ang sinisikap naming gawin.—1 Cronica 16:28, 29.
[Larawan sa pahina 12]
Sa tradisyonal na kasuotang Maori